CHAPTER 20 – NEW YEAR’S RESOLUTION

1070 Words
Pagkatapos ng nakakabaliw na gabing puno ng tawanan, pang-aasar, at ilang sandaling halos magkatuluyan na sila sa ilalim ng mistletoe, tahimik na bumalik sa dati ang relasyon nina Bhem at Jack. Walang umaamin, walang umaatras. Parang may nakabiting tanong sa pagitan nila, pero wala ni isa ang may lakas ng loob na sagutin. Hanggang sa dumating ang bagong taon. Sa rooftop ng bahay ni Daphne, nagtipon ulit ang barkada para sa isang simpleng New Year’s celebration. Magaan ang hangin, pero may kung anong lamig na hindi dulot ng simoy ng Disyembre. Kumikinang ang fairy lights sa paligid, at ang halakhak nina Daphne at Lora ay walang patid habang nagkukulitan sa gilid. Si Bhem, tahimik na nakaupo sa outdoor couch, balot sa makapal na coat habang pinagmamasdan ang maliliit na ilaw sa lamesa. Sa kabilang banda ng mesa, nakaupo si Jack — kalmado, walang kibo, pero palaging naroon. Parang laging nasa peripheral vision niya. “Okay, guys! Tradition time!” masayang sigaw ni Daphne, bitbit ang maliit na kahon na puno ng papel at ballpen. “New Year’s Resolution time na!” Bumuntong-hininga si Bhem. Taon-taon nang ginagawa ito, at taon-taon ding wala siyang matinong maisulat. Pero dahil si Daphne ang nag-utos, walang maglalakas-loob na tumanggi. Isa-isang nag-sulat ang bawat isa. Si Lora, panay ang tawa habang nagdodoodle pa sa papel niya. Si Daphne, seryoso kuno, pero alam ni Bhem na puro kabalbalan na naman ang isusulat niyon. At si Jack — tahimik lang na naglagay ng ilang salita sa papel, hindi man lang nagpakita ng emosyon. Pero si Bhem? Saglit siyang natigilan. Ano nga ba ang gusto niya ngayong taon? Career? Love life? Peace of mind? Napatingin siya kay Jack, na sa hindi maipaliwanag na dahilan, laging naroon sa bawat naiisip niyang plano. Kahit ilang beses niyang idenay, hindi niya kayang itanggi sa sarili na unti-unti na siyang hinahatak ng presensya nito — ng inis, ng asar, at ng kakaibang kilig na pilit niyang nilalabanan. Nagsulat siya. Isang simpleng pangarap. Isang bagay na dati, hindi niya aaminin kahit sa sarili niya. Pagkatapos ng pagsusulat, isa-isang binasa ni Daphne ang resolutions nila. Puro katatawanan, puro pang-aasar. Hanggang sa dumating sa huling papel — isang resolusyon na tahimik na nagpatigil sa lahat. “Kunin ang gusto ko, kahit anong mangyari.” Hindi alam ni Bhem kung bakit, pero parang may bigat ang bawat salitang iyon. Diretso. Walang paligoy-ligoy. “Parang ang seryoso niyan ah,” biro ni Lora, pero may kilig sa tinig. Walang umamin kung sino ang sumulat. Pero nang sandaling tumama ang mata ni Bhem kay Jack, alam niyang hindi na kailangan ng kumpirmasyon. Pag-akyat sa rooftop railing para abangan ang fireworks, halos sabay naglakad sina Bhem at Jack. Walang usap. Walang harapang tinginan. Pero nang maramdaman ni Jack ang bahagyang panginginig sa balikat ni Bhem dahil sa lamig, walang sabi-sabing inabot nito ang jacket niya at ipinatong sa balikat ng dalaga. Hindi siya tumanggi. Hindi rin siya nagsalita. Pero sa bawat segundo ng katahimikan, parang may hinuhubog ang hangin sa pagitan nila — isang bagay na mas malakas pa sa tunog ng paputok. At bago tuluyang sumabog ang unang fireworks sa kalangitan, lumapit si Jack sa kanya. Hindi nagbiro. Hindi nang-asar. Sa halip, bumulong lang ito. “New Year, new habits. Isa sa resolutions ko — alagaan ka.” Isang simpleng linya, pero parang sumabog ang buong sistema ni Bhem. Ilang beses na siyang nakarinig ng cheesy lines, pero iba ang kay Jack. Iba dahil totoo. Iba dahil siya ang nagsabi. Pagbalik niya sa kwarto kinabukasan, naramdaman agad ni Bhem ang lamig ng umaga, pero mas malamig ang pakiramdam sa loob niya — hindi dahil sa panahon, kundi dahil sa tila unti-unting pagbabago sa pagitan nila ni Jack Lee. Pag-upo niya sa gilid ng kama, saka lang niya napansin ang jacket na nakasabit sa silya. Ang itim na hoodie na kaninang madaling araw lang, siya mismo ang pinagkalooban ni Jack. Isang bagay na noon, kahit sa panaginip, hindi niya naisip na mangyayari. Kinuha niya iyon, marahang hinaplos ang tela na parang may bumabalik na memorya sa bawat himulmol nito. Ang amoy ni Jack — malinis, presko, at may kaunting pamilyar na mint scent — sumalubong sa ilong niya, dahilan para mapapikit siya sandali. Parang sinasampal siya ng katotohanang kahit anong tanggi niya, may kung anong kiliti at kilig na bumabalot sa dibdib niya. Habang ginagalaw ang jacket, may naramdaman siyang maliit na bagay sa bulsa. Inabot niya iyon — isang maliit na papel, galing kay Jack. Maayos ang sulat-kamay nito. Hindi minadali, hindi bara-bara, at bawat letra ay parang pinag-isipan nang mabuti. Isang linya lang ang naroon, pero sapat na para itumba ang buong sistema niya. “May isa pa akong New Year’s resolution… ang gawin kang akin.” Natulala si Bhem. Ilang beses niyang binasa ang mga salita, paulit-ulit, pero pakiramdam niya hindi niya pa rin lubos na nauunawaan. Si Jack Lee. Ang mortal niyang kaaway. Ang lalaki na ilang taon niyang kinaiinisan at kinaaasaran. Ang lalaking paulit-ulit siyang tinutukso, inaasar, pinapahiya. Ngayon… gusto siyang maging kanya? Napahawak siya sa dibdib niya, ramdam ang bilis ng t***k ng puso niya. Para siyang teenager na unang beses na-inlove, pero sa edad niyang ganito, hindi na siya inosente sa pakiramdam ng infatuation. Alam niyang iba ‘to. Iba ang kilig. Iba ang takot. Iba ang kaba. Bakit siya? Bakit ngayon? At bakit parang sa kabila ng lahat ng tanong, ang tanging gusto niyang gawin ay ngumiti — at hayaang matupad ang resolusyon ni Jack? Umiling siya, pilit pinapakalma ang sarili. Hindi pwedeng ganito. Hindi pwedeng bumigay siya agad. Pero tangina, paano mo lalabanan ang isang Jack Lee na seryoso at marunong sumulat ng mga linyang kayang gibain ang matagal mo nang itinayong pader? Hinagis niya ang sarili sa kama, itinakip ang unan sa mukha at napasigaw sa sobrang frustration — at kilig. “AAAAAAHHHHHHHH!” Ito na ba ‘yun? Ang simula ng katapusan ng pagiging mortal enemies nila? O simula lang ng mas magulong yugto sa pagitan nila? Ni hindi niya alam kung handa na ba siya sa sagot. Pero ang sigurado niya lang — sa bawat t***k ng puso niya habang binabasa ang sulat ni Jack, unti-unti na siyang bumibigay sa isang bagay na matagal na niyang itinatanggi. At sa unang pagkakataon sa buong buhay niya, natutunan ni Bhem kung ano ang pakiramdam ng ganap na hindi sigurado — at ng buo at matinding kilig. To be continued........
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD