CHAPTER 2 - Buntis si Anastacia

1836 Words
HINDI NA NIYA namalayan ang paglipas ng mga oras. Ilang ulit siyang pinanawan ng ulirat, at tuwing babalikan ng malay, nahihiling niyang sana'y tuluyan nang hindi magising at dumilat. Nananaginip pa rin siya kahit nagigising. Hindi pa natatapos ang bangungot na nangyayari. Wala na ang busal sa kanyang bibig. Subalit sa lalamunan niya'y wala nang lumalabas na tinig. Waring nanigas na ang dila sa loob at ni isang patinig ay hindi na masambit. Wala na ang mga kamay na pumipigil sa mga braso niya't binti. Ngunit naubos na rin ang nalalabing lakas sa pahirap na tinitiis. Sumuko pati ang isip niyang napagod na at hindi makapagpadala ng utos sa parte ng katawang kabahagi. "Wala na, pare. Matabang na ang lasa!" sabi ng lalaking nakakubabaw sa kanya. Pinaspasan nito ang ginagawa at nang matapos ay inundayan pa ng suntok ang kanyang hita. Tapos na. Tapos na sila. Hindi na umigtad ang katawan niya. Bahagya na lamang umangat sa sahig ang kanyang hita, pagkaraa'y wala na. Natapos na nga ang pagpapahirap sa kanya. Wala nang sumunod pa pagkatapos ng huling lumamog sa katawan niya. Hindi niya iginalaw ang ulong namamanhid. Ang utak ay waring namamaga at hinahangin. Tainga na lamang niya ang malinaw. Naririnig niyon ang halakhakan ng mga dimonyo sa lupa. "Tangina! Maluwag na maluwag na pare. Humanap na tayo ng iba. Yung masikip pa at makatas." "Kayang-kaya tayo. Maning-mani lang. Biro mo, pito tayo pero hayan at humihinga pa. Ligo lang at isang araw na pahinga, pwede na uli 'yan!" Pang-uuyam ng mga ito sa kanya. Nais niyang magmura; magmura nang magmura hanggang gumaan ang nararamdamang bigat sa dibdib! Sa masasakit na salita man lang ay makaganti. Iyon na lamang ang kaya niyang gawin. Ngunit bigo pa rin. Sa loob lang ng isip nagagawang patayin ang pitong lalaki! "Ano'ng gagawin natin d'yan?" tanong ng isa. "Ano pa? E 'di..." Kinabahan siya. Ang kamatayang hinihintay kanina ay kinatakutang bigla. "Kalat lang 'yang iniisip niyo. Iintindihin pa natin kung saan ibabaon 'yan o kung saan itatapon." Hindi niya sigurado kung para saan ang ginawang paglunok dahil sa tinatakbo ng usapang naririnig. Papatayin siya, 'yon ang intindi niya sa mga lalaki. "Hayaan na lang nating makauwi 'yan para kapag na-miss natin pwede pa tayong umulit." Hindi niya alam kung dapat ipagpasalamat na bubuhyain pa siya. "Teka pare. Paano kung..." "Maraming mahuhusay na abogado, pare. Mas madaling lusutan ang pagiging rapist kaysa killer. Hayaan natin siya. Kung kaya niyang ikuwento sa mga pulis kung ano ang ginawa natin sa kanya at kung gaano tayo kagaling rumomansa e 'di... gawin niya!" Naghahalakhakan ang mga ito habang nagpapagalingan sa kahayupan at pambababoy na ginawa sa kanya. Pinag-uusapan ang parte ng katawan niyang binalahura! Mga hayup. Mamatay na sana kayong lahat! Sigaw ng utak niya. Naririnig niya ang pingkian ng mga baso at tunog ng likidong isinasalin at ibinubuhos. Naaamoy niya ang singaw ng alak at usok ng sigarilyo. Ganoon din ang kakaibang amoy na hindi niya matukoy kung ano. Malagkit ang katawan niya. Nakadikit ang sari-saring amoy sa kanyang balat. Nakakadiri. Nakakasuka. Tuluyang bumaligtad ang kanyang sikmura. Pagkaraa'y muling nagdilim ang paligid niya. NATIGILAN SIYA nang maramdaman ang paggalaw ng kinaroroonan. Hanggang sa mapagtantong nasa loob na ng sasakyang umaandar. Kasama ng mga lalaking hindi yata nauubusan ng dahilan sa pagtawa. Maga ang talukap ng kanyang mga mata, pakiwari niya'y namamaga rin ang ilalim niyon. Suot na niya ang damit. Ngunit ang panloob ay hindi. Ilang sandali pa ay naramdaman niyang bumabagal ang pag-usad ng sinasakyan. Hanggang huminto sa kung saan. "Sige na palabasin na 'yan!" Kasunod ng utos na 'yon ang marahas na tunog nang pintong nabuksan. Hindi nagtagal at may humila na sa kanya at tumulak palabas. Naghahalakhakan pa rin ang mga ito nang pababain siya at sumubsob sa kalsada, saka pinaharurot ang sasakyan habang nagsisigawan. Para siyang basurang iniwanan sa gitna ng daan. Pinilit niyang tumayo. Nangangalog man ang mga tuhod ay sinikap balansihin ang katawang mabigat. Walang sapin ang kanyang mga paa. Nararamdaman niya ang gaspang at lamig ng tinutuntungang kalsada. Sinimulan niyang humakbang. Kung may makakakita ay mapagkakamalan siyang tauhan sa kuwentong katatakutan. Sana'y may dumating na sasakyan. Sana'y may dumaan upang maihatid siya sa uuwian. Ngunit sa huli'y binawi niya ang hiling. Ang kabaligtaran ang paulit-ulit niyang dinalangin. Iniunat niya ang katawan. Sinikap iayos ang paglalakad. Walang dapat makapansin, walang dapat makakita; walang dapat makaalam sa nangyari sa kanya! Naglakad siya nang naglakad. Kaunti na lang. Malapit na siya sa bahay na inuuwian. Hindi niya pansin ang nanghahapding talampakan. Balewala ang paltos at nagdurugong sugat. Papasikat na ang araw. Ilang sandali pa ay magigising na ang mga kapaitbahay niya; makikita siya! Hayun! Natatanaw na niya ang bakod nila. Malapit na malapit na! Pasilip na ang araw nang makapasok siya sa gate. Halos hindi na niya maihakbang ang mga paa palapit sa hagdanan. Masakit na masakit ang buo niyang katawan; bugbog na bugbog ang kaniyang kalamnan. Kumapit siya sa gabay at saka sinimulan ang pagpanhik. Naiiwan ang bakas ng paa niyang nanghahapdi. Nangungutim ang hugis talampakang may bahid ng dugo sa bawat baitang na makinis. Sa wakas, narating niya ang itaas. Huminto siya sa tapat ng malapad na pinto at sa namamaos na tinig ay tinawag ang pinsang nasa loob. "O-ofelia. O-ofelia... tulungan mo 'ko." Nagsisimula na namang umiikot ang kaniyang paningin. Isinandal niya ang katawan sa dahon ng pintong nakapinid. "O-ofelia..." anas niyang muli. Bumukas ang pinto. Dahil hindi alam ng nasa loob na nakasandal siya roon, dire-diretso siyang bumagsak sa sahig! "Oh, Diyos ko! A-anastacia, ano'ng nangyari sa'yo? Anastacia!" DAPIT- HAPON NA nang magmulat ng paningin si Anastacia. Nasa tabi niya ang pinsang si Ofelia at ang doktor na tinawagan agad ng pinsan. Malinis na ang katawan niya ganoon din ang suot na damit. Nakabalot na ng gasa ang magkabila niyang paa. Napansin din niya ang nakakabit na IV sa kaliwang kamay. Umangat ang kanyang paningin sa maliit na hose patungo sa kinakabitan niyon. Napangiwi siya nang magtangkang bumangon. Napakasakit ng kanyang ulo at pakiramdam niya ay sasabog. Ramdam niya ang pagpintig ng mga ugat sa sintido. Pati ang magkabila niyang s**o ay masakit, ganoon din ang balakang, sikmura, magkabilang binti at hita. Lahat ng bahagi ng katawan niya ay nananakit. Lalo na ang mga singit. Pakiramdam niya'y nakabuka pa rin kahit magkadikit. At ang kaselanan niya... mahapdi at nangangati. Muli siyang nahiga. Inilapat ang likod sa kutson ng kama. Mariin niyang ipinikit ang mga mata. Pigilan man, kusang bumalong ang luha. "Anastacia, kahit hindi ka magsalita ay nakatitiyak kaming may nangyari sa iyong masama. Bakit hindi tayo magsuplong sa mga alagad ng batas. Kailangang magbayad ang kung sinumang hayop na gumawa sa'yo ng ganyan," umiiyak na sabi ni Ofelia. "Huwag kang matakot, Anastacia. Sasamahan ka namin. May mga kakilala akong makakatulong sa atin. Nakilala mo ba ang lumapastangan sa iyo?" Mahinahong tanong ng manggagamot. Alam niyang nagahasa ang dalaga ayon sa pagsusuring ginawa ng ob-gyne na tinawagan. At kung hindi sila nagkakamali, nagkaroon pa ito ng impeksyon. Bukas pa niya makokompirma ang bagay na 'yon paglabas ng resulta sa laboratory test na ipinagawa niya rito. Alam din niyang hindi lamang iisa ang dumahas sa dalaga dahil sa dami ng natagpuang semilya sa puerta nito. "Hindi na kailangan, Doc. Ayokong pagpiyestahan ng mga tao ang mga nangyari sa akin. Kahit mahuli ng mga pulis ang mga dimonyong 'yon ay hindi na mababago pa ang lahat." Pumaling kay Ofelia ang mukha ng manggagamot. Nagpapasaklolo upang kumbinsihin ang dalagang inagrabyado. "A-anastacia--" Ang sasabihin pa sana ng pinsan ay pinigilan ni Anastacia. "Tama na, Ofelia. Ayoko nang pag-usapan pa ang tungkol dito. Nakikiusap ako sa iyo, gano'n din sa'yo, Doc. Aasahan kong hindi na makararating pa sa iba ang nangyaring sa akin." Hindi na ipinilit ng mangagamot ang gusto sanang gawin. Umiling naman si Ofelia nang muli nitong sulyapan, katumbas ng pagsang-ayon sa pinakikiusap ng pinsan. "Maaasahan mo ako sa bagay na 'yan," pangako ng manggagamot. "K-kung puwede sana... pati ang kaibigan mo'y mapakiusapan na rin. Doc, ayokong --" "Huwag kang mag-alala, ako na ang bahalang kumausap sa kanya." "Maraming salamat." Matipid na sagot ni Anastacia at saka ipinaling ang mukha pakabila; kung saan hindi makikita ang dalawang kasama sa loob ng silid. Naunawaan ng doktor at ni Ofelia ang ikinilos na iyon ng dalaga. Magkasunod nang lumabas ang mga ito. Hindi man sinalita, gusto na nito mapag-isa at magpahinga. INIHATID NI Ofelia ang manggagamot hanggang sa gate. Kaibigan ito ng mga magulang ni Anastacia at nasisiguro niyang ang binitawang pangako ay tutuparin. Mabilis itong dumating ng tawagan niya at tunay ang pagmamalasakit. "Maraming salamat po, Doktor," maluha-luha niyang sabi. Nakangiti itong tumango. Tinapik ang balikat niya at muling inulit ang mga dapat gawin para sa pinsang biktima ng malupit na kapalaran. Magalang itong nagpaalam pagkaraan. Lahat ng sinabi nito ay tinandaan niya. Ang ilan ay isinulat pa upang hindi makalimutan. Binili niya ang mga gamot sa reseta at nagmamadaling binalikan ang naiwanang pinsan. Napakasakit din para sa kanya ang nangyari. Naiintindihan niya ang pasya nito. Kilala niya ang ugali ni Anastacia; ang gusto at ayaw; ang lakas at kahinaan. Kung susumahin, silang dalawa ay malayong magkamag-anak. Ang mga magulang niya ay naninilbihan lamang sa mga magulang nito. Subalit ni minsan, mula nang siya'y lumaki at magkaisip, hindi niya nakita o naramdamang katulong lang sila sa bahay na iyon. Kapamilya kung sila'y ituring at ipakilala sa mga tao. Sa anumang lakaran, kasa-kasama ng senyor ang kanyang ama. Ang senyora nama'y hindi umaalis nang hindi kasama ang kanyang ina. Nang mamatay sa aksidente ang papa ni Anastacia, kasama nito ang mga magulang niya; kasabay rin nang namatay. Hindi pa naililibing si Senyor, inatake naman sa puso si Senyora . Apat na labi ang magkakasabay inilibing nang mga panahong iyon. At dahil pareho silang nag-iisang anak at parehong naulila, silang dalawa na lamang ang nagturingan bilang pamilya. Para na silang magkapatid at magkaibigang matalik. Ang malalapit na kamag-anak ng mag-asawa ay nasa malayong probinsya at ang ilan naman ay nasa ibang bansa. Pagkatapos ng libing ay nagpaalam na ang mga ito dahil sa mga negosyong hindi maaaring iwanan nang matagal. Gusto sana ng tiyahing magpadala ng titingin at mag-aasikaso sa naulilang pamangkin, ngunit mariin tinutulan ni Anastacia. Ayaw ng pinsan niyang may magrereyna-reynahan sa sariling pamamahay at didiktahan sila kung ano ang gagawin. Walang nagawa ang mga kamag-anak nito. Ang gusto ng pinsan niya ang nasunod. Dahil sa magandang pakikisama ng kanyang mga magulang at ng mga magulang ni Anastacia sa mga tagaroon, walang nakakaisip gumagawa ng 'di maganda sa kanila... maliban NGAYON. . . MULA NANG mangyari ang paglapastanganan kay Anastacia, nagkukulong na lamang sa sariling silid ang dalaga. Nawalan ito ng sigla at naging bugnutin. Ilang buwan ang matuling lumipas... nagtatakbo itong pumasok sa loob ng banyo. Nakaharap sa inodoro at nagsuka nang nagsuka; inilabas ang laman ng sikmura. Hinang-hina itong sumandal sa dinding pagkatapos. Butil-butil ang pawis at namumutla. Palabas na ito nang muling bumalik sa loob at nagduduwal na naman. Natutop ni Ofelia ang bibig habang pinagmamasdan ang pinsan. Malakas ang kutob niya... buntis si Anastacia!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD