6. Subo

1846 Words
“MADAM LAVINIA,” PAGBATI ko. Napatigil siya sa paghakbang at tiningnan ako mula ulo hanggang paa. Napayuko lang ako at hinintay na makadaan siya. Ngunit, gaya ng nakasanayan, huminto siya sa harapan ko. Nang mapansin kong itinutok niya ang hawak na tungkod sa paa ko, mabilis kong iniwas iyon kaya hindi niya ako natamaan. Sa inis niya, hinampas niya na lang ang gilid ng paa ko bago tuluyang nagpatuloy sa paglalakad. Napatingin sa akin ang kaniyang trabahador, at doon ko nakita ang lungkot sa mga mata nito. Bahagyang gumalaw ang labi nito, tila binibigkas ang paghingi ng patawad. Napangiti lang ako at umiling, nais ipakita na wala iyon sa akin. Sanay na ako sa ugali ni Madam Lavinia—kaya’t gaano man siya sumubok mang-asar, hindi na ako natitinag. Nang makalayo si Madam Lavinia, saka naman dumating ang magkapatid na sina Aquilles at Aria. Napangiti ako nang makita si Aria, ngunit isang tipid na ngiti lamang ang iginanti niya. Tulad ni Parker, hindi siya paladama ng damdamin, pero ramdam ko ang sinseridad sa bawat simpleng kilos niya. Mahal niya ako bilang kaibigan. “Ang mundo ko’y naging masaya, salamat sa Diyos at nakilala kita,” biro ni Aquilles, ginagaya ang liriko ng kantang Wala Man Sa Iyo ang Lahat ni Myrus. Napatawa na lang ako nang mapansin kong napairap si Aria sa kaniyang panganay na kapatid. Dalawa lang silang magkapatid—mga anak ng kapatid na lalaki ni Papa Fernando, na isang taon lang ang tanda sa kaniya. “Bakit kayo’y naparito?” tanong ko, nagtataka. “Sinamahan lang namin si Lola. May lakad kami at hindi siya papayag na hindi sumama si Tito Fernando,” sagot ni Aria. “Baka gusto mong sumama?” sabi ni Aquilles. Nilingon ni Aria ang kaniyang kapatid. “Ikaw ba’y nag-iisip, Kuya? Alam mong masasama ang ugali ng angkan natin. Hindi ko hahayaang aalipustahin lang doon si Mara. Mas nararapat siya sa mabuti.” Napangiti na lang ako. Ang sarap lang na magkaroon ng isang kaibigang katulad ni Aria. Iniisip niya talaga kung ano ang mararamdaman ko. “Paumanhin. Batid ko lang naman sana na maramdaman niyang miyembro siya ng pamilya,” katuwiran ni Aquilles. “May mga bagay na hindi natin pwedeng ipilit kahit gustuhin natin. Tingnan mo ang nangyari kay Tita Rose. Kahit humantong na ang buhay nito sa kamatayan, hindi pa rin nagbago ang pakikitungo ng ating pamilya rito. Lalo na si Lola at ang iilan sa mga kapatid ng ating magulang.” “Pero...” “Wala ng pero-pero, Kuya. Alam kong gusto mo lang maramdaman ni Ate Mara na parte siya ng pamilya De Mercedes, pero roon lang tayo sa totoo. Hindi. Siya. Kailanman. Matatanggap. Ng. Pamilya. Natin. Ang mahalaga naman dito, tanggap natin siya,” litanya ni Aria. Napalingon sa akin si Aquilles. “Pasensiya ka na, Mara.” Napangiti ako. “Huwag na kayong magtalo. Pareho ko kayong naintindihan at salamat sa inyong dalawa. Pero tama si Aria, ang mahalaga, tanggap ninyo ako. Kahit ang liit ng tingin sa akin ng pamilya at angkan ninyo, nandiyan kayo na nagpapatunay na iba kayo sa kanila. Salamat.” Napabuntonghininga si Aria, parang pinapawi ang pagod sa isang hapon na puno ng gawain. “Babawi lang kami, Ate. Kapag hindi ka abala, gumala tayo. Mag-inuman tayo. May mga bagong alak na nilabas ang pamilya namin—galing pa iyon sa Europa.” Kumibot ang labi ko sa bahagyang ngiti. “Pero alam ninyo namang hindi pa ako nakainom.” Napatingin siya sa akin nang may kunot sa kilay, pero nakangiti. “Pero hindi mo naman siguro ipinagbawal ang sarili mong uminom?” Napatango ako kahit may kunting alinlangan. “Bukas ako sa lahat. Hindi na ako bata.” “Kung ganoon, sa susunod na araw—Biyernes ng gabi. Pumunta tayo sa aming bagong bukas na painuman. Doon, magpakasaya tayo.” Humakbang siya palapit sa akin at marahan niyang hinawakan ang mga kamay ko, malamig pa ang balat niya. “Huwag kang mag-aalala sa gastusin. Sagot na namin ni Kuya.” “Baka kapag ika’y malasing, ako’y iyong nanakawan ng halik,” singit bigla ni Aquilles sabay kindat, para bang nanunukso lang pero may kakaibang kislap sa mga mata. Sinipa siya ni Aria sa binti, sapat para mapangiwi. “Umayos ka, Kuya. Hindi lang basta babae si Mara, kaibigan ko iyan. Kung babastusin mo siya, parang binastos mo na rin ako.” Napangiti ako. “Hindi naman siguro ako mawawala sa katinuan kung iinom ako.” “Depende lang din iyan sa iyo, Ate. Kaya may tinatawag na uminom nang may pag-iingat,” sagot ni Aria, parang binibigyan ako ng paalala at pahintulot sa parehong oras. “Sige. Oh, siya, sundan ninyo muna si Madam Lavinia roon at pupunta muna ako sa kapiteriya.” “Sige, Ate,” wika ni Aria. “Magpapadala na lang ako ng mensahe sa iyo sa mga susunod na araw.” Napatango ako. “Aasahan ko iyan.” Pagdaan ng magkapatid sa harapan ko, yumuko na lang ako bilang pagpapakita ng respeto. Tinapik ako ni Aria sa braso, isang magaan na kumpas na may kasamang ngiti. Hindi ko maikakailang nakuha nila kay Papa Fernando ang kanilang kumpiyansa at paraan ng pagtrato sa tao. Nang tuluyang mawala ang mga anino nila sa pasilyo, huminga ako nang malalim at tumuloy sa kapiteriya. Amoy agad ang bagong lutong tinapay at mainit na tsaa, nakahalo sa malamlam na usok ng kape. Sa isip ko, gusto ko lang ng matatamis—katulad ng pan de crema na may makapal na palaman, at isang baso ng gatas na tsaa na may init na bumabalot sa dibdib. Paglapit ko, agad akong binati ng ilang trabahador ng kumpanya ni Papa. May mga nag-aayos at may mga pawisan pa ang noo. Naiilang pa rin ako sa paraan ng pagyuko nila at sa pagtawag sa akin ng “Ma’am,” kahit paulit-ulit ko nang sinabi na pangalan ko lang ang gamitin. “Magandang tanghali sa inyong lahat,” nakangiting bati ko. “Ikaw talaga ang pinakamagandang binibini rito sa kumpanya ng iyong amain,” sabi ng isang binatilyo, bahagyang namumula ang pisngi. “Ako ba’y iyong binobola?” tanong ko, nakataas ang kilay. Napailing siya agad. “Hindi po. Ako’y pinanganak ng aking magulang para maging tapat sa aking kapuwa.” “Salamat kung ganoon. Pero ako’y magpapaalam muna para bumili ng aking makakain,” sagot ko, bago lumapit sa estante ng mga tinapay at bumili ng paborito kong meryenda. Habang hinihintay na ibigay sa akin ang mga pinamili ko, biglang tumunog ang telepono ko na nakalagay sa bulsa ng americana ko. Kinuha ko iyon para tingnan at napakunot-noo na lang ako nang makitang si Papa Fernando iyon. Sinagot ko ang tawag at hinintay siyang magsalita. Alam kong may kailangan siya kaya siya’y napatawag sa akin. “Nasaan ka?” bungad ni Papa. “Siya po’y nasa kapiterya, Tito,” sabi ni Aquilles. “Halika rito at ika’y sumama sa akin,” sabi ni Papa. “Fernando,” mariin na sambit ni Madam Lavinia. “Tito, hindi na po kailangan sapagkat hindi rin magiging kumportable si Ate Mara sa ating pupuntahan,” pagsali ni Aria sa usapan. “Pamilya ko si Mara. Anak ko siya,” giit ni Papa. “Mara, maghanda ka na. Isasama kita sa ayaw at sa gusto mo.” Parang biglang tumigil ang mundo ko. Hindi ko alam kung paano ang magiging reaksiyon ko— kung matatawa, maiiyak, o mahihiya. Ang alam ko lang, sa dami ng pagkakataong nagduda ako kung saan talaga ako nakalugar sa buhay niya, ngayon lang ako nakarinig ng ganitong kasiguraduhan mula sa kaniya. Anak. At ipinagsigawan pa sa harap ni Madam Lavinia. “P-Pa,” mahina kong sambit, parang gusto kong magpasalamat pero natigil sa lalamunan ko ang mga salita. “Huwag ng matigas ang ulo. Kasama naman natin si Aria,” aniya. “At ako rin, Tito,” pagsingit ng boses ni Aquilles. “Ika’y tumahimik, Aquilles. Hindi ikaw ang kinakausap ko,” madiin na sabi ni Papa. Napangiti na lang ako. Hindi ko man siya nakikita ngayon, malinaw na malinaw sa isip ko ang itsura ni Aquilles—nakataas ang kilay, bahagyang nakabusangot, at malamang ay napalunok pa bago natahimik. Kung hindi lang ako pinipigilang ngumiti nang malaki, baka natawa na ako rito sa kinatatayuan ko. “Sige, Pa. Pupunta na ako riyan,” sabi ko bago ibaba ang telepono. Mabilis kong kinuha ang mga pinamili at lumabas, ayaw kong maghintay nang matagal si Papa. Pagdating ko sa tapat ng elevador, sakto namang bumukas ang pinto—at agad akong napayuko nang bumungad sa akin sina Aria, Aquilles, at Madam Lavinia. “Magkita na lang tayo roon, Ate Mara,” wika ni Aria, may bahid ng lambing sa tinig. Tumingala ako at ngumiti sa kaniya, ngunit sinalubong iyon ng malamig na tingin ni Madam Lavinia. Sanay na ako sa ganoong tingin, kaya hindi na ako natinag. “Huwag kang mag-aalala, Mara, hindi kita pababayaan do—” “Tara na’t umalis,” putol agad ni Madam Lavinia, maawtoridad ang tinig. Hindi man lang niya tinapos ang sasabihin ng kaniyang apo. Kita sa bawat galaw niya ang hindi matatawarang pagkainis sa akin. Pagkaalis nilang tatlo, agad akong pumasok sa elevador. Nang magsara ang pinto, napalalim ako ng buntonghininga. Kahit anong tibay ng loob ko, hindi ko maiwasang tanungin ang sarili kung bakit hanggang ngayon, sobra pa rin ang galit niya sa aming mag-ina. Mabuti na lang at hindi nadadamay si Parker—iba ang trato niya sa kapatid ko. Mahal niya iyon. Pagdating ko sa opisina, nadatnan kong abala pa rin si Papa sa pagtitipa sa kaniyang dala-dalahing kompyuter. Akala ko’y nagmamadali siya, pero tila may tinatapos pa. “Kumain ka muna riyan, at tatapusin ko lang ito,” sabi niya. “Sige po, Pa. Pero… saan po pala tayo pupunta?” tanong ko habang inilalapag ang dala kong pagkain. “Kaarawan ng…” saglit siyang tumigil, saka umiwas ng tingin. “…kapatid ni Mama.” “Ganoon po ba? Pero nahihiya po ako sa kanila.” Itinuon niyang muli ang tingin sa akin, may bahagyang ngiti sa kaniyang labi. “Masyado kang maganda para mahiya sa angkan ko. Hindi hamak na mas maganda ka sa kanila.” Napangiti ako. Sino ba naman ang hindi matutuwa sa papuri, lalo na kung mula sa taong may espesyal na lugar sa buhay mo? “Salamat, Pa. Baka gusto mo rin nitong pagkain,” alok ko. Tiningnan niya ang mga pagkaing inilapag ko sa mesa, saka bahagyang tumango. “Pwede. Halika, dito mo kainin. Subuan mo ako,” aniya. “A–Ano po?” napakunot ang noo ko, gulat sa narinig. “Subuan. Huwag kang mahiya. Naglalambing lang si Papa,” aniya, mababa ang boses. Marahan akong tumango, bagama’t hindi ko maitago ang pag-aalangan. Bago lang sa akin ang ganitong lambingan—ni minsan, hindi ko pa nagawa ito. Napangiti si Papa, tila natutuwa sa pag-aatubili ko. “Ganito na lang… susubuan mo ako, o ako ang magsusubo sa iyo?” Tipid akong ngumiti. “Ako na lang, Pa.” ~~~
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD