Chapter 1
“Hmmph!!" sabay sipa ko ng bato na nakita ko sa aking nilalakaran. Naibuhos ko tuloy sa batong iyon ang aking stress sa aking maghapon.
Naglalakad ako ngayon pauwi sa aming bahay dahil sa pagtanggal sa akin sa trabaho ng Amo kong Intsik. Ayus na rin iyon kaysa araw araw akong nabubwisit sa aking trabaho. Isa akong cashier sa isang malaking grocery dito sa aming lugar. Anim na buwan pa nga lang ako rito pero pakiramdam ko ay daig ko pa ang ilang dekada na naninilbihan sa kanila. Napakasama naman kasi ng ugali ng mag-asawang Intsik na iyon, kaunting pagkakamali lang ay kung bulyawan ang mga tauhan nito ay para bang binili na pati buong kaluluwa ng mga ito. Kanina ay na-short ang aking kasamahang cashier na si Sally. Nakulangan ito ng 164 pesos sa kaha. Ang matapobre naming Boss ay sinigaw-sigawan ang kawawang si Sally. May kasama pa itong pagmumura at pang-aalispusta. Nakita ko ang kahabag-habag na itsura ni Sally habang umiiyak sa pagkakahiya. Hindi ko na napigilan ang aking sarili kahit maraming mga tao ay sumingit ako at pinagtanggol ang kawawang si Sally. Halos lahat ng tao sa lugar na iyon ay napahinto at nanood na lamang sa aming gawi na para bang nanood ng live na suntukan.
Kung anu ang ginawa nila kay Sally na pagmumura ay binalik ko rin sa kanilang
dalawa. Inakusahan din akong kinukunsinte ko ang kasamahan ko. Sinabihan pa akong baka ako ang nagnakaw ng pera. Pakiramdam ko ay para akong sumabog na bulkan kung kaya ay nasuntok ko ang bunganga ng Amo kong lalaki na si Mr. Go, galit na galit ang mga kupal. Nagka-baranggayan pa kami. Hindi naman ako papayag na papaapi kaya ang ending ay nawalan kami ng trabaho ni Sally. Mabuti na lamang at mabait si Kapitan at kahit paano ay di nagpatinag sa mga kupal na intsik. Naging neutral siya sa pakikipag-usap. At hindi na umabot sa kasuhan na gusto pang gawin sa akin dahil sa pagsuntok ko sa lalaking Intsik.
Pagbaba ko ng jeep ay nagdesisyon na lamang ako maglakad. Sayang din kasi kung magta-tricyle pa ako. Mas okay na rin maglakad ako pangpakalma ng sistema. Kahit pa may kinse minutos pa na lakarin pauwi sa amin. Nasa gilid ako ng kalsada at wala sa loob na pumitas ng dahon at pinisil-pisil sa aking kanang kamay ng may malakas na bumisina sa aking likuran na aking kinayanig ng katawan sa sobrang gulat. Pakiramdam ko pati tutuli ko sa magkabilang tainga ay lumundag.
“Dios Mio!" napahawak ako sa aking dibdib at marahas na napalingon sa aking likuran.
Isang puting sports car at mukhang milyones ang halaga na nakahinto sa aking likuran. Napakawalang hiya naman ng kung sino mang angkan ni satanas ang lakas trip para businahin ako kahit nasa tamang daanan ako. Ngayon pa talaga kung kailan badtrip ako.
“Hoy walang hiya!" sabay hakbang ko palapit sa mamahaling kotse at walang pakialam na kinalampag ko ang bintana na tinted.
Nanatili lamang nakahinto at parang walang tao sa loob nang sasakyan dahil walang lumalabas mula roon.
“Ang kapal naman ng mukha mo para businahin ako. Sino ka bang animal ka?! Hindi porke yayamanin ka ay baka samain ka sa akin!"
Kulang nalang ay umusok ang dalawang butas ng ilong ko at bumbunan sa sobrang pagka-asar. Kaya walang tigil kong pinukpok ang hood ng sasakyan. Maya maya pa ay biglang umandar ang sasakyan at walang pasintabing nilayasan ako. Halos manlaki ang mga mata ko dahil kung di agad ako napaatras ay baka nagulungan na ako ng wala sa oras. Lalong nagpupuyos ang aking kalooban. Gusto ko na maglupasay sa sobrang pagka-bwiset.
“Ahhhhhh!!!" hiyaw ko at napapadyak na lamang sa lupa. Napapalingon na lamang sa akin ang ibang dumadaang sasakyan. Pero wala akong pakialam.
~~~~~~~~~~~~~
Nang makauwi ay sinalubong agad ako ni Inay na takang-taka dahil sa maaga kong pag-uwi. Kaya kiniwento ko lahat ng pangyayari sa aking stressful na buhay. Sinama ko na din ang walang hiyang sasakyan na nang-trip sa akin. Mabuti na lamang at hindi na ako sinermunan ni Inay dahil sa aking ginawa. Parang naunawaan niya ang nararamdaman ko kaya pinaghanda na lamang niya ako ng makakain.
Pumasok ako ng aking silid at nagpalit ako ng damit pambahay.
“Pakito!"
“Pakito!" tawag ko sa aking pusa.
“Meeoww" biglang sulpot nito, mabilis na lumundag ito sa akin at maliksi kong nayakap. Mahal na mahal ko itong pusa ko kahit pa madalas ay nag-aaway kami.
Papunta na ako sa maliit naming kusina ng magsalita si Inay.
“Ibaba mo na nga iyang pusa mo Samantha!" palatak ni Inay.
Binaba ko na lamang sa aking paanan si Pakito at naupo na. Sabay na kaming nanalangin bago kumain.
“Anak kaya mo na ba ang iyong sarili dito?" untag ni Inay.
“Anung klaseng tanong iyan Inay, sa tanda kong ito natural po kayang kaya ko ang aking sarili"
Sinamaan ako ng tingin ng aking Nanay.
“Ako'y nababahala pag ikaw ay aking iiwan dito."
“Saan naman kayo pupunta?" takang tanong ko habang ngumunguya.
“Susundan ko ang Itay mo sa Bicol. Mag-aanihan na, sayang naman kung andito lang ako. Mas magandang dalawa kami ng Tatay mo dun. Para sabay na rin kami uuwi dito pagtapos ng anihan."
Napadiretso ako ng pagkakaupo.
“Wala pong problema Inay, basta mag-iingat kayo ni Tatay dun"
“Ang inaalala ko ay ikaw Anak."
“Kung inaalala mo Inay dahil maiiwan akong mag-isa dito ay wag po kayong mag-alala ni Itay."
“Paanong hindi mag-aalala sayo ay palagi kang nadidisgrasya"
“Grabe ka naman Nay! Anung akala mo sa akin lampa" napasimangot tuloy ako.
“Mabuti naman ay alam mo. Katanda mo na ay nadadapa ka pa rin. Kung hindi naman ay palagi kang may kaaway. Jusmiyo Anak! Kababae mong tao pero napakapasaway." problemadong palatak ni Inay.
Napabusangot na lamang ang aking mukha sa sinabi ni Inay. Alam ko naman iyon. Ang nakakainis lang ay hindi naman ako mahilig makipag-away. Dahil sila ang mahilig akong awayin. Natural ipagtatanggol ko lamang ang aking sarili sa mga bwisit. Wala nga akong malapit na kaibigan dito sa amin. Wala naman akong pakialam. Mas gusto ko nalang na magsuntukan kami kaisa sa parinigan o tarayan.
Ang hirap din maging solong anak. Matanda na rin kasi naging mag-asawa si Inay at Itay. Menopause baby nga daw ako. Kahit saan sila magpunta ay palagi akong kasama. Kahit sa edad kong bente tres ay daig ko pa sampung taon kung ituring. Lalo na sa aking Itay. Masiyado nila akong ini-spoiled kahit mahirap lang kami.
Matapos ang aming hapunan ay ako na ang naghugas ng aming pinagkainan. Pinakain ko din si Pakito na hindi tumigil pumulupot sa aking binti para bigyan ng pagkain. Lagpas ala-syete ng gabi ng inayos ko ang bintana para magsarado sa aking kwarto. Nang may mapansin akong isang puting kotse na mukhang mamahalin ang nakaparada sa di kalayuan sa aming bahay. Nakaparada ito malapit sa bahay ni Aling Seoning na nagmamay-ari ng mga apartment dito sa lugar namin. Ilang minuto ko itong tinitigan bago nagdesisyon na isarado ko ng tuluyan ang bintana. Naghalf-bath lang ako at sinuot ang paborito kong pajama na Doraemon. Nagkiskis muna ako ng aking mukha. Gamit ang Rejuvenating Product. Syempre kailangan din ng skin care kahit walang lovelife. Nang matapos ay nahiga na ako at parang kidlat na tumalon sa aking paanan si Pakito.