Chapter 15 : Guilt

1166 Words
Guilt. Nilalamon silang lahat niyon. Napagtanto ni Dalisay na dapat din nitong sisihin ang sarili dahil pinabayaan nitong makuha siya ni Jovena. Nanatali itong nakatingin sa kaniyang pinsala matapos niyang magkwento ng mga naranasan sa kamay ng ina. "Kung ganoon, iyon ang dahilan kaya ka lumayas sa bahay?" Tumango siya at mukhang naiintindihan na rin nito nang lubusan ang mga nangyari. "May ideya na ako noon pa," anito, "pero s'yempre mali ang magbintang sa kapwa. Ngunit kung sa'yo na nanggaling, maniniwala ako. Wala kang dahilan para magsinungaling." Nagyuko si Kenjie ng ulo at nakinig lamang sa mga sinasabi nito. "Patawad, may pagkukulang din ako. Dapat hindi kita ibinigay kay Jovena." Umiling siya. "Hindi n'yo naman po alam ang mga totoong nangyari." "Pero kahit na..." Napaiwas ito ng tingin dahil sa guilt na naramdaman. "Dapat inusisa ko muna siya..." Saglit silang natahimik na dalawa bago nito binasag muli ang katahimikan. "Handa akong tulungan ka, Kenjie." Napatitig siya nang diretso sa kausap. Hindi siya makapaniwala sa mga sinabi nito. "Kapalit ang isang pabor." Napahinto muna ang guro at seryosong tumingin sa kaniya. "Kailangan mong tatagan ang loob mo." "Tatagan ang loob?" ulit niya na may pagtataka. "Handa ka bang lumaban para sa tama? Anuman ang maging resulta ng lahat?" hamon nito. Hindi naman siya umimik sa tanong at napaisip muna nang malalim. "Alam kong kinausap mo ako para humingi ng tulong. Tutulungan kita kung alam kong hindi ka babaliktad at babalik muli sa nanay mo." Babaliktad... Marahil iyon ang kinakatakutan ni Dalisay na mangyari. Sapagkat nasa isip nito na kahit ano pang kasalanan ni Jovena, anak pa rin siya ng kalaban. Muli itong napabuga ng malalim na hininga nang wala pa rin siyang itinugon. "Pag-isipan mo muna. Bumalik ka rito sa opisina ko kung buo na ang loob mo. Maghihintay ako rito hanggang ala-singko ng hapon." Lumabas si Kenjie sa opisina ng guro at matamlay na naglakad sa pasilyo. Hindi niya inaasahan na iyon ang magiging pasya ng guro. Agaran ito kung sumagot na para bang nakahanda siyang tulungan ngunit nagdududa rin ito sa kaniya. Sabagay, hindi niya ito masisisi, may posibilidad nga na bumaliktad siya sapagkat naalala niya ang ginawa niya kay Aya. Ginawa ng dalagita ang lahat para malayo siya sa ina ngunit bumalik siya roon sa paghahangad na magbago ito. Pero katulad nga ng sinabi ng dalagita, wala nang pag-asa ang kaniyang ina. Isa nang pruweba ang pagtatangka nitong pagpatay sa kaniya kahapon. Natigilan siya sa paglalakad nang makita ang babaeng laman ng isipan. Nasa harap niya ngayon si Aya na nanlalaki rin ang mga mata na tila nabigla rin nang makita siya. At dahil nagkasalubong sa hallway, naisipan ng dalawa na mag-usap muna sa parke ng paaralan. Umupo sila sa bench na nasa ilalim ng mayabong na puno. "Hindi ko natupad ang pangako ko na hindi pupunta sa paaralan ngayon, patawad," simula ni Kenjie ng usapan nila. "Hindi ko rin naman natupad ang pangako ko na magkakaayos kami ni Mama," malungkot at nakatingin sa lupa na tugon ni Hiraya. "At sa kasamaang palad grounded ako ngayon. Mamaya ay susunduin ako ni Mama Mela." Hindi siya tumugon. Nanatiling tahimik si Kenjie na para bang malalim din ang iniisip. "Hindi ko alam kung paano ako pupunta sa treehouse mamaya..." dugtong nito. Umiling si Kenjie. "Kahit huwag mo na akong puntahan doon. Sapat na ang lahat ng ginawa mo sa akin, Aya. Ako naman ang lalaban para sa sarili ko." "Anong napag-usapan ninyo ni Ma'am Dalisay?" usisa sa kaniya nito na tumingin sa kaniyang mga mata. "Gusto niya akong tulungan pero gusto niyang maging buo ang loob ko kung lalabanan ko si Mama." "That makes sense..." "Babalik ako sa kaniya mamayang hapon. Tingin ko, buo na ang loob ko. Ayaw ko nang magdagdag ng pasanin sa 'yo. Kailangan mong magpokus ngayon sa relasyon ninyong mag-ina. Ako na ang bahala mula rito." Ngunit mukhang nasa puso pa rin ni Hiraya ang pangamba. "Dalawin mo ako sa bahay, Kenjie." "Hindi ko alam kung magagawa ko iyan. Alam mong ayaw sa akin ng nanay mo. Ako ang dahilan ng pagtatalo ninyo." "Pero paano tayo magkikita?" Naguluhan siya sa pinupunto ng babae, ilang saglit pa ang lumipas bago niya napagtanto ang sinasabi nito. Baka hindi na siya makapasok pa sa paaralan dahil sa mga nangyari. Hindi rin siya sigurado sa magiging resulta ng lahat. At kung grounded si Aya, maaari ngang hindi na sila magkita. Subalit nanaig ang kagustuhan niyang mapagaan ang kalooban ni Aya kaya naman kahit walang saysay, sinabi niya ang nasa isip. "Magkikita pa tayo. Mag-transfer tayo sa ibang school." Malungkot siyang ngumiti. "Nagbibiro ka ba?" Pilit ding napangiti si Hiraya. "P-Pero pwede rin... tapos sama natin sina Mayumi at Oscar." Natahimik silang pareho at pinakinggan na lamang ang ihip ng hangin. Kahit iyon ang sinabi nila sa isa't isa, alam nilang malabo iyon mangyari. Sumandal sa kaniyang balikat si Aya at ipinikit ang mga mata. Napatingin siya rito at nahulaan na pagod na ang babae kaya hinayaan na lamang niya. Nasa puso pa rin nila ang pangangamba sa kinabukasan pero sa ngayon, nanamnamin nila ang natitirang pagkakataon na ito. Samantala, lingid sa kaalaman nilang dalawa, nakatingin sa kanila si Dalisay sa bintana ng silid-aralan at kasama niya roon si Mela na nanonood din sa dalawa. Naisipan muna ni Mela na pasikretong kausapin ang guro bago sila umalis nang tuluyan sa paaralan. Ngunit habang nag-uusap, namataan nila ang dalawang kabataan sa parke. Nais sana ni Mela na lapitan ang mga ito at paglayuin ngunit tumutol si Dalisay. "Alam kong ayaw mo sa kaniya kaya pilit mong inilalayo si Aya pero mali iyan, Mela," wika ng guro na nagbabantang tumingin sa kausap. Pinagkrus pa nito ang mga braso. "Ano ba ang mali ko? Gusto ko lamang maging normal ang mga natitirang mga araw ni Aya," malumbay ang mga mata at tinig ni Mela habang nakatingin pa rin sa labas. "Pag-isipan mong mabuti. Sa natitirang oras sa buhay niya, ipinagkakait mo rin sa kaniya ang karapatan na maging masaya," paliwanag ni Dalisay. "Pero bakit doon pa sa batang iyon?" nanlulumo na tugon ni Mela. "Bakit hindi na lamang siya makipagkaibigan sa mas normal na bata?" "Kukunin ko si Kenjie." Napatitig nang diretso si Mela kay Dalisay nang marinig iyon. Nasa mukha nito ang pagkabigla at pagkalito. "Alam kong babalik siya sa akin mamayang hapon. Kukunin ko siya, tutulungan at dadalhin sa Child Protective Service. Wala akong ibang choice kundi ang ihanda siya sa korte at ilayo rito." Napabuntong-hininga si Dalisay at may lungkot sa mga mata na tumingin kay Mela. "Next week, alam kong hindi na rin papasok si Aya dahil ibabalik mo siya sa Childrens Hospital. Para saan pa ang grounded? Mela, ito na ang huling araw na magkikita sila." Walang itinugon si Mela na para bang napaisip muna nang malalim. Napailing naman si Dalisay at nag-excuse bago tumalikod saka naunang lumabas ng pinto. Halatang nadismaya ang guro sa paraan ng pag-iisip ng babae. Naiwang nag-iisa si Mela roon na pinag-iisipan din ang mga sinabi ni Dalisay. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD