Episode 2 (Jemimah Remington)

2399 Words
NANATILING nakayuko lamang si Jemimah sa kinatatayuan habang pinakikinggan ang pag-ugong ng mga bulong-bulungan matapos mai-anunsiyo ni Director Morales ang bagong team na kanyang pamumunuan. Napatingin siya sa tabi at nakita doon ang paglapit ng Chief of SCIU na si Ricardo de Chavez. “Hindi ko alam kung ano`ng ginawa mo para magkaroon ka ng sariling team,” bulong nito, sarkastiko ang tinig. “Hindi ko rin alam kung ano`ng relasyon mo kay Director Morales. Hindi ko na rin gustong malaman. Pero kung nakatingin ka sa posisyon ko, hindi ako basta-basta nagpapatalo.” Hindi makapaniwalang napatingin si Jemimah sa lalaki. “C-Chief, h-hindi naman po—” Hindi na niya naituloy ang sinasabi nang lumakad palayo si Chief de Chavez, kasunod ang ilang mga Team Leaders. Napatingin siya sa unahan nang lumapit sa kanya ni Director Morales. “Naayos mo na ba ang mga gamit mo, Inspector? I’ll show you your team’s office. Follow me.” Napabuntong-hininga na lamang si Jemimah bago sumunod sa direktor, pilit binabalewala ang mga mapang-usig na tingin ng mga katrabaho. Pagkapasok nila sa loob ng isang silid ay hinarap siya ng direktor. “Don’t mind them, Remington,” wika nito. “Hindi naman nawawala ang usap-usapan sa isang working place.” “B-bakit po ako, Sir?” Hindi niya na napigilang itanong. “B-bakit po sa rami ng nagtatrabaho rito ay ako pa?” Ilang sandaling nakatitig lamang sa kanya ang direktor. “Hindi naiiba ang lugar na ito sa ibang mga ahensya ng gobyerno. Halos lahat ng mga empleyado, walang ibang gusto kundi makakuha ng mas mataas na posisyon para sa kanilang mga sarili. This place was also filled with politics.” Ngumiti ito. “At alam ko na gustong makuha ni Chief de Chavez ang posisyon ko.” Hindi naitago ni Jemimah ang pagkagulat. Unti-unti ay nakukuha niya na ang dahilan kung bakit nais bumuo ni Director Morales ng sariling team na mapapailalim mismo dito. “Hindi ko alam kung may mapapagkatiwalaan pa ako sa mga Team Leaders dito,” dagdag pa ng direktor. “Mas malapit sila kay de Chavez at wala naman akong magagawa dahil sa Chief sila nagre-report. Si de Chavez lang ang nagre-report sa akin.” “W-wala naman po siguro silang plano na... na agawin ang posisyon niyo, Sir,” wika niya. Mahinang tumawa si Director Morales. “Hindi nila ako maagawan ng posisyon ng ganoon kadali. Nakapailalim pa rin sa akin si Chief de Chavez. He’ll still submit to me.” Humugot ito ng malalim na hininga. “Gusto ko lang na magkaroon ng sariling team, Inspector. Nakausap ko na rin naman ang Chairman patungkol dito. Hindi naman ako magdedesisyon nang alam kong ikasisira lamang ng ahensya.” Tumango-tango na lamang si Jemimah. Naiintindihan niya na ngayon. “N-nabasa ko na nga po pala ang mga profiles ng magiging team members ko. At may ilan po akong katanungan.” “Go on.” “Kaanu-ano niyo po si Paul Morales?” tanong niya. Lumuwang ang pagkakangiti ng direktor. “Panganay ko siyang anak.” Nagulat si Jemimah. Isa sa mga anak ng direktor ang makakasama niya sa team? “Pero tratuhin mo lang siya na isang ordinaryong member,” ani pa ng direktor. “Isa siya sa pinakamahusay na prosecutor sa buong bansa. He had prosecuted a lot of criminals since he started. Paul wants some adventures. Malamang na hindi siya gaanong makatulong dahil kulang ang kaalaman niya sa field na ito. Pero sana maturuan niyo siya, hija.” Hija. Hindi napigilan ni Jemimah ang mapangiti. Director Morales seemed to be a good man. “Nandito na siguro mamaya ang mga kasama mo sa team,” pagpapatuloy ng direktor. “Hindi ganoon kalaki ang opisinang ito pero sana makabuo kayo ng magandang samahan.” Tumingin ito sa kanya. “Does it bother you na ikaw lang ang nag-iisang babae?” “Hindi naman po, Sir,” sagot niya. “Sanay na ako doon. Mga lalaki rin halos lahat ng mga kasama ko sa training noon sa PNP.” “Good.” Tumango-tango ang direktor. “Well, hintayin mo na lang sila. Ipapatawag na lang kita kapag may kaso na akong nais ipahawak sa inyo.” Akmang tatalikod na si Director Morales nang muli siyang magsalita. “Sir, may isa pa po akong tanong,” ani Jemimah. Muling lumingon sa kanya ang direktor, hinintay siyang magpatuloy. “T-tungkol po sana kay Ethan Maxwell,” pagpapatuloy niya. “Magtatrabaho na rin po ba siya dito?” “Maxwell,” sambit ni Director Morales. “Hindi siya nagtatrabaho para sa SCIU. Matagal na namin siyang nire-recruit pero hindi niya tinatanggap. His skills are the best, especially in combat. Nakita mo naman na dati siyang Commander sa Special Forces. Nagtatrabaho na nga lang siya ngayon bilang private detective.” “Kung ganoon po, bakit isinama niyo siya sa team?” tanong pa ni Jemimah, nagtataka. “Dahil siguradong kakailanganin siya ng team, Inspector,” puno ng kaseryusohang wika ni Director Morales. “Hindi mo siguro alam pero may mga kaso ang SCIU na naresolba dahil sa tulong ni Maxwell. Napakaraming misyon ng Special Forces ang naging successful dahil din sa mga plano niya. Siguradong magkakasundo kayong dalawa. I’m choosing all the best people for my team.” Hindi alam ni Jemimah kung ano ang sasabihin. Mas higit na nadaragdagan ang curiosity niya para sa Ethan Maxwell na iyon. Pakiramdam niya kasi ay kilalang-kilala ito ni Director Morales at gustong-gustong ma-recruit para sa sariling team. “Ethan is like a son to me,” dugtong ng direktor. “Nakausap ko na siya tungkol sa team na `to. Pumayag naman si Ethan sa kondisyon na hindi pa rin magiging opisyal na magtatrabaho para sa SCIU. Kaya hindi siya papasok dito, kailangan niyo siyang puntahan mismo sa kanyang bahay.” Tumawa ito. “Nakalagay naman sa files na ibinigay ko sa`yo ang address ni Ethan. He won’t disappoint me, I know that. Though, he’s a very focused person. Gagawin niya ang lahat kapag naituon ang atensiyon sa isang bagay. Kaya sana mabantayan mo rin siyang mabuti, Jemimah. Hindi ko kayo gustong mapahamak.” Tumango na lamang si Jemimah at nagpasalamat sa direktor. Hanggang sa makapagpaalam ito ay nanatili lamang siyang nakatayo doon. Iginala niya ang paningin sa paligid ng opisina. Wala pang halos laman iyon maliban sa mga cabinets at dalawang mesa. A team. Hindi niya akalain na maabot ang ganito. Hinihiling ni Jemimah na sana maging maganda ang pagsasamahan nila sa team na iyon. Na marami silang matulungan. Napatingin si Jemimah sa pinto nang pumasok doon ang dalawang lalaki, parehong may hawak na malalaking mga kahon. Agad niyang nakilala si PO1 Douglas Ilagan. Ipinatong ni Douglas ang kahon sa isang mesang naroroon bago sumaludo sa kanya. “Isang malaking honor po ang makasali sa team na ito, Inspector,” masayang wika ni Douglas. “Sabihin niyo lang po sa akin kung may ipag-uutos kayo.” Tinapik ni Jemimah ang balikat ng lalaki at inutusan itong ayusin ang mga gamit na dala. Isang ordinaryong pulis lamang ang tingin niya kay Douglas. Hindi niya alam kung paano ito nakapasok sa SCIU. Pero ang magandang katangian ng lalaki ay ang pagiging masunurin at palakaibigan. Animo inosente lamang ito sa ibang mga bagay at kailangan ng matinding paggabay. Nang minsan niyang makausap ang binata ay napag-alamang si Director Morales pala ang mismong nag-recruit dito. Siguro may nakita ang direktor para maisama si Douglas sa team na ito. Inilipat ni Jemimah ang tingin sa isa pang lalaki na pagod na pagod na naupo sa ibabaw ng mesang naroroon. Nakilala niya ang itsura nito mula sa files na ibinigay sa kanya – si Mitchel Ramos na isang profiling expert. “Dapat ipinagutos ko na lang na bitbitin ang mga gamit na `yan,” iiling-iling na wika ni Mitchel. Tumingin ito sa kanya at ngumiti. “Hi there, Inspector.” Kumindat pa ang lalaki. Na-amuse si Jemimah sa lalaki. Sa pagkakatanda niya, isang taon lamang ang tanda nito sa kanya. Mitchel Ramos was a handsome man with a player look. His hair was black, slightly covering his ears. Malinis ang mukha na alaga sa shave. He was also tanned. Napaka-friendly ng ngiti nito na nakakapagalis ng pagkailang sa kung sinomang kaharap. Tumayo si Mitchel, lumapit sa kanya. Matangkad ang lalaki na nakasuot lamang ng checkered polo at dark blue pants. “I’m Mitchel Ramos. Ako ang magiging profiler sa team na ito.” Inilahad ng lalaki ang isang kamay. “Ikaw ang head ng team, tama? Should I call you Team Leader or Inspector?” Ngumiti siya. “Call me ‘Jemimah’,” sagot niya. “Gusto kong magkasundo-sundo tayong lahat dito, huwag niyo akong tingnan na mas nakatataas.” “Jemimah,” ulit ni Mitchel. Bahagya nitong pinisil ang kamay niya. “Isang magandang pangalan sa magandang babaeng katulad mo. Your smile is genuine but I can see your eyes are wavering. Sa kabila ng lahat ng trabaho mo, mukhang hindi ka pa rin sigurado sa sarili mo. Marami kang doubts. At totoong gusto mo ngang magkasundo-sundo tayo. Gusto mo ng mga kaibigan na makakaintindi sa mga ginagawa mo, tama ba?” Pasimpleng binawi ni Jemimah ang kamay at iniiwas ang tingin sa lalaki. The man was indeed a profiling expert. Bahagya siyang nakaramdam ng pagkailang na mapalapit dito. Siguradong hindi ganoon kadaling magtago sa ganitong klase ng tao. “Huwag kang mailang,” natatawang dugtong pa ni Mitchel. “Gusto ko rin naman na magkasundo-sundo tayo sa team. It’s actually my first time being in a team.” Inakbayan siya ng lalaki. “At nakaka-excite lalo na kapag may magandang babaeng katulad mo.” Mabilis na lumayo si Jemimah sa lalaki. “Hindi ako nadadala ng charms ng mga lalaking katulad mo. Siguro naman, nakita mo `yon sa pag-profile sa akin,” wika niya. “Sanay na ako sa babaerong katulad mo dahil may kapatid din akong ganyan.” Naiiling na lang siyang lumakad patungo sa kinaroroonan ng sariling box ng mga gamit. Sumunod pa rin naman sa kanya si Mitchel. “Tayong tatlo lang ba ang members ng team? Walang ibang babae?” Tiningnan niya ng masama ang lalaki. He was hitting on her just a moment ago, ngayon naman ay naghahanap ng iba? Napailing siya. Ang mga babaero talaga. “Ako lang ang babae sa team,” sagot niya. “May dalawa pa tayong makakasama. Ang isa ay anak ni Director Morales.” “Si Paul?” tanong pa ni Mitchel. Ibinalik ni Jemimah ang tingin sa binata. “Kilala mo siya?” Tumango ito. “Minsan ko na siyang na-meet sa isang kasong hawak niya.” Ngumiti si Mitchel. “Mukhang kailangan na nating magsimulang mag-ayos ng opisina. Kanina pa abala si Doug, oh.” Tiningnan ni Jemimah si Douglas na abala na nga sa paglalagay ng kung anu-ano sa loob ng isang cabinet doon. Napangiti na lang siya at nagsimula na rin sa pag-aayos ng sariling mga gamit. Ilang minuto siguro ang lumipas nang makarinig sila ng pagkatok sa pinto. Napa-angat ng tingin si Jemimah at agad na nakita ang isang lalaking nakatayo doon. Nakasuot ang lalaki ng dark blue long-sleeved polo with necktie at itim na pants. Maayos din ang pagkaka-polish ng itim na sapatos. The man was handsome with very gentle features. His hair was cleanly combed. Bahagya pang nailang si Jemimah nang masalubong ang maitim na mga mata ng lalaki. Ilang sandali pa niyang pinagmasdan ang lalaki bago namukhaan. Paul Morales. Ang panganay na anak ni Director Antonio Morales. Nakikita niya na ngayon ang pagkakahawig ng dalawa. Paul was a younger version of his father. “Paul,” narinig niyang bati ni Mitchel sa lalaki. Lumapit ito kay Paul para makipagkamay. Hindi pa rin inaalis ni Paul ang tingin sa kanya. Lumapit si Jemimah sa kinaroroonan ng mga ito. “Kanina ka pa namin hinihintay,” wika niya, inilahad ang isang kamay. “Ako nga pala si Inspector Jemimah Remington. Puwedeng Jemimah na lang ang itawag mo sa akin.” Tinanggap ni Paul ang kanyang pakikipagkamay. “Paul Morales, prosecutor. Nasabi na siguro iyon ni Papa.” Ngumiti ito. Ginantihan ni Jemimah ang ngiti ng lalaki. His smile was warm. He seemed to be a good person, as well. Parang ang ama rin nito. “I’m glad to meet you. Oh, siya nga pala si PO1 Douglas Ilagan.” Pinalapit niya si Douglas sa kanila. “Douglas, ito si Prosecutor Paul Morales.” Nagbatian ang dalawa. Mayamaya ay ibinalik ni Paul ang tingin sa kanya. “Madalas kang ikuwento ni Papa sa akin. Masaya akong makilala ka ng personal. Sana marami akong matutunan sa team na `to.” “You’re a prosecutor. Sigurado ka bang gusto mo talagang sumabak sa ganitong trabaho?” tanong pa niya. “Gusto ko rin naman ng adventures, boring din ang maghintay lang sa panibagong kaso.” “Hindi ba may isa pa tayong makakasama?” singit na tanong naman ni Mitchel. “Late na `ata siya masyado.” Tumikhim si Jemimah. “Hindi siya nagtatrabaho rito sa SCIU.” Kumunot ang noo ni Mitchel. Ganoon din naman ang naging reaksiyon nina Paul at Douglas. Ipinaliwanag niya sa pinakamabilis na paraan ang dahilan kung bakit hindi makakasama rito sa opisina ang isa pang kasamahan. “Napaka-espesyal niya naman,” umiiling na wika ni Mitchel. “Ano`ng pangalan niya?” “Ethan. Ethan Maxwell,” sagot ni Jemimah. Tumango-tango naman si Mitchel. Nang ibaling niya ang tingin kay Paul ay nakita ang pagkatigil nito. “Kilala mo ba siya, Paul?” tanong niya sa lalaki. Tumingin sa kanya si Paul at pilit na ngumiti. “Oo, matagal nang kilala ni Papa si Ethan. Hindi ko lang inaasahan na kasama siya sa team.” Naalala ni Jemimah ang sinabi ni Director Morales na parang anak na nga nito si Ethan Maxwell. So mukhang matagal na ngang magkakilala sina Paul at Ethan. Pero bakit parang hindi gusto ni Paul na makasama sa isang team si Ethan? Inalis na lamang ni Jemimah ang kaisipan sa bagay na iyon. Halos lahat ng miyembro ng team ay kilala na at mukhang mabubuting tao naman ang mga ito. Si Ethan Maxwell na lang. Hindi niya alam kung kailan ito makakaharap. Hindi rin alam kung makakasundo ba ang isang iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD