CHAPTER 17: ANG LIHIM NI JACK LEE

1092 Words
Magmula noong araw na napilitan si Bhem na isigaw sa hallway ang pangalan ni Jack Lee, parang unti-unting nag-iba ang ihip ng hangin sa pagitan nilang dalawa. Pero hindi lang iyon ang bumabagabag kay Bhem. Mas lumalim ang kanyang pagdududa simula nang mapansin niyang madalas na nawawala si Jack sa campus nang walang paalam o bakas ng pinagpuntahan. At sa gabing ito, sa hindi niya maintindihang dahilan, narito siya ngayon—nakatayo sa harap ng isang lumang warehouse sa pinakadulong bahagi ng campus. Tahimik ang paligid, tanging malamig na hangin at tunog ng kaluskos ng mga dahon ang maririnig. Nakadikit siya sa pader, pilit pinakakalma ang sariling kaba habang palihim na sinisilip ang loob sa maliit na siwang ng pinto. Sa loob, may tatlong lalaking mukhang hindi estudyante. Matitigas ang mga ekspresyon at tila may pinagtatalunan. At sa gitna nila, naroon si Jack Lee—naka-leather jacket, malayo sa preskong itsura niya sa eskwelahan. Ang Jack na nasa harap niya ngayon ay ibang-iba. Mas matigas, mas malamig, at parang may hinahawakang kapangyarihan sa maliit na silid na iyon. “Siguraduhin niyong walang makakaalam,” malamig na sabi ni Jack. Ang boses na dati’y puno ng pang-aasar at kayabangan, ngayon ay puno ng banta at awtoridad. Walang bahid ng biro o kahit anong kabalbalan. Nanlamig ang kamay ni Bhem. Hindi niya maintindihan—anong klaseng buhay meron ang lalaking ito sa labas ng pagiging studyante? Anong sekreto ang tinatago niya? Isang maling hakbang ang nagdala kay Bhem sa kapahamakan. Natabig niya ang kalawangin at basag na lata ng pintura sa gilid. Sa tunog nito, biglang napatingin ang lahat sa direksyon niya. Kinapos ng hininga si Bhem. Mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Bago pa siya makatakbo, naramdaman na niya ang malakas na kamay na humawak sa braso niya at hinila siya sa gilid ng warehouse. Napatid ang paa niya sa sobrang bilis ng pangyayari at bago pa siya makahinga nang maayos, naramdaman niyang nakasandal na siya sa malamig na pader. Sa harapan niya, si Jack—mata sa mata, masyadong malapit, masyadong matalim ang titig. Walang ibang tunog sa paligid maliban sa mabilis na t***k ng puso ni Bhem at mahinang paghinga ni Jack. Sa sobrang lapit nila, ramdam ni Bhem ang init ng katawan ng binata laban sa lamig ng gabi. “Anong ginagawa mo rito?” mahina ngunit puno ng tensyon ang tanong ni Jack. Isang simpleng tanong, pero sa likod nito ay may halong takot, galit, at pag-aalala. Hindi agad nakasagot si Bhem. Parang nalunok niya ang dila niya. Sa unang pagkakataon, nakita niya ang isang bersyon ni Jack Lee na hindi niya kilala—isang bersyon na hindi niya alam kung matatakot ba siya o mas maiintriga pa. “Alam mo na ba kung sino talaga ako?” sunod na tanong ni Jack, mas malalim ang boses. Hindi niya ito sinagot. Paano nga ba? Paano mo sasagutin ang tanong kung hindi mo rin alam ang sagot? Muli siyang tinapunan ni Jack ng tingin—hindi na ang mapanuksong tingin na nakasanayan ni Bhem. Ito ay tingin ng isang taong matagal nang may binubuhat na lihim. Isang tawag sa cellphone ang pumunit sa tensyon sa pagitan nila. Walang pangalan sa screen, tanging hindi kilalang numero. Agad itong sinagot ni Jack, at habang nakikinig siya sa kabilang linya, unti-unting nag-iba ang ekspresyon niya. Ang bahagyang tensyon sa mukha ay napalitan ng isang malamig na pagkatao—parang biglang nagpalit ng balat ang binata sa harapan niya. “Alam ko na. Ako ang bahala,” sagot ni Jack bago ibinaba ang tawag. Napalunok si Bhem. Pakiramdam niya’y unti-unting pinipiga ang kanyang dibdib. “Bhem,” mahina ngunit matigas ang tono ni Jack. “May mga bagay na mas mabuting hindi mo na lang malaman.” Iyon lang at iniwan na siya ng binata sa dilim. Nakatayo si Bhem sa malamig na hangin, mag-isa, litong-lito sa kung anong klaseng kwento ang pinasok niya. Kinabukasan, ramdam ng buong campus ang pagbabago kay Jack Lee. Ang dating palatawa, mapanukso, at preskong binata, ngayon ay halos hindi nagsasalita. Iwas sa mga tao, laging nag-iisa, at bihira nang magpakita ng kahit anong emosyon. Maging sina Daphne at Lora ay nagtaka sa kakaibang aura nito. Hindi rin alam ni Bhem kung paano siya mag-a-adjust sa bagong Jack na ito. Naiilang siya, pero mas nangingibabaw ang curiosity. Anong klaseng sikreto ang meron ang lalaking ito? Ano ang nag-udyok sa kanyang itago ang isang bahagi ng sarili niya sa lahat? Hindi niya maiwasang mag-isip—kriminal ba si Jack? May kinalaman ba siya sa droga? Sa illegal business? Sa mga underworld deals na naririnig lang niya sa balita? Pero kahit anong duda ang sumiksik sa isip niya, mas matimbang ang isang bagay. Nag-aalala siya para kay Jack. Alam niyang wala siyang karapatan. Alam niyang hanggang ngayon, mortal enemies sila pagdating sa usapan ng inisan at asaran. Pero sa kabila noon, hindi niya mapigilan ang pag-aalala. Hindi dahil curious lang siya. Dahil sa kabila ng lahat, unti-unti na niyang kinukumbinsi ang sarili na baka… baka may halaga na sa kanya ang lalaking tinatawag niyang Mr. Hater. Isang hapon, walang pasabi siyang nilapitan ni Jack sa rooftop ng gusali. Walang lambing, walang biro. Tahimik lang itong tumayo sa harapan niya, habang ang hangin ay tila mas malamig pa sa dati. “Pwede ba tayong mag-usap?” malamig na simula ni Jack. Matalim ang mga mata nito pero sa likod ng tapang, may nakatagong pagod at lungkot. Tumango si Bhem at sumunod sa kanya. Pareho silang tahimik. Ilang minuto ang lumipas bago nagkalakas-loob magsalita si Bhem. “Jack… pasensya na sa nangyari kagabi,” mahina niyang sabi. “Hindi ko naman sinasadya.” Hindi sumagot si Jack. Sa halip, tumingin lang ito sa malayo, parang may iniisip na malalim. “Bakit mo ako sinundan?” tanong nito, diretsong tingin sa kanya. Hindi masungit, pero puno ng bigat ang tinig. “Hindi ko rin alam,” sagot ni Bhem, halos pabulong. “Basta nakita kitang umalis, at… sinundan na lang kita.” Huminga nang malalim si Jack. “Huwag mo na uling gawin ‘yon. Delikado.” Tahimik si Bhem. Alam niyang may tinatago si Jack, pero hindi pa niya alam kung kaya niyang marinig ang buong kwento. Habang bumababa si Jack sa hagdan, iniwan niyang nakatulala si Bhem—naiipit sa pagitan ng curiosity at takot. At sa loob-loob ni Jack, isang bagay lang ang sigurado niya. Hindi niya hahayaang madamay si Bhem sa gulo ng mundo niya. Kahit pa unti-unti na siyang nahuhulog sa gulong siya mismo ang lumikha. To be continued.........
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD