MATAPOS mag-dinner ay dumerecho si Geri sa bar para tumambay at muling uminom ng alak. Ayaw niyang mag-stay mag-isa sa loob ng kwarto niya kasi siguradong maiiyak na naman siya.
“Ikaw na naman?” kunwari’y naiinis na tanong ni Yani nang maupo siya sa bakanteng stool sa tapat ng bar counter.
“Grabe siya sa akin. Ayaw mo bang makita ang maganda kong pagmumukha?” natatawang tanong niya rito.
“Beshie, isang margarita naman d’yan.” utos niya kay Yani na noon ay abala sa paghihiwa ng mga lemon.
Tinigil nito ang ginagawa at bumaling sa kaniya. “Hoy, Geraldine! Huwag mong sabihing maglalasing ka na naman?” naiinis nitong tanong.
“Malamang! Bar ‘tong pinuntahan ko, ‘di ba? Anong gusto mong gawin ko rito? Mag-rosaryo or magbasa ng libro? Haler!”
“Jusko, ‘day! May atay ka pa ba?” napa-iling na lang ito saka muling pinagpatuloy ang ginagawa.
“Palaban itong atay ko kaya huwag kang mag-alala. Saka besh, ang sakit pa rin kasi, eh. Sobrang sakit pa rin. Charing!” nakangiti niyang wika ngunit bakas na bakas sa mukha ang matinding kalungkutan.
"Besh, marami akong ginagawa. Ikaw na lang magtimpla. Marunong ka naman, ‘di ba?" minsan kasi pag wala silang ginagawa ay tinuturuan nito si Geri na magtimpla ng iba’t ibang cocktail drinks.
"Hoy, Allana Macaspac, customer ako rito ngayong gabi kaya dapat ikaw ang mag-serve ng drinks ko."
Humaba ang nguso nito sa narinig. "Customer ka d’yan. Hoy, Geraldine Acosta! Baka nakakalimutan mo courtesy drinks ka lang, ‘day!"
Bukod kasi sa bayad na tig-1,000 pesos per night ay parte ng sahod ng banda ni Geri ang unli food and drinks sa bar sa tuwing may gig sila.
“Yes? Labanan ba ng full name ito?” natatawang singit ni Amanda nang makalapit sa kanila.
“Oo, Armando Aguilar.” halos sabay na wika ng dalawang dalaga.
Pinanlakihan sila ng mga mata ng amo. “Mga baklang ‘to! Nakita n’yo nang naka-dress at full tank ang make-up, tatawagin n’yong Armando? Gusto n’yong maligwak sa trabaho niyo?” nakapameywang pa nitong tanong. Tumayo ito sa tabi ni Geri at umakbay sa kaniya.
“Yes, mamang? High blood?” tanong niya sabay yakap dito.
Mayamaya ay muli siyang tumingin kay Yani na tila nagmamaka-awa. "Sige na, besh. Pahingi na ng margarita. Nauuhaw na ako."
“Yani, bigyan mo na nga ng alak ang babaitang iyan para magtigil na. Pag ako nanggigil d'yan, ide-dextrose ko na ang alak sa katawan niyan, eh”
“Grabe ka sa akin, mamang.”
“Kasi naman tigilan mo na ang paglalasing, Geri. Nakakagigil ka na. Ang tagal mong maka-move on. Magkakasakit ka na niyan sa ginagawa mo. Baka isipin pa ng ibang tao na pinapabayaan kita. Kapag ako minulto ng nanay mo, kukurutin talaga kita sa singit.” mahabang litanya nito. Simula kasi nang maulila si Geri sa magulang ay kinupkop na siya ni Amanda at ito na tumayong pangalawa niyang ina. Pinatira siya nito sa resort at tinulungang makatapos sa pag-aaral kaya naman napakalaki ng utang na loob niya rito.
“Mamang, chill lang. Magkaka-wrinkles ka niyan. Kaya ko ang sarili ko, okay? Huwag mo akong alalahanin.”
“Bahala ka na nga sa buhay mo. Just make sure na hindi mo papabayaan ang trabaho mo rito sa bar, lalo na iyang pagkanta mo. Alam mo namang ikaw ang star of the night ng bar natin at ng buong white beach.”
“Yes, ma’am.” sumaludo pa siya rito.
Nagpaalam na rin agad sa kanila si Amanda dahil marami pa itong kailangang gawin.
Muli siyang bumaling kay Yani. “Ano na?”
"Kumain ka na ba?" tanong nito sa kaniya.
Tumango lang siya.
Wala nang nagawa pa si Yani kundi ang itimpla ng drinks ang kaibigan.
"Eto na po order niyo, kamahalan."
Tila isang bata na pumalakpak si Geri matapos nitong ilapag ang order niyang drinks. "Yey! Thank you. The best ka talaga." Sinimulan na niyang inumin ang margarita.
"Nga pala, besh. Musta na iyong lalaking sinundo mo kanina? Sabi nila sobrang pogi daw, ah."
Napa-ismid siya nang muling maalala ang antipatikong lalaking sinundo niya kanina. Sandali siyang nag-isip at inalala ang mukha ni Lucas Alegre.
Sa totoo lang mula nang maghiwalay sila ni Zion ay parang nawalan siya ng hilig sa mga lalaki, kaya naman hindi niya pinag-interesan pagmasdan ang mukha nito kanina. At isa pa, naiinis talaga siya sa lalaking iyon dahil ito ang kauna-unahang lalaking nang-snob sa beauty niya at nagsungit sa kaniya ng todo.
Pilit niyang inalala ang hitsura ni Lucas. Matangkad ito, mestizo, maganda ang built ng katawan, matangos ang ilong, namumula ang makikipot nitong mga labi, makapal ang kilay at medyo singkit ang mga mata, na lalong sumisingkit sa tuwing nagsusungit ito.
"Pogi naman. Kaya lang masungit. As in sobrang sungit. At napaka-antipatiko."
Natawa ito sa tinuran niya. “Anyareh? Bakit parang ang lalim ng galit mo sa kaniya?”
“Basta. Antipatiko siya. Tapos!” saka niya na lang ikukwento dito ang nangyari kaninang umaga dahil ayaw niyang masira ang gabi niya.
"Sana magpunta siya rito sa bar ngayong gabi para magkita kayo. Malay mo siya ang maging bago mong prince charming."
Natawa na lang siya ng pagak. “No way! Yani, pwede ba? Ayoko na ng lalaki. Mga manoloko sila.” Napangiwi pa siya na tila diring-diri sa lahi ni Adan.
“Isa lang nanloko sa iyo? Pero bakit mo naman dinadamay lahat?”
“Basta sarado na ang puso ko sa mga boys, okay?”
“Well, ang sabi nga ni Justin Bieber ‘Never Say Never.’”
Nagsimula nang dumating ang mga customers sa bar kaya naging abala na si Yani sa pagtitimpla ng alak. Si Geri naman ay abala rin sa kaniyang pag-inom.
"Besh, isa pa." pakiusap niya sa kaibigan matapos maubos ang laman ng margarita glass. Namumungay na ang mga mata niya kasi apat na baso na ang naubos niya.
Napa-iling na lang si Yani. Bakas sa mukha nito ang matinding awa para sa matalik na kaibigan. Kinuha nito ang isang bote ng tequila at nilapag iyon sa harap niya.
"O, ayan. Laklakin mo lahat para malasing at makatulog ka agad." Kumuha rin ito ng platito at nilagyan iyon ng sliced lemon at iodized salt.
"Grabe ka. Ayaw mo ba akong makasama dito ng matagal?"
Umiling ito. "Besh, alam mo namang ayaw kong nakikita kang ganyan, ‘di ba? Kalimutan mo na kasi ang impaktong iyon."
Napabuntong hininga ang dalaga. "Pinipilit ko naman ang sarili kong kalimutan si Zion. Kaso ang hirap. Alam mo naman kung gaano ko siya minahal ‘di ba?" Sinalinan niya ng tequila ang baso at walang patumanggang nilagok iyon.
Sa totoo lang ay kanina pa niya pinigilang tumulo ang luha sa kaniyang mga mata. Ayaw niyang makita ng ibang tao na umiiyak siya, lalo na si Yani dahil alam niyang lalo lamang itong mag-aalala sa kaniya.