Chapter 13: Back to the Treehouse

2019 Words
"Aya?!" Hindi pa rin siya makapaniwala habang magkahawak-kamay silang tumatakbo at tumatakas. "Anong ginagawa mo rito?!" Wala itong tugon habang iginiya siya papasok sa loob ng kabukiran ni Mang Tomas. Nakatulong ang makakapal na puno at d**o upang maligaw nila ang babae na humahabol pa rin sa kanila. Ngunit hindi kinaya ni Hiraya ang tumakbo nang matagal. Hinihingal at halos maubos na ang hangin sa baga ng babae nang maisipan nitong umupo at magtago sa likod ng malalaking halaman. Sumunod siya at tumabi rito. "Aya—" Nais niya itong kausapin ngunit pinatahimik siya ng babae at idinikit ang hintuturo nito sa labi. "Shhh..." anito. Tinikom niya ang bibig at pinakiramdaman ang paligid. Narinig niya ang kaluskos ng mga d**o at ang pagtawag ni Jovena sa pangalan niya. "Kenjie!" Halos pigilan niya ang paghinga dahil sa takot na makagawa ng ingay at malaman nito ang kanilang pinagtataguan. "Kenjie, anak ko!" Humagulgol bigla ng iyak ang babae habang tinatawag siya. "Paano mo nagawa sa akin ito? Kahit baliktarin mo man ang mundo, ako pa rin ang ina mo!" Napahawak siya sa dibdib na malakas pa rin ang kabog. Naririnig niya ang mga salita ng babae mula roon. "Mahal kita anak! Ako lang ang tanging tao sa mundo na may pakialam sa 'yo! Kung hindi ka magpapakita sa akin ngayon, magpapakamatay ako!" Napasinghap siya ng marinig iyon. "Maaatim mo ba akong mamatay nang dahil sa 'yo?! Magpapakamatay ako, anak!" Samantala, kanina pa naririndi si Hiraya sa pagsusumigaw at pinagsasabi ng babae. Napatingin ang dalagita kay Kenjie na tila nagdadalawang-isip nang lumabas sapagkat nakokonsensya. Natigilan si Kenjie sa malalim na pag-iisip nang madama ang dalawang palad ng dalaga sa kaniyang dalawang pisngi. Napatingin siya nang diretso sa kasama, seryoso lamang ang mga mata nito at bumulong ng; "Huwag mo s'yang pakinggan." Pagkatapos tinakpan nito ang kaniyang magkabilang tainga. Ngayon wala na talaga siyang ideya sa kung anong nangyayari sa labas ng tinataguan. Ang mga mata at isip niya ngayon ay nakapokus lamang sa magaganda at mapupungay na mga mata ni Aya. Ilang minuto ang dumaan bago ibinaba ng dalagita ang mga kamay at malalim na napabuntong-hininga. Narinig ni Kenjie ang mga kaluskos ng paang papalayo. Mukhang umalis na rin sa wakas ang kaniyang ina nang hindi sila nito nakita. "Ayos ka lang?" Nag-aalala ang mga mata ni Aya na nakatingin sa sugat niya sa braso. Napatingin at napahawak siya roon, saka lamang naramdaman ang kirot at daloy ng dugo nang tumahimik at nawala ang panganib. "Hindi mabuti. Paano mo nalaman kung nasaan ang bahay ko?" tanong niya rito sa mahinang tinig at tumitig nang diretso sa mga mata nito. "Mamaya na ako magpapaliwanag. Baka bumalik si Jovena rito, tara na, Kenjie. Gamutin natin ang sugat mo sa tree house." Tumayo ito, nagpagpag at tinulungan siyang makatayo. Tumakbo muli sila paalis sa lugar na iyon. *** "Ngayon naniniwala ka na ba sa akin na kaya kang patayin ni Jovena?" Sa malamlam na ilaw ng gasera, nakita ni Kenjie ang mga mata ni Aya na tila nagbabanta at nanenermon sa kaniya. Napaiwas siya ng tingin habang ginagamot ng dalagita ang sugat niya sa braso. Marahan lamang nitong dinadampian ng betadine ang pinsala gamit ang bulak. Napabuntong-hininga nang malalim si Aya. "Bakit mo ba naisipan na bumalik? Alam mong inuuto ka lamang ng babae na iyon." "Hindi mo naiintindihan, Aya. " Umiling siya. "Kahit ganoon siya, hindi ko maikakaila ang lukso ng dugo ko. Nangungulila ako sa kaniya." Ibinaba ni Hiraya ang mga kamay at tumitig nang diretso sa kaniya. "Hindi ka nangungulila sa kaniya, nangungulila ka sa aruga ng ina kaya naisip mong - baka magbago pa siya." Hindi siya tumugon sa hinuha nito sapagkat maaaring tama ang babae. "Pero hindi mo makikita sa kaniya ang tunay na pagmamahal ng isang ina. Kaya tumigil ka na sa kahibangan mo. Hindi na siya magbabago pa. Hindi pa ba sapat na ebidensya ang handa ka niyang patayin? Kung naghahanap ka ng aruga ng isang ina, maaaring mahanap mo iyon sa iba." "Ano ba ang ibig-sabihin ng pagmamahal para sa 'yo, Aya?" Out of the blue, iyon ang naisipan niyang itanong. Kinabigla naman iyon ni Hiraya at nagtatakang napatingin sa balitataw niya. Pagkuwa'y lumambot ang tingin nito sa kaniya at mahinahon na nagpaliwanag ng punto. "Malawak ang kahulugan ng salitang iyan, Kenjie. Dahil pwede mong ipakita ang pagmamahal sa isang tao sa pamamagitan ng pagkapit sa kaniya at pwede mo ring ipakita iyon sa pamamagitan ng pagbitaw." "Ang lalim nga..." Bahagyang napangiti siya. "Kung magsalita ka, parang matanda ka na..." Oh the irony, kung alam mo lang. Napatawa nang malakas si Hiraya. "Tingin mo lang iyon." "Tingin mo ba mahal ako ni Mama? Dahil iyon ang bukang-bibig niya sa 'kin." Muling naging mailap ang mga mata niya. "Madaling sabihin ang salitang mahal kita pero kung hindi iyon mapapakita sa kilos, bale-wala. Kaya paniwalaan mo ang kilos ng tao kaysa sa salita." "Ibig mong sabihin, hindi talaga ako minahal ni Mama?" Napabuntong-hininga si Kenjie, lalong bumigat ang kaniyang kalooban. " Kung ganoon, noong araw na ipinanganak ako hanggang ngayon, wala talagang nagmahal sa akin." "Hindi 'yan totoo." Umiling si Hiraya. "Bakit?" "Dahil nandito ako." Natigilan sila sa pagsasalita at napatingin sa mata ng isa't isa. Sa unang pagkakataon sa buhay niya, naramdaman niyang parang tumalon ang t***k ng kaniyang puso. Tila tumigil ang kanta ng mga kuliglig, huminto rin ang oras at nawala ang lahat ng tao sa mundo. "Ehem!" Pinamulahan ang kaniyang buong mukha at pekeng umubo para itaboy ang nakakailang na katahimikan. Iniwas niya ang paningin at binago ang usapan. "Alam mo hindi mo pa sinasagot ang tanong ko kung paano mo nalaman kung nasaan ang bahay ko." "Oh, that... Uhm..." Nag-isip si Hiraya ng palusot at napatingin sa kisame. Natural na alam ko dahil nakapunta na ako roon sa unang back-skip. "Sa I.D. mo," pagsisinungaling nito. "Really?" Hindi iyon bumenta kay Kenjie at nagduda pa rin. "I just know you very well." Nagkibit-balikat lamang si Hiraya kasabay ng paglawak ng ngiti. "Syempre kapag espesyal sa 'yo ang isang tao, gagawin mo ang lahat para makilala siya nang lubusan." Pangalawang beses ngayong gabi na tinamaan ng palaso ni kupido si Kenjie. Hindi na siya makatingin pa kay Hiraya dahil sa sobrang hiya. Bumibilis ang takbo ng kaniyang puso dahil sa saya ngunit nakapanghihinayang sapagkat hindi niya alam kung paano tutugon sa babae. Naudlot ang kanilang pag-uusap nang may marinig silang mga boses sa labas ng kubo. Napalingon sila sa pinto nang may umakyat sa hagdan at kumatok doon. Nagkatinginan muna sila at nagtaka, hanggang sa marinig nila ang tinig ni Mayumi. "Aya? Nandyan ba kayo?" Tumayo si Hiraya upang pagbuksan ng pinto ang mga tao sa labas. Nagningning ang mga mata nito sa katuwaan nang masilayan sina Oscar at Mayumi. Pagkapasok ng mga ito ay agad nilang sinara ang pinto. Mahigpit na yumakap si Mayumi kay Hiraya. "Anong nangyari sa inyo? Pinag-alala n'yo kami. Sabi na nga ba at nandito kayo," salubong ng babae at kumalas sa pagkakayakap. Napatingin naman si Oscar kay Kenjie at napasinghap nang makita ang sugat nito. "A-Ayos ka lang?" Naiilang naman na tumango siya. "Nagdala ako ng mga damit para sa 'yo," banggit ni Oscar na tinuro ang dala nitong bagpack. Napabuka ang bibig ni Kenjie. Hindi siya makapaniwala na gagawin nga ni Oscar ang pabor ni Hiraya. "Atleast, magsabi ka naman ng thank you," untag nito sa kaniyang pananahimik. "T-Thank you," naiilang niyang sabi at nahihiyang napangiti. Ngumiti rin sa kaniya si Oscar. Nakapagtataka, ito ang unang beses na naging maayos ang pakikitungo nito. Ano kayang sinabi ni Hiraya sa lalaki at tila tinigilan na nito ang pagseselos? "Tumawag sa akin ang mama mo, Aya." Nabaling ang atensyon nila kay Mayumi. Nakatingin ito sa tinuran. "Alalang-alala siya dahil hindi ka umuwi sa bahay. Hinanap ka niya sa akin pero ang sabi ko-hindi ko alam kung nasaan ka. Nang makausap ko ang mama mo, naisip ko na baka nagpunta ka kila Oscar." "Pero pagdating ni Mayumi sa bahay namin, sinabi ko na wala ka roon," sinalo ni Oscar ang kwento at napatingin silang lahat rito. "Kanina pa kami nag-aalala pero naisip ko na baka kasama mo si Kenjie at nandito kayo sa treehouse." "Nalaman din namin na kinuha si Kenjie ng nanay niya kanina," dugtong ni Mayumi. "Kinausap kayo ni Maam Dalisay?" tanong ni Hiraya sa mga ito. Tumango si Mayumi. "Nagtanong lang siya kung alam namin na lumayas si Kenjie sa bahay. Syempre, nagsinungaling kami kasi baka malaman pa nila na dito kayo nagtatago." Napatingin si Mayumi kay Kenjie, nag-aalala ang mga mata ng dalagita. Napayuko naman si Kenjie at napaisip nang malalim. Napabuntong-hininga siya nang mapagtanto kung gaano kalala ang ginawa nilang gulo. "I'm sorry, nag-away kayo ng nanay mo dahil sa akin," baling niya kay Hiraya. Umiling ang huli. "Huwag kang mag-sorry, wala kang kasalanan. Ako ang gumawa nito sa sarili ko." "Pakiramdam ko rin ay tinawagan ng nanay mo si Ma'am Dalisay dahil hindi ka umuwi. Mabuti pa umuwi ka muna, kahit ano pang pagtatago natin, malalaman ng nakakatanda kung anong ginawa natin. Kailangan mo humingi ng tawad kay Tita Mela," suhestyon ni Mayumi. Nakaramdam ng guilt sa puso si Kenjie at nagsusumamong tumingin kay Hiraya. "Kahit na sinasabi mong hindi ko kasalanan, ako pa rin ang dahilan, kaya patawad." "Huwag mong sabihin 'yan." "Sige na, umuwi ka na." "Pero paano ka? Ayaw kitang iwan dito." "Huwag kang mag-alala, pangako hindi na ako babalik sa bahay ko." Malungkot man ang mga mata pero pilit na ngumiti si Kenjie. "At huwag ka na ring pumasok bukas. Baka pumunta muli si Jovena sa school at makuha ka ulit. Pupuntahan kita rito sa treehouse pagkatapos ng klase," bilin nito at tumango lamang siya. "Sige, gagawin ko iyan. Basta, sa ngayon ayusin mo muna ang gusot ninyo ng nanay mo." Nasa itsura pa rin ni Hiraya ang pag-aalala ngunit pumayag na rin ito. "Pangako, aayusin ko ito." "Kami na muna ni Oscar ang bahala kay Kenjie. Sige na, umuwi ka na." Tinulak na ni Mayumi ang kaibigan palabas ng kubo. Nag-iwan ng matamis na ngiti si Hiraya bago tuluyang lumabas sa treehouse. Muling napabuntong-hininga si Kenjie nang makaalis ang babae. Mabigat man sa loob na muli silang magkakahiwalay ngunit nandoon ang pag-asa na muli rin silang magkikita. *** Nagitla siya nang makatikim ng malutong sampal sa pisngi. Napahawak siya roon, hinaplos ang namumulang bahagi. Nagtataka ang kaniyang mga mata nang bumaling sa babaeng nasa harap. Ito ang unang beses na nakatikim si Hiraya ng sampal sa mukha mula kay Mela. Nasa mga mata ni Mela ang galit ngunit nandoon din ang sakit sapagkat namumula iyon at naluluha. Napagtanto ni Hiraya na mukhang hindi niya magagawa ang kaniyang pinangako kay Kenjie. "Hindi kita pinalaki na suwail! Bakit mo ako pinag-aalala nang ganito? Saan ka nanggaling, huh?" Nagbaba siya ng tingin at walang sinabi. Hinayaan niyang maglabas ng sama ng loob ang ginang. "Youre grounded, Aya. Ihahatid-sundo kita sa eskwelahan, simula bukas!" Iyon ang hindi niya inaasahan na magaganap. Nanlaki ang mga mata niya dahil sa pagkabigla. Paano niya mabibisita si Kenjie kung magiging ganito ang set-up nilang mag-ina? Isa pa, limitado lamang ang oras niya sa panahon na ito. At paano si Jovena? Siguradong gagawa muli ito ng paraan upang makuha ang anak. Dapat ay lagi siyang nasa tabi ni Kenjie kung gusto niyang maprotektahan ito. Ngunit hindi niya magagawa ang pinaplano. Hindi siya makakakilos nang maayos kung bantay-sarado siya ni Mela. "Pumasok ka na sa kwarto mo!" utos sa kaniya ni Mela bago tumalikod at naglakad pabalik sa kusina. Natameme siya nang ilang segundo bago naisipan na maglakad patungo sa sariling silid. Mukhang hindi niya makakausap nang matino ngayon si Mela, pero bukas maaaring mawala ang galit nito at magkaroon sila ng pagkakataon na magkaayos. Tama. Ipapabukas na lamang niya, tutal marami nang nangyari ngayong araw. Kailangan na niyang magpahinga sapagkat nararamdaman na rin niya ang pagkahapo ng katawan ni Aya. Sa loob-loob niya ay humihingi rin siya ng tawad kay Aya. Sa kaunting oras na natitira sa buhay nito, nagawa pa niyang sirain ang relasyon nilang mag-ina. Napabuntong-hininga siya habang nakasandal sa pinto ng silid-tulugan. "I feel trapped..." ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD