1
AMANDA’S RESORTS AND RESTO BAR,
Puerto Galera
Napuno ng palakpakan ang loob ng resto bar nang magsimulang tumugtog ang Mc G band na kinabibilangan ng drummer na si Miguel, key boardist na si Cholo at lead vocalist na si Geri. Ang kantang ‘Get The Party Started’ ni Pink ang una nilang tinugtog sa gabing iyon.
Friday night noon kaya punung-puno na naman ng customers ang loob ng bar nila. Libang na libang ang mga customers habang pinapanood ang banda, lalo na sa dalagang si Geri na bukod sa pagiging magaling na singer ay mahusay ding sumayaw. Napaka-ganda rin ng mukha niya at balingkinitan ang pangangatawan kaya naman ang lakas ng hatak ng bar nila sa mga lalaking customers.
“Are you guys having fun?” nakangiting tanong ni Geri sa mga tao matapos ang unang kanta.
Agad namang nagsigawan ang mga tao bilang tugon sa tanong niya.
“Good evening, everyone. We are the Mc G band and welcome to Amanda’s Resorts and Resto Bar. Kung may request po kayong kanta pasulat na lang po sa tissue or sa papel. Kahit ano pa iyan kakantahin namin para sa inyo.”
Muling tumugtog ang banda kaya muli na namang napuno ng ingay ang loob ng bar.
MATAPOS ang first set ay bumaba na si Geri sa stage. Lumapit siya sa bar counter at naupo sa bakanteng bar stool na nasa harap niyon.
“Friendship, isa ngang tequila sunrise.” aniya sa bar tender na si Yani, isa sa mga matalik niyang kaibigan.
“Yes, ma’am!” agad itong nag-mix ng paboritoo niyang cocktail.
Nilibot ni Geri ang mga mata sa loob ng bar. “Nakita mo ba si Zion?” tanong niya sa kaibigan nang hindi makita ang lalaking hinahanap.
Umiling ito. “Baka busy.” Pinatong nito sa harap niya ang inorder na inumin. “Busy sa ibang babae. Charing!”
Sinimangutan niya ito. “Nakaka-inis ka talaga.” Kanda-haba ang ngusong sabi niya.
“Charing lang. Eto naman hindi mabiro.” Natatawang wika ni Yani.
“Hindi naman kasi nakakatawa ‘yang biro mo.”
Si Zion ay kasintahan ni Geri. Kasamahan din nila ito sa resort. Isa itong waiter. Mag-iisang taon na ang relasyon nilang dalawa.
Bago sila naging magkasintahan ay kilala si Zion sa lugar nila bilang isang playboy. Dati kasi kung magpalit ito ng nobya niya ay para lang itong nagpapalit ng damit. Kaya nga inabot ng apat na buwan ang panunuyo nito kay Geri bago siya na-convince na seryoso nga ito sa kanya at tinalikuran na nito ang bisyong pambababae.
Naging maayos naman ang relasyon nila sa loob ng halos isang taon. Walang ibang babae ang link kay Zion. Ka-close kasi ni Geri ang lahat ng kasamahan nila sa resorts, maging ang mga trabahador sa mga katabi nilang resorts kaya may mga matang laging nakabantay sa mga kilos nito. At higit sa lahat, parang anak na ang turing sa kaniya ng may-ari ng resort na pinagtatrabahuhan nila. Kaya umpisa pa lang ay binantaan na nito ang binata na tatanggalin ito sa trabaho sakaling lokohin at paiyakin nito si Geri.
Napatingin siya sa suot na wristwatch. Alas-ocho na ng gabi. Alas-siete ang simula ng trabaho nila pero bakit hanggang ngayon ay wala pa rin si Zion? Nag-aalala na tuloy siya para sa nobyo. Hindi man lang kasi ito nag-text o tumawag sa kaniya.
Bigla niya tuloy naalala ang sinabi ni Yani. Paano kung totoo ngang busy ito sa ibang babae?
Hindi naman siguro. Agad na salungat ng utak niya.
Inubos na ni Geri ang laman ng basong hawak tapos ay nagpaalam na kay Yani at bumalik na sa stage para muling kumanta.
“GOOD EVENING, LOVE.” Masuyong bati ni Zion kay Mikee matapos nitong buksan ang pintuan ng apartment nito.
“Bakit ngayon ka lang?” nakasimangot na tanong ng dalaga. “Kanina pa ako naghihintay sa’yo.”
Pumasok na sila sa loob ng apartment. “Sorry na. Late kasi akong nagising.”
“Late nagising. Hmp!” naiinis pa rin nitong wika.
Si Mikee ay kasamahan din nila sa resort. Isa itong waitress.
Nang maka-upo sila sa sofa ay agad niya itong hinalikan sa mga labi. Ngunit mayamaya ay tinulak siya nito. “Zion, sandali lang. May kailangan akong sabihin sa iyo.”
“Mamaya na ‘yan.” Para hindi na makatanggi pa ang nobya ay sinimulan na niyang halikan ito sa leeg. Iyon kasi ang weakness ni Mikee. Kaya ganun na lang ang pagka-inis niya nang muli siyang tinulak nito.
“Ano bang problema mo?”
“Zion, buntis ako.”
Natigilan siya sa narinig. “Anong sabi mo?” tanong niya sabay tingin dito.
“Buntis ako.” ulit nito tapos ay nagsimula nang tumulo ang luha sa mga mata.
“Ano nang gagawin ko? Papatayin ako ng tatay ko kapag nalaman niyang nagdadalang tao ako.” Bakas sa mukha nito ang matinding takot. Kilala kasing siga ang tatay nito sa lugar nila. Maging ang dalawa nitong kapatid na lalaki ay takaw-away din.
“Anong gagawin natin?”
Hindi agad naka-imik si Zion. Tila na-estatwa siya sa kinauupuan.
“Zion, kailangan pakasalan mo ako kung hindi ay papatayin ako ng tatay ko.” Napahagulgol na ito ng iyak sa sobrang takot na nararamdaman.
Napabuntong hiniga siya. Hindi malaman ang gagawin. Ni hindi niya man lang nagawang payapain ang kalooban ng umiiyak na kasintahan.
“Zion?” untag nito sa binata na noon ay namumutla at tahimik lang sa pagkaka-upo.
“Mikee, hindi kita pwedeng pakasalan.” Sa wakas ay nagsalita na siya, ngunit hindi naman iyon nagustuhan ng nobya.
Nanlaki ang mga mata nito sa sinabi niya. “At bakit hindi pwede? Dahil ba kay Geri?”
Tumangu-tango siya.
“Mas mahal mo siya kaysa sakin, ganun ba?”
Muli siyang tumango.
Tila bulkang sumabog ang galit ni Mikee. Pinagsasampal nito ang mukha niya. “Manloloko ka! Ang sabi mo hihiwalayan mo na si Geri, 'di ba? Ang sabi mo hindi mo na siya mahal at ako na ang mahal mo ngayon.”
“I’m sorry, Mikee.” Ang tangi na lamang niyang nasabi. Tatlong buwan na ang lihim na reasyon nila ni Mikee. Hindi lingid sa kaalaman nito ang tungkol sa kanila ni Geri pero pumayag pa rin ito na magkaron sila ng relasyon dala ng matinding pagmamahal nito sa kaniya.
Gwapo naman kasi si Zion. Matangkad, malaki ang pangangatawan at malakas ang sense of humor. Kaya naman lapitin talaga ito ng mga babae.
“Binuntis mo ako, Zion, kaya kailangang panagutan mo ang ginawa mo. Wala akong pakialam kung mahal mo si Geri. Hindi ako makakapayag na lumaking bastardo ang magiging anak ko.” mariin nitong sabi. “Kung kinakailangang magmaka-awa ako kay Geri gagawin ko-”
“Huwag.” agad niyang tutol sa sinasabi nito.
“At bakit hindi? Mas importante pa ba sa iyo ang babaeng ‘yon kaysa samin ng magiging anak mo?”
Muli siyang napabuntong hininga.
"Ako na lang ang kakausap kay Geri.” Iyon lang at nagpaalam na siya sa kasintahan. Walang lingon likod na lumabas siya sa pintuan.