Samirah's POV:
Konting minuto na lamang at malapit na mag-alas sais. Nag-aayos na ako ng aking sarili nang may kumatok sa pintuan ng aking silid.
"Samirah! Naghihintay na si Juno dito sa salas!" Sigaw ni Inay kaya agad ko itong pinagbuksan. Kunot-noo kong tinignan si Inay dahil namimilog ang mata na nakatingin ito sa akin mula ulo hanggang paa. Nakasuot ako ng pulang bestida na regalo sa akin ni Inay noong kaarawan ko noong isang linggo. Hindi ba maganda ang suot ko?
"Inay, hindi po ba maganda?" Umiling naman siya. Sabi ko na nga ba, hindi maganda ang suot ko. Papasok na sana akong muli sa aking kuwarto nang pigilan ako ni Inay.
"Huy, teka anak. Saan ka pupunta? Naghihintay na sayo si Juno oh." Napakamot naman ako sa aking kilay. Hindi daw maganda ang suot ko, eh regalo niya naman ito sa akin kaya paanong hindi ito maganda?
"Eh Inay, sabi ho ninyo hindi maganda itong suot ko kaya magbibihis ho ako." Napairap naman si Inay sa hangin.
"Diyos ko kang bata ka, wala akong sinasabi na hindi maganda iyang suot mo. Halika na at naghihintay na si Juno sa baba." Sambit ni Inay sabay hatak sa akin.
Pagbaba ko ng hagdan, bumungad sa akin ang guwapong si Juno. Nakasuot siya ng pantalon at isang simpleng t-shirt. Nakita ko siyang nakatanga habang nakatingin sa akin. Sinasabi na nga ba at hindi maganda ang suot ko. Ganoon ba talaga kapangit ang suot ko at ganiyan sila makatingin ni Inay? Pinasadahan ko ng tingin ang kabuuan ko at lumingon kay Juno nang may mga nagtatanong na mata.
"Ayos ba? Sabihin mo at nang makapagpalit ako kung hindi maganda." Pero si Juno ay nanatili pa ring nakatulala. Pumalakpak ako sa tapat ng kaniyang mukha at mukha namang epektibo dahil napaatras ang ulo niya.
"Di ba talaga maganda? Sige na nga, magpapalit na ako." Sabi ko sabay nguso. Mukha namang maganda itong bestida pero bakit sila ganiyan kung makatingin.
"A-ano? Uhm, bagay naman ah! Ang ga-ganda mo sobra!" Sagot niya habang kumikislap ang mga mata. Gulat naman akong napalingon sa likuran ko dahil tuwang-tuwa na pumapalakpak si Inay. Anong nangyari dito?
"Sabi ko naman sa iyo, anak! Ang galing ko talagang pumili!" Tuwang-tuwa na sambit ni Inay. "Oh siya, sige na baka gabihin pa kayo lalo niyan. Mag-iingat kayo ha lalo na pag-uwi." Nagpaalam na kami ni Juno kay Inay saka lumabas ng bahay.
Naghihintay kami ngayon sa tabing kalsada ng dyip na masasakyan papunta sa bayan. Ilang segundong katahimikan ang namayani sa pagitan namin ni Juno hanggang sa siya na ang unang bumasag nun.
"Uhm, Mirah sobrang ganda mo ngayon. Bagay na bagay talaga sayo kahit anong isuot mo." Napailing naman ako habang tumatawa. Bolero talaga.
"Ikaw ha, huwag mo nga akong bolahin. Tsaka, alam ko namang maganda ako. Hindi mo na kailangang sabihin." Biglang sumeryoso ang tingin niya sa akin kaya medyo nailang ako. Nagkatitigan kami ng ilang segundo hanggang sa ako na ang unang umiwas ng tingin. Ang awkward kasi ng titig niya.
Mabuti na lamang at may humintong dyip sa tapat namin kaya naman, iniwas niya na rin ang titig sa akin. Pinauna niya ako at inalalayan paakyat sa dyip, gentlemen talaga itong si Juno. Sumunod na rin siya at dahil sa masikip na sa loob ng dyip, magkatabi kami ngayon ni Juno at sobrang dikit namin sa isa't isa. Ang ilang na aking nararamdaman ay mas nadagdagan pa dahil sa muling pagtitig ni Juno sa akin. Mahina ko siyang siniko sa kaniyang tagiliran.
"Huwag mo nga akong titigan ng ganiyan." Bulong ko sa kaniya. Ngumiti siya dahilan para kumunot ang noo ko. "Anong ngiti yan?"
"Pasensya na, mas gumanda ka kasi talaga ngayon." Umiwas na lamang muli ako ng tingin. Maya-maya lamang ay huminto na ang dyip na aming sinasakyan sa tapat ng perya. Inalalayan muli ako ni Juno sa pagbaba.
"Totoo nga, ang ganda nga." Manghang sabi ko habang inililibot ang aking paningin sa loob ng perya. Ang daming rides na puwedeng sakyan, may mga booths rin na nakapalibot at mga tindahan ng samu't saring pagkain, laruan, at iba pa. Ang ganda talaga, mapabata man o matanda ay mag-eenjoy rito.
"Oo, maganda. Sobrang ganda." Nilingon ko si Juno nang magsalita siya. Nakita ko siyang nakatitig na naman sa akin habang nakangiti. Umiwas ulit ako ng tingin.
"Tara na! Sakay tayo dun sa ferris wheel oh!" Aya ko sa kaniya sabay turo sa umiilaw na ferris wheel. Nagulat naman ako at napatingin akong muli sa kaniya nang hawakan niya ang kamay ko at nag-umpisa nang maglakad patungo sa bilihan ng mga tiket.
Nakabili na kami ng tiket at kasalukuyang magkatabi ni Juno sa ferris wheel. Nakatingin lamang ako sa bintana dahil nakatitig siya sa akin. Kung totoo nga lang na nakakatunaw ang titig baka kanina pa akong tunaw rito. Ang ganda rin naman ng tanawin lalo na at gabi. Nagniningning ang mga bituin sa kalangitan.
"Ang ganda ng mga stars noh?" Tanong ko nang hindi siya nililingon dahil hindi ko kayang salubungin ang mga titig niya.
"Maganda, pero mas maganda yung babaeng kasama ko ngayon." Nilingon ko siya at nakikita ko ang pagiging seryoso sa kaniyang mga mata. Tumikhim ako at iniba na lamang ang usapan.
"Saan nga pala tayo pagkatapos dito sa ferris wheel?"
"Kung saan mo gusto, doon tayo. Basta masaya ka, masaya na rin ako." Huwag kang ganiyan Juno, natutunaw na ako. Sobrang seryoso nya habang sinasambit ang mga salitang iyon. Bakit ganito ang nararamdaman ko? Bakit sobrang bilis ng t***k ng puso ko? Bakit parang may mga paru-parong nagliliparan sa loob ng tiyan ko? Bakit nakakahipnotismo ang kulay itim niyang mga mata? Bakit iba ang nararamdaman ko ngayon?
Tumango na lamang ako at muling tumingin sa bintana ng ferris wheel. Akin na lamang pinagmamasdan ang mga bituin sa kalangitan habang hinihintay na matapos ang pag-ikot nitong ferris wheel.
Maya-maya pa ay unti-unti nang bumabagal ang ikot ng ferris wheel hanggang sa huminto ito. Bumaba na kami ni Juno at inalalayan niyang muli ako.
"Saan mo pa gusto? Gusto mo bang kumain muna?" Tanong niya kaya naman nagpalinga-linga ako para maghanap ng iba pang rides.
"Hindi pa naman ako nagugutom. Ikaw? Gutom ka na ba?" Umiling naman siya at ngumiti kaya itinuro ko sa kaniya ang horror house. "Doon naman tayo! Mukhang exciting doon eh!" Masiglang aya ko sa kaniya. Tumango naman siya at muling hinawakan ang aking kamay.
Pagkapasok namin sa loob ay napakadilim at talagang nakakatakot. May mga naka costumes rin na nakakatakot at mayroon ding sound effects para mas thrilling at exciting. Nakakapit ako sa braso ngayon ni Juno dahil nagugulat ako sa mga sumusulpot na mga kunwaring white ladies, scary clowns, creepy dolls at iba pang scary characters.
"Ahhhh!" Tili ko sabay yakap kay Juno. Bigla kasing sumulpot sa tabi ko ang naka costume ng pari na walang ulo kaya sobra ang gulat ko. Halos di na nga ako makahinga sa sobrang gulat. Napatawa naman si Juno kaya sinamaan ko siya ng tingin. Hindi naman kasi ako natakot, nagulat lamang naman.
"Ano? Kaya pa? Alis na tayo dito." Tumango na lamang ako sa kaniya dahil baka dito na ako mawalan ng hininga sa sobrang gulat. "Ikaw kasi eh, dito ka pa nag-aya." Naiiling na sabi ni Juno.
Sinubukan namin halos lahat ng rides at mga booths. Ang saya ng gabing ito! Buti na lamang inaya ako ni Juno dito kung hindi mababagot lamang ako doon sa amin dahil maagang nagpapahinga si Inay sa kaniyang silid.
Gaya ng sabi ni Juno, hinatid niya ako sa amin bago mag-alas otso ng gabi. Nandito na kami ngayon sa tapat ng bahay. "Salamat talaga Juno ha. Kung alam mo lang kung gaano ako kasaya ngayon. Na-miss ko na rin ang magpunta sa perya eh. Maraming salamat talaga." Ngumiti naman si Juno.
"Para sa kasiyahan mo. Para sa babaeng mahal ko." Hindi ko narinig ang huli niyang sinabi dahil pabulong lamang iyon.
"Ano?" Umiling naman siya.
"Wala. Sige na, pumasok ka na. Gabi na, kailangan mo nang magpahinga."
"Teka, gusto mo muna bang pumasok sa loob?" Alok ko sa kaniya. Muli lang siyang umiling.
"Hindi na, alam kong pagod ka na. Sige na, pumasok ka na. Good night." Sambit niya nang may ngiti.
"Sige, ingat ka. Good night." Sabi ko bago pumasok sa loob ng bahay. Pumunta na ako sa aking silid at nagbihis. Pagkatapos kong magbihis, agad kong kinuha ang cellphone ko para sana mag-set ng alarm para bukas nang tumunog ito palatandaang may nag-text.
From: Junong Pogi
Good night ulit;). Tulog ka na, wag na magpuyat.
8:03 p.m
Lagi talaga niya akong napapangiti kahit sa simpleng pagtetext lamang. Agad ko siyang nireplyan.
To: Junong Pogi
Opo na po. Good night too. Tulog ka na din:)
Pagkatapos noon ay nagset na ako ng alarm at dumiretso na sa kama para matulog.