Napangisi si Evan. Ang dating easy-go-lucky niyang kaibigan ay mukhang nagsipag na dahil pamilyado na. Para bang nainggit siya bigla rito. Sa edad na twenty six ay magiging tatay na samantalang siya ay mukhang maghihintay pa siya ng ilang taon. “Okay yan. Balita ko, malaki raw ang kitaan sa ganyang trabaho.”
“Sipag at tiyaga din, Pre. Umulan, umaraw, go lang palagi,” sagot ni Melchor.
Tumango si Evan at tinapik ang balikat ng kaibigan. “Malaki talaga ang ipinagbago mo. Si Trevor pala? Nasaan ba ang kolokoy na yun?”
Natigilan si Melchor. “Bakit? Di mo ba alam?”
Natigilan din si Evan. “Na ano? Bakit?”
Napakamot sa ulo si Melchor. “Na kuwan. Teka, saan ba tayo pwede mag-usap.” Nagpalinga-linga si Melchor at hinila sa isang gilid ang binata. “Nag-asawa na rin si Trevor.”
Nagulat at pagkatapos ay tumawa si Evan. “Bakit hindi ko nabalitaan? Masikreto na ang kolokoy na yun ah.”
“Si Pamela ang napangasawa niya, Pre.”
Sandaling tumigil sa paghinga si Evan. Galit ang kanyang unang naramdaman. “Ayoko ng kanyang biro, Melchor.”
Napakamot uli sa ulo si Melchor. “Evan, totoo. Akala ko alam mo na.”
“Tarantadong Trevor yun ah. Bakit nila ginawa sa akin ito?” Hindi malaman ni Evan ang gagawin. Parang gusto niyang sumigaw at manuntok ng tao sa oras na iyon.
“Pards, wala rin akong alam kung bakit nagkaganun. Basta nalaman ko na lang kay Trevor na magpapakasal na siya kasi buntis na si Pamela.”
Namumula sa galit si Evan at mahigpit na ikinuyom ang kanyang mga palad. Parang sasabog ang dibdib niya. Ang tagal niyang iningatan si Pamela pagkatapos ay mabubuntis lang kay Trevor. “Magtutuos kami ng hayup na yun.”
Inakbayan ni Melchor ang kaibigan. “Pards… alam ko… masakit sa’yo ang nangyari... pero siguro… mas maganda kung mag-usap kayo ng maayos ni Trevor.”
Hindi masagot ni Evan ang kaibigan dahil ang gusto niya ay sapakin si Trevor sa mga oras na iyon. Humugot siya ng malalim na hininga. “Dadalawin ko muna si Inay. Sige, Melchor.” Laglag ang balikat na lumakad papalayo ang binata.
Pagdating ni Evan sa hospital ay agad siyang sinalubong ng yakap ng dalawa niyang kapatid. Nilapitan at niyakap siya rin ang kanyang ina. Nagdurugo man ang puso dahil sa pagdaramdam ay pilit niyang pinasaya ang mukha alang-alang sa kanyang ina. “Nay, kumusta na ang pakiramdam mo?”
Maluha-luha si Marcia. Isang taon niyang hindi nakita ang kanyang panganay. “Evan, na-miss kita ng husto.” Pagkawika ay malungkot na tumingin si Marcia sa anak. “Alam mo na ba?”
Nahulaan ni Evan ang sasabihin ng kanyang ina. Tumigas ang kanyang panga. “Ang tungkol kina Trevor at Pamela?”
Tumango si Marcia. “Anak, wag ka ng magalit kay Pamela. May dahilan siguro kung bakit nangyari ang mga nangyari,” malumanay na wika ni Marcia.
“Nay, wag na muna nating pag-usapan ang tungkol diyan.” Ayaw ni Evan na ma-stress pa ang kanyang ina at ayaw rin niyang isipin ang kataksilan ni Pamela dahil bumibigat lamang ang kalooban niya. Pinilit niyang maging maaliwalas ang kanyang mukha.
“Kuya, mas pumuti ka pa,” puna ni Isay.
“Oo nga. Nagmukha tuloy akong negneg sa inyong dalawa,” sang-ayon naman ni Cholo matapos idikit ang kanyang braso sa kapatid.
Natawa si Evan. Mas maitim si Cholo dahil nagmana ito sa kulay ng ama nito. “Hindi naman masyado. Siyanga pala, may pasalubong ako sa inyo. Kaunti nga lang kasi alam n’yo na. Mas importante si Nanay.”
“Naku, okay pa naman ako,” agad na wika ni Marcia.
“Naku, si Nanay. Lagi ka na lang okay kahit hindi,” saway ni Evan sa ina. Ganoon naman ang kanyang ina, laging mabuti ang pakiramdam kahit hindi na. Kahit nakakairita na ang katamaran ng kanyang step-father ay hindi pa rin niya narinig ang ina na nakipagsigawan sa batugan na asawa. Masyadong matiisin ang kanyang ina.
“Mabuti pa, Evan. Umuwi ka na muna at magpahinga,” wika ni Marcia.
“Ay grabe si Nanay. Itinataboy na agad ako.” Nagkunwaring nagtatampo ang binata sa ina. Niyakap niya ito, nakangiti siya pero ang totoo ay nagdurugo ang puso niya dahil kina Pamela at Trevor.
“Oo nga, Kuya. Kami na muna ni Isay dito. Saka pupunta naman dito si Tatay,” wika naman ni Cholo.
Sumang-ayon naman ang binata. Umuwi muna siya at gusto niyang ipahinga ang kanyang pagal na katawan at isip at ang duguang puso. Inabutan na siya ng traffic sa daan at gabi na siya ng dumating ng bahay. Pagdating niya sa kanilang bahay ay nadatnan niya ang kanyang step-father na nakahiga sa mahabang upuan sa sala at humihilik sa sarap ng tulog. Napa-iling na lamang siya at huminga ng malalim. Malapit na yata siyang maubusan ng pasensiya.
Katulad ng dinatnan niya kanina. Walang sinaing na kanin, walang ulam at kahit ang pinagkainan ay nasa lababo pa rin at hindi pa nahuhugasan. Lumabas uli ang binata para bumili ng pagkain. Pagkatapos niyang kumain ay naghugas pa siya ng mga pinagkainan at nagwalis sa maalikabok ng bahay. At ng makaligo siya ay pumasok na siya ng kuwarto, nahiga siya sa papag at inabala ang sarili sa cellphone. Wala na sa kanyang friends’ list sina Trevor at Pamela. Nag-deactivate ba ang mga ito o blocked na siya? Bumuga ng hangin si Evan. Isasantabi muna niya ang planong makipag-tuos kay Trevor dahil kailangan siya ng nanay niya. Ipinikit na niya ang kanyang mga mata at sa wakas ay nakatulog na rin siya.
Kinabukasan ay bumalik si Evan sa hospital para alamin ang kalagayan ng ina.
“Mr. Regala, may bara na ang isa sa mga coronary arteries ng iyong ina. Kailangan siyang mag-undergo ng coronary artery bypass surgery sa lalong madaling panahon.”
Napahugot ng malalim na hininga si Evan, Alam niyang mahal ang gastos sa ganoong operasyon. Kahit humingi pa siya ng tulong sa mga charitable institution ay hindi pa rin sasapat sa gastos ng isang major heart surgery. “Doc, magkano po kaya ang magagastos?”
“Maghanda ka ng dalawang milyon,” sagot ng doctor.
Tumango si Evan pero ang totoo ay wala pa siyang ideya kung saan siya kukuha ng pera. “Gaano po katagal ang ilalagi ni Inay dito sa hospital kapag natuloy ang operasyon?” Naisip niyang itanong dahil araw-araw ay may bayad ang kuwarto kahit pa nga ward pa ito.
“Two to three months,” sagot uli ng doctor.
Kahit hindi na gumamit ng calculator o ballpen at papel ay alam ni Evan na maliban sa dalawang milyon ay kailangan niya ng extra na pera para sa araw-araw na gastusin ng kanyang ina habang nagpapagaling ito. Idagdag pa ang mga pangangailangan ng kanyang mga kapatid. “Pipilitin ko po na makagawa ng paraan sa lalong madaling panahon,” malungkot niyang wika.