Nang araw na iyon ay
katatapos lamang ng libing ng ama nina Jenny at unti-unti nang nagsiuwian ang mga taong nakiramay hanggang sa tuluyang maiwan ang magkakamag-anak.
At sa harap ng bagong puntod ng kanilang ama ay nanatiling nakatayo ang magkakapatid habang hindi mapigilan ang kanilang mga luha.
Si Jenny ang panganay sa tatlo. Mahigpit niyang hinawakan sa kamay ang nakababatang kapatid niyang si Junjun. At ang isang kapatid na si Maribel naman ay nasa kaliwang tabi niya.
Sabay silang humihikbi habang nakatingin sa puntod ng kanilang ama dahil sa maagang pag-iwan nito sa kanila.
"Itay..." basag ang boses ni Jenny.
"Uuwi na po ba tayo, ate?" Tanong ni Maribel.
Hindi agad nakasagot si Jenny sa kanyang kapatid na babae.
Hindi siya makapagsalita dahil gulong-gulo ang isip niya ng mga sandaling iyon.
Nasa labing-anim pa lamang siya, ngunit sa sandaling iyon ay pakiramdam niya ay biglang napakabigat ng mundong pasan niya. Lumuhod si Jenny sa harap ng puntod at tuluyang napahagulhol.
"Itay... Bakit mo naman kami iniwan... Sana masamang panaginip lang po ito." Sabi niya.
Napayakap si Junjun sa ate niyang si Jenny at pareho silang umiiyak.
Hindi na rin napigilan ni Maribel ang kanyang sarili. Lumuhod rin siya sa tabi ng dalawang kapatid habang umiiyak.
"Umuwi na po tayo, ate... Naghihintay na po si inay." sabi ni Maribel habang pinipigilan ang sariling paghikbi.
Pinahid ni Jenny ang kanyang mga luha. At
bago pa sila tuluyang makatayo ay narinig nila ang kanilang ina.
"Mga anak... Hali na kayo, uuwi na tayo." Sabi ng ina nila.
Napatingin silang tatlo sa kanilang ina. Namumugto ang mga mata nito at bakas sa mukha ang matinding pagod.
____
Pagdating nila sa bahay ay doon si Jenny kinausap ng maayos ng kanilang ina.
"Jenny, Maghahanap muna ako ng trabaho," sabi nito.
Natigilan naman siya.
"Pero paano po kami, nay? Wala na po si itay tapos aalis ka rin?" Naiyak muli si Jenny.
"Kaya nga aalis ako dahil wala na ang itay niyo at kailangan kong kumita para sa inyong tatlo, anak." Sagot naman nito.
Nanlaki ang mga mata ni Maribel.
"Nay, saan po kayo pupunta?"
"Kailangan kong lumuwas ng Maynila, nagkausap kami kanina ng kaibigan ko, may trabaho agad doon na naghihintay sa akin mga anak."
Lumapit ang kanilang ina at isa-isang niyakap ang tatlong magkakapatid.
Mahigpit na yakap na
para bang ayaw na nitong bumitaw.
"Magiging okay din ang lahat," pilit nitong sabi kahit nangingilid na naman ang luha.
"Maghintay lang kayo sa akin. Magpapadala agad ako para sa inyo. Ikaw, Jenny, alagaan mo ng mabuti ang mga kapatid mo." Ani Aling Lora sa panganay na anak.
"Nay, huwag po kayong umalis..." umiiyak na pakiusap ni Junjun.
Lalong napahigpit ang yakap ng kanilang ina, mahirap man pero kailangan nitong umalis dahil wala na silang ibang pagkukunan ng pera.
At dahil wala na ang kanilang ama, kailangan nitong maghanap ng trabaho kahit saan pa iyon.
Tahimik si Jenny habang patuloy sa pag-iyak. Mas lalong bumigat ang kanilang pakiramdam na magkapatid sa desisyon ng kanilang ina na magtrabaho sa Maynila para sa kanila.
_____
Pagsapit ng araw ng pag-alis ng kanilang ina ay maaga pa lamang ay gising na ang magkakapatid.
Tahimik ang buong bahay at nakakalat sa isang maliit na bag ang ilang damit ni Aling Lora. Hindi naman ito maraming dala dahil wala rin siyang gaanong gamit na maipagmamalaki.
Ilang damit, kaunting gamit sa sarili at ilang mahahalagang bagay lamang ang inilagay niya sa bag.
Habang inaayos niya ang mga iyon, tahimik lamang na nakaupo sa isang tabi si Jenny.
Hindi niya maiwasang titigan ang kanilang ina at alam niyang kailangan nitong umalis.
Alam niyang ginagawa lamang nito iyon para sa kanilang magkakapatid.
Pero kahit anong pilit niyang intindihin, hindi niya pa rin kayang pigilan ang takot na nararamdaman niya na silang tatlo na lang magkakapatid sa bahay.
Paano kung matagal bago makabalik ang kanilang ina? Paano kung hindi nito makayanan ang trabaho sa Maynila?
At higit sa lahat, paano kung may mangyari rito habang silang magkakapatid lamang ang maiiwan?
Napalingon si Aling Lora sa tatlo niyang anak.
"Mga anak, aalis na ako. Ihahatid ninyo muna ako sa labas para maghintay ng sasakyan at baka handa na rin si Mareng Chona." Sabi ng kanilang ina.
Agad na tumayo si Jenny at tahimik namang sumunod sina Maribel at Junjun.
Paglabas nila ng bahay, dala ni Aling Lora ang kanyang maliit na bag. Ngunit ilang hakbang pa lamang ang kanilang nalalakad ay biglang humawak si Junjun sa laylayan ng damit ng kanilang ina.
"Nay..."
Napatingin si Aling Lora sa kanya.
"Ano iyon, anak?"
"Huwag na po kayong umalis." Tila nagmamakiusap na sabi ng bunso.
Nanginginig ang maliit na boses ni Junjun at nangilid na ang mga luha ng bata.
Napayuko si Aling Lora at hinaplos ang buhok nito.
"Kailangan kong magtrabaho, anak."
"Pwede naman po akong hindi kumain..." mabilis na sabi ni Junjun habang humihikbi.
"Huwag na lang po kayong umalis." Patuloy na pakiusap ng bata.
Parang nadurog ang puso ni Aling Lora. At pati si Jenny ay umiwas ng tingin habang naiyak na rin.
"Junjun..." Yumakap si Aling Lord sa bunsong anak.
"Mareng Lora! Halika na!" Biglang tawag ni Aling Chona sa kanilang ina.
Napalingon naman silang lahat rito. Handa na rin ito at may paparating na ring traysikel.
Napayuko muli si Aling Lora sa maliit na anak.
"Anak, aalis na si mama ha? Mag-iingat kayo rito. Jenny, Ingatan mo at huwag mong pabayaan ang mga kapatid mo." Tumulo ang luhang paalam ng kanilang ina.
Ngunit lalo lamang humagulgol ang batang si Junjun.
"Nay! Huwag po!" Iyak at sigaw ng bata.
Napatingin si Jenny sa ina at bunsong kapatid. Kasabay nang
muling pagpatak ng kanyang mga luha.
Hindi niya alam kung paano niya pipigilan ang kanyang kapatid.
Dahil sa totoo lang, pareho lamang sila ng nararamdaman.
Ayaw rin niyang umalis ang kanilang ina.
Ngunit wala silang pagpipilian.
"Nay..." umiiyak na rin si Maribel habang nakatayo sa tabi ni Jenny.
"Kailan po kayo babalik?"
"Kapag may sapat na akong kinita para sa inyo, uuwi agad ako."
Pinilit ngumiti ni Aling Lora kahit nanginginig na ang kanyang mga labi.
"Mag-aaral kayong mabuti, magpapadala agad ako sa inyo mga anak. Ingatan niyo ang mga sarili niyo."
Ngunit hindi na nakasagot si Jenny at Maribel at patuloy lamang silang umiiyak.
Samantala, lalong humigpit ang pagkakayakap ni Junjun sa kanilang ina.
"Nay, sasama po ako sa inyo!" Malakas na sigaw ng bata.
"Hindi maaari, anak."
"Isasama ninyo na lang po ako!"
"Hindi maaari, Junjun dahil trabaho ang pupuntahan ko." Sabi ng ina nila na umiiyak na rin ng todo.
Umiling si Junjun habang tuluy-tuloy ang luha.
"Ayoko po, nay!"
Muling yumakap si Aling Lora sa bunsong anak.
"Magiging mabait ka kay Ate Jenny, ha? At kay ate Maribel."
Ngunit hindi na ito nakinig. Iyak pa rin ito ng iyak habang sumisigaw.
"Nay!"
Nang tuluyang kumawala si Aling Lora sa yakap ng anak ay mabillis na siyang tumungo sa naghihintay na traysikel.
Ngunit nang tuluyan siyang sumakay ay mas lalo pang sumigaw ang bata.
"NAY!"
Mabilis itong tatakbo sana papunta sa kanilang ina ngunit agad itong hinawakan ni Jenny.
"Junjun!"
"Nay! Nay! Ayoko po!"
Piglas ng bata habang umiiyak.
Yumuko si Jenny upang buhatin ang kanyang bunsong kapatid.
"Halika na."
Binuhat niya si Junjun at isinandal ito sa kanyang dibdib.
Ngunit patuloy pa rin sa pag-iyak ang bata.
"Nanay!!"
Mahigpit na niyakap ni Jenny ang kapatid habang pilit na pinipigilan ang sarili niyang paghikbi.
"Uuwi rin si inay.
Uuwi rin siya, Junjun." Iyak na sabi ni Jenny sa kapatid.
Pero habang sinasabi niya iyon, siya man ay hindi sigurado kung kailan talaga babalik ang kanilang ina.
Sa tabi nila ay tahimik rin na humahagulhol si Maribel. Pinupunasan nito ang sariling mga mata gamit ang laylayan ng damit.
"Ate..."
Napatingin si Jenny sa kapatid.
"Nakakalungkot po." Sabi ni Maribel.
Hindi na nakasagot si Jenny at sa halip, iniabot niya ang isang kamay kay Maribel habang karga pa rin si Junjun. Lumapit si Maribel at mahigpit na humawak sa kanyang kamay.
Naiwan sila sa tabi ng kalsada habang pinagmasdan ang papalayong traysikel na sinakyan ng kanilang ina.
Si Junjun ay umiiyak sa balikat ni Jenny at si Maribel naman ay patuloy at tahimik na humihikbi sa kanyang tabi.
Doon napagtanto ni Jenny na mula sa araw na iyon, silang tatlo na lamang ang magtutulungan upang mabuhay sa kanilang maliit na tahanan.”
Sa murang edad niyang labing-anim ay wala na siyang ibang pagpipilian, kailangan niyang maging responsible sa kanyang dalawang kapatid na alagaan at huwag pabayaan ang mga ito.