Inilinga ko ang paningin sa paligid upang hanapin ang asawang hinila ng isa sa mga business associates niya.
Umalingawngaw sa buong paligid ang masigabong palakpakan ng mga taong manonood sa palabas na ‘yon.
Kani-kaniyang tayo at hiyawan pa ang iba dahil sa kagustuhang makita ng personal ang ilan sa mga kinikilalang tao ng bansa.
“Let’s all welcome, Mr. Carl Wayne Shipman!” malakas na pagpapakilala ng tagapagpakilala sa taas ng maliit na entablado.
Malakas na tilian at hiyawan ng mga manonood ang pumalibot sa buong paligid.
May kung anong magneto naman ang bigla na lang humila sa aking ulo upang tingnan ang pinakaespesyal na bisitang pinagkakaguluhan na ng mga manonood, pati na rin ng mga reporter na ‘di magkamayaw sa pagkuha ng litrato at video sa kaniya.
Ang bilis ng pintig ng puso ko nang masilayan ang gwapo niyang mukha na ilang taon ko rin hindi nakita mula nang maghiwalay ang landas naming dalawa.
Halos malaglag ang panga ko sa pagkamangha dahil sa unang pagkakataon ay nasilayan ko siyang nakasuot ng formal attire na akmang-akma sa matipuno niyang pangangatawan.
“Carl Wayne...” salitang nanulas mula sa aking bibig.
Wala sa sariling napahakbang ako palapit sa kinaroroonan niya upang mabistahang maigi ang kailanman ay 'di nagbabagong kagwapuhang taglay nito.
Gustong lumundag palabas ng puso ko nang tumingin siya sa aking gawi at magkonekta ang aming mga mata.
Malamig ang ipinupukol niyang tingin sa akin at walang mababakas na anumang reaksyon.
Nakagat ko ang ibabang bahagi ng aking labi kasabay nang pag-asam na sana ay naaalala pa rin niya ako.
Ilan taon na mula nang maghiwalay ang landas naming dalawa at sa loob ng ilan taong pagkakalayo ay wala kaming naging anumang ugnayan o komunikasyon sa isa’t isa.
Naramdaman ko ang panunubig mula sa aking mga mata at tila gustong umapaw ng mga luha mula roon.
Muling nagbalik sa nakaraan ang aking isipan kung saan masaya kaming magkasama na dalawa.
“Huli ka!” masayang bulalas nito kasabay nang pagyakap ng kaniyang braso sa aking baywang.
“Babe!” natitilihang sambit ko.
“Talo ka, Babe!” natatawang bulong niya sa likod ng aking tainga.
Mahigpit na yumakap ang dalawa niyang braso sa aking baywang at saka sabay kaming naupo sa may damuhan.
“Andaya mo!” nakalabing maktol ko sa kaniya.
Natatawang kinabig niya ako pasandal sa matipuno niyang pangangatawan kung saan nakadama ako ng kapayapaan nang ihilig ko ang ulo ko sa kaniyang dibdib.
“Sana ay ganito na lamang tayo parati,” hiling ko sa kaniya kahit na alam ko namang imposible.
Mortal na magkalaban ang pamilya namin sa negosyo at sa paglipas ng panahon ay lalo lamang lumala ang alitan sa pagitan nila.
Hindi ko tiyak kung negosyo pa nga ba ang totoong dahilan ng kanilang hidwaan dahil sa pakiramdam ko ay may mas malalim pang dahilan.
Gayunpaman ay hindi kami nakisali ni Carl Wayne sa alitan na iyon. Minahal namin ang isa’t isa mula pa lamang ng kami ay nasa high school. At kahit pa nga banta ang alitan ng pamilya namin sa aming relasyon, nagpatuloy kaming dalawa sa pagmamahalan.
“Ipangako mo sa akin na anuman ang mangyari ay ipaglalaban mo ang ating pagmamahalan,” madamdaming wika ni Carl Wayne.
“Pangako!” sumpa ko naman sa kaniya.
“You’re here, Love!” Pumulupot ang braso ni Justin sa aking baywang dahilan para muling manumbalik sa kasalukuyan ang aking isipan.
“Saan ka nanggaling? Kanina pa kita hinahanap? Pinag-aalala mo ako,” magkakasunod na litanya ko sa asawa.
“Kaya ba naluluha na ang mga mata mo, dahil akala mo ay iniwanan na kita?” nangingiti niyang tanong na may kasamang pang-aasar sa akin.
Alam ni Justin na hindi ako sanay sa mga ganitong uri ng kasiyahan ngunit wala naman akong magagawa upang hindi sumama sa kaniya na dumalo dahil nga sa asawa ko siya.
Walang alam si Justin tungkol sa aking nakaraan kahit pa nga ang tungkol sa aming dalawa ni Carl Wayne.
Muli kong ibinaling ang tingin ko sa lalaking minsang naging bahagi ng aking buhay.
Abala siya sa pagsagot sa mga tanong tungkol sa kaniya at naging interesado akong pakinggan ang sagot niya sa huling tanong ng reporter na umagaw ng aking pansin.
“Mr. Carl Wayne, ano ang mensahe mo sa mga babaeng naghahangad na iyong mapansin?”
“Huwag na nilang subukin pang hangarin ako dahil tiyak na magugulo lamang ang kanilang mundo," sagot ni Carl Wayne sabay kindat sa mga taong nakaharap sa kaniya.
Malakas na tilian ng mga kababaihan pati na rin ng mga baklang reporter na halatang may gusto sa kaniya ang umingay sa paligid.
“He's a totally jerk!” Napalingon ako kay Justin nang marinig ko ang sinabi nito.
“Bakit mo naman nasabi?” patay malisya kong tanong sa asawa at kunwari'y wala akong alam tungkol kay Carl Wayne na pinagsasabihan nito ng pangit na salita.
“Nevermind, Love!” tanging tugon ni Justin sabay kabig sa ‘kin payakap sa kaniyang katawan.
“Let’s go home!” aya pa niya sa akin na agad ko namang tinanguan.
Ipinulupot ko ang kanang kamay ko sa kaniyang braso at saka humakbang na kami patungo sa may exit door.
Ilang hakbang na lamang kami ni Justin sa may pintuan ng bigla kaming harangin ng reporter na sumulpot sa aming harapan.
“Excuse me, Mr. Mondragon. Can I have a few questions for you?” tanong ng reporter kay Justin.
Mahigpit na napakapit ako sa braso ng aking asawa at 'di ko naiwasang panginigan ng mga kalamnan.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sanay sa ganitong sosyalidad sa buhay ni Justin.
“Don't worry Love, I'll make it quick! Sasagutin ko lang ang katanungan niya.” Pagpapakalma sa ‘kin ni Justin na alam kong naramdaman nito ang panginginig ng aking katawan.
Tumango lamang ako bilang tugon sa kaniya at saka tahimik na nakinig sa palitan nila ng talakayan ng reporter.
Mula sa isang reporter na nagsimula ng katanungan, dinagsa kami ng ilan pang reporter na gusto rin magtanong kay Justin.
Malungkot na napabuntonghininga ako nang makitang dinadagsa na kami ng iba pang tao bukod sa mga reporter.
Lihim kong pinagmasdan ang asawa na masayang pinauunlakan ang pagsagot sa bawat katanungan sa kaniya.
Nakalimutan na yata ni Justin na kasama niya ako dahil sa nawiwili na siyang magpa-interview.
Inilapit ko ang bibig ko sa kaniyang tainga upang bumulong ng mga salita. “Sa ladies room na muna ako, Love.”
Lumingon siya sa ‘kin at humingi ng paumanhin. “I’m sorry, Love."
“It’s okay, Love!” Pilit akong ngumiti upang alisin ang pag-aalala niya sa ‘kin.
Bukod sa bahagi ng pamumuhay ni Justin ang ganitong mga kasiyahan, isa rin siya sa kinikilalang personalidad sa bansa dahil na rin sa kaniyang ama.
Dahan-dahan akong bumitaw mula sa pagkapit sa kaniyang braso at saka humakbang ako patungo sa may ladies room.
Pagpihit ko pabukas ng pinto bigla akong gininaw. Pakiwari ko ay may mga matang nakamatyag sa’kin kaya inilinga ko sa paligid ang mga mata ko upang ito’y hanapin.
Wala akong nakitang ibang tao maliban sa aking sarili kung kaya tuluyan akong pumasok sa loob ng ladies room.
"Hello, baby girl!"
Napatalon ako sa gulat at malakas na napatili.
Maagap naman niyang itinakip sa aking bibig ang kaniyang palad kung kaya nakulong sa loob ng lalamunan ko ang aking tinig.
"Hindi nakabubuti sa’yo ang pag-inom ng kape, baby girl," paanas niyang bulong mula sa likod ng aking tainga.
“Carl Wayne...”