SA PINAKASIMPLENG pamamaraan ay lalong pinagsintir ni Marga ang gurong pumipika sa kanya. Lihim siyang nangingiti habang ito naman ay nagngingitngit. Ayaw niya ng gulo ngunit hindi siya mananahimik at hahayaan na lang ito sa gustong gawin. Nagkakamali ang babae kung inaakalang bahag ang kanyang buntot at isang uhugin. "Wala sa salita ang tapang, Teacher Remy. Kaya hanggang maaga pa huwag ako ang pag-tripan mo dahil... mali ka ng kinakalaban. Hindi mo ko kilala at lalong hindi mo alam ang kaya kong gawin kapag naubos ang pasensiya!" Ang laman ng isip ay kabaligtaran ng nakikita sa kanyang anyo. Ang maamong mga mata at inosenteng awra ang ginamit niyang kublihan ng tunay na nararamdaman. Sa likod ng matamis na ngiti ay naroon ang mapanganib na saloobing tiyak niyang pagsisihan ni Remy.

