Isinantabi muna ni Linton ang lahat upang magtungo sa police station ngayong umaga. Pagkapunta roon ay nagtanong siya ukol sa mga naganap kahapon.
"Jovena Venancio, iyon ang pangalan niya. Sinabi niya sa akin na papatayin niya ang anak niya. May sira na sa ulo ang taong iyon! Sigurado akong nagtago roon ang babae na 'yon!" reklamo niya sa desk officer na kausap. Pinukpok pa niya ng kamao ang lamesa nito.
"Sir, nagtungo na po ang mga pulis doon sa treehouse wala nga silang nakitang tao," mahinahon naman na sabi nito, "Sa totoo lang may nagreport din na bata rito kahapon. Kasama niya ang guro niya at pareho kayo ng binanggit na pangalan."
Natigilan si Linton at tumitig sa kausap.
"Tumugma ang sinasabi mong may anak 'yong Jovena at pinagmamalupitan nito ang bata. Nagsumbong din sa amin ang anak niya kahapon at ganoon din ang reklamo," dugtong ng pulis.
"Eh, kung ganoon pala, dapat ikulong n'yo na agad 'yon kapag nakita n'yo."
"We're trying our best po. Hanggang ngayon ay nagpapatrol ang mga tao namin sa labas para hanapin ang taong sinasabi ninyo. At kung mahuli man namin siya, ide-detain muna namin siya pero dadaan pa rin ang lahat sa due process."
"Magpakalat na kayo ng wanted poster. Alam n'yo naman pala na kriminal 'yong babae na 'yon," request niya sa mga ito.
At mukhang walang balak makipagtalo ngayong umaga ang kausap na pulis. Mahinahon itong sumagot ngunit binanggit muli nito ang tungkol sa tamang proseso.
Lumabas si Linton sa departamento na hindi kontento. Nagpapasalamat siya sa panginoon na ligtas pala si Kenjie at kasama nito ang guro. May tumutulong pala ngayon sa batang-lalaki.
Gayunman, babalik pa rin siya sa tahanan na walang napala. Ang mas nakakalungkot, hindi pa sila nagkakaayos na mag-asawa. Hanggang ngayon ay masama pa rin ang loob ni Melita sa kaniya. Hindi niya ito masisisi. Siya rin ay dismayado sa sarili.
***
Nakasuot ng face mask, sunglasses at cap si Jovena upang hindi siya makilala ng mga pulis na gumagalagala sa lugar. Bago siya umalis sa treehouse, kumuha siya ng mga gamit at nagpalit ng damit. Ito lamang ang paraan upang hindi siya agad matunton ng mga otoridad.
Dumiretso siya sa paaralan at hindi naman siya inusisa pa ng security guard na nagbabantay roon. Kailangan niyang makita si Ma'am Dalisay, ang guro lamang ang makapagtuturo sa kaniya kung nasaan si Kenjie at ang batang babae.
Subalit pagdating niya sa registrar upang magtanong, sinabi nito na wala ang guro ngayon. "Ma'am, sabado po ngayon. Hindi po pumapasok ang mga teacher kapag weekend. Pero nandito po ang School Admin, baka may iba po kaming maitulong sa inyo."
Umiling siya. "Huwag na. Salamat na lang." Tumalikod siya at muling naglakad pabalik sa gate ng paaralan. Habang binabaybay ang kahabaan ng pasilyo, napaisip nang malalim si Jovena.
Nakalimutan niyang Sabado ngayon at malamang ay wala nga ang guro. Subalit hindi siya susuko, kung kailangan niyang hanapin ang bahay ng guro at sapilitang pasukin, gagawin niya.
Habang naglalakad ay nadaanan din niya ang basketball court, doon ay nagsasanay ang mga estudyanteng miyembro ng school's sports group. Nandito rin pala ang ilang mga mag-aaral na kasali sa extracurricular activities ng paaralan. Katabi ng court ang playground na nagsisilbing hintayan ng mga bata sa kanilang sundo kapag uwian.
Napahinto si Jovena sa paglalakad at nanlaki ang mga mata. Pinanigan siya ng langit sa pagkakataon na ito sapagkat hindi na niya kailangan pang hanapin si Dalisay upang makita ang mga target. Hindi siya makapaniwala na nakatingin sa batang babaeng nakaupong mag-isa sa isang bench.
Ang mahaba nitong buhok, bilugan at magandang mukha... hindi siya nagkakamali. Ito nga ang batang babaeng hinahanap.
Napangiti siya dahil sa kasabikan. Hindi niya alam kung anong ginagawa ng babaeng iyon dito subalit ito na ang pagkakataon niyang dakpin ito at usisain.
