NANG mga sumunod na araw ay mas pinagtuunan ng pansin ni Penelope ang pag-aasikaso sa mga kaibigan niya. Hinayaan niya kay Phillip ang puwesto sa palengke. Mahusay rin naman ang kapatid niya sa pagpapalakad ng negosyo. Ginagabayan din ito ng kanilang ama sa malalaking transaksiyon. Sumama si Penelope nang magsimba uli sina Jace at Phylbert sa Manaoag. Nagpasalamat ang dalawa sa kaligayahang tinatamasa. Taimtim namang hiniling ni Penelope sa birhen na sana ay maging maligaya rin sila ni Joaquin katulad nina Phylbert at Jace. Sana ay biyayaan siya ng langit ng munting himala. Sana ay buksan uli ni Joaquin ang puso nito sa kanya. Mula nang dumating naman ang magkasintahan ay bihira na niyang makitang ngumiti si Joaquin. Tila pirmi na ang simangot sa mukha. Nawawala lang ang simangot kapag

