"Ganoon ba?" Tanong ko sa kaniya habang tumatangong nakasunod lamang dito. Hindi naman nagtagal at nakarating na rin kami sa harap ng isang malaking bulletin board na ito. Sobrang daming papel na nakadikit dito. Halos hindi ko na nga mabasa 'yong mga nasa tuktok eh, pero wala naman akong magagawa kasi parang para naman 'yon sa mga adventurer na may matataas na rank o ano. Hindi ko na lang ito pinansin at itinuon ang aking paningin sa mga papel na kaya ko lang abutin. May ilang mga papel na kung saan hindi ko maintindihan kung ano ang gusto nilang ipagawa. May iba naman ay tungkol sa pagpatay ng mga ilang halimaw, malalaki naman ang kanilang prize pero parang hindi yata nito deserve ang kaligtasan ni Alessia.
Ayos lang naman sana ito sa akin eh pero nag-aalala kasi ako sa kung ano ang mangyari sa kaibigan ko. Ayos lang sana kung alam na nito kung paano gamitin ang kaniyang kakayahan, ngunit hindi. Wala itong kaalam-alam kung ano dapat ang kaniyang uunahin at kung paano umatake. Masiyado itong mahinhin para maging isang ganap na adventurer. Wala rin itong kaalam-alam sa mga kahinaan ng kalaban at ganoon na sa kung ano ang dapat niyang patamaan.
"Ayos ka lang ba?" Ibinaling ko ang aking paningin sa aking katabi at nakita si Alessia na nag-aalalang nakatingin sa akin, "Mukha kasing ang lalim ng iniisip mo riyan. Care to share?"
Iniwas na nito ang kaniyang paningin sa akin at ibinaling sa mga papel na nasa harapan namin. Hinahaplos pa nito ang bawat misyon na kaniyang nakikita at seryosong binabasa. Medyo may tulakan na nagaganap sa aming likuran kaya napilitan akong dumikit sa kaniya.
"Wala naman,"tugon ko at bumuntong hininga, "Nag-aalala lang ako na kumuha ng mga misyon na masiyadong delikado."
"Dahil ba ito sa akin?" Tanong ni Alessia, "Kung tungkol ito sa akin ay wala ka namang dapat ipag-alala. Kaya nga tatanggapin natin itong misyon ay para matuto ako, matuto tayo. Hindi naman kasi buong buhay ko na lang ako magtataga sa iyong likuran, aasahan na lagi mong poprotektahan."
Natahimik naman ako dahil sa sinabi nito. Sa katunayan niyan ay tama nga naman si Alessia. Dapat din na matuto na siyang pumaslang ng mga halimaw na siya lang. Kailangan na niyang masanay at mag-ensayo habang maaga pa. Hindi ko alam pero ramdam kong darating din ang panahon na kung saan ay kailangan namin tanggapin ang isa sa mga delikadong misyon dito sa Guild. Sa buong taon kong paglalaro ng mga computer games, alam kong may mga quest na bigla-bigla na lang nilang ibibigay sa iyo. Wala sa option nila na humindi ka sa kanilang kagustuhan. Napabilang na kami sa Guild, darating din ang panahon na masasangkot ito sa isang misyon na kung saan kailangan namin e-risk ang aming mga buhay. Hindi ko nga lang alam kung kailan ito pero nararamdaman ko na. Isa pa, maganda rin naman ang bayad ng Guild sa amin, hindi lamang iyon. Ang mga items pa na makukuha namin ay pwede naming gamitin o ibenta.
"Sigurado ka ba riyan?" Tanong ko rito habang nakatingin pa rin sa mga papel. Sa tabi ko ay abala rin sa pagpili itong si Ely ng mga misyon. Sana nga lang ay hindi agad 'yong mga mahihirapan talaga kami.
"Oo naman,"tugon ni Alessia, "Gusto ko rin matuto kung paano gamitin itong kapangyarihan ko. Nandito tayo sa mundong ito para sa isang rason na hindi ko alam kung ano, ngunit, ramdam ko naman na kaya tayo dinala rito ay hindi para magpakasaya at masanay. Instead, dinala tayo rito para may tapusin at e-fulfill na misyon. Huwag ka na magtanong kung saan ko ito nalaman, conclusion ko lang naman."
Napailing na lang ako dahil dito. Iba rin talaga ang imahinasyon nitong babaeng 'to. Kahit kailan ay hindi ko naisip na kaya kami nandito ay dahil sa isang misyon o may dapat kaming tapusin. Hindi naman kasi 'to kagaya sa anime na kaya nilipat ang isang buong klase ay para tapusin ang kasamaan. Ang cliche naman yata no'n.
"Kung iyan ang gusto mo ay hindi kita pipigilan,"saad ko, "Ngunit, sa oras na hindi mo na kaya ang pagsasanay o malalagay ka sa panganib ay tawagin mo lang ako. Susubukan kitang tulungan hangga't kaya ko."
Ngumiti lamang itong si Alessia bago tumango. Nagpatuloy na kami sa paghahanap ng misyon ng kailangan namin hanggang sa meron itong tinuro na isang papel na kulay pula. May nakasulat itong reward na sobrang laki. Iniiwasan ito ng ibang tao rito sa Guild sa hindi ko maipaliwanag na dahilan.
"Bakit kaya ayaw nilang tanggapin 'to?" Tanong ko kay Alessia, "Mukhang malaki naman itong pera na ibibigay nila para dito. Isa pa, isang halimaw lamang ang papatayin natin para rito."
"Ayan nga rin ang ipinagtataka ko,"tugon ni Alessia, "Kanina ko pa napapansin ang pag-iwas nila sa papel na ito. Baka may rason kung bakit pula ang kulay ng papel?"
"Baka,"tugon ko rito, "Tanungin na lang natin si Ely. Siguro naman ay may alam ito kung bakit iba ang kulay ng papel na ito sa iba. Isa pa, nagtataka rin ako kung bakit parang iniiwasan yata ng mga adventurers itong misyon na 'to. Mukhang madali nga lang siya kumpara sa iba na kailangan pa natin paslangin ang halos isang buong pack."
"Kaya nga. Nasaan na ba 'yon?" Tanong nito atsaka ibinaling ang paningin niya sa paligid.
Doon ko lang din na pansin na wala na si Ely sa aming tabi. Hindi ko man lang na pansin ang pag-alis nito. Patuloy ko lang hinahanap si Ely gamit ang mga mata ko hanggang sa muli ko itong nakita na papalapit sa amin. May dala-dala itong isang parang lalagyan ng tubig habang nakangiting kumakaway.
"Saan ka galing?" Tanong ko rito nang tuluyan na itong makalapit.
"Pinuntahan ko lang si Ama,"tugon niya, "Sabi niya ay may ibibigay daw siya sa akin. Gusto niyang puntahan ko siya kapag may oras akong bumisita sa guild."
"Hindi ka ba laging pumupunta rito?" Nagtatakang tanong ko. Mabilis na umiling lamang ito si Ely atsaka tumawa.
"Wala naman akong rason para pumunta rito,"ani nito, "Hindi kasi ako pinapayagan ng aking ama na tanggapin ang mga misyon na mag-isa lang. Gusto niyang may kasama ako lagi, kaso, gaya nga ng sabi ko noon. Sa kadahilanan na isa akong anak ng heneral, walang gustong isama ako. Sa isip nila ay isa lamang akong pabigat at na dala lang dahil sa koneksyon. Wala silang kaalam-alam na marami akong pinagdaanan para lang makamit ang posisyon na kung na saan ako ngayon."
Hindi ko na naman mapigilan ang sarili ko na hindi malungkot sa sinasabi niya. Alam ko at ramdam ko ang lungkot sa mga puso nito kahit pa ay nakangiti lang ito sa akin. Gusto ko sana siyang yakapin para sabihing nandito lang kami ni Alessia pero hindi pa naman kami ganoon kalapit sa isa't-isa. Huminga na lamang ako nang malalim atsaka tinapik ang kaniyang balikat. Nagtatakang napatingin naman itong si Ely sa akin. Pabalik-balik ang kaniyang paningin sa aking kamay at sa aking mukha.
"Bakit?" Tanong nito.
"Alam ko naman na nalulungkot ka,"sambit ko atsaka ibinaba na ang aking kamay,"Huwag kang mag-alala. Ngayon na nandito na kami ay maari ka ng sumama sa mga misyon at ipakita sa amin ang iyong tinataglay na kakayahan. Simula ngayon ay lagi na tayong magkasama sa pagtapos ng mga misyon."
Bigla na lang nagningning ang mga mata ni Ely na para bang isang batang binigyan ng kendi. Sobrang saya nito na halos mapunit na lang ang kaniyang bibig. Hinayaan ko na lamang siya atsaka hahawakan na sana ang papel at hablutin ngunit bigla na lang ako nitong niyakap.
"Salamat sa inyo,"sabi ni Ely habang nakayakap sa akin. Hindi ko naman mapigilan ang hindi mapangiti dahil dito. Yinakap ko na lang din ito pabalik bago kusang kumalas dito.
"Walang anuman,"tugon ko.
"May na pili na ba kayo para sa ating unang misyon?" Tanong nito. Masiyadong halata sa kaniyang mukha na excited na ito sa mangyayari. Paano ba naman kasi ay tumataas na ang kaniyang boses na para bang hindi na alam kung ano ang kaniyang gagawin.
Ang kaniyang mga paa ay hindi matigil sa paggalaw at mas lalong humigpit ang kaniyang paghawaka sa lalagyan ng tubig. Napapailing na lang akong tinanggal ang papel na nasa board atsaka ito iniharap sa kaniya.
"Gusto ko sana malaman kung anong klaseng misyon ito at parang walang gustong tumanggap?" Tanong ko rito, "Isa pa, parang ang laki naman kasi ng gantimpala niya para lamang sa isang halimaw."
Kitang-kita ko ang malawak na ngiti nitong bigla na lang napalitan nang pagkagulat. Ano na naman kaya?
"I-ito ba ang napili ninyo?" Gulat na tanong niya.
"Bakit? Masama ba?" Tanong ni Alessia at tumabi sa akin, "Sa lahat kasi ng misyon dito ay itong papel lamang ang nakakuha ng pansin ko. Parang maganda siyang simula para sa atin.
Hindi makapagsalita itong si Ely dahil sa gulat. May ilang mga taong nakakita pa nga ang gulat din na nakatingin sa papel at sa amin. Hindi ko alam kung bakit pero parang may masama akong kutob sa nangyayari. Kaya ba naging kulay pula itong papel ay dahil isa ito sa mga misyon na mahihirap? Ngunit, hindi naman siguro ito ilalagay sa baba kung oo, hindi ba?
"K-kung ayan ang gusto niyo ay susundin ko,"tugon ni Ely, "Ngunit gusto ko lang kayo palalahanan, ang misyon na inyong na pili ay isa sa mga misyon na sobrang delikado. Maari nating itong ikamatay."
Ganoon na lang ba ito kadelikado? Isa pa, isa lang naman itong halimaw ah? Hindi naman siguro talaga ito ganoon ka exaggerated.
"Talaga?" Tugon ko.
"Pero kung ayan talaga ang na pili ninyo ay susuportahan ko kayo. Kaya ko rin naman kayong protektahan dalawa kapag nalagay tayo sa alanganin,"saad nito, "Hali na kayo at magparehistro. Ayaw niyo naman sigurong gabihin tayo sa paghahanda, hindi ba? Kailangan muna natin siguraduhin na lahat ng kailangan natin ay handa na."
Kung sabagay. Kailangan nga naman namin ng mga gamit, tulad na lang ng pagkain, gamit sa pagluluto, damit at iba pa. Hindi naman siguro maaring maglalakbay na lang kami ng basta-basta.
"Masiyadong malayo itong misyon natin sa bayan. Kung kaya ay kailangan natin ng sobrang daming pagkain, siguraduhin din natin na handa na ang mga tutulugan natin. Siguro ay pagkatapos natin dito ay mamasyal tayo sa bayan at bumili,"paliwanag nito, "Tara na."
Tumango na lang kami ni Alessia dahil wala naman kaming alam sa kung ano ang aming gagawin. Habang naglalakad kami patungo sa kung saan namin sasabihin ang napili naming misyon ay hindi ko mapigilan ang hindi mapansin ang mga tao na nandito. Nakatitig ang mga ito sa hawak-hawak naming papel at para bang nagtatanong kung bakit ito ang na pili namin.
Hindi ko na lang ito pinansin atsaka nagpatuloy na lang sa paglalakad, hanggang sa umabot na kami sa harap ng babaeng nagbabantay.
"Magandang hapon, adventurers. May napili na ba kayo?" Tanong nito habang nakangiti sa amin. Agad ko naman inilapag ang papel na hawak-hawak ko.
Mabilis na nagbago ang ekspresyon sa mukha ng babae nang makita ang papel, ngunit, hinayaan ko na lamang ito atsaka ngumiti.
"Ito po ang na pili namin,"tugon ko.
Rinig na rinig ko ang mahinang pagsinghap ng mga tao sa paligid. Bakit ba ganito na lang sila kung magulat, alam ko naman na delikado itong misyon na ito kaya nga susubukan namin. Minsan talaga ay parang gusto ko na lang tusukin ang kanilang mga mata para tigilan na nila ang pagbantay sa amin.
"O-okay. I-itatala ko na rito,"saad ng babae, "M-maari ko bang makita ang inyong ID?"
Tumango lamang kami atsaka inilabas ang aming ID. Labis naman ang aking pagkagulat nang makitang isa ring gintong ID kay Ely. Ganito rin ba ang iba? Bakit parang isang normal na papel lang yata 'yong mga nakikita ko.
Kitang-kita ko na naman ang pagkagulat ng babae ngunit agad din napangiti. Tila ba nakahinga ito nang maluwag nang makita nito ang ID namin. Bakit kaya? Gusto ko tuloy malaman ang dahilan.
"Ginto rin kayo?" Gulat na tanong ni Ely sa amin habang nakangiti.
"Oo, bakit?" Nagtatakang tanong ni Alessia.
"Wala naman. Hindi ko lang inaasahan na magiging katulad kayo sa akin. Hindi ko na naman pala kayo kailangan protektahan,"ani ni Ely, "Mukhang mapapadali lang itong misyon natin ngayon."
"Talaga?" Tanong ko.
Tumango lamang si Ely atsaka ngumiti sa akin. Ibinalik na ng babae ang aming mga ID atsaka binigyan kami ng mapa. Ayon sa kaniya at ito raw ang magsisilbing gabay sa amin kung saan ang lokasyon ng aming gagawing misyon.
Sa katunayan niyan ay labis ang aking saya nang makita ito. Mabuti nga iyong mayroon kaming mapa, hindi ko pa kasi gamay ang mundong ito. Kakarating lang namin noong isang araw.
"Tara na,"aya ni Ely, "Simulan na natin bumili ng mga gamit nang sa gayon ay makapagpahinga. Bukas ng alas dos ng umaga tayo aalis. Medyo malayo kasi itong lugar na ito, at panigurado ay aabutin tayo ng halos ilang araw bago makarating doon."
Ilang araw? Ganoon na lang ba talaga ito kalayo? Wala bang paraan para mapadali kami sa pagdating doon? Hindi kasi ako sigurado kung makakaya kong maglakad sa ganoong kalayong lugar.
"Wala ba tayong kabayo?" Tanong ko rito sabay kamot sa aking ulo.
"Meron naman,"tugon ni Ely, "Ngunit kapag napasabak tayo sa isang labanan ay panigurado, tatakbo 'yang kabayo natin. Dagdag bayad 'yan sa iyo."
"Ganoon ba ito kamahal?" Gulat na tanong ko habang naglalakad na kami palabas ng guild. Tumango lamang si Ely atsaka ngumiti.
"Kaya mas maganda kung maglalakad lang tayo, isa pa, isa ka namang adventurer malabo sa iyo ang madaling mapagod,"paliwanag ni Ely.
Ganoon ba iyon? Bakit parang simula noong makarating ako rito ay araw-araw akong pagod? Mukhang iba yata ang epekto sa amin bilang mga baguhan lamang sa mundo. Kapag siguro ay isa kang adventurer simula noong bata ka pa ay matagal kang mapagod, ngunit kami itong mga adventurer na lang bigla...malabo.
Napatingin naman ako kay Alessia upang tanungin sana kung ano ang opinyon niya pero nagkibit balikat lamang ito. Isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan at tahimik na nagpatuloy sa paglalakad.
Pagkababa namin sa guild ay dumeritso na agad kami sa mga tindahan na kung saan kami bibili ng mga kailangan namin na mga gamit. Si Ely lamang ang lagi naming pinapapili dahil wala naman kaming kaalam-alam, o mas mainam sigurong sabihin na siya na ang bahala sa lahat at kami lamang ang taga bitbit ng gamit. Kung ano-anong pagkai at equipment pa nga ang binili niya pero hinayaan ko na lang.
Lumipas ang halos ilang oras ay na tapos na rin kami sa wakas. Naisipan ni Ely na kumain na raw muna kami bago bumalik sa aming Hotel.
Alas sais na ng hapon kaya medyo dumidilim na ang paligid. Nang makarating na kami agad sa restaurant ay agad kaming nag-order at kumain nang dumating ito.
Ilang sandali pa ay na tapos na rin kami sa wakas at bumalik na sa aming mga silid sa hotel na aming inuupahan atsaka nagpahinga. Mabilis akong tumakbo sa aking higaan at humiga pagkatapos kong sinarado ang pinto.