Naramdaman ko ang paglingkis ng isa niyang braso sa aking baywang at saka kinabig ako nito palapit sa kaniyang katawan.
Kung gwapo siya noon, higit na mas gwapo siya ngayon. Lalo pa at sa malapitan ko siya nasisilayan.
“Kumusta ka na, Baby Girl?” Humahampas sa mukha ko ang mabango niyang hininga na nagdudulot nang pagkalango sa akin.
“Carl Wayne...” nangangatal ang mga labi kong sambit sa kaniyang pangalan dulot ng matinding emosyon na lumulukob sa buo kong pagkatao.
Para akong yelo na unti-unting nalulusaw dahil sa tindi ng init na ibinubuga sa akin ng katawan nito.
Pasimple ko namang inusod ang aking katawan sa kaniya upang higit kong maramdaman ang katawan niyang kaytagal na panahong hindi ko na nadikitan pa.
Malakas pa rin ang epekto sa akin ng kaniyang katawan dahil nagigising pa niya ang natutulog kong mga cells sa katawan.
Naramdaman ko ang mahinang pagpisil ng kaniyang kamay sa aking baywang kasabay nang pagngiti ng mapupula niyang mga labi.
Ngiting kaya pa rin pabilisin ang pagpintig ng puso ko at kayang magpalaglag ng panty ko anumang sandali.
Actually, kanina ko pa nga iniipit at baka tuluyan ngang malaglag!
“Behave, Krishna!” piping saway ko sa sarili.
“You're still slim, Baby Girl...” Muling pumisil ang kamay niya sa aking baywang. “Just like before!”
Napaawang ang labi ko sa kaniyang sinabi at nagulumihanan ang buong sistema ng aking mga kalamnan.
Ramdam ko ang mabilis na pagtibok ng puso nito dahil halos nakadikit na ang dibdib ko sa ginawa niyang pagkabig sa akin.
Mula sa pagpisil-pisil niya sa aking baywang, gumapang ang kaniyang palad sa kurba sa aking likuran.
Napansin ko ang pagpapapungay niya ng kaniyang mga mata habang 'di inaalis ang titig sa aking labi.
“Carl Wayne...” paanas kong sambit habang pinipigilang mapaungol at baka kung ano pa ang isipin sa akin nito.
Hindi lumuwag ang pagkakahapit ng braso niya sa aking baywang at pakiramdam ko pa nga‘y bigla na lamang akong nauhaw.
Nalalasing ako sa tensiyong bumabalot sa aming dalawa lalo pa’t pagkalapit-lapit namin sa isa't isa.
Ilang beses akong napalunok ng laway nang masilayan ang pagtaas baba ng adams apple niya sa kaniyang lalamunan.
“Hindi ka ba pinapakain ng asawa mo?” namamaos niyang tanong na mas lalo pang idinikit ang kaniyang mukha sa aking mukha.
Tila biglang nagising ang nahihibang kong diwa sa kaniyang sinabi at naalala ko ang asawang si Justin.
May asawa na nga pala ako!
Mabilis ko siyang itinulak palayo sa aking katawan.
“Anong ginagawa mo rito?” malamig kong tanong sa kaniya.
“Tsk!” Iniling-iling niya ang kaniyang ulo at saka pinagmasdan ang buo kong katawan.
Kakaibang anyo ni Carl Wayne ang nakikita ko mula sa mapanuksong itsura nito kanina. Ngayon ay tuluyan nang bumalik sa malamig niyang anyo ang kaniyang itsura.
“Relax, Baby Girl...” Tumaas ang sulok ng kaniyang labi.
“Pwede ba, huwag mo nga akong matawag-tawag na baby girl,” mataray na saad ko sa kaniya.
“Hindi ako baby at lalong hindi mo ako girlfriend!” dagdag ko pang sabi.
Mapanganib na ngumiti siya sa akin at kitang-kita ko ang pagdaan ng pait sa kaniyang mga mata.
“Bakit mo ako iniwan?” malamig niyang tanong sa akin.
Parang punyal na bigla na lamang tumarak sa dibdib ko ang malamig niyang tinig. Bigla namang bumuway ang katatagan ng mga tuhod ko mula sa pagkakatayo.
“K-kalimutan na natin ang nakaraan, Carl Wayne...” nanginginig na utal ko ngunit nagrerebelde naman ang aking puso.
“Alam mo ba ang ginawa mo sa akin?” mapang-usig niyang tanong kalakip ang kaniyang sama ng loob.
Nakagat ko ang ibabang bahagi ng aking labi upang doon humugot ng lakas. Wala akong maisagot sa kaniya sapagkat nasaktan din ako sa mga pangyayari.
“Ba’t hindi ka sumagot?” Napaigtad ako nang suntukin niya ang pader sa aking kanang bahagi.
Sunod-sunod na bumagsak ang mga luha mula sa aking mga mata at saka mariing napapikit ako.
“Saktan mo na lang ako upang makabawi ka sa lahat ng mga ginawa ko sa 'yo,” hiling ko sa kaniya na alam ko namang imposibleng gawin nito.
“P*t*ng-in*, Krishna!” Naramdaman ko ang muling pagsuntok niya sa pader kung kaya napamulat ako ng mga mata ko.
“Carl Wayne...” humihikbing sambit ko sabay hawak sa kamao niyang puno na ng dugo. “Pakiusap... Ako na lang ang saktan mo.”
Hindi ko maatim na muli na naman niyang saktan ang kaniyang sarili ng dahil lamang sa akin.
Ako ang may kasalanan sa kaniya, kaya ako rin ang dapat na saktan niya.
Tumindi ang pagluha ko nang kabigin niya ako upang mahigpit na yakapin at saka mapangahas na sinakop nito ang aking labi.
Naparalisa ako kasabay ng realisasyong gustong magpumiglas ng aking isipan laban sa kaniya, ngunit umaayaw naman ang puso ko.
Sa ilang minutong pagtatalo ng aking isipan at puso, natagpuan ko na lamang ang sariling tinutugon ang kaniyang paghalik sa akin.
Katulad ng dati ay para pa rin itong matamis na kendi na ayaw ko nang tantanan pa.
Sa bawat hagod ng kaniyang labi sa aking labi ay kakaibang pakiramdam ang muling binubuhay nito sa aking pagkatao.
“Love, are you done?” Napaigtad ako nang marinig ang boses ni Justin mula sa likuran ng pinto.
Pilit kong itinulak si Carl Wayne palayo sa akin ngunit lalo lamang idinikit nito ang kaniyang katawan.
“N-nandiyan ang asawa ko!” natatarantang saad ko sa kaniya at halos pabulong ko na nang sabihin iyon upang ‘di marinig ng aking asawa.
Tila wala naman siyang narinig sa sinabi ko dahil nagpatuloy lamang ito sa pagdikit sa akin sa may pinto.
“Carl Wayne!” Pigil na pigil kong mapalakas ang boses ko nang sawayin siya.
“Hayaan mo siya!” pagalit niyang turan sa akin.
Tinakpan ko ang bibig niya gamit ng mga kamay ko dahil ang lakas ng kaniyang boses.
“Love?” muling tawag sa akin ni Justin sabay katok sa may likurang bahagi ng pinto.
Hindi ako sumagot upang isipin ni Justin na wala ako rito sa loob ng ladies room.
Napalunok ako ng laway nang muling magkaharap ang mukha naming dalawa ni Carl Wayne.
“Pakiusap... Huwag mo na sanang saktan pa ang sarili mo.” Itinaas ko ang kamao niyang puno ng katas ng dugo.
“Babalik ka ba sa akin kapag hindi ko na sinaktan pa ang sarili ko?” tanong niya sa akin.
“M-may asawa na ako at ayokong saktan siya." Malungkot na iniyuko ko ang aking ulo upang itago mula sa kaniya ang sakit na bumabalatay sa aking mga mata.
“Mahal mo ba siya?” tanong pa niya habang naglalakbay ang kaniyang mga mata sa aking mukha.
Tumingala ako upang salubungin ang kaniyang mga titig. “Mahal ko si Justin.”
Nakita ko ang pagbalatay ng sakit sa kaniyang mga mata ngunit agad din iyong napalitan ng malamig na titig.
“Get out!” malamig nitong sambit.
Sandaling natulala ako sa kaniyang inasta at nang matauhan ako ay agad kong kinuha ang kamao niyang patuloy na nagdurugo.
Dinala ko iyon sa tapat ng aking bibig at buong pusong hinalikan ng walang pag-iimbot.
“Ingatan mo sana parati ang iyong sarili,” madamdamin kong habilin sa kaniya.
Napasinghap ako nang buksan niya ang pintuan. Kinakabahang napatingin ako sa paligid upang tingnan kung naroon si Justin.
“Umalis ka na!” mariing utos ni Carl Wayne.
““Paalam, Carl Wayne...”