Umiikot ang aking paningin nang magising ako na nakalubog sa malamig na tubig.
Malamang ay nasa bahay na ako ni Lola Gloria.
Umahon ako at nagpupuyos na lumabas ng paliguan. Gumigewnag-gewang pa ako dahil sa epekto ng matinding sakit ng ulo.
“Gl—Gloria!” tawag ko sa matanda.
Paglabas ko sa may sala, napagtanto ko na malabo pa ang aking paningin.
Kaya halos mamikit na ako sa pagsipat sa buong bahay.
“GLORIA!!!”
Pinilit kong magpunta sa kusina, pero wala ito. Sa garden, wala rin. Halos gapangin ko na paakyat ng kwarto nito pero wala talaga.
Teka, bakit may second floor?
Muli kong ibinalik ang tingin ko sa ibabang bahagi ng bahay at napagtanto na nasa ibang bahay ako.
“Model 43!”
Natigilan ako sa pamilyar na boses at nang lingunin ko sa kung saan nanggaling ang boses ay nakita si William.
Pero sa pagkakataong ito ay hindi ako masaya na makita ito.
Luminga-linga ako at nakita ang bag na may laman ng gamit sa pag golf.
Gigewang-gewang akong kumuha ng metal na ginagamit sa pagpalo sa golf saka sumugod kay William.
“Napakasama niyo!” sabi ko sa pilit na boses na dahil gaano ko man kagustong magalit ay hindi ko magawa.
“Tumigil ka na. Sariwa pa ang sugat mo!” giit ni William habang umiiwas sa mga paghampas ko.
“Wala kang pakialam! Ilabas mo si Gloria!”
“Wala dito si Lola, malayo na tayo sa kaniya,”
Natigilan ako, “Anong ibig mong sabihin?”
“Nakalabas na tayo, Model 43. Kabilang na tayo sa sampong prototypes na ilalabas bukas na gabi,”
Napaatras ako at tumakbo sa labas.
Sobra ang bilis ng t***k dibdib ko nang makita ang salimbayang mga sasakyan at maingay na paligid.
Nasa labas na nga kami.
Hindi ko napigilang takbuhin ang kahabaan ng tabing kalsada. Para akong batang bagong labas ng bahay sa sobrang pagkasabik.
Panay ang lingon ko sa paligid at kahit nababangga na ako ng mga tao, wala akong pakialam dahil matagal ko na itong inasam.
“Nasaan kami?” bulong ko habang sinisipat ang mga signs sa kalsada.
“Hilario St.? Teka, malapit na ito sa dati naming tinitirhan na apartment. Sa kabilang intersection, yon ang papunta kina Sydney. Kayang-kaya kong pumunta doon kahit takbuhin ko lamang dahil hindi naman ako napapagod,” dire-diretsong saad ko sa aking sarili habang sinusuri kung may mga nagbago ba.
Pero sa tingin ko naman ay walang nagbago. Ito ngang matandang nagtitinda ng mainit na kamote sa kanto na ilang metro lamang ang layo sa aming apartment ay nandito pa.
“Manang,” tawag ko rito nang makalapit ako.
“Aba, Annie! Kamusta na? Ang tagal ko na kayong hindi nakikita. Asan ang anak mo? At bakit ganiyan ang suot mo?”
Napatingin ako sa pantulog kong suot, “Ah...”
“Hindi ka pa rin nagbabago. Kaya hindi ka na nagkakaasawa eh. Ilan sayo?”
“Ay Manang, wala ho akong dalang pera eh. Natuwa lang ho akong makita kayo na hindi pa rin ho kayo umaalis dito,”
“Ay kahit naman taon pa ang lumipas, andito lang ako. Kung hindi ka pala bibili, wag mo na akong abalahin,”
Ay hindi rin talaga nagbabago.
“43!”
Napatingin ako sa likod at kita kong nakasunod si William.
Limitido ang mga galaw nito at mahahalatang nag-oobserba sa mga taong nakakakita.
“Sige Manang, saka na lang po ulit,” sabi ko saka tumakbo at pumara ng jeep.
Iyon lamang ay hindi pa ako nakakasakay, nawalan na ako ng malay.
Nagising na lamang ulit ako at nakagapos na ang dalawang mga kamay ko sa headboard ng kama.
“William!” singhal ko nang makita itong nagluluto sa kusina na katapat lamang ng kama. “Pakawalan mo ako dito.”
“Dadalhan na lamang kita ng pagkain diyan, hintayin mo lamang matapos ako sa pagluluto,”
“Ayaw kong kumain,”
“Wala kang magagawa,”
“Ikaw ba ang may gawa sa akin kanina?”
“Ginawa ko lamang ang dapat kong gawin para sa kapakanan mo,”
Nanlaki ang mga mata ko, “Ibig sabihin nasayo ang control ng chip ko?”
“Nakiusap si Lola na siguraduhing ligtas ka,”
“Kaya kinontrol mo ako kanina at hinayaan mong patayin mo ang lalaking pinaka importante sa buhay ko? Ha! Hindi kaya ikaw talaga ang may plano ng lahat ng ito? Hindi mo matanggap na kahit bumubulwak ang pera mo ay hindi mo ako makuha,”
Natigilan ito sa pagluluto at ibinaba ang sandok na hawak. Pinatay nito ang apoy at naglakad palapit sa akin, “Una sa lahat, sino ka ba para parantangan ako ng kaganon? Sino ka para umabot ako sa sukdulan para makuha ka? Oo, inaamin ko na ginugulo mo ang isip ko pero pagkatapos mong maipaliwanag ang mga sagot sa tanong ko, natimbang ko ang lahat at hindi ka naman pala ganon kainteresante. At kung bakit kinontrol kita kanina, hindi ko hahayaang saktan mo ang ina ko nang tangkain mong baralin ito. Hindi ang isang katulad mo lamang ang sisira sa lahat ng mga pinaghirapan ng aking ina.”
“Oh eh bakit hindi mo na lang ako patayin? Ganon naman pala,”
“Bukod sa ayaw ni Lola na may mangyari sayo, pinili kitang maging personal assistant ko,”
“Ano?!”
“Bukas ng gabi, pag inilabas na tayo, marami ang handang magbigay ng malaking halaga maging pag-aari lamang nila tayo. Pero dahil ikaw lamang ang babaeng nakalusot sa isandaang pinamilian, sigurado akong hindi ka mapipili. Pag nangyari iyon, at walang bumili sayo, magiging personal assitant kita,”
“Ibang klase talaga ang kahambugan mo. Paano kung merong bumili sa akin?”
“Eh di mas mabuti,”
“Gusto kong makausap si Gloria,”
“Pasensiya na, pero simula ngayon ay ako lamang ang pwede mong makausap,” sabi nito at inalis ako sa pagkakatali. “Alam ko ang kasunduan ninyo ni Lola. Hindi ko hahayaang may gawin ka para maipahamak ang lola ko. At kahit hindi na tayo dumako roon, kapag nalaman nilang depektibo ka, paano na, Model 43?”
“At ano naman sa tingin mo ang magiging silbi ko sayo? Hindi ba’t napakaganda nitong chip na nasa utak natin, wala nang hahanapin pa,”
“Ikaw ang magiging gabay ko kapag ikinasal na ako sa babaeng nakatakda para sa akin,”
Hindi ako nakapagasalita dahil sa naranig ko.
“Wag mo akong patawanin,”
“Iyon naman ang punto ng lahat ng ito. Ang mga mayayamang negosyante na may anak na mga babae ay handang bumayad ng ilang milyon o bilyon para lamang masigurado na ang mga anak nila ay may mapapangasawa na magiging kapaki-pakinabang sa kanilang pamilya. Hindi na nila kailangan pang maghanap, bibili na lamang sila. Ang bawat model ay hinubog para maging high-quality husbands. Sabi nga ni Mama, wala nang hahanapin pa ang mga babae.”
“Napakarami talagang desperado sa mundo,” usal ko habang umiiling. “Hindi ko alam kung anong awa ang dapat kong maramdaman para sa ina mo.”
“Manahimik ka, hindi mo kilala ang ina ko,”
“Sabagay, kahit ano namang gawin kong paliwanag, para saan pa?”
Ipinagpatuloy nito ang pagluluto at pagkatapos ay tahimik kaming kumain.
“Iiwan mo na lamang ang mga ginamit mo. Mamaya na lamang ako maglilinis. May pupuntahan tayo,” sabi ni William pagtayo mula sa pagkakupo.
“Saan tayo?”
“May meeting para sa gaganaping launch natin bukas ng gabi,”
“Ah ganon ba. Anong susuotin?”
“Kahit ano. Sila naman ang pipili ng susuotin natin pagdating doon,”
“Ayos, parang mga puppet lang tayo. Parang mga patay na rin tayo kung tutuusin dahil nabubuhay tayo ayon sa gusto ng iba,”
“Wag ka nang maraming sinasabi,”
Sa isang magarang kotse kami sumakay pagpunta sa garahe. Mayaman nga pala ang mga Gareth.
Suot ko ang pang-combat na damit namin sa Treidon dahil wala naman akong ibang madadamit.
Tumigil ang sinasakyan namin sa harapan ng isang magarang hotel.
Pagpasok namin sa glass door ng hotel, marami ang sumalubong sa amin.
“Magandang gabi, sa amin ka sumama,” sabi ng isang babaeng napakaseryoso ng mukha.
Napatingin ako kay William na sa mga lalaki naman sumama at naglalakad kami nang magkahiwalay na daan.
“Sikapin mong hindi ka mahalata. ---- William”
Namilog ang mga mata ko dahil sa biglang pagsulpot ng mensahe sa aking isipan.
"I had to do some upgrades, 43,” muling nagsalita si William sa aking isipan.
Muli akong tumingin sa direksiyon nito na paakyat sa kabilang hagdan at tumango lamang ito sa akin.
Aba, ayos ito.
Ibang klase talaga ang trip ng mayayaman.
Sa mahihirap pag nasaktan, masasaktan lang at madidepress pero sa mayayaman, ibang level.
“Narito na tayo,” sabi ng babae sa unahan.
Dalawang babae pa ang nagbukas ng malaking pintuan sa harapan namin at pumasok kami sa napakalaking kwarto.
Sa loob ay makaubos hininga ang mga gamit. Ang isang dukhang kagaya ko ay matatakot na umupo sa sofa at baka madumihan.
“Eto ang mga damit na pagpipilian, maghubad ka na,”
“Ano?”
‘Sumunod ka na lamang. Lahat sila ay may mga chip sa utak. --- William ‘
Ayos to monitored na monitored ang galaw ko.
Tumango na lamang ako at naghubad.
Sinimulan nila akong bihisan at makalipas ang mahigit isang oras, nakapagdesisyon na rin sila.
Kinulayan nila ang buhok ko na kulay puti para raw bumagay sa aking balat. Nilagyan rin ako ng contact lense at minake-upan.
Habang nakatayo sa harapan ng salamin, maski ako ay hindi ko makilala ang sarili ko.
Hindi ko akalaing magmumukha akong mamahalin.
“Handa na siya,” sabi ng isa sa mga babae habang may kausap sa telepono. “Halika na. Sumunod ka sa akin.”
Tumango ako at sumundo sa mga ito.
Napakalaki talaga ng hotel at ang detalye ng loob ay masasabi kong di biro ang nagdesign nito.
At ang pagpapagawa ay mas hindi biro.
Tumigil ako saglit sa paglalakad tutal nasa likuran naman ako at tinuktokang isa sa mga haliging nadaanan namin. Masasabi kong tunay na mga ginto ang mga haligi.
“Kung magnanakaw ako ng isang haligi, mayaman na ako,” bulong ko pa.
“Anong ginagawa mo?” monotono ang boses na sabi ng babae nang balikan ako at hinila ako sa braso.
“Sinisigurado ko lamang na ligtas ang lugar,” sagot ko pa.
Tumigil kami sa harapan ng isang pinto na gawa sa ginto.
Binuksan ito ng mga kasamahan ko at pinapasok nila ako.
Pagpasok ay nakatayo na si William at ang walo pa naming mga kasamahan sa stage.
Kita ko ang gulat at di makapaniwalang tingin ni William sa akin. Maging ang walong kasama namin ay sakin din lamang ang tingin.
Tinaasan ko ng kilay si William at eleganteng naglakad sa aking pwesto.
Iniintay kong may sabihin ito pero wala naman. Siguro naman, may isang sira-ulo ang kahit papano ay makakapansin sa akin. Mapatunayan lamang kay William na kapili-pili rin naman ako.
“Ang ganda ko,” kindat ko kay William pagdaan ko sa harapan nito.