Dapat espesyal ang araw na ito, 'di ba? Ikalabing-dalawang taon na kaarawan niya ngunit sino ba ang may paki? Kaya nga kinamumuhian niya ang araw na ito. Sana'y hindi na lang siya inuluwal at binuhay ng ina.
Kinamumuhian niya ang lahat. Kinamumuhian niya ang mga halakhakang naririnig sa paligid, ang mga ingay ng mga kaklaseng hindi mapakali sa upuan, ang mga biruan at kwentuhan. Kinamumuhian niya ang mga matang susulyap sa kaniya pagkatapos babawiin at makikipagbulungan. Kinamumuhian niya ang mga nanghuhusga, ang mga ngiting nanlilibak.
Kinamumuhian niya, kahit ang pagtangkang pakikipag-usap sa kaniya ng mga kaklaseng hindi naman niya alam ang mga pangalan.
Kinamumuhian niya kahit ang paminsan-minsang kabaitan ng mga ito, sapagkat hindi siya sanay. Hindi niya matanggap kahit maliit na kabaitan dahil hindi siya karapatdapat. Sapagkat namumuhi siya hindi lang sa kanilang lahat, ngunit pati na rin sa sarili.
Mistulang estatwa siyang nakaupo sa silya. Walang bahid na emosyon ang kaniyang mukha. Nakaharap sa pisara ngunit lumilipad ang isipan. At sa kanilang lahat, siya lang ang nakaupo nang tahimik.
Wala ang kanilang guro. Lumabas ito upang kumustahin ang isang mag-aaral na isinugod sa klinika dahil bigla na lamang itong nahimatay sa gitna ng klase. Nagkagulo ang kaniyang mga kamag-aral at lalong nagwala ang mga ito nang lumisan ang guro. Kaniya-kaniya sila ng laro at trip sa loob ng silid. Walang mananaway kahit pa magsuntukan sila.
Naninimdim ang mukha na tumingala siya upang titigan ang wall clock na nakasabit sa itaas ng pisara. Matagal pa ang oras. Nakakainip, ngunit ayaw niyang umuwi. Okay lang sa kaniya kahit habambuhay siyang nakaupo rito. Mas nasisikmura niya ang mga tao sa paaralan kaysa sa...
Napabuntong-hininga si Kenjie at muling iniyuko ang ulo. Sa desk niya ay naroon ang drawing pad na kanina pa niya ginuguhitan. Hindi niya matapos-tapos ang ginagawang sining.
Madali siyang ma-distract sa ingay, madaling malipat ang atensyon niya sa iba. At minsan pa nga, nauubos ang oras niya sa pagtulala.
Pakiwari niya ay may dumaang anghel. Biglang tumahimik, pagkatapos ay nagsitakbuhan ang mga estudyante pabalik sa mga sariling upuan. Tumingin siya sa tinitignan ng mga ito —doon sa pinto.
Naunawaan na rin niya kung anong nagaganap. Bumalik na rin sa wakas ang kanilang guro.
"Hindi ba ang sabi ko walang magdadala ng brick game sa klase? Itatago mo iyan o kukumpiskahin ko?!" Nanlalaki na ang mga mata ni Ma'am Dalisay dahil sa galit habang nakapamaywang sa pinto.
Lumingon silang lahat sa batang nagdala ng gadget. Natakot ito sa salitang kumpiska at isinuksok ang hawak sa pinakailalim ng bagpack.
"Grade 6 na kayo pero kung umasta parang mga grade 1 pa rin!" dugtong pa nito pagkatapos ay biglang huminahon ang mukha.
"Sige na, Aya. Pwede ka nang umupo," malumanay na sabi sa kasama nito.
Saka lamang napansin ni Kenjie ang batang babae sa likod ng guro. Nagkatinginan sila at nagbigay ito nang matamis na ngiti sa kaniya. Iniwas niya ang tingin at hindi iyon pinansin.
Alam niya ang buong pangalan ng babae— Hiraya Luwalhati Santiago ngunit tinatawag siya ng lahat na Aya. Sa kanilang lahat ito lamang ang kilala niya sapagkat bukod sa seatmate niya ito— palagi rin itong bumabati sa kaniya ng 'good morning'.
Approachable. Friendly. Kinagigiliwan ng lahat si Aya. Pati ang guro nila'y ito ang paborito. Bukod sa napakaganda ng mukha nito ay magaan ding kausap. Hindi rin pasaway sa klase, matalino, matyaga at hindi nakikipag-away.
Ngunit insecure siya sa sarili. Nahihiya siyang makipag-usap dito dahil napakalayo ng ugali nito sa kaniya. Malayo rin ang estado't sitwasyon ng kanilang buhay. Kaya kahit magkatabi sa upuan, hindi niya ito pinapansin.
Sa kabila ng pribilehiyo ay madalas din itong lumiban sa klase. Sabi nga nila, sakitin si Aya. Kaya rin ito biglang nahimatay kanina.
Batay sa mga naririnig niyang usapan sa likod, may malubhang sakit daw ang batang babae at kaka-discharge lamang daw nito sa Kaadlaman Children's Hospital noong nakaraang linggo.
"Okay ka lang?"
Napakislot siya sa boses na tumawag sa kaniya at sa pagkalabit nito sa balikat niya. Naguguluhan ang mga mata na napalingon siya sa katabi. Hindi niya namalayan ang pag-upo ng seatmate dahil abala siya sa pag-iisip.
At ang mas nakakagulat pa, ito ang nagtatanong kung okay lang siya.
"Ikaw ang nahimatay sa klase kanina, bakit ako ang tinatanong mo?" kunot ang noo at nagtataka niyang balik-tanong.
Nagbigay muli ito ng matamis na ngiti. "Namumutla ka kasi. Kumain ka ba ng almusal kanina?"
"Seryoso ka ba?" Naiirita ang tono niya. "Ikaw dapat ang tanungin ko niyan." Napagtri-tripan na naman ba siya or sadyang mahina lang ang utak ni Aya at hindi naintindihan ang sinabi niya?
"Huh? Ano?"
"Wala!" Napabuntong-hininga na iniwas niya ang tingin at humarap sa pisara. Bumalik na rin doon ang kanilang guro upang ipagpatuloy ang aralin. Nagtataka pa rin ang mukha ni Aya ngunit hindi na niya pinansin.
"Okay ka na ba, Aya?" Narinig niya si Mayumi sa likod, ang mataba nilang kaklase na matalik na kaibigan ni Aya.
Tumango lamang ang tinanong at pilit na ngumiti. Pagkatapos ay itinuon na nito ang atensyon sa guro nila.
Hindi komportable si Kenjie. Hindi niya maunawaan kung bakit mas naiilang siya kay Aya ngayon kumpara sa dati. Bukod sa palagi niyang nahuhuli na nakatingin ito sa kaniya, tila kakaiba rin ang kinikilos nito. Ngunit isinantabi na lamang niya ang nararamdaman.
Ano bang paki ko? Hindi naman kami magkaibigan.
***