Isang linggo na ang lumipas mula noong prom—isang gabing hindi ko alam kung gusto ko bang kalimutan o balikan. Simula noon, parang may nabago kay Jack . Ang dating paborito kong asar-talo, parang biglang naging estranghero. Tahimik. Wala na ang pang-aalaska niya sa akin. Wala na rin ang matatalim niyang banat na minsan mas matalas pa sa blade.
At hindi ko maintindihan kung bakit ako naapektuhan.
Normal lang naman dapat. Dati ko na namang pinangarap na maglaho siya sa paningin ko. Pero bakit ngayong parang naglaho nga siya, may kung anong kulang?
“Napansin mo ba si Jack?” tanong ko kay Lora habang naglalakad kami sa hallway.
Napalingon siya sa akin, may pilit na ngisi sa labi. “Aba’t nag-aalala ka sa mortal enemy mo, ah? Ano ‘yan? Namimiss mo?”
“Anong miss?! Pwede ba, tigilan mo ako.”
Pero kahit ako, hindi ko kayang linlangin ang sarili ko. Naghahanap ako. May hinahanap akong wala.
At ‘yon ay siya.
Kaya nang makita ko siyang naglalakad mag-isa—walang tropang kasama, walang bahid ng yabang o kapilyuhan—parang may nagtulak sa akin na lapitan siya.
“Hoy, Jack.”
Hindi siya lumingon.
Parang wala akong kwenta sa paningin niya. Parang hangin lang ako sa harap niya.
At sa hindi ko maintindihang dahilan, hindi ako pumayag.
“Anong problema mo?” tinabihan ko siya, pilit sumasabay sa bawat mabigat niyang hakbang.
“Wala kang pake.”
Malamig. Walang emosyon.
Pero sa kabila ng malamig na sagot, may napansin ako sa mata niya—isang uri ng pagod na hindi pisikal. Parang bigat na ilang taon nang pasan-pasan.
“Rooftop tayo,” bigla kong alok.
Napakunot-noo siya. “Bakit?”
“Wala lang. Libre ang hangin dun. At minsan, mas madaling maglabas ng bigat kapag walang nakikinig.”
Tahimik siyang tumingin sa akin, parang tinatantya kung sinsero ba ako o trip-trip lang. Sa huli, sumama rin siya.
Pagdating sa rooftop, hindi ko maiwasang mapansin ang lungkot sa kilos niya. Para siyang laging may dinadalang hindi kayang bitawan. Umupo siya sa railing, habang ako nama’y nakatayo sa harap niya—nakatukod ang kamay sa bewang, pilit na tinatago ang konting kaba.
“O, ano na? Spill.”
Umiling siya. “Wala ‘to.”
“Jack, obvious masyado.”
Hindi agad siya sumagot. Sa halip, tumingin lang siya sa malayo, sa kalawakan ng langit na tila mas madaling kausap kaysa sa akin.
“It’s my family,” halos bulong niyang sabi.
At sa unang pagkakataon, narinig ko ang boses niya na walang yabang, walang angas. Tunay. Totoo.
“Alam ko,” sabi ko, bahagyang ngumingiti.
Napalingon siya sa akin. “Anong alam mo?”
“Alam ko na kahit kupal ka sa buong mundo, kapag pamilya mo na ang usapan, may lambot ka rin.”
Umiling siya, pilit na ngumiti. “Ang sweet mo naman.”
“Shut up.”
Seryoso ang tingin niya sa malayo. “Ang hirap lang kasi. Alam mo ‘yon? Yung pakiramdam na kahit anong gawin mo, kulang pa rin. Parang lagi silang may hinahanap. Parang kailangan kong maging perpekto sa mata nila.”
Napansin ko kung paano niya nilalaro ang daliri niya—halatang kinakabahan, halatang may takot.
“Perfect?” ulit ko. “Sino bang nagsabing importante ‘yon?”
“Eh paano kung ‘yon ang standard nila?”
Umupo ako sa tabi niya, sumandal sa railing. “Alam mo Jack, ang pamilya, hindi mo responsibilidad na maging perpekto para mahalin ka nila. Trabaho nila ‘yon. Ang mahalin ka, kahit hindi ka perfect.”
Tahimik siya. Pero ang katahimikan niyang ‘yon, mas malakas pa kaysa sa sigaw.
“Kahit pa magkamali ka, kahit pa magkulang ka, dapat tinatanggap ka nila. Kasi pamilya mo sila. Hindi mo kailangang i-earn ang pagmamahal nila. Hindi ‘yon award na pwedeng ipagmalaki. Dapat binibigay ‘yon, walang kondisyon.”
Dahan-dahang gumaan ang mga balikat niya, pero alam kong malayo pa ang proseso. At sa kabila ng lahat, isang bagay lang ang sigurado ko—gusto ko siyang tulungan.
“Salamat,” mahina niyang sabi.
At bago pa ako makapagsalita, hinawakan niya ang kamay ko.
Mainit. Matigas. Pero nakakapanatag.
“Ang lambot pala ng kamay mo,” biro niya, pilit na binabalik ang kulit.
“Yuck, ang corny mo!”
Pero hindi ko tinanggal ang kamay ko.
Siguro, minsan okay lang din.
Nauwi kami sa pagbili ng ice cream—isang simpleng bagay na hindi ko inakalang magagawa namin nang walang asaran.
“Ano sa’yo?” tanong ko habang nakapila.
“Cornetto nalang.”
“Miss, dalawang Cornetto po.”
“Libre mo ako, ha,” may pilit na ngiti sa labi niya.
“Dahil lang sa awa,” balik ko.
Ngunit habang naglalakad kami pabalik sa bench, ramdam ko ang kakaiba. Parang ang gaan-gaan kasama ni Jack ngayon. Parang hindi siya yung lalaking ilang taon ko nang kinaiinisan.
Nag-usap kami nang matagal. Tungkol sa buhay. Sa pangarap. Sa takot. At sa mga bagay na hindi ko akalaing sasabihin niya sa harap ko.
At habang mas nakikilala ko siya, mas lalong lumalalim ang kung anumang nararamdaman ko para sa kanya.
Hindi ko pa kayang pangalanan.
Pero isang bagay ang malinaw—gusto ko siyang maging masaya.
At kung sa kahit anong paraan, ako ang makakapagpasaya sa kanya, gagawin ko.
Jack’s POV:
Ewan ko kung anong pumasok sa kukote nitong si Bhem, pero sobrang thankful ako. Hindi ko akalaing siya pa ‘yung magbibigay ng advice. Siya pa ‘yung magpaparamdam na hindi ako nag-iisa.
Akala ko dati, mortal enemy ko siya. Pero ngayon, hindi ko na sigurado.
Ang sincere niya pala. At hindi ko rin alam kung kailan ko huling naramdaman ‘yung ganitong gaan sa loob.
At isang tanong ang hindi ko mapigilan… may boyfriend kaya siya?
Pero bakit parang wala?
At bakit parang ayoko rin na meron?
Lora’s POV:
Ano ‘to? Anong milagro ‘to?
Si Bhem at si Jack? Magkasama? Walang nagsasakitan?
Ako na mismo ang unang magpapatawag ng presscon kung mauwi ‘to sa totohanan.
Pero sa nakikita ko ngayon, parang hindi imposible.
At sa mundo naming puno ng fake smiles at plastic friendships, nakakagulat makakita ng dalawang taong ganito ka-totoo sa isa’t isa.
Kahit pa dati, magkaaway sila.
Minsan talaga, ang kaaway mo… siya rin pala ang tanging tao na kayang makaunawa sa’yo. Pero tikalang nasa movie ba ako or sa other planet ,namamalik mata ba ako or napuling lang .
Ohhh grabi totoo pala ang nakikita ko mapicturan nga tong scene nato haha .
To be continued........