Dalawang araw lamang siyang nawala sa bahay ay parang nakalimutan na niya ang ayos ng mga gamit. Naninibago siya sa nakikita na tila ba hindi ito ang kaniyang tahanan. Bitbit niya sa kanang kamay ang plastic ng mga biniling pagkain sa supermarket. Nang makuha siya ng ina ay niyaya agad siya nito na pumunta sa pamilihan upang ibigay ang lahat ng kaniyang gusto.
Hindi sa lahat ng pagkakataon ay masama ang kaniyang ina, may mga oras na normal ito at ibinibigay ang kaniyang pangangailangan. Katulad ngayon, nang lumayas siya ay humingi ito ng tawad at umamin sa pagkakamali.
Nakahinga si Kenjie nang maluwag. Nang makapasok siya sa loob ng bahay ay gumaan ang kaniyang pasanin. Inilapag niya ang dala-dala sa ibabaw ng lamesa, samantalang pinindot naman ni Jovena ang switch ng ilaw.
Umupo ang ginang sa sofa at nakangiti na tumingin sa kaniya. Sinenyasan siya nito na pumwesto sa harapan at tahimik naman siyang umupo roon.
"Ngayong nakauwi ka na, gusto kong malaman kung saan ka nagpunta, anak ko. Saan ka natulog noong nakaraang gabi?" Hindi pa rin napapalis ang ngiti sa labi ng babae na mistulang inaamo siya.
Napaiwas siya ng tingin at napaisip. Sasabihin ba niya ang totoo? Ngunit kapag ginawa niya iyon ay baka mapahamak si Aya. "S-sa parke po..." naisip niya.
"Sa parke?" nagtatakang-tanong nito.
"O-opo, n-nasa parke lang po ako, mama."
Tumigil ang ingay ng paligid na para bang may dumaan na anghel. Mistulan siyang nabingi nang maramdaman ang malakas na sampal sa kaniyang kanang pisngi. At dahil sa hindi inaasahan na p*******t, nawalan siya ng balanse at lumagapak sa sahig.
Napahawak siya sa pisngi at gulantang na napatingin sa ina habang nakalupasay pa rin sa semento.
"Nagsisinungaling ka na naman! Saan ka nagpunta?" may diin sa boses ng babae at nanlilisik ang mga mata sa galit na tumitig sa kaniya.
Sinubukan niyang ibuka ang bibig ngunit walang salita na lumabas doon. Hindi niya masabi dahil sa takot, muling nagbalik ang halimaw sa kaniyang buhay. Anong nangyari? Kanina ay napakabait ng kaniyang ina, nagmakaawa at ibinigay ang kaniyang gusto ngunit ngayon... Tila sumanib muli ang demonyo sa katauhan nito.
"Nagsumbong ka sa pulis tama ba ako? Sinabi mong sinasaktan kita!"
Umiling siya, hindi pa rin niya magawang makapagsalita dahil sa bilis ng pagpapalit emosyon ng ina.
"Ikaw ang may kasalanan, Kenjie! Dinidisiplina lamang kita dahil suwail kang anak! Pero hindi mo ako sinusunod."
At katulad ng dati sa kaniya na naman ibinunton ang sisi. Ano nga ba ang ginawa niyang mali?
"Sinabi mo kay Linton na makipaghiwalay sa akin. Anong klase kang anak? Bakit mo ipinagkakait sa magulang mo ang kaligayahan? Gusto mo akong maging miserable tama ba?"
Iyon pala ang dahilan ng galit ni Jovena. Umiling siya. "H-Hindi po, mama."
"Kung ganoon bakit ka lumayas?! Pinahiya mo ako kahit sa harap ng mga guro kanina. Nagmukha akong walang kwentang ina dahil sa ginawa mo. Sa tingin ko, iniisip nila ngayon na may problema sa akin kaya ka naglayas sa bahay!"
Nakagat niya ang labi at nagsimula muling mamasa ng luha ang mga mata.
"Lahat ng ito, nagsimula dahil sa 'yo... ikaw ang dahilan!" Nawala na rin sa sarili ang ina, bumagsak ang mga luha sa mga mata nito kahit nandoon pa rin ang galit. "Pero ako ang sinisisi mo. Sa akin mo ibinubunton ang sisi kahit ikaw ang puno't dulo ng lahat."
Napayuko siya ng ulo at muling naalala si Aya. Hindi niya maunawaan kung bakit ngunit nagkaroon siya ng lakas ng loob na magsalita. "K-Kung namumuhi ka sa akin mama, b-bakit hindi mo ako hayaan na umalis?"
"Namumuhi? Hindi ako namumuhi sa 'yo, Kenjie. Alam mong mahal kita! Ikaw ang namumuhi sa akin! Kaya ka rin umalis dahil may galit ka sa akin."
Itinikom niya ang bibig sapagkat napagtanto niyang sa bawat pagbibintang ay ibinabalik muli sa kaniya ang turo.
"Ngayon, magsabi ka ng totoo. Saan ka nagtago noong nakaraang araw?"
Hindi pa rin siya tumugon. At dahil doon, muling umiyak ang kaniyang ina. "N-Natuto ka nang magsinungaling sa akin!" anito habang nakasapo ang dalawang palad sa mukha at humihikbi-hikbi.
Nagunita niya ang ngiti sa mukha ni Aya, ang palakaibigan at malambing na tinig nito. Kapag kasama niya ang dalaga, pakiramdam niya ay kaya niyang gawin ang lahat sa mundo. Malaya siya at malayo sa sigalot. Kaya ba niyang traydurin ang nag-iisang babae na humipo sa kaniyang puso?
"Sabihin mo, sino ang tumulong sa 'yo! Si Linton ba? Si Ma'am Dalisay? Kaklase mo ba?" muling nagtanong ang babae habang pilit pinapakalma ang sarili.
Wala pa rin siyang naging tugon.
"Hindi ba't nangako ka sa akin na hindi ka magsisinungaling... na wala kang itatago sa akin..."
Totoo iyon. Nangako siya noon.
"Iiwan ka rin nilang lahat, maliban sa akin. Sa kabila ng lahat ay ina mo pa rin ako, Kenjie. Ako ang nagluwal sa 'yo— nag-alaga, nagpakain at nagpalaki. Walang ibang magmamahal sa 'yo sa mundong ito maliban sa akin."
Alam niya iyon pero nanaig ang kagustuhan niyang makasama si Aya. Nakalimutan niya ang responsibilidad sa ina, kahit mahal niya rin ito bilang isang magulang.
"Pero bakit mo ako tinatrato ng ganito, Kenjie?" Tumalikod ang babae na para bang nawalan na ng pasensya sa kaniyang pananahimik. Kumuha ito ng kutsilyo sa kusina at muling tumapat sa kaniya.
"Nakalimutan mo na ang sampung utos ng Diyos! Nakalimutan mo na ang itinuro ko sa 'yo! Makasalanan kang bata!" Tuluyan nang nawala ang pighati sa mga mata nito, galit na lamang ang nananatili roon.
"Panglimang utos ng Diyos, igalang mo ang iyong ama't ina! Pangsiyam na utos, huwag kang magsisinungaling!"
Hindi na niya masyadong inintindi ang mga sinasabi ng ina, nanatiling nakatutok ang mga mata niya sa patalim na hawak nito.
"M-Mama, tama na po. H-Huminahon po kayo." Nangamba ang kaniyang puso sapagkat nawala na naman sa katinuan ang magulang.
"Isa kang makasalanang nilalang! Nagpaluwal ako ng isang pagkakamali! Hindi na dapat kita isinilang sa mundo dahil puro kasalanan lamang sa Diyos ang gagawin mo. Pero hindi pa huli ang lahat... pwede ko pa itong itama. Buburahin kita pagkatapos buburahin ko rin ang sarili ko..."
Napatingin siya sa mga mata nitong may galit, namuo muli ang butil ng luha roon at bumagsak sa pisngi. Bakit papalitpalit ng ekspresyon sa mukha ang babae? Nakatingin mansa kaniya ang balitataw ng babae ngunit ang diwa nito ay parang nasa kabilang dimensyon.
Kapag 'di ka umalis sa poder niya, papatayin ka niya— naalala niya ang mga sinabi ni Aya. Hindi siya naniwala roon. Hindi siya naniwalang magagawa ng kaniyang ina na patayin siya kahit ilang beses pa siyang binugbog nito. Dati, naiisip niya na dinidisiplina lamang siya nito.
Pero ngayon, hindi na niya alam. Hindi niya ito maunawaan.
"Huwag kang magpapabaya sa pagdidisiplina sa iyong anak. Ang tamang pagpalo ay hindi niya ikamamatay kundi makapagliligtas pa sa kaniya sa kamatayan! Mula sa kawikaan kapitolo dalawampu't tatlo bersikulo labingtatlo hanggang labing-apat!" pagpapatuloy ng kaniyang ina habang umiiyak at binibigkas ang mga pahayag sa bibliya.
"Sumusunod lamang ako sa utos ng Diyos. Mapalad silang kukuha ng inyong mga sanggol, at ihahampas sa mga bato, salmo 137."
"M-mama." Nangangatog na ang kaniyang tuhod habang nakatingin sa dalawang kamay ng babae na may hawak na patalim. Nangangamba siya sa maaaring gawin nito.
"Kung sa Diyos ay tama na lipunin ang masasama at hindi sumusunod sa Kaniya, tama lamang na gawin ko ito."
"Hindi ka Diyos, Mama..." nais niyang banggitin ngunit hindi magawa ng kaniyang bibig. Pakiramdam niya ay pati mga labi ay nangangatog sa takot.
"Isa kang makasalanang nilalang pero ako rin..." Nagbaba siya ng tingin. "Hindi rin ako sumusunod kaya tama lamang na mamatay rin ako. Uunahin kita, pagkatapos susunod ako. Hindi ka mag-iisa dahil magkasama tayo hanggang kamatayan!"
Hindi siya nakakilos nang undayan siya nito ng saksak. Napahiga siya sa sahig dahil sa pagtulak nito. Ipinansalag niya ang kanang braso, nasaksak siya roon at napatili siya sa sakit.
Kasabay ng pagsigaw niya ay may kung anong tumama sa bintana. Nabasag ang salamin at sabay silang napalingon sa pinagmulan ng ingay saka napatitig sa batong lumagapak sa sahig. Sino ang namato?
Nagkaroon ng pagkakataon si Kenjie na makatakas dahil na-distract ang babae. Tinulak niya ito palayo, tumayo siya at diretsong binuksan ang pintuan.
Walang lingon-likod na tumakbo si Kenjie sa labas ngunit dahil sa pagkataranta ay napatid siya saka nawalan ng balanse. Napadapa siya sa alikabuking lupa. Naabutan siya ni Jovena na hinila ang kaniyang likod upang kaladkarin siya pabalik sa bahay.
Paglingon niya, nanlaki ang mga mata niya nang makita ang isang pamilyar na mukha. Tinulak ni Aya nang patagilid ang babae at ito naman ang nasubsob sa lupa. Pagkatapos, mabilis na bumaling ito sa kaniya, hinila ang kaniyang kamay at pinatayo.
"Aya?Anong ginagawa mo rito?!"