CHAPTER 3 - Triplets

1863 Words
BAGAMAN may hinala na sa kalagayan ni Anastacia ay nagsawalang kibo si Ofelia. Kinakabahan siya sa maaaring gawin ng pinsan. Madalas ay nakakulong lang ito sa loob ng silid. Ang gusto ay mag-isa at ayaw ng kasama; ng kausap. Hindi niya ito mababantayan sa lahat ng oras. Gaya na lamang ngayon, hindi niya napansing hindi pa nga pala ito dinadatnan ng buwanang dalaw. Inisip niyang dala lamang ng stress at gawa ng mga matataas na dosage ng ininom na gamot kung kaya naglayag ang regla nito. Nawaglit sa isip niya ang posibilidad na magdalantao ang pinsan at nasentro ang pag-iisip sa paraang gagawin upang maibalik ang sigla nito at ang nangyari ay makalimutan. Napabuga siya ng hangin. Hindi niya alam ang gagawin. Nang makitang palabas na si Anastacia sa loob ng palikuran ay agad siyang lumapit. Ang bimpong nakapatong sa balikat ay ginamit pamunas sa butil-butil nitong pawis. "G-gusto mo bang uminom ng kape para mabawasan ang pangangasim ng sikmura mo?" tanong niya. Umiling ito. "T-tubig? Uminom ka muna." Hindi ito sumagot ngunit hindi rin nagpakita ng pagtanggi kaya inalalayan niya hanggang makarating sa komedor. Iginiya niya itong maupo upang makapagpahinga. Nag-aalala siyang kung bibitawan ay baka bigla na lamang bumagsak. Mabilis siyang nagsalin ng inumin sa baso at iniabot 'yon sa pinsan. Habang umiinom ng tubig ay muli niya itong hinagod ng tingin. Nangangatog ang mga kamay nito. Tinungga ang baso at inisang angatan lang ang laman. Tila uhaw na uhaw. Nang maubos ay padabog nitong ibinaba ang hawak sa ibabaw ng mesa. Bahagya siyang nagulat. Nakagat niya ang pang-ibabang labi nang makita itong tumanaw sa malayo. Nanlilisik ang mga matang binabalungan ng luha. Naigtad siya nang mapansing mariin nitong hawak ang basong walang laman. Dalawang kamay ang gamit sa basong animo pinipigang damit. Agad siyang lumapit at pinigilan ito sa ginagawa. Nag-alalang mabasag iyon at masugatan pa. "Ofelia..." anas nito habang dahan-dahang bumibitaw. Tinawag siya ngunit ang mukha'y sa kabila nakapaling. Nakita niya ang paglapat ng isang palad nito sa tapat ng sariling tiyan. "O-ofelia..." muling nitong sambit. "Tatawagan ko si Dok para matignan ka. Huwag kang mag-alala, nandito ako at hindi kita pababayaan. Pagtutulungan natin siyang alagaan at palakihin," nakangiti niyang sabi. Mabilis ang naging pagpaling ng mukha nito paharap sa kanya. Pagkaraa'y biglang tumayo na naging sanhi nang pagbagsak sa sahig ng silyang inupuan. "Hindi! Ayoko!" "A-nastacia, ano'ng--" "Kailangang mawala ang pesteng ito! Tulungan mo ko, Ofelia. Alisin natin siya sa loob ng katawan ko!" Naghihisterya nitong sigaw habang sinusuntok ang tiyan. "Tumigil ka, Anastacia!" Sigaw niya habang pinipigilan ang mga kamay nito sa ginagawa. Halos matumba na silang pareho sa pagpiglas ng pinsan. Ang kamao nito at siko ay tumatama sa kanya. Ganoon din ang tuhod at paang naninipa. "Pabayaan mo ko, Ofelia! Kailangang mawala ang batang ito!" "Dugo mo't laman ang nasa loob ng sinapupunan mo, Anastacia! Kilabutan ka sa mga sinasabi mo! Matakot ka sa Diyos!" "Hayop ang nandito, Ofelia! Anak ng mga dimonyo! Hindi dapat mabuhay ang batang ito. Dapat siyang mamataaaay!" Tila wala sa sariling sigaw ni Anastacia. Hinihila nito ang mga kamay. Nagpipilit makahulagpos sa pagkakahawak niya. Isa pang malakas na sigaw ang kumawala sa lalamunan nito at saka nawalan ng malay. Bumagsak ito sa sahig! Nataranta siya! Hindi malaman ang gagawin. Dalawa lamang sila sa loob ng may kalakihang bahay ng mga magulang ng dalaga. Dati ay may kasama siya. Tagalinis at tagapaglaba. Subalit mula nang dumating sa kanila ang napakabigat na problemang kinakaharap ngayon ay hindi na ito pinabalik pa ni Anastacia. Ayaw nitong may ibang taong kasama, lalo na sa loob ng bahay nila. Mag-isa niyang ginagampanan ang mga gawaing bahay at pag-aalaga sa pinsan. Nahihirapan siya hindi dahil sa bigat ng trabaho, sanay siya sa hirap. Ang nagpapahirap sa kanya ay ang nakikitang nagkakaganoon ang dalagang itinuturing niyang kapatid at matalik na kaibigan. Ang nararamdaman nito ay nararamdaman din niya. Nasasaktan din siya. Gabi-gabi rin niyang tinatangisan ang sinapit nito. Tinatanong niya ang sarili, sinisisi sa nangyari. Pumatak na ang luhang kanina pa niya pinipigil. Muli niyang hinaplos ang mukha ni Anastacia. Malaki na ang inihulog ng katawan nito. Humpak na at maputla ang pisnging dati-rati'y punong-puno ng sigla. Ang magandang mukha ay nawalan ng kinang; ang mapupungay na mata ay laging malisik at naging mailap. Kung siya lang ang masusunod, nais niya itong dalhin sa ospital. Maipagamot ang nanghihinang resistensiya at nangangayat na katawan. Lalo na ang pag-iisip na ang nilikhang sugat ng nangyari ay patuloy na nagnanaknak. Hindi rin ito lumalabas kahit sa loob lang ng kanilang bakuran upang masikatan ng araw. Naroon lang sa loob at mas madalas ay nagkukulong sa sariling silid. Palaging nakasara ang mga bintana ng kanilang bahay. Sumisigaw agad ito kapag may nakita kahit siwang. Naisip niyang marahil ay ayaw na may makakita o may makita. Ang iniisip nitong palagi ay pinag-uusapan sila ng mga kapitbahay, pinagtatawanan at nililibak. Wala na ngang lumalapit sa bakuran nila. Ultimo tagahatid ng diyaryo at tindero ng pandesal. Ayaw ng maingay, pinasasaway agad sa kanya ang mga batang naglalaro sa tapat ng bakod at maging ang ugong ng mga sasakyan ay tila kinatatakutan. Awang-awa man ay wala siyang magawa kundi ang alagaan ito at iparamdam na naroon siyang lagi. Na siya ay kakakampi, karamay at ipaunawang anuman ang mangyari, hindi ito mag-iisa at hinding-hindi niya pababayaan. Hindi niya kayang buhatin ang pinsan upang maipasok sa loob ng silid. Mabilis na lamang siyang kumuha ng unan at pansapin sa sahig. Painot-inot niyang naiangat ang katawan nito upang maging komportable sa sahig. Pagkaraa'y isinunod na ang pagpupunas sa mukha nito at mga braso gamit ang bimpo at maligamgam na tubig. Nang matapos, tinawagan na niya ang doktor nito at sinabi ang nangyari. Bahagya nang lumawag ang dibdib niya nang sabihin ng manggagamot na magtutungo agad sa kanila. Binantayan niya ang pinsan at matiyagang pinaypayan. Hindi naman nagtagal at nahimasmasan na ang dalaga. Tinulungan niya itong tumayo at saka inihatid sa loob ng silid. Lumipas pa ang mga buwan. Halata na ang maumbok na tiyan ni Anastacia. Hindi na ito nagtangka pang saktan ang sarili at nagmistulang masunuring anak kay Ofelia. Maliban sa ayaw pa rin nitong lumabas para masikatan ng araw; lalo na ang magtungo sa klinika at magpa-check up. Hindi na nagpilit pa si Ofelia. Pinakiusapan na lamang niya ang doktor na regular itong bisitahin sa kanila upang maalagaan at mabantayan ang kalagayan, lalo na ang sanggol na unti-unting lumalaki sa loob ng tiyan. Hindi naging madali para sa kanya ang pag-aalagang ginagawa sa pinsan. Ang mga bitamina nito ay sinisiguro niyang naiinom at ang niluluto at inihahaing pagkain ay masustansiya para sa buntis. Napapagod man ay balewala sa kanya. Palagi niyang iniisip na madaragdagan na sila. Magkakaroon na ng munting anghel sa loob ng bahay nila. Hindi niya winawaglit sa isip na sa pagdating ng sanggol ng pinsan, lalambot na ang loob nito; magbabago na ang pananaw sa mundo. Umaasa siyang kapag nakita na nito ang anak, magkakaroon na ng dahilan upang ipagpatuloy ang buhay; na muling mapupuno ng matitinis na hagikgik at malutong na halakhak ang bakuran nila; na magiging masaya na uli sila. Ilang buwan bago ang takdang panganganak ni Anastacia nang sabihin ng doktor na hindi pangkaraniwan ang laki ng tiyan nito; dahil hindi iisa ang sanggol na nasa loob. Ang gusto ng manggagamot ay matignan ito sa ospital at sumailalim sa ultra sound. Nabalisa siya sa narinig. Hindi alam kung ipaaalam kay Anastacia ang sinabi nito. Natatakot siyang baka magwala na naman ang pinsan at makaisip gumawa ng 'di maganda. Gayunpaman, nag-aalala rin siya sa kalagayan nito at sa mga anak na isisilang. Kinausap niya si Anastacia at ipinaliwanag ang payo ng tumitinging manggagamot, subalit ang tungkol sa bilang ng sanggol ay sinarili na lamang at minabuting huwag na munang sabihin at ipaalam. "Huwag mo kong piliting lumabas, Ofelia. Hindi na kita kinontra sa gusto mo. Hinayaan na kita. Pero ang lumabas pa at magpunta sa punyetang hospital na sinasabi mo e, hindi ko na susundin. Ayokong lumabas! Tagalog lang 'yan para hindi mo maintindihan. Huwag mong ipilit ang gusto mo kung ayaw mong magkagalit tayo." Mariin nitong sabi. Wala siyang nagawa. At sa huli, muli na namang pinakiusapan ang doktor. Kung ipipilit nila ang gusto ay baka kung ano pa ang mangyari sa buntis. Nailing na lamang ang manggagamot. Malalim ang naging samahan nito at ng ama ni Anastacia kung kaya ang pang-unawa para sa anak na inulila at dumanas pa ng karahasan ay muling ipinagkalaoob. MATULING lumipas ang mga buwan. Dumating na ang araw na pinakahihintay ni Ofelia, manganganak na si Anastacia. Para namang pinaglalaruan ng pagkakataon... ibinalita sa telebisyon na may parating na bagyo. Tanghali pa lang ay mukhang hapon na. Makulimlim ang langit at umaambon pa. Hanggang sa bumuhos na ang pagkalakas-lakas na ulan. Sandali lang ay napuno na ang mga kanal at umahon na ang tubig sa kalsada. Nag-aalimpuyo ang hanging galit na galit. Gustong patumbahin ang anumang humarang sa daraanan; isama sa paghagunot at wasakin! Paulit-ulit ang ginawang pag-dial ni Ofelia sa telepono upang makapasok ang tawag sa doktor ng pinsan. Busy ang nasa kabilang linya. Umangat ang mukha niya at tiningala ang kumikisap na ilaw. "Huwag, huwag muna... 'wag ka munang mawawala ngayon. Hintayin mo munang makapanganak si Anastacia. Huwag ka na sumabay, nakikiusap ako huwag--" Isang malakas at matalim na kidlat ang umalingangaw sa himpapawid na sinundan ng malakas na pagsabog. Kumalat ang dilim sa buong paligid! "Aaaaah!" sigaw ni Anastacia. Lalo siyang nataranta! Nagmamadaling binitawan ang awditibo ng telepono at saka hangos na tinungo ang silid ng pinsan. "Diyos ko!" aniya nang makita itong nakatayo ay nangungunyapit sa gilid ng kama. M-manganganak na ko! T-tulungan mo ko, Ofelia!" "M-mahiga ka, m-mahiga ka!" Malakas niyang sabi habang inaalalayang makahiga ang buntis. "S-s-andali lang ako. Kukuha lang ako ng gasera at mainit na tubig. H-huwag kang matatakot, ha? K-kaya mo 'yan. K-kaya natin 'yan!" Sabi niya hindi lang sa pinsan pati na sa sarili. Nanginginig ang mga tuhod niya. Nangangatog ang mga kamay na nanlalamig. Malakas ang ulan sa labas ganoon din ang hangin, ngunit tumatagaktak ang kanyang pawis. Binitbit niya ang unang palangganang nadampot. Isinunod ang malaking thermos. Nasa loob na ng isang malaking bag ang lahat ng gamit ng pinsan niya sa panganganak. Naihanda na niya ang mga iyon no'ng isang buwan pa. Gasera, palanggana, bag at thermos. Sabay-sabay niyang nabitbit at naipasok sa loob ng silid ni Anastacia. Napag-aralan na niya at napraktis ang dapat gawin sa ganoong pagkakataon. Itinuro na sa kanya ng doktor sa tulong ng mga librong paulit-ulit niyang binasa at kinabisado. Handang-handa na siya, preparado na at alam na ang mga dapat gawin. Ngunit nang mga sandaling iyon, tila nilipad ng hangin ang kahandaan niya. Napatunayan niyang kapag pala nariyan na, magagahol pa rin siya at 'di malaman kung ano sa kinabisado at pinag-aralan ang unang gagawin. Kinalma niya ang sarili. Hinga-buga-hinga ang ginawa niya upang paluwagin ang naninikip at kumkabog na dibdib. Kaya mo 'yan, Ofelia! Wala nang ibang aasahan si Anastacia at ang mga pamangkin mo. Kayanin mo! Kasabay ng matatalim na kidlat, paghagupit ng hangin at malakas na buhos ng ulan... magkakasunod na isinilang ang mga sanggol ni Anastacia; tatlong sanggol na babae; ang triplets
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD