Pagkatapos ng nakakakuryenteng moment sa pagitan nila ni Jack noong prom, akala ni Bhem magiging mas simple na ang lahat. Mali pala. Kasi imbes na magkalinawan, parang lalo lang siyang nalilito. At para mas lalong kumplikado, eto na nga’t pati si Lora—ang isa sa matibay niyang sandalan—ay biglang nagtatampo.
Normal naman sa mag-best friend ang magtampuhan, pero iba ang bigat nito kay Bhem. Si Lora kasi ang unang nakakaalam ng lahat sa buhay niya—pero nitong mga nakaraang araw, unti-unti niyang napansin na hindi na si Lora ang madalas niyang nakakasama at nakakausap.
Napansin niya rin ang mga matalim na sulyap ng kaibigan tuwing makikitang magkasama sila ni Jack. Ang simpleng tampo, unti-unting lumalim.
“Best friend ko nga ba talaga ako sa kanya?” bulong ni Bhem sa sarili habang nakasandal sa isang bench sa campus. Hindi niya rin maitatanggi—napapabayaan nga niya sina Lora at Daphne. Lahat kasi ng atensyon niya, unti-unting napunta sa taong pinakaayaw niya dati.
At ngayon, eto na nga. Ang kondisyon ni Lora—isang buong araw na hindi pwedeng makipag-usap kay Jack. Simple lang dapat, pero sa bawat segundong dumadaan, parang lalo lang siyang nababaliw.
Hindi niya rin masisisi si Lora. Kahit si Bhem, naguguluhan kung anong meron sa kanila ni Jack. Mula sa inisan at bangayan, parang ang daming nangyari nang hindi niya namamalayan. At ngayon, dumating siya sa puntong nahuhuli na niya ang sarili niyang hinahanap-hanap ang presensya ng lalaking dapat ay kinaiinisan niya.
Kaso, may problema. Hindi lang si Bhem ang nahihirapan sa setup na ‘to.
Si Jack mismo, walang balak magpaawat.
Habang umiwas si Bhem, mas lalo namang naghanap ng paraan si Jack para mapansin siya. Sa classroom, sa hallway, kahit sa cafeteria—laging may presence si Jack, laging gumagawa ng eksena para lang mahuli ang atensyon niya. Parang alam na alam niyang may challenge na nagaganap, at sinadya pang gawing mas mahirap para kay Bhem.
"Good morning, girls!" nakangiting bati ni Jack, biglang sumulpot sa harap nina Bhem, Lora at Daphne habang nagmi-merienda sa cafeteria. Parang wala itong pakialam sa tension, at mas lalong walang balak magpaawat.
Nagkatinginan sina Lora at Daphne, parehong nagpipigil ng tawa. Pero si Bhem, todo iwas ng tingin at kunwaring busy sa cellphone niya.
“Grabe naman ang busy mo, Bhem,” malakas na sabi ni Jack, halatang sinadya para marinig ng lahat. “Wala man lang time para sa kaibigan mong poging-pogi.”
“Pwede ba, Jack?” asik ni Bhem, pilit na nagpapakatatag kahit ramdam niyang nanginginig ang kamay niya sa ilalim ng mesa. “Wag mo kong guluhin.”
“Guluhin? Ako? Grabe ka naman,” pabirong sagot ni Jack, pero sa likod ng ngiti niya, may halong seryosong pagtitig. “Eh dati nga, hindi kumpleto araw mo pag di mo ako pinapansin.”
“Baka gusto mong itry ngayon,” sagot ni Bhem, pero kahit siya mismo, hindi sigurado kung kaya niya talagang panindigan ang sinabi niya.
Lumingon si Jack kay Lora, na masyadong tahimik pero halatang nagpipigil ng ngisi. “Lora, ikaw ba nag-utos sa kanya na dedmahin ako?”
“Bakit mo alam?” singit ni Daphne, sabay tawa.
“Obvious naman,” sagot ni Jack, bahagyang umiling. “Pero okay lang. Ganyan talaga—‘pag best friend, mas priority.”
May kung anong kirot sa dibdib ni Bhem nang marinig ang sinabi ni Jack. Hindi niya alam kung sarkastiko o totoo, pero ramdam niyang may tinatago itong disappointment. Hindi siya sanay marinig si Jack na ganun ka-seryoso.
“Excuse me,” sabi ni Bhem, sabay tayo. “Bibili lang ako ng juice.”
Mabilis siyang tumalikod at naglakad palayo, ramdam ang mga matang nakatutok sa kanya—at sigurado siyang isa doon, kay Jack.
Pagdating sa vending machine, sumandal siya sandali, pilit na pinapakalma ang dibdib na parang may marathon. Ano bang problema niya? Bakit siya ganito? Isang araw lang dapat siyang mag-avoid, pero bakit parang torture?
Bago pa niya tuluyang ma-compose ang sarili, naramdaman niya ang presensya sa likod niya. Hindi na siya kailangang lumingon para malaman kung sino ‘yon.
“Bhem,” mahinang tawag ni Jack.
Pumikit siya saglit. Bakit ba kahit simpleng pagtawag niya, may epekto agad? Huminga siya nang malalim bago humarap.
“Ano na naman ba?” pilit niyang pinanatiling matigas ang boses.
“Gusto ko lang malaman…” Seryoso ang tingin ni Jack, na parang first time niyang nakita sa ganun. “Kailangan ba talagang iwasan mo ako… para lang mapatawad ka ng best friend mo?”
Natigilan si Bhem. Hindi niya alam kung paano sasagutin. Hindi niya rin alam kung bakit may bahid ng lungkot sa boses ni Jack—at bakit parang apektado siya.
“Hindi naman sa ganun—”
“Alam mo, okay lang naman eh,” putol ni Jack. “Kung gusto mo, madali lang naman akong iwasan. Pero sana lang, alam mo rin kung bakit ka nahihirapang umiwas.”
Nagtama ang mga mata nila, at doon lang napagtanto ni Bhem na hindi lang siya ang litong-lito sa nangyayari. Pareho silang naguguluhan, pareho silang may nararamdaman—pero parehong hindi pa handang aminin.
At sa likod ng tampuhan, sa gitna ng childish challenges, may isang bagay silang parehong tinatago.
Feelings.
Hindi niya man sabihin nang direkta, pero sa simpleng paraan ng pagtingin ni Jack—mas dumidikit sa puso ni Bhem ang katotohanan.
Ang gusto niyang iwasan, siya rin mismo ang hinahanap-hanap.
Bago pa siya tuluyang matunaw sa titig ni Jack, mabilis siyang naglakad palayo, bitbit ang juice na hindi niya alam kung kailan niya binili.
Pero kahit nakatalikod na siya, ramdam pa rin niya ang mga matang sumusunod sa kanya.
At sa kabila ng tampuhan nila ni Lora at sa halu-halong emosyon na bumabalot sa kanya, isa lang ang sigurado ni Bhem.
Hindi si Jack ang kayang iwasan ng puso niya.
Hindi na.
At ang mas nakakainis? Mukhang alam na ni Jack ‘yon. Dahil narin ata sa pa obvious niyang kilos ,kahit sino naman makakahalata noon ehh, sarili nalang talaga ni Bhem ang niloloko niya.
Kahit ganoon pareho parin silang may gustong sabihin at ipahayag na dikaya sabihin ng bibig nilang dalawa , dahil sa parehong naguguluhan , parehong hindi pa talaga alam ang tunay nilang nararamdaman.
Pero kahit ganon may pride parin SI Bhem , ayaw niyang siya ang maunang umamin .
To be continued.........