Chapter 1 : At the Beginning

1029 Words
Lunchbreak. Lumabas si Kenjie sa silid-aralan hindi para bumili ng makakain ngunit upang magbawas sa banyo. Kahit nagugutom ay wala rin siyang pambili ng pananghalian. Titiisin na lamang niya ang pagkulo ng tiyan hanggang mamayang uwian. Sanayan lang. Wala rin naman siyang magagawa. Hindi rin ganoon kakapal ang mukha niya para manlimos ng pagkain sa mga kaklase. Hindi pa nasisira ang kaniyang ulo para gawin iyon. Matapos makapagbawas sa panlalaking palikuran, tumapat siya sa lababo upang maghugas ng kamay. At sa salamin nakita niya ang pagod na hitsura, ang nangingitim na ibaba ng mga mata at ang pobreng kaanyuan. Halatang luma na ang suot na uniporme dahil naninilaw. Wala rin siyang sapatos kaya nakatsinelas lamang. At ang black pants na suot niya, may kaunting tagpi pa dahil sa butas. Muli siyang nanliit sa sarili. Malalim siyang napabuntong-hininga bago maghilamos at pinatay ang gripo. Pagkalabas niya sa palikuran, nakita niya ang mga kaklaseng babae na nagtatawanan. Nahinto ang mga ito sa masayang pag-uusap nang makita siya. Nawala ang saya sa mukha ng mga ito at natahimik. Nagyuko siya ng ulo sa hiya, hindi siya kumibo sa pagturing nila sa kaniya. Pagkalagpas niya sa mga ito, nakarinig siya ng mga bulungan. Gayunman, hindi niya rin ito pinansin. Dire-diretso siyang naglakad palayo. Subalit, hindi niya inaasahan na may makakasalubong siya sa hallway. "Kenjie." Unang beses na may tumawag sa kaniyang totoong pangalan. Napatitig siya nang diretso sa magandang mukha ni Aya. Nakangiti ito sa kaniya. Napahinto siya sa paglalakad at napanganga. "Ha?" "Ayos ka lang, Kenjie?" anito. "Bakit lagi mo akong tinatanong kung maayos lang ako?" Binawi niya agad ang balitataw. Naiilang siya sa babae. "Nakita kitang lumabas kanina. Nag-alala ako nang kaunti kasi hindi ka naman lumalabas sa classroom kapag recess. Kaya sinundan kita, pasensya na." "Hindi lumalabas?" Nagtaka muli ang mukha niya. "Anong ibig mong sabihin? Stalker ba kita?" "Ah hindi!" nataranta ang kalooban ni Aya kung paano magpapaliwanag nang maayos. "Uhm, gusto mo bang kumain?" Hindi siya kumibo sa tanong nito. "Ililibre na kita." Parang kiniliti ang tainga niya nang marinig ang sinabi ni Aya. "Kaarawan mo rin ngayon, 'di ba?" Gulat siyang napalingon dito. "Ha?" "Ngayon ay September 25. Ikalabing-dalawang taon na kaarawan mo, tama ba? Pasensya na, muntik ko nang makalimutan. Kanina ko lang naalala." Muli itong ngumiti sa kaniya. "Happy Birthday." "P-Paano mo nalaman?" Kahit siya ay halos nakalimutan na ang petsa ngayon. At ang mas nakakagulat pa rito, si Aya ang unang tao na nakaalala at bumati sa kaniya. Dapat ba siyang magpasalamat? Hindi siya makapagsalita. Paano ba ang makisalamuha nang normal sa kapwa? "Let's go sa canteen! Ililibre na kita," masiglang sabi ni Aya at hinila ang kanang braso niya. Binawi niya ang braso at pinigil ang mga ito. "Hindi pwede!" "Bakit 'di pwede?" Nadismaya si Aya. Ngunit hindi siya tumugon at iniwas lamang ang tingin. "Nahihiya ka ba?" pangungulit pa rin nito. "Pinagtritripan mo lang ako, ano?" hula niya. Nagdududa pa rin siya sa inaasta ng babae. Parang natuklaw ng ahas ang naging reaksyon ni Aya. Napabuka ang bibig nito at napatikom. Natahimik nang saglit, naging mailap ang mga mata na para bang napaisip. "M-masyado ba akong nanghihimasok sa privacy mo?" Hindi niya talaga maintindihan ang takbo ng utak ng babae na ito. Ano bang pinagsasasabi nito? Parang laging malalim... Naiinis si Kenjie sa sitwasyon. Hindi niya alam kung bakit siya naiinis o kung ano ang kinaiinisan niya. Marahil kinabubuysitan niya ang abilidad niyang makisalamuha sa kapwa. Hindi niya alam kung paano pakikitunguhan ang kabaitan nito. Mabuti pang umiwas. Atleast, sa pag-iwas ay hindi siya magkakamali ng pagkilos at pagsasalita. Ngayon nga, alam niyang mali siya ng sinabi kay Aya. Alam niya. Alam nilang lahat na hindi magagawa ni Aya na mam-bully o man-trip ng tao. At katulad ng isang duwag, pinili niyang tumalikod at umiwas na lamang. Imbis na mag-sorry o magpasalamat, pagtataboy ang naging tugon niya sa mga ito. Hindi ko kailangan ng awa. Hindi ko kailangan ng kaibigan. — aniya sa sarili ngunit kabaliktaran ang totoo. Walang nagawa si Aya kundi sundan lamang siya ng tingin habang umaalis. Hindi na rin siya pinigilan pa ng babae. *** Hindi siya bumalik agad sa silid-aralan. Umiiwas siya kay Aya. Tumambay siya sa library at inabala ang sarili sa pagbabasa. Napakatagal ng oras kapag lunchbreak, kailangan niyang magpalipas ng mga minuto at makalimutan ang gutom. Mahilig siyang magbasa. Sa pagbabasa ay nakakapunta siya sa iba't ibang lugar at nakakalimot sa reyalidad ng buhay. Tinatakas siya ng libro sa masalimuot na mundo. Napahinto siya sa paglipat ng pahina nang may tumabi sa upuang nasa harap. Napasulyap siya sa taong umupo at napanganga nang maglapag ito ng nakabalot na slice of cake at mineral water sa tapat niya. "Iyan lang ang available doon. Hindi ko alam kung mahilig ka sa chocolate cake. Nangutang lang ako kay Mayumi pasenya na sa nakayanan. Next time, malaking cake na bibilhin ko sa 'yo, promise," nakangisi nitong sabi. Napanganga siya dahil hindi siya makapaniwala. Sinundan siya ni Aya sa library at binilhan pa siya nito ng pagkain. Ang kulit niya! "Hindi ba ang sabi ko sa 'yo—" "Shhhhh!" Tinapat ni Aya ang hintuturo sa bibig at pinatahimik siya. Tinuro nito ang librarian sa information desk. Lumingon siya roon at nakita ang mga mata ng ginang na nakatingin sa kanila. Napahiya siya sa sarili. Masyado yatang malakas ang boses niya. "Aalis na ako kung ayaw mo kong kasama," mahina nitong anas at tumayo. "Pero kailangan mong kumain." Nag-iwan muli ito ng ngiti bago lumakad sa exit door. Doon ay naghihintay sina Mayumi at Oscar. Nakakaloka ang ngiti ni Mayumi, tila kilig na kilig ang dalagita sa kanilang dalawa ni Aya. Samantalang si Oscar ay halos sumayad na ang nguso sa lupa. Kumaway at umusal pa ng ba-bye si Aya bago tuluyang umalis kasama ang mga kaibigan. Naiwan siya na nakasapo sa noo at napapailing. Hindi niya alam kung maiiyak siya sa tuwa, matatawa sa mga pangyayari o malulungkot sa sarili. Hindi niya alam kung paano mailalarawan ang emosyong nararamdaman. Naghalo-halo na kasi at para siyang sasabog. May gusto ba sa akin si Aya? Impossible! Ano kayang binabalak ng babae at parati itong nakasunod sa kaniya? ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD