Sabrina’s POV
Nakahiga ako sa kama ng guest room habang nakatitig sa kisame. Madilim ang buong silid maliban sa kaunting liwanag na nagmumula sa screen ng phone ko na nakapatong sa dibdib ko. Sa tabi ng unan ko, mahinang tumutugtog ang isang acoustic playlist mula sa Spotify, pilit na pinupunan ang nakabibinging katahimikan ng gabi.
Rinig na rinig ko ang marahang tunog ng pagpihit ng pangunahing pinto ng penthouse kanina. Kasunod niyon ang pamilyar at mabibigat na hakbang ni Eli, ang kalampag ng kanyang mga susi na inilapag sa console table, at ang buntong-hininga niya na bumasag sa katahimikan ng sala.
Alam kong nakauwi na siya. At alam kong alam niyang nandito ako.
Kumatok ka, Eli. Sige na, subukan mo lang kumatok, hamon ko sa kanya sa aking isipan habang nakatitig sa bahagyang nakaawang na pinto ng kwarto ko.
Ilang minuto akong naghintay. Umupo ako sa gilid ng kama, nakikiramdam sa bawat kaluskos sa hallway. Natanaw ko pa nga ang anino ng kanyang mga paa na huminto sa tapat ng pinto ko. Sa loob ng ilang segundo, literal na huminto ang paghinga ko. Inaasahan kong itutulak niya ang pinto, tatanungin ako kung kumain na ba ako, o kahit man lang magsungit tulad ng dati para magkaasaran kami. Handa na akong makipagtalo, handa na akong makipag-asaran—basta kausapin niya lang ako.
Pero lumipas ang isang minuto, dalawang minuto... hanggang sa dahan-dahang umatras ang anino ng mga paa niya. Narinig ko ang kasunod na pag-click ng pinto ng master bedroom niya sa dulo ng hallway.
Tuluyan na niya akong tinalikuran.
Isang matinding inis na may halong pait ang biglang sumikip sa dibdib ko. Pabagsak akong muling nahiga at hinatak ang unan para itakip sa mukha ko.
"Bwisit ka talaga, Elijah Torres!" bulong ko sa dilim, halos mangatal ang boses ko sa tindi ng frustration. "Napakaduwag mo! Napaka-bato mo!"
Naiinis ako dahil hindi ko akalaing magagawa niya akong tiisin nang ganito. Pagkatapos ng lahat ng isinigaw niya sa mukha ko sa atelier kanina—pagkatapos niyang aminin na nagwawala ang p*********i niya dahil sa akin—heto siya ngayon, bumalik sa pagiging isang pader. Di man lang niya sinubukan na kumustahin ako? Di man lang niya ako magawang imikan o tanungin kung ayos lang ba ako pagkatapos niya akong ipagtabuyan sa harap ng mga mananahi niya?
Ganoon ba talaga kadali sa kanya na ibalik ang maskara niya kapag tapos na ang eksena? O ganoon lang talaga ako kawalang-halaga sa kanya na kaya niya akong balewalain sa loob ng sarili niyang bahay?
Kinuha ko ang phone ko. Nag-vibrate na naman ito. Sino pa ba, kundi ang GC ng mga ahas.
CHLOE: Hey, Sab. Nakita ng stylist ko si Eli sa BGC kanina, mukhang puyat at bad trip. Did you do something? O baka naman sinusumpong lang ng pagiging diva? Update us, babe. 😉
Tinitigan ko ang chat ni Chloe. Kung noong unang araw ay determinasyon ang nararamdaman ko para makuha ang Hermes bag at ang isang milyon, ngayon, parang may lason na unt-unting pumapasok sa sistema ko tuwing nakikita ko ang countdown ng pusta.
Naalala ko ang mga sinabi ni Jill kanina sa cafe.
“May ideya ka ba kung gaano mawawasak si Eli kapag nalaman niya ’to?”
Napapikit ako nang mariin, hinawakan ko ang aking ulo na nagsisimula na namang kumirot. Naghahalo ang galit ko kay Eli at ang matinding konsensya na unt-unting bumabalot sa puso ko. Naiinis ako sa kanya dahil iniiwasan niya ako, pero sa kabilang banda, natatakot ako... dahil alam kong kasalanan ko kung bakit kami umabot sa ganitong sitwasyon. Ako ang nagsimula ng larong ito. Ako ang lumapit at nambulabog sa tahimik niyang mundo.
Binitawan ko ang phone ko sa sahig at hinaltak ang kumot hanggang sa leeg ko.
Bahala ka sa buhay mo, Eli, saob ko sa sarili ko habang pilit kong ipinipikit ang aking mga mata sa gitna ng malamig na silid. Kung kaya mo akong tiisin, kaya rin kita. Tingnan natin kung sino ang unang bibigay sa ating dalawa.
Ngunit sa kabila ng matitigas kong salita, alam ng puso ko ang totoong sagot. Sa silent war na ito na pumasok sa pagitan naming dalawa, walang sinuman sa amin ang nananalo. Pareho lang kaming unt-unting dinudurog ng mga pader na kami rin mismo ang nagtayo.
***
Alas-dos na ng madaling araw pero dilat na dilat pa rin ang mga mata ko. Ang bigat ng pakiramdam ko ay tila lumipat sa aking lalamunan na tuyong-tuyo na dahil sa iyak at inis. Hindi ko na kayang tiisin ang uhaw.
Dahan-dahan kong isinantabi ang kumot. Maingat kong ibinukas ang pinto ng guest room, sinisiguradong walang lilikha ng ingay. Madilim at tahimik ang buong penthouse. Ang tanging liwanag ay nagmumula sa mga ilaw ng mga nagtataasang gusali sa labas ng malalaking glass windows ng sala.
Naglakad ako nang nakatingkayad patungo sa kusina. Pagkarating ko sa tapat ng kitchen island, agad kong binuksan ang refrigerator para kumuha ng cold water. Nilagyan ko ang isang baso at mabilis na ininom 'yon. Ang lamig ng tubig ay bahagyang nagpababa sa naipong init sa dibdib ko.
Ibabalik ko na sana ang pitsel nang mapansin ng mga mata ko ang isang bagay na nakapatong sa ibabaw ng counter table.
Isang sketch pad. At sa tabi nito ay ang pamilyar na mamahaling fountain pen ni Eli.
Kumaba ang dibdib ko. Alam kong hindi ko dapat pakialaman ang mga gawa niya, lalo pa’t napaka-pribado ng proseso ni Eli pagdating sa kanyang mga disenyo. Pero parang may sariling isip ang aking mga kamay na dahan-dahang humakbang palapit at iniharap sa akin ang sketch pad.
Ginamit ko ang flashlight ng phone ko para silipin ang pinakahuling pahina na may guhit.
At doon, parang tuluyang huminto ang mundo ko.
Hindi ito disenyo ng gown para sa Grand Gala. Hindi rin ito koleksyon para sa susunod na fashion week. Isang charcoal portrait ang nakaguhit sa magaspang na papel—at mukha ko 'yon.
Ito ang eksena namin kanina sa atelier. Ang pagkakahubog ng aking mukha, ang bahagyang gulo ng aking buhok, at ang aking mga mata na nakatitig nang diretso. Pero ang pinakamatindi ay ang bawat haplos ng uling sa papel. Ramdam na ramdam ang emosyon sa bawat linya. Sa ilalim ng drawing, may nakasulat na maikling linya gamit ang sarili niyang sulat-kamay:
“Aking piraso ng langit na hinding-hindi ko pwedeng hawakan.”
Isang mainit na luha ang biglang pumatak mula sa aking mata, direkta sa gilid ng papel. Mabilis ko itong pinunasan gamit ang aking daliri, natatakot na mabura ang gawa niya.
Habang nakatitig sa drawing, naramdaman ko ang isang matinding hiwa sa aking puso. Galit ako sa kanya dahil itinaboy niya ako kanina, pero heto siya... nagpupuyat sa dilim para lang iguhit ang mukha ko. Ipinagtatanggol niya ang sarili niya sa akin dahil natatakot siyang masira ang kung anong mayroon kami, habang ako...
Habang ako, pusta lang ang dahilan kung bakit ako narito.
Dahan-dahan kong isinara ang sketch pad at ibinalik ito sa eksaktong posisyon nito kanina. Humakbang ako pabalik sa aking kwarto, ang bawat hakbang ay mas mabigat pa kaysa kanina. Ang galit at tampo na naramdaman ko kanina ay tuluyang natunaw, at ang natira na lang ay ang isang malaking katotohanan na unt-unting pumapatay sa akin:
Nahuhulog na nga si Eli sa bitag ko. Pero kasabay niyon, unt-unti ko na ring winawasak ang tanging lalaking nakalaang mag-alaga sa akin habambuhay.