Akma na siyang lalapit ngunit muling natigilan nang maunahan siya ng iba. Napagtanto niyang may kasama itong nakakatanda. Nagtago muna siya sa poste at nag-isip ng plano kung paano makukuha ang target.
***
Samantala sa gawi naman ni Hiraya. Napalingon siya nang bumalik na ang ina at inabot ang popsicle stick na binili nito sa kantina. Kinuha niya iyon at nagpasalamat.
"Nakausap ko na ang School Admin, nanghihinayang sila na hindi natin tatapusin ang taon. Pag-isipan ko muna raw, kung gusto ko ng homeschool program," simula nito ng pagkausap sa kaniya.
"......" Hindi siya umimik sa sinasabi nito. Ipinagpatuloy niyang ubusin ang kinakaing popsicle stick.
"Kung magre-request ka na mag-stay pa rito nang saglit, okay lang sa akin."
Muli siyang napatitig sa ina. Nakapagtataka na parang bumait na ito sa kaniya. Gayunman, hindi na nila binuksan pa ang topic tungkol kay Kenjie o kung ano ang ginawa niya noong mga nakaraang araw.
Pero okay na iyon. Ang mahalaga ay nagkaayos na rin sila sa wakas. Atleast, nabawasan ang kaniyang problema.
Inikot ni Hiraya ang paningin sa paligid. Kailangan din niyang maging alerto lalo pa't alam niyang hinahanap ulit ni Jovena ang anak. Naisip din ni Hiraya na maaaring puntahan ng baliw na iyon si Ma'am Dalisay.
Nagbaba siya ng tingin nang mag-vibrate ang phone sa bulsa. Nakatanggap siya ng mensahe mula kay Kenjie, gamit pa rin ng binatilyo ang numero ni Ma'am Dalisay. Papunta na kami — text nito.
Worse case scenario, nandito si Jovena sa school at baka magpang-abot sila ni Lola Dalisay. Kasama pa man din ni lola si Kenjie. Or maybe Im just paranoid. Baka naman nahuli na ng mga nagpapatrol si Jovena kahapon.
Inilagay niya muli ang selepono sa bulsa nang dumating sina Oscar at Mayumi. Casual lamang ang suot na damit ng dalawang kaibigan. Nang makalapit, binati ng mga ito si Mela. "Magandang umaga po!"
"Mama, doon lang po kami sa swing ng playground," paalam niya sa ina na tumayo upang sumama sa dalawa.
Tumango si Mela. "Sige, pero aalis tayo nang saktong alas-onse. Dito lamang ako at hinihintay ko rin si Ma'am Dalisay."
"Opo." Nag-iwan siya ng ngiti bago lumakad paalis kabuntot sina Mayumi at Oscar.
Habang naglalakad patungo sa palaruan, nagtanong na si Mayumi tungkol sa kaniya. "Babalik ka ba talaga sa Pediatric Hospital?"
Tumango siya at umupo sa swing. Humawak siya sa magkabilang tali nito.
"Hindi ka na mag-aaral?" — si Oscar.
"Ayaw ko man pero kailangan kong huminto sa pag-aaral," aniya.
"Sayang naman! Pwede bang hintayin muna nila ang graduation." Halata sa mukha ni Oscar ang lungkot.
"Actually, kakausapin ni Mama Mela si Ma'am Dalisay tungkol dito. Papunta na rito ang guro natin at kasama niya si Kenjie."
"So si Kenjie rin ay hihinto sa school," wika naman ni Mayumi.
"Itra-transfer siya pansamantala sa children's shelter hangga't wala pa siyang matutuluyan."
Natahimik ang dalawang kabataan at nalumbay nang marinig ang paliwanag niya.
"Oh? Bakit ganyan ang mga itsura niyo?" sinubukan niyang pawiin ang lungkot ng mga ito. "Dadalawin n'yo naman kami 'di ba?"
Pilit na ngumiti si Oscar. "Oo naman." Pero nanatili lamang na tahimik si Mayumi. Siniko ng lalaki ang katabing babae.
"Ah!" saka lamang natauhan si Mayumi at pilit ding ngumisi. "Syempre naman, Aya! Don't worry."
Sino ba ang niloloko nila? Ang kanilang mga sarili? Pero naalala ni Hiraya na hindi pa niya pinagtatapat sa mga ito ang totoo. May taning na ang buhay ni Aya ngunit wala pang nakakaalam niyon bukod kina Mela at Dalisay.
Kung ang totoong Aya kaya ang narito, ano kayang gagawin niya?
Lingid sa kaalaman nila, may nagmamanman sa kanilang mga mata sa likod ng poste. Nagmamasid ito at naghihintay ng tamang pagkakataon na umatake.
***