CHAPTER 4 - Balat ng triplets

2050 Words
NAPAWI ANG lahat ng pagod na nararamdaman ni Ofelia nang masilayan ang mukha ng tatlong sanggol na inilagay sa kabilang panig ng malaki at malapad na kama ni Anastacia. Nagluluha ang kanyang mga mata habang pinagmamasdan ang mga munting anghel na hindi niya sukat akalaing makakayang sinuping mag-isa. Ang maliliit na pisngi, ang dunggot ng mga ilong na kitang-kita na pagkasilang pa lang, mga labing maganda ang hugis at animo nakangiti sa kanya. Masayang-masaya ang pakiramdam niya sa kabila ng luhang patuloy na dumadaloy sa magkabilang pisngi. Pakiwari niya'y sa sariling sinapupunan nagmula ang mga ito; sa kanilang magpinsan nanggaling; sila ang nagluwal. Hindi niya alam kung saan nagmula ang lakas at kaalamang mistulang mabuting espiritong sumanib sa kanya. Kung babalikan sa alaala ay baka ikalito na niya. Siya man ay hindi makapaniwalang nagawang tama ang lahat para sa mag-iina. Pinahid niya ang luhang humihilam sa mga mata. Ang matamis na ngiting nakaguhit sa mga labi ay hindi nabubura. "Napakagagandang bata, mga mukhang anghel! Magkamukhang-magkamukha talaga at walang pinagkaiba. Paano ko kaya matatandaan kung sino sa kanila ang sino?" Maingat niyang hinawakan ang bawat sanggol, at isa-isang ipinihit na tila sinusuri. Naghahanap siya ng magiging palatandaan upang madaling makilala ang bawat isa. Natitiyak niyang may sari-sariling pagkakakilanlan ang mga ito kahit mistulang pinagbiyak na bunga ang itsura. Nasa gawing dulo ang unang sanggol na lumabas. Matingkad na kulay pula ang sinulid na nakaburda sa baru-baruan nitong suot. Nasa bungad naman ang huling sanggol na inuluwal. Maputlang pula ang disenyo ng sinulid sa suot nitong damit. Ang ikalawang sanggol na ipinanganak ay nasa pagitan ng dalawang katabi. Matingkad sa huli at mapusyaw sa una ang pulang sinulid na nakapalamuti. Siya ang nagburda sa laylayan ng mga baru-baruan ng mga ito upang malaman kung sino ang panganay, ikalawa at bunso. Bagama't hindi nagpa-ultra sound ang pinsan, sinabi ng doktor na tatlo ang naririnig na pusong pumipintig sa loob ng sinapupunan nito. Kaya naman para sa tatlo ang inihanda niyang gamit. Hindi nila alam kung lalaki o babae kaya pulang sinulid ang ginamit niya sa pagbuburda ng mga hugis puso sa baru-baruan. Unisex ang mga binili niya upang mapa-lalaki man o babae ay maganda at hindi alanganing tignan para sa tatlong sanggol. Wala siyang narinig na pagtutol mula kay Anastacia. Hindi ito kumikibo at nakatingin lang. Kung nakikinig sa mga sinasabi niya ay hindi niya alam, basta ang importante hindi ito sumisigaw, at lalong hindi siya pinigilan. Siya ang nasasabik, ang aligaga sa pagdating ng tatlong sanggol na alam niyang magpapabago sa takbo ng kanilang buhay, at positibo ang inaasahan niya sa pagbabagong iyon. Lumapad ang pagkakangiti niya nang matagpuan ang hanap. May birthmark sa magkakaibang parte ng katawan ang mga sanggol, hindi na siya malilito. "Ikaw si Ate, dahil ikaw ang unang lumabas." Nakangiti niyang turan sa sanggol na may balat sa kaliwang talampakan. Hinaplos niya pa ang paa nito bago muling ibinalik sa pagkakabalot at saka pumaling sa susunod na sanggol. "Ikaw naman si Ditse, kasi pangalawa kang lumabas." Sabi niya sa sanggol na sikad nang sikad. Natawa pa siya nang gumalaw ang mga daliri nito at kumapit nang mahigpit sa daliri niyang ipinangbubutingting sa kaliwa nitong kamay. May balat ito sa kaliwang pulso. Nakangiti siya ngunit muling namuo ang luha. Pagsamo ang naging pakahulugan sa mahigpit nitong pagkapit sa kanya. "H-huwag kang mag-alala Ditse, aalagan kayo ni Ninang, ha?" Pinahid niya ang luha sa mata at dahan-dahang inalis ang daliri sa mga kamay nito. Nakangiti niyang hinarap ang isa pa. "At ikaw naman, si Bunso." Sabi niya sa sanggol na tulog pa rin kahit binubutingting niya ang katawan. Nasa likod naman ang balat nito. "Namana ninyong tatlo ang balat ng mama niyo sa kanang hita. Ang hugis na animo mapa, ang laki at ang mamula-mulang kulay ay kagayang-kagaya rin. Nakakatuwa! Magpalaki kayo agad, ha? Huwag magtitigas ang mga ulo niyo. Huwag na huwag niyo akong pahihirapan sa pag aalaga sa inyo. Kawawa naman si Ninang kapag 'di kayo naging good girls. Ipangako niyo 'yan, ha?" Nakangiti niyang sabi na para namang naiintindihan siya ng mga kinakausap. Matapos ayusin ang mga lamping nakabalot sa mga bagong silang, at dampian ng masuyong halik ang paanan ng mga ito ay nilapitan naman niya ang pinsang ilang oras nang nakapanganganak. Nakatulog si Anastacia matapos magsilang. Mabuti na lamang at hindi ito labis na nahirapan sa pagluluwal ng tatlo. Naisip niyang marahil ay malaki ang sipit-sipitan nito at bumukas agad kaya madaling nakalabas ang mga sanggol. Ipinagpasalamat niya sa Diyos ang bagay na iyon. Nakangiti niyang hinagod ng tingin ang mukha nito. Maaliwalas na iyon kung ikukumpara kaninang kapanganganak lang. Maingat niyang sinamsam ang mga ginamit at inilabas. Dahan-dahang nilinis ang mga mantsa ng dugo sa makintab na sahig. Hindi niya nararamdaman ang pagod, nangingibabaw ang kaligayahan sa kanyang puso na pinagmumulan ng masiglang pagkilos. Apat na buhay ang nasa pangangalaga niya kung kaya ang lakas ay higit na nag-ibayo at naging inspirado. Muli siyang nagsindi ng mga kandila upang tanglawan ang mag-iina. Gasera naman ang pinagkunan niya ng liwanag habang nagpapabalik-balik sa silid at kusina. Kabisado niya ang bahay kaya kahit pusikit lamang ang tanglaw ay nakakakilos siya nang maayos. Sinulyapan niya ang bintanang capiz. Dilim pa rin natatanaw niya sa puting-puting shell niyon. Maliban sa kumukudlit na liwanag mula sa kidlat ay wala. Umuulan pa rin bagaman hindi na tulad kanina. Inilagay niya sa malaking batya ang damit ni Anastacia, ang mga sapin at kumot nitong puro dugo. Nagsuot siya ng kapote at saka kinilik ang batya pababa sa hagdan. Sa tapat ng alulod sa ibaba ng bahay, doon niya niluglugan nang niluglugan ang mga iyon at saka ibinabad sa tubig na may sabon. Pumanhik na siya pagkatapos, nagsalin ng tubig sa takure at isinalang sa kalan. Inilagay niya ang nilinis na dahong bayabas sa isang palayok at isinalang naman sa kabilang burner ng gas stove. Habang hinihintay kumulo ang nakasalang, muli niyang nilinis ang arinolang gagamitin ng pinsan. Kasing taas iyon ng maliit na timba. Babanlian niya iyon upang masigurong malinis at hindi maimpeksiyon ang bagong panganak na gagamit. Kapag kaya nang tumayo ni Anastacia, pauupuin niya ito sa arinolang may pinakuluang dahon ng bayabas upang madaling matuyo ang sugat at makasagap ng mainit na singaw ang puerta. Narinig niya sa kapitbahay ang tungkol sa bagay na 'yon. Nakagiginhawa raw sa katawan ng nanganak ang mainit-init na singaw ng dahong pinakuluan. Nang matapos ay nagluto naman siya ng lugaw sa isang maliit na kaldero. Bawang, luya at sibuyas lamang ang ginamit niyang pampalasa sa pag-aalalang magkaroon ng impeksiyon ang pinsan kung makakakain ng malansa. Nagprito na lamang siya ng isdang hihimayin sa lugaw nito kapag gusto nang kumain. Naglagay rin siya ng ilang pirasong dahon ng malunggay na makakatulong naman sa pagdami ng gatas na maipasususo sa mga anak. Habang hinihintay maluto ang lugaw na nakasalang, binalikan niya ang silid upang tignan ang mag-iina sa loob. "Kamusta na ang pakiramdam mo?" Nakapikit si Anastacia ngunit alam niyang gising. Pinagkikiskis nito ang magkabilang hinlalaki sa magkabilang paa. Malilit pa sila ay nakagawian na nito ang gano'n. Nang hindi ito umimik ay muli siyang nagsalita. "Naku! Anastacia. Napakagaganda ng mga anak mo. Manang-mana sa'yo, at pati ang birthmark mo ay nakuha rin!" Pinasigla niya ang tinig. Ibig hawahan ang pinsan sa nararamdamang galak at pagmamalaki. "Sulit na sulit ang hirap mo. Tignan mo't kay ku-cute talaga! Teka at ilalapit ko--" "Hindi na, Ofelia." Putol ni Anastacia sa pagsasalita niya. "Mas gusto kong ilayo mo sa akin ang mga sanggol na 'yan. Ayoko silang makita." Matabang nitong sabi. Walang buhay; walang interes. Nasaktan siya para sa tatlong sanggol na pakiwari niya'y mga anak rin niya. "Walang kasalanan sa mga nangyari ang mga bata, Anastacia. Huwag mo sana silang idamay sa..." Napahinto siya sa pagsasalita nang dumilat si Anastacia at tumingin sa kanya. "Sinunod ko na ang gusto mo 'di ba? Siyam na buwan ko silang pinagtiisang kargahin sa loob ng aking katawan. Hindi lang isa Ofelia, kundi tatlong batang anak ng dimonyo." "Anastacia! Naririnig mo ba ang sarili mo? Mga anak mo--" "Gusto mo bang malaman kung bakit ako nagkakaganito? Gusto mong marinig ang totoo? Kung paano 'ko paulit-ulit na binaboy? Gusto mong tignan ko ang bunga ng kahayupang ginawa sa akin ng mga lalakeng 'yon? Ipaalala sa akin kung paano halinhinang ginahasa? Gusto mong paniwalaan kong wala silang kasalanan? Hindi mo alam ang pinagdaanan ko. Wala kang alam sa sakit na nararamdaman ko hanggang sa mga sandaling ito. Gusto mong tanggapin ko ang mga batang 'yan? Para ano, Ofelia? Para oras-oras, araw-araw ay paulit-ulit isampal sa mukha ko ang nangyari nang gabing 'yon?! Ang gusto mo'y kalimutan ko ang lahat dahil sa kanila?! Yan ang pilit mong isinasaksak sa utak ko. Ang akala mo ba ganoon lang 'yon kadali, ha?! Pito sila, Ofelia! Pitong lalaki ang..." Sindak na sindak siya sa narinig; natigilan at hindi nakapagsalita. Nangalog ang mga tuhod niya at ang pagod ay biglang nadama. Para niyang nakita ang gabing sinasabi ni Anastacia; ang pagsigaw nito at paghingi ng saklolo habang halinhinang pinagsasamantalahan. Muling umahon sa kanyang dibdib ang galit para sa gumawa ng kahayupan sa pinsan niya; sa matalik niyang kaibigan. Hindi lamang pala dalawa o tatlo ang gumahasa rito, kundi pito! Siya man ay umiiyak na rin. Hindi man siya ang nilapastangan ng pitong lalake ay nararamdaman din niya ang malalim na sugat sa utak at pagkatao ni Anastacia. Ang kasuklam-suklam na karanasang lumipas man ang mahabang panahon ay hindi na nga mawawala pa sa alala nito, sa alaala ng kahit sinong dumanas ng ganoon. "A-anastacia..." Pumiyok ang kanyang tinig nang sambitin ang ngalan nito. Humahagulgol ang pinsan niya. Yumuyugyog ang magkabilang balikat. Niyakap niya ito. Nais ipadamang mananatili siyang naroon anumang oras, sa lahat ng oras. Sariwang-sariwa pa rin sa isipan nito ang malalim na sugat ng nakaraang tila kahapon lamang. Malawak na pang-unawa ang kailangan ni Anastacia; lubos na pagmamahal at matiyagang pagkalinga. Iyon ang kanyang ibibigay, at buong pusong ipagkakaloob sa ina ng tatlong sanggol na bagong silang. Hindi na niya ipinilit pa ang pagpapahinuhod sa dalagang ina. Umaasa siyang darating din ang araw na maghihilom ang nilikhang sugat ng mga naganap at ang maiiwanan na lamang ay pilat. "Pasensiya ka na sa mga nasabi ko. Huwag ka nang umiyak at baka makasama pa sa'yo. Sandali lang at ikukuha kita ng lugaw. Mainam kung malalamnan ng mainit-init ang sikmura mo." Hindi na niya hinintay pa ang pagsagot nito at dali-daling tinugo ang pinto. Sinulyapan niya muna ang triplets bago tuluyang lumabas, kagat ang pang-ibabang labi upang pigilin ang pag-iyak. Dala na niya ang isang tasang lugaw nang magbalik. "Gusto mo bang ipaghimay kita ng isda para--" "Huwag na, Ofelia. Ibaba mo na lang sa mesa 'yan. Ako na ang bahala." Sagot agad nito habang nakapikit. "Aalis muna ko. May bibilhin lang ako sa labas. Sandali lang at babalik agad ako. May gusto ka bang kainin, bibilhin ko na--" "Wala, Ofelia." Tumango siya bagaman hindi nito makikita. Bago lumabas ay muli niyang sinigurong maayos ang mga kandilang nakatulos sa candelabra ganoon din ang nakabalot na kumot sa mga sanggol. KAHIT MALALIM ang baha sa kalsada ay nilusong pa rin niya. Binalewala ang lamig ng tubig makabili lang ng gatas para sa tatlong sanggol. Kahit tignan man lang ay ayaw gawin ni Anastacia sa mga anak, lalo na ang pasusuhin ang mga ito. Kung babanggitin niya ang tungkol sa bagay na iyon ay baka magsisigaw na naman ito at humagulgol. Makasasama ito sa bagong panganak. Higit itong mahihirapan kung mabibinat. Lahat ng kailangan ng mga sanggol ay naihanda na niya maliban lang sa gatas. Nagkamali siya sa pag-aakalang natanggap na ni Anastacia ang mga anak. Mali siya sa inasahang magaganap. Nagtanong na lamang siya sa pharmacist kung ano ang mainam na gatas para sa bagong silang at mga dapat gawin sa paghahanda bago at matapos padedehin. Matapos magbayad sa kahera ay nagmamadali na siyang naglakad pauwi. Pakiramdam niya ay nag-iiyakan na ang mga sanggol dahil sa gutom. Lalo pa niyang pinabilis ang paglakad sa ga-hitang taas ng tubig baha. Hindi man sa katawan niya galing ang tatlong sanggol ay tila bahagi na ng buhay niya ang mga ito. Nakahanda na siyang maging pangalawang ina ng triplets at ibigay sa mga ito ang lahat ng pagmamahal na nasa puso niya. Sisikapin niyang mapangalagaan ang tatlo sa abot ng kanyang makakaya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD