"Aaminin ko, sa una ay hindi talaga kita gusto." Umupo si Oscar sa tabi niya na para bang nais nitong makipagkwentuhan. Nang makaalis si Hiraya, naiwan si Kenjie sa treehouse kasama ang dalawang kabataan. "Pero kung kaibigan ka ni Aya, ibig-sabihin ay mabuti kang tao."
Ilang segundo na nakatingin lamang si Kenjie sa lalaki, bago umiwas ng tingin at tapat ding sumagot. "Hindi ko rin kayo kakausaping dalawa kung hindi dahil kay Aya."
Nagkaroon ito ng kuryosidad na magtanong pa ng ibang bagay. "Kailan ka nagkagusto sa kaniya?"
Ano bang tamang sagot sa katanungan na iyon? At sa dami ng pwedeng itanong, iyon pa talaga ang natanong nito. "H-Hindi ko alam..." pag-iwas niya sa usapan.
Parang nang-aasar na ngumiti si Oscar. "Siguro nakikita mo siya na parang anghel na pinadala ng langit. You saw her as your savior." Napailing ito na parang nadismaya. "Ah, kaya pala..."
Naisip ni Kenjie na baliktarin ang kausap. Imbis na sa kaniya, bakit hindi sarili nito ang ikwento. "Ikaw? Bakit mo siya nagustuhan?"
"Ha?" Nabigla naman si Oscar sa tanong. "Bakit mo tinatanong?"
"Ikaw ang unang nagtanong sa akin."
"Hay, nako! Matagal na 'yan, Kenjie!" sumingit si Mayumi sa usapan nila. "Simula pa grade 1, type na n'ya si Aya."
"Ganoon katagal?" aniya.
"Well, we're bestfriends. Close kami." Pinagkrus ni Oscar ang mga braso na para bang pinagmamayabang iyon.
"Correction, kaming tatlo. Bestfriends kami." — si Mayumi.
"But I will admit, ngayon ko lang siya nakita na desperado," pag-iiba muli ni Oscar ng topic. "How can I say this? Si Aya ngayon... parang ang daming pinoproblema sa buhay."
Natahimik bigla si Kenjie at napaisip nang malalim dahil sa sinabi ng lalaki.
"Well, I have known her for so long at nakakahiya man aminin lagi akong nakatingin sa kaniya kaya siguro alam ko kapag may iniisip siya." May lumbay sa mga mata na pinagpatuloy ni Oscar ng sinasabi.
"Ako rin," sabat muli ni Mayumi. "Feel ko na parang nag-iba si Aya ngayon. Pero nandoon pa rin ang pagiging optimistic niya."
"Wala akong ideya sa kung ano talagang nangyayari sa inyo." Tumitig sa kaniya nang diretso si Oscar. "Pero sa mga nakalipas na araw, nakikita kong tila buhat-buhat ni Aya ang mundo."
Naging mailap muli ang mga mata ni Kenjie ngunit naunawaan niya ang punto nito. "Kasalanan ko..."
"Yes. Kasalanan mo nga."
"Oscar!" awat ni Mayumi dahil masyadong diretso at marahas ang kaibigan pagdating kay Kenjie.
"Shut up, Mayumi!" pigil din ni Oscar sa bunganga ng babae. "Kung magiging magkaibigan tayo, mas mabuti nang maging tapat sa isa't isa."
Dahil kilala na ni Kenjie ang dalawa, alam na niya na magiging tapat nga ang mga ito sa kaniya. Sa totoo lamang, mukhang sila ang mga tipo ng mga kaibigan na marunong magbigay ng payo — tipo ng mga kaibigan na handa kang hampasin kapag may ginawa kang mali.
"Nakikita mo si Aya na tagapagligtas pero nakikita ko siya bilang normal na babae lang," paliwanag ni Oscar habang nakatingin sa sahig. "Inaasa mo sa kaniya ang lahat at hindi ka kumikilos para malutas ang sarili mong problema."
"Sa tingin mo iyon ang ginagawa ko?"
"Ano pa ba?! Ano bang ginawa mo para sa kaniya?" nanenermon na tugon nito. "This whole time, lahat ay ginawa niya para sa 'yo. Pero ikaw, ano bang naiambag mo para gumaan ang sitwasyon?"
Now, it makes sense. Naunawaan na rin sa wakas ni Kenjie kung bakit ganito si Oscar. Napagtanto niyang tunay ang pagmamahal nito kay Aya dahil nasa isip nito ang kapakanan ng babae. Hindi lang iyon basta crush. Hindi lang iyon basta pagseselos.
At inaamin niya, hindi niya iyon naisip. Masyadong okupado ang utak niya sa sariling problema, hindi niya natatanong ang kalagayan ni Aya. May punto si Oscar. Wala siyang ginawa para sa babae, puro lamang siya para sa sarili. Napabuntong-hininga siya dahil lalong bumigat ang kaniyang kalooban. Nandoon pa rin ang guilt sa puso niya.
"Nahihirapan si Aya, kaya kung pwede sana, huwag mong hayaan na siya lang ang magbuhat ng problema," dagdag pa ni Oscar.
Nasasaktan din ito sa mga pangyayari ngunit wala itong magawa. Naunawaan na rin sa wakas ni Kenjie ang ibig-sabihin ng mga sinabi ni Aya. May pagmamahal na kailangang kumapit at may pagmamahal na kailangang bumitaw. Handang magparaya si Oscar kung iyon ang ikasasaya ng babae pero sa kasamaang palad— hindi rin masaya si Aya.
"Can you help her by helping yourself?" At sa unang pagkakataon tumingin sa kaniya si Oscar na parang nagsusumamo.
Ikaw dapat ang lumaban at hindi ako. — naalala na naman niya ang sinabi ni Mang Linton.
"Ang ibig sabihin ni Oscar, sana tulungan mo rin ang sarili mo," dugtong ni Mayumi.
"Naiintindihan ko." Tumango siya.
"Kung tayo lang, limitado lamang ang magagawa natin. Sad to say, mga minors pa tayo. Alam kong magdududa ka sa suhestyon ko pero... mabuting tao ang guro natin." Muli siyang napatingin kay Oscar. "Kinausap kami ni Ma'am Dalisay. Nag-aalala siya sa 'yo at binanggit niyang wala siyang tiwala sa nanay mo."
Hindi niya iyon inaasahan. Nagtataka na napatingin siya rito. Sinabi ba talaga iyon ng guro nila? Ibig-sabihin ay may ideya ito sa kalagayan niya sa bahay?
"Nandito kami, handang sumuporta sa 'yo pero sana subukan mo rin na mag-reach out sa nakakatanda," suhestyon din ni Mayumi, "Pinagkakatiwalaan din ni Aya si Ma'am Dalisay kaya sana pagkatiwalaan mo rin siya."
Natahimik muna siya nang ilang saglit bago sumagot sa kanilang dalawa. "Salamat sa inyo pero pag-iisipan ko pa."
***
Nakatanggap si Hiraya ng text mula kay Mayumi na kinakamusta siya.
Grounded ako — iyon ang reply niya sa kaibigan habang nakahilata siya sa kama.
Ngunit ang sumunod na mensahe nito ang nagpatanto na marami ngang nagbago. Balak ni Kenjie na magsumbong kay Ma'am Dalisay.
Napabalikwas siya ng higa habang nakatingin sa mensahe ni Mayumi.
Sa unang back-skip, hindi nagkaroon ng pagkakataon si Kenjie na makausap nang sarilinan sina Oscar at Mayumi. Ano kaya ang sinabi ng dalawa at napapayag ng mga ito si Kenjie?
Gayunman, nangangamba pa rin si Hiraya. Paano kung ang maging reaksyon ni Dalisay ay pareho ng maging reaksyon ni Mela? Anong gagawin niya kung tuluyan na nga silang magkalayo?
Hindi. Kailangan niyang mag-isip ng positibo. Ang mali niya sa unang back-skip, hindi nagkaroon ng pagkakataon si Kenjie na magkaroon ng malalim na relasyon sa ibang tao bukod sa kaniya.
Ngunit ngayon dahil sa pagkakaiba ng mga pangyayari, nagkaroon ng pagkakataon si Kenjie na mapalapit kina Mayumi at Oscar. At maaari ngang ang dalawang kabataan ang maging susi para mabago ang kapalaran nilang lahat.
Napabuntong-hininga si Hiraya bago ipinikit ang mga mata, nanalangin siya na sana ay maging maayos ang kinabukasan.
***
Kinabukasan. Umabot ng kalahating araw bago maisipan ni Kenjie ang umalis sa treehouse upang puntahan ang paaralan. Tiniis niya ang init ng tanghaling tapat at hinintay ang pagpunta ng guro sa faculty room.
Alam niyang ganitong oras ay dismissal na ng bawat klase sa ikaanim na baitang, kaya hinintay na lamang niya ang pagdating ng guro sa opisina nito.
Hindi siya pumasok sa klase ngayon dahil nangako siya kay Aya na hindi susulpot sa paaralan sapagkat nangangamba sila na baka hanapin muli siya ni Jovena roon. Isang pangako na hindi rin niya natupad dahil gumugulo pa rin sa isip niya ang mga sinabi nina Mayumi at Oscar.
Gayunman, sinadya niyang um-absent sa klase at nagpunta lamang rito upang makausap ang guro.
Hindi matahimik ang kaniyang konsensya dahil sa mga pinayo ng mga kaibigan. Pinag-isipan niyang mabuti...
Wala naman siyang masamang masasabi sa kanilang guro, kahit na hindi niya ito lubos na kilala. Alam niyang matulungin ito at maunawain sa kapwa. Sadya lamang hindi mabuo ang tiwala niya rito dahil wala siyang tiwala sa mga nakakatanda.
Ngunit tama rin naman sina Oscar at Mayumi. Hindi dapat niya inaasa ang lahat kay Aya. Dapat ay tulungan niya rin ang sarili.
Natigilan sa malalim sa pag-iisip si Kenjie nang sa wakas ay dumating na ang hinihintay. Napahinto rin sa paglalakad ang guro habang hawak nito ang libro at teaching materials. Nagkatinginan muna sila bago tumayo si Kenjie at napasinghap si Dalisay.
"K-Kenjie, anong nangyari sa 'yo?" gitlang sabi nito nang makita ang sugat niya. "Bakit hindi ka pumasok sa klase kanina?"
Napayuko muna siya at natahimik nang ilang saglit bago tumugon. "Ma'am, pwede ba kayong makausap?"
***