Liwayway “Sa wakas naman ay dumating ka rin!” nakangiting wika ko kay Witwit. Nakasuot siya ng sandong asul na may printed na Captain America at lukot na short. Napansin kong naka-sapatos pa siya ngunit ito ay mahahalata mong luma na. “Bagay ba sa akin ang suot kong damit at short, ate Liwayway? Sorry na at naghintay ka pa rito, tinulungan ko po kasi si kuya kanina na kumuha ng mga kalakal sa track,” paliwanag nito, kahit hindi ko naman hinihingi ang dahilan niya. Hindi ko na pinansin pa ang dahilan niya dahil naintindihan ko naman ang sitwasyon niya. “Oo, bagay na bagay nga! Ang guwapo mo e, at syaka bagong gupit ka pa!” Ngayon ko lang napansin na bagong tabas ang kan’yang buhok. Mas lalong lumabas ang pagiging guwapo ng batang ito.

