Chapter 12 - Prom Night

1085 Words
Minsan lang dumadaan sa buhay ng isang estudyante ang prom night — isang gabi ng kasiyahan, ng kinang at ng mga pangarap na tila bang kay dali lang matupad kapag suot mo na ang magarang gown mo at tinatapakan ang sahig na may nakalatag na pulang karpet. Sa isip ng karamihan, ito ang gabi kung kailan maaaring maging prinsesa ang kahit sinong ordinaryong babae — kahit pa yung kagaya kong walang balak dumalo. “Bhem, seryoso ka ba?” Napapailing na tanong ni Lora habang pinipino ang winged eyeliner niya sa harap ng salamin. “Prom night ito, girl! Milestone ‘to sa buhay natin.” Hindi ko alam kung ilang beses ko nang narinig ang linyang ‘yun sa buong linggo. Para bang lahat ng tao sa paligid ko ay may sariling bersyon ng paalala na once in a lifetime lang ang prom. Pero sa akin, isa lang itong gabing puno ng ingay, ng sapilitang ngiti, at ng sapilitang pakikisama — tatlong bagay na wala akong balak gawin. “Wala akong date.” Iyon ang idinahilan ko, pero ang totoo, wala lang talaga akong gana. Ngunit sabi nga nila, may mga bagay na hindi mo planado pero mangyayari. Sa huli, napatayo rin ako sa harap ng salamin — nakabihis, nakagown, at nagpipilit maglakad sa sapatos na mas bagay sa model kesa sa katulad kong mas sanay sa rubber shoes. Pagpasok ko sa venue, halos malula ako sa ganda. Para akong napadpad sa loob ng isang enchanted garden — may fairy lights na nakalambitin sa kisame, may mga bulaklak sa bawat sulok, at may music na malumanay na bumabalot sa buong lugar. Parang hindi prom, parang eksena sa pelikula. “Ang ganda mo, sis!” Bati ni Lora na halos matunaw sa kilig. Ngumiti lang ako. Hindi ko masabi sa kanila na mas kabado ako ngayon kesa sa kahit anong quiz o exam sa buong buhay ko. Kasi kahit anong tanggi ko, alam kong may parte sa akin na umaasang nandito rin siya — ang lalaking pinakamalakas mang-asar sa buong mundo — si Jack Lee. At hindi nga ako nagkamali. Wala pang limang minuto sa venue, nasa harap ko na siya — naka-black tuxedo, matikas, at tila bang lumalakad mula sa isang fashion magazine cover. Kung paano siya nakatingin sa akin, parang alam na niya ang lahat ng pilit kong itinatago. “Akala ko hindi ka pupunta,” nakangising bungad niya. Hindi ko alam kung kakabahan ako o maiinis. “At ano naman pakialam mo?” sagot ko na may halong pagkataranta. “Sayang naman ang prom kung hindi mo susubukang sumayaw.” May kumpiyansa sa boses niya — parang sigurado siyang hindi ko siya matatanggihan. Inilabas niya ang kamay niya, parang eksakto nang inaasahan ko. “May I have this dance?” Sa dami ng mata na nakatingin sa amin, para akong natuka ng ahas. Lora at Daphne sa gilid, parehong kinikilig at pasimpleng tinutulak ako palapit sa kanya. At sa hindi ko rin maintindihan, hinawakan ko ang kamay niya. Sa sumunod na segundo, nasa gitna na kami ng dance floor. Malumanay ang musika, parang sinadya para sa gabing ito. Naramdaman ko ang kamay niya sa bewang ko — mainit, matatag — at ang kamay ko naman sa balikat niya, parang sinasanay ang sarili sa lapit namin. Napalunok ako. “Relax,” bulong niya sa pagitan ng musika. “Hindi kita kakainin.” Sinubukan kong magtaray, pero mahirap magsalita kapag ang puso mo ay parang marching band sa lakas ng t***k. “Ewan ko sa’yo,” sagot ko na pilit pinapatag ang boses. Sa bawat galaw namin, unti-unti kong naramdaman ang kakaibang tension sa pagitan namin. Hindi ito yung tipikal na asaran na nakasanayan ko sa kanya. Iba ito — may kiliti, may init, at may kung anong nakakapanghina ng tuhod. “Hindi ko alam na marunong ka palang sumayaw,” bulong niya, bahagyang nakayuko para marinig ko. “Marami ka pang hindi alam.” Sagot ko, pero halos boses hangin na lang. Nagtagpo ang mga mata namin. At doon ko naramdaman — yung kilig na hindi kayang itago ng kahit gaano katapang na facade. Para kaming nasa sariling mundo — kaming dalawa lang, sa ilalim ng mga kumikislap na ilaw at malamyos na tugtugin. “Gusto mo ako, ‘no?” May halong pang-aasar sa boses niya, pero may bahid ng pang-uusisa sa likod ng biro. Napangiti ako, pero itinago ko iyon sa likod ng isang pag-irap. “Sa panaginip mo lang.” Pero sino ba ang niloloko ko? Habang patuloy kaming sumasayaw, ramdam ko ang bawat dampi ng palad niya sa balat ko. Minsan ko lang maramdaman ang ganitong klaseng kaba — hindi dulot ng takot, kundi dulot ng posibilidad. Na baka, sa kabila ng lahat ng asaran at inisan, may kung anong totoo sa pagitan naming dalawa. Sa gilid ng dance floor, naririnig ko ang bulungan ng ilan. Mga babaeng halatang naiinggit, mga lalaking nagtataka kung paano ko nakuha ang atensyon ni Jack Lee. “Ang cheap ng gown niya,” bulong ng isa. “True, hindi bagay kay Jack.” Ngunit sa sandaling iyon, wala akong pakialam. Kasi ang tingin ni Jack Lee sa akin — parang ako lang ang babaeng naroon. At kahit hindi ko sabihin nang malakas, sa gabing ito, gusto kong maniwalang totoo yun. Naputol ang panaginip nang matapilok ako sa takong ko. “Aray!” Napahawak ako sa braso niya, halos yakapin ko na siya para hindi tuluyang madapa. “Dahan-dahan,” bulong niya. “Kapit lang.” At bago pa ako makatanggi, binuhat niya ako — walang pakialam sa lahat ng matang nakatingin. “Jack, ibaba mo ako!” bulong ko na may halong hiya. “Relax. Ako ang bahala sa’yo.” Dinala niya ako sa dressing room, marahang pinaupo sa sofa. Tumalikod siya saglit, at sa isang segundo, kinabahan ako — iniwan niya ba ako? Pero bumalik siya, may dalang yelo at may pilit na ngiti sa labi. “Para sa paa mo, darling.” Nauntog ata ako sa kilig. Sa unang pagkakataon, narinig ko sa kanya ang salitang ‘darling’ nang walang bahid pang-aasar. Totoo, malambing, at may halong kung anong matagal ko nang tinatago sa sarili ko. At sa gabing ito, sa prom na pilit kong iniiwasan, sa mga matang nanlilibak at mga bibig na nagbubulungan, isang bagay lang ang malinaw — wala akong pakialam sa kanila. Kasi sa gabing ito, ako lang ang hawak ng kamay ni Jack Lee. At baka, ako rin ang hawak ng puso niya. To be continued........
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD