DUGTUNGAN ANG KAHAPON (COMPLETED)

2468 Words
Nasa isang parke si Lola Victoria, kasama ang apo nitong si Jellian. “Lola Victoria? Bakit po kayo nandyan?” tanong ni Jellian sa kanyang Lola. “Gusto ko lang na pagmasdan ang magandang tanawin dito sa labas ng hardin. At saka, may naalala rin kasi ako.” Sagot ni Lola Victoria sa dalaga. “Lola, nandito nga pala ang nobyo ko, nais niyang makilala kayo.” Imporma ni Jellian sa kanyang abuela. “Wala namang problema kung gusto niya akong makilala, apo.” Nakangiti na pahayag ni Lola Victoria sa dalaga. “Maraming salamat po Lola Victoria! Teka lang po at tatawagin ko lang po ang nobyo ko.” Paalam ni Jellian sa abuela. Isang tango lang ang isinagot ni Lola Victoria sa kanyang apo. Ilang sandali pa ay dumating na nga ang nobyo ni Jellian kasama ang dalaga. “Lola Victoria, nandito na po ang aking nobyo. Si Alejandro po. . . Mahal, ang Lola Victoria ko.” Pakilala ni Jellian sa isa't-isa. “Magandang hapon po sa inyo, Lola Victoria. Ako nga pala si Alejandro. . . Ikinagagalak kitang makilala.” Magalang na pagpapakilala ni Alejandro sa kanyang sarili. Sandaling napatitig si Lola Victoria sa binata. Bigla niyang naalala ang kanyang dating kasintahan sa binatang kaharap niya. “Hijo, may kakilala ka bang Roberto Maurillo?” tanong ni Lola Victoria sa binata. Halata sa boses nito ang pangungulila nang banggitin ang pangalan ni Roberto. “Pasensya na po kayo, Lola Victoria, pero hindi ko po kasi kilala si Roberto Maurillo eh.” Sagot ni Alejandro sa matanda. “Ganoon ba? Magkamukhang-magkamukha kasi kayong dalawa eh. Akala ko ay may ugnayan kayo ni Roberto.” Lumungkot ang boses ni Lola Victoria dahil sa naging sagot ni Alejandro. “Bakit po ba Lola? May problema po ba?” tanong ni Jellian sa kanyang abuela. Si Lola Victoria ay nasa setentay-singko anyos na. Pero, dahil mahilig itong kumain ng gulay at marunong magdala ng katawan ay “Si Roberto ay kasintahan ko noon. Gusto niyo bang i-kwento ko ang pag-iibigan namin noon?” nakangiti na tanong ni Lola Victoria sa magkasintahan. Nakangiti man ito pero bakas pa rin sa mukha nito ang kalungkutan. “Sige po, Lola Victoria, makikinig po kami sa kwento ng pag-iibigan niyo ni Roberto.” Sabi ni Jellian. Hinila niya ang kamay ng nobyo at sabay na naupo kaharap ng kanyang abuela. “Ito ang simula ng pag-iibigan namin ni Roberto. . .” Panimula ni Lola Victoria sa kanyang kwento. * Taon 1968. Tuwing sabado ay nagtutungo sa sapa si Victoria at ang ilang kababaihan sa kanilang baryo para maglaba. Isang umaga, maagang nagtungo si Victoria sa sapa. Marami siyang labahin kaya kailangan niyang tapusin ang lahat ng labahin niya. Ang kanyang ibang kapatid ay nasa bahay at naglilinis ang mga lalaki naman niyang kapatid ay nagpupunta sa sakahan. Pitong magkakapatid sina Victoria, at dahil laki sa hirap ay sanay sila sa iba’t-ibang trabaho. “Binibini, maaari ba kitang tulungan sa iyong dala? Batid ko iyan ay mabigat.” Isang baritonong boses ang nagpalingon kay Victoria. Nakita niya ang isang gwapong binata na nakasuot ng puting damit at kupas na pantalon. May suot din itong sombrero na gawa sa abaka. “Huwag ka ng mag-abala pa, ginoo. Kayang-kaya ko namang dalhin itong labahin ko.” Pormal na wika ni Victoria sa binata. “Binibini, wala akong masamang intensyon sa iyo. Nais ko lamang na tulungan ka.” “Hindi kita kilala. . . D'yan ka na nga at inaabala mo na ako.” Mataray na wika ni Victoria sa binata. “Ako nga pala si Roberto Maurillo, anong pangalan mo?” nakangiti na tanong ni Roberto sa dalaga. “Wala akong pangalan.” “May tao bang walang pangalan? Mukhang mahihirapan yata akong paamuhin ka.” “Paumanhin, ginoo. Hindi ako isang aso para paamuhin mo. Hmp!” Nang sabihin iyon ni Victoria ay agad nitong tinalikuran ang binata at malalaki ang hakbang na tinungo ang sapa. Hindi naman kalayuan ang sapa sa kanilang bahay. Halos sampung minuto lang ang ang lalakarin mula sa bahay nila Victoria. “Magkikita tayong muli, binibini! Napakaganda mo at ako’y nabighani sa iyong ganda.” Sigaw ni Roberto sa dalaga. Saglit na natigilan si Victoria. Nainis siya sa pagiging mahangin ni Roberto. “Kay yabang mo, ginoo! Magbigay galang ka sana sa isang binibining kagaya ko.” Pasigaw na wika ni Victoria dahil may kalayuan na siya mula sa mahanging ginoo. Hindi na sumagot pa si Roberto at tiningnan lamang ang papalayong dalaga. “Kaygandang dalaga. Nais ko siyang ligawan, ngunit, mukhang mahihirapan yata ako.” Wika ni Roberto sa kanyang sarili. * Lumipas ang tatlong araw mula nang makilala ni Victoria ang binatang si Roberto. Simula rin nang araw na iyon ay hindi na mawala sa isipan ni Victoria ang binata. Isang araw habang naghuhugas ng pinggan si Victoria ay dumating ang kanyang kapatid na babae. “Ate, alam mo bang may sayawan mamaya sa bayan? Nais kong magpunta roon. Minsanan lang naman ang ganitong palabas, hindi ba?” imporma ni Lorna kay Victoria. “Talaga? Pero, baka hindi tayo payagan ni ina at ama.” “Subukan nating magpaalam, ate. Nasa tamang edad na rin naman tayo eh. Alam mo ba ate, pupunta raw ang anak ng mayor ng bayan natin. Siguradong gwapo ’yon at sana lang mapansin tayo! Naku! Kay swerte natin kapag nagkataon, ate!” Masayang wika ni Lorna sa kapatid. “Sige, magpaalam tayo mamaya kina ina at ama. Gusto ko ring pumunta sa sayawan.” Wika ni Victoria. * Kinagabihan nga ay nagpaalam si Victoria sa kanilang mga magulang at pumayag naman ang mga ito sa kondisyong isasama nila ang kanilang nakatatandang kapatid na lalaki. Nasa sayawan na si Victoria kasama ang kanyang dalawang kapatid. “Ate! Doon tayo umupo!” Hinila ni Lorna ang kamay ng kapatid at umupo sa bakanteng upuan. Nagkakasiyahan na ang lahat nang may lumapit sa kinauupuan nina Victoria at Lorna. Nagulat pa si Victoria nang makita ang binatang si Roberto. “Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Victoria sa binata. “Binibini, ako ang naghanda ng sayawan na ito. . . Itatanong ko lang kung ayos lang ba kayo rito? May gusto ba kayong kainin o baka gusto niyo ng maiinom?” maginoong tanong ni Roberto sa dalawang binibini. “Wala kaming gusto. Makakaalis ka na.” Taboy ni Victoria sa binata. “Binibini, nais kong isayaw ka. Sana paunlakan mo ako.” “Ipagpaumanhin mo, ginoo. Ngunit, ako’y hindi marunong sumayaw.” “Pwede naman kitang turuan. Talagang nabighani ako sa iyong kagandahan.” Seryosong wika ni Roberto sa dalaga. Nangungusap ang mga mata nito. Bigla na lamang kumabog ang dibdib ni Victoria. Nahabag ang kanyang puso dahil sa sinabi ng ginoo sa kanyang harapan. “S-sige, pumapayag na akong isayaw mo.” Nahihiyang sagot ni Victoria. Bumukas ang kasiyahan sa mukha ni Roberto. “Ako ay nagagalak at pumayag ka sa imbitasyon ko. Maaari ko na bang makuha ang pangalan mo, binibini?” tanong ni Roberto kay Victoria. “Victoria, iyan ang aking pangalan.” Sagot ni Victoria sa binata. “Victoria, kaygandang pangalan. Bagay na bagay sa iyo. . . Pwede na ba kitang isayaw, Victoria?” nakangiti na aya ni Roberto sa dalaga sabay lahad ng kamay nito. Tinanggap naman ni Victoria ang nakalahad na kamay ni Roberto. Simula nang gabing iyon, naging malapit sa isa't-isa sina Victoria at Roberto. Habang tumatagal ang kanilang pagsasama na dalawa ay mas lalong nahulog ang loob nila sa isa't-isa. Isang araw ay niyaya ni Roberto si Victoria sa isang hardin. Gustong surpresahin ng binata ang dalaga. Mabilis namang pumayag si Victoria. Dumating sa isang magandang hardin sina Roberto at Victoria. Namangha ang dalaga nang makita ang kapaligiran. Napapalibutan ng iba’t-ibang klase ng bulaklak ang buong paligid. “Ang ganda naman dito, Roberto. Nakakamangha at nakakatuwa!” Masayang bulalas ni Victoria. “Maraming salamat at iyong nagustuhan, mahal ko.” Nakangiti na wika ni Roberto sa dalaga. Nagulat naman ang dalaga sa sinabi ng binata. “A-anong ibig mong sabihin, Roberto?” “Victoria, alam mo namang may nararamdaman ako para sa ’yo. Kailanman ay hindi ko iyon ikinubli. Mahal kita, Victoria. Kaya gusto kong itanong ito sa ’yo, mahal mo ba ako?” nagsusumamo ang boses na tanong ni Roberto kay Victoria. Napangiti ang dalaga. Mahal na rin niya ang binata at naghihintay lang itong magtapat sa kanya. “Roberto, mahal din kita.” Nakangiti na sagot ni Victoria kay Roberto. “Talaga? Mahal mo rin ako?” “Oo, mahal na kita, Roberto. Alam kong malayo ang agwat ng pamilya nating dalawa. Ikaw, isa kang anak ng mayor sa bayan natin. Ako ay anak lamang ng isang magsasaka. . . Kaya, huwag mo sanang isipin na ginagamit lang kita para pagkaperaha.” Pahayag ni Victoria sa binata. “Shhh. . . Wala akong pakialam sa kung saang pamilya ka nanggaling, ang mahalaga sa akin ay mahal mo ako, dahil ikaw, mahal na mahal ko.” Madamdaming pahayag ni Roberto sa dalaga. “Salamat sa pagmamahal mo, Roberto. Nangangako akong mamahalin kita, ikaw at ikaw lamang.” Pangako ni Victoria kay Roberto. “Ganon din ako sa ’yo, Victoria.” At sa araw nga na iyon ay naging magkasintahan sina Victoria at Roberto. * Akala ng dalawa ay magiging masaya na sila. Ngunit, nalaman ng ama ni Roberto ang pakikipag-relasyon niya kay Victoria. Nagalit ang ama ni Roberto at ipiantapon ito sa Maynila. Isang buwan ang matuling lumipas, hindi na nagkita pa ang makasintahan. Nasaktan si Victoria nang may magpadala ng sulat sa kanya. Ang nakasaad sa sulat ay hindi siya mahal ni Roberto at ginamit lang ito ng binata. Napahawak sa impis niyang tiyan si Victoria at mahinang umiyak. Paano na ang kanilang pangarap na dalawa? Paano na ang anak nilang hindi pa naisisilang? Nawalan ng ganang mabuhay si Victoria. Isang gabi ay dumating ang nobyo ng kapatid niyang si Victorina. Si Victorina ay kakambal niya. Magkamukhang-magkamukha ang sina Victoria at Victorina. Kakarating lang ng kanyang kapatid mula sa probinsya ng kanilang ina. Kaya kahit isang beses ay hindi ito nakita ni Roberto, hindi niya rin nabanggit sa kasintahan ang tungkol sa pagkakaroon niya ng kakambal. Namamanhikan na ang nobyo ng kanyang kapatid. * Nabalitaan ni Roberto na ikakasal na raw si Victoria. Hindi naniwala ang binata. Kaya kahit nagalit ang kanyang ama ay nagpunta pa rin siya sa kanilang baryo upang makita mismo ng kanyang mga mata ang babaeng mahal na mahal niya. Gusto niyang makasigurado, ayaw niyang maniwala dahil alam niyang mahal na mahal siya ni Victoria. Ngunit nang makita ng dalawang mga mata ni Roberto ang kasintahan na ikinakasal sa iba ay parang pinatay ang puso niya. Kaya sa araw na iyon ay tuluyan ng umalis si Roberto sa bayan nila at simula noon ay hindi na nagpakita pa ang binata. Ang hindi alam ni Roberto ay ang kakambal ni Victoria ang ikinasal at hindi ang kanyang kasintahan. Ngunit, huli na ang lahat para sa kanila. Ipinatapon si Victoria ng kanyang mga magulang sa probinsya ng kanyang ina. Para sa mga magulang ni Victoria ay isa siyang kahihiyan sa kanilang pamilya. Nagdadalang-tao kasi sj Victoria sa anak nila ni Roberto. Kambal na lalaki ang naging anak nina Victoria at Roberto. At dahil mahal na mahal ni Victoria ang kanyang kasintahan ay hindi na nito naisipan pang mag-asawa. Habang si Roberto naman ay hindi rin nag-asawa, mahal niya si Victoria at walang pumalit sa puso niya, tanging si Victoria lang ang itinitibok niyon. Nalaman ni Victoria ang katotohanan na akala ni Roberto ay siya ang ikinasal. Hindi niya masisisi ang binata dahil hindi niya sinabi na may kakambal siya. Huli na ang lahat nang malaman ni Victoria ang katotohanan. Dahil sa pagiging desperada ni Victoria ay nagtrabaho siya ng mabuti upang makapunta sa Maynila. Gusto niyang hanapin si Roberto. Ngunit, wala nabigo si Victoria. Hanggang ngayon ay umaasa pa rin siyang makikita ang dating kasintahan. * Kasalukuyan, taong 2023. Sunod-sunod na tumulo ang luha sa mga mata ni Jellian nang marinig ang kwento ng pag-ibig ng kanyang Lola Victoria at Lolo Roberto. Ngayon lang nalaman ni Jellian ang pangalan ng kanyang abuelo. “Lola, grabe po ang kwento niyo ni Lolo. Ang sakit sa dibdib. Hindi niyo nakasama ang isa't-isa dahil lang sa maling akala.” Naluluhang wika ni Jellian sa abuela. Isang mapait na ngiti lamang ang sumilay sa labi ni Lola Victoria. “Ganoon talaga ang pag-ibig, apo. Masarap sa pakiramdam, kaya lang, kailangan ka ring maging handa sa sakit na dulot nito. Hindi kasi lahat ng pagmamahal ay may masayang katapusan. Minsan, masakit din ang magmahal.” Paliwanag ni Lola Victoria sa kanyang apo. May lumapit na isang matandang lalaki sa kinaroroonan ni Lola Victoria. Hindi kasi kalayuan ang matandang lalaki kaya narinig niya ang lahat ng sinabi ni Lola Victoria. “Victoria, tama ba ang narinig ko? Hindi ka nagpakasal sa ibang lalaki?” nagulat na tanong ng matandang lalaki kay Lola Victoria. Nang tiningnan ni Lola Victoria ang nagsalita sa likuran niya ay halos manghina ang katawan ni Lola Victoria. “R-roberto? Ikaw nga ba iyan? O ako’y namamalikmata lamang?” tanong ni Lola Victoria kay Lolo Roberto “Ako ito, Victoria mahal ko. Kaytagal kong namuhi sa ’yo, ngunit hindi ko akalain na ako pala ang nagkamali sa ating dalawa. Hinusgahan kaagad kita, mahal ko. Ni hindi ko man lang inalam ang totoo. Patawarin mo ako, mahal ko. Patawad.” Umiiyak na paghingi ni Lolo Roberto ng tawad kay Kola Victoria. Tumayo ang abuela ni Jellian at niyakap ang matandang lalaki na ngayon ay umiiyak na. “Hindi lang ikaw ang may kasalanan kaya huwag mong sisisihin ang iyong sarili, mahal ko. May kasalanan din ako. Hindi ko man lang nabanggit na may kakambal ako, dihin sanay hindi mo ako napagkamalan sa kakambal ko.” Paliwanag naman ni Lola Victoria kay Lolo Roberto. “Totoo bang may mga anak tayo?” excited na tanong ni Lolo Roberto kay Lola Victoria. “Oo, mahal ko. Ipapakilala kita sa kanila at sa mga apo natin.” Masayang wika ng abuela ni Jellian. “Masaya ako kung gano'n. . . Victoria, mahal ko, pwede ba nating dugtungan ang ating kahapon?” seryosong tanong ni Lolo Roberto kay Lola Victoria. Masuyong ngumiti si Lola Victoria. “Oo, Roberto, dugtungan natin ang ating kahapon na nawala sa atin. Ipagpatuloy natin ngayon, gusto kong sa huling hininga ko ay ikaw ang makasama ko.” Pagpayag ni Lola Victoria sa sinabi ng kanyang mahal na kasintahan. * Makalipas nga ang isang buwan ay ikinasal sina Lola Victoria at Lolo Roberto sa malaking simbahan. Doon ay sumumpa sila na mamahalin nila ang isa't-isa hanggang sa huling hininga ng kanilang buhay. Ang mapait nilang kahapon ay natabunan na ng kanilang pagmamahalan ngayon. *WAKAS*
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD