Chapter 14 - Low-key Feelings

1045 Words
Simula nang gabing iyon sa prom at sa mga sumunod na araw, may kung anong nagbago sa pagitan namin ni Jack. Hindi siya halata sa mata ng iba, pero ramdam ko. Isang uri ng katahimikan sa pagitan naming dalawa—hindi na yung usual na tahimik dahil wala lang kaming pakialam sa isa’t isa, kundi tahimik na may laman. Parang may mga salitang gustong sabihin pero parehong walang lakas ng loob para bitawan. Araw ng Lunes, at tulad ng nakagawian, kasama ko sina Lora at Daphne sa cafeteria. Nag-uusap sila tungkol sa bagong chismis sa campus—pero kahit nandun ako sa mesa, ang utak ko ay nasa kabilang side ng cafeteria. Doon sa mesa ni Jack at ng tropa niya. Hindi ko rin maintindihan kung bakit parang ang automatic ng mata ko sa paghahanap sa kanya. Parang may sarili nang buhay ang leeg ko sa pagsulyap sa direksyon niya. At kada beses na mahuli ko siyang nakatingin din sa akin, mabilis akong nag-iiwas ng tingin, umaasang hindi niya nahahalata ang pagkalito ko. Pero sino ba’ng niloko ko? Nahahalata niya. Kilala niya ako sa kalokohan ko, pero hindi sa ganitong side. Ni ako, hindi ko kilala ang sarili ko sa ganitong estado. At parang sinadya ng tadhana, bigla siyang umupo sa tabi ko sa cafeteria—walang pasabi, walang paalam. Yung tipong pag-upo niya, para bang natural lang sa kanya, pero sa loob-loob ko, parang nanigas lahat ng ugat ko sa katawan. May sariling presence si Jack—yung tipo ng presence na hindi mo pwedeng basta-basta balewalain. “Bhem,” tawag niya sa pangalan ko, walang hirit, walang pang-aasar. Bihira yun. Halos hindi ko nga maalala kung kailan niya ako tinawag ng pangalan ko nang walang kasamang insulto o biro. At sa simpleng pagtawag niyang ‘yon, alam kong seryoso siya. “Usap tayo,” sabi niya. Simple lang ang mga salitang yun, pero may bigat sa tono. At hindi ko alam kung dahil ba curious ako, concerned, o may iba pang dahilan, pero tumayo ako’t sumama sa kanya nang hindi na nagtanong pa. Dinala niya ako sa isang tahimik na sulok ng campus. Dito, malayo sa ingay ng mga estudyanteng abala sa kanya-kanyang buhay. Dito, kung saan kahit paano, mas madali huminga. Nakatayo lang kami doon, magkaharap, pero halatang hindi niya alam kung paano magsisimula. Nakababa ang tingin niya, nagbubulsa ng kamay, parang nilalabanan ang sarili. At para sa isang gaya ni Jack na sanay magpakita ng tapang at yabang, ibang-iba ang itsura niya ngayon. “Jack,” ako na ang bumasag sa katahimikan. “Tungkol ba ‘to sa pamilya mo?” Nag-angat siya ng tingin, halatang nagulat na alam ko. Pero agad din siyang bumuntong-hininga at tumango nang marahan. Wala siyang sinabi, pero ramdam ko ang bigat sa balikat niya. At sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, gusto kong kunin kahit konti ng bigat na ‘yon. “Alam mo, hindi mo kailangang patunayan ang sarili mo sa kanila,” sabi ko, diretso, walang paligoy-ligoy. “Minsan, kahit anong gawin natin, may mga tao talagang hindi makikita ang halaga natin sa paraang gusto natin. Pero hindi ibig sabihin no’n, wala kang halaga.” Tahimik lang siyang nakikinig, pero ramdam ko ang bigat ng bawat salitang binibitawan ko. Kasi para bang hindi lang para sa kanya ‘yon—para din sa sarili ko. Sa dami ng beses na naramdaman kong hindi ako enough, sa dami ng beses na pinilit kong magpaka-perfect para lang matanggap… alam ko kung gaano kasakit. At kung kaya kong magbigay ng kahit konting comfort sa kanya ngayon, gagawin ko. “Hindi mo kailangang maging perpekto, Jack,” dugtong ko. “Hindi mo kailangang maging ‘tama’ sa paningin ng lahat para lang masabing karapat-dapat ka.” At sa unang pagkakataon, nakita ko siyang ngumiti nang hindi pilit. Hindi yung pang-asar na ngiti na madalas niyang ibato sa’kin. Iba. Parang may pasasalamat, may bahagyang ginhawa. At sa simpleng ngiting ‘yon, parang ako pa ang kinilabutan. “Salamat, Bhem,” sabi niya, mahina pero buo. Parang bihirang-bihira siyang magsabi ng salamat nang ganyan—sincere at walang halong yabang. Pero bago ko pa maramdaman ang kung anong sumisipa sa dibdib ko, bigla siyang lumapit. Hindi ko alam kung anong plano niya, pero sa sobrang lapit niya, ramdam ko ang init ng hininga niya sa noo ko. Mabilis akong umatras, kunwari naiirita. “Ang kapal mo rin, no? Nagbigay lang ako ng advice, feeling close ka na!” biro ko, pilit na tinatago ang kaba sa tawa. Napangiti siya, pero hindi na bumalik ang dati niyang pang-aasar. Sa halip, parang may gustong sabihin ang mga mata niya—pero tulad ko, wala rin siyang lakas ng loob. Bago pa ako tuluyang lamunin ng kung anumang kalituhan ang bumabalot sa pagitan namin, tinalikuran ko siya at naglakad palayo. Pero bago pa ako makalayo nang tuluyan, naramdaman ko ang mahina niyang paghawak sa braso ko. “Bhem,” tawag niya ulit, mas mahina pero mas mabigat. Lumingon ako, at doon ko nakita ang bahagyang alanganin sa mukha niya. Parang may gustong kumawala, pero pilit niyang kinukulong. Parang may gustong ipaalam, pero hindi niya kayang sabihin. “Salamat,” ulit niya. At bumitaw din siya sa braso ko, pero hindi sa pakiramdam ko. Doon lang ako nakahinga nang maluwag, pero hindi rin pala. Kasi habang lumalayo siya, habang pinagmamasdan ko ang likod niyang papalayo, may kung anong naiwan sa dibdib ko. Isang bagay na matagal nang itinatanggi ko, pero mas lalong nagiging malinaw sa bawat segundo. Si Jack Lee. Ang mortal kong kaaway. Ang laging dahilan ng inis at stress ko. Ang kupal na hindi ko matanggal-tanggal sa sistema ko. Ngayon, siya rin ang dahilan kung bakit parang nagkakagulo ang mundo ko. At kung may isang bagay akong sigurado, ito ‘yon— Hindi ko na siya kayang tingnan bilang simpleng kaaway lang. Kasi sa bawat sulyap, sa bawat titig, at sa bawat simpleng paghawak niya sa braso ko, parang unti-unti niyang binubura lahat ng pader na matagal kong itinayo. At ang nakakatakot, baka hindi ko na kayang pigilan. Pero si Bhem Acson ‘to. Hindi pwedeng ako ang unang aamin. Hindi pwedeng ako ang unang matatalo. Kahit na alam kong sa larong ‘to, matagal na akong talo. To be continued........
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD