Iyong pakiramdam na parang nahuli sa aktong pagnanakaw, ganoon na ganoon ang pakiramdam ko habang nakaharap ngayon kay Fynn.
Hindi ko alam na isa siya sa may-ari ng kumpanyang ito. Ang kilala ko lang naman kasi na mga boss dito ay iyong madalas ko lang din makita.
Pasimple akong lumapit kay Atasha upang bumulong patungkol sa among ngayon ko lamang nasilayan sa loob ng gusaling ito.
“Ba’t ngayon ko lang nalaman na may bago pala tayong boss?”
“Nasaan ka ba nang ipakilala si Boss Fynn noong isang araw?” pabulong din na balik tanong sa’kin ni Atasha.
Natigilan ako at napaisip kung nasaan nga ba ako ng mga nakaraang araw. Ang tanging naaalala ko lang ay nasa field ako upang inspeksiyunin ang mga stock sa mga branches.
Isa kasi sa trabaho ko ang siguruhing kumpleto ang stock ng bawat store upang matiyak na hindi nauubusan lalo pa at mabenta ang mga produkto dahil na rin sa in-demand sa ngayon.
Naagaw ang atensyon ko nang tumikhim si Fynn at saka nagsalita.
“Balita ko, ikaw raw ang isa sa mga magagaling na empleyado ng kumpanya.” Matamis na ngumiti siya sa’kin matapos iyong sabihin.
Speechless ako sapagkat ‘di ko kayang buhatin ang sariling bangkuan para lamang ipagmalaki ang sarili.
Kung anuman ang ginagawa kong trabaho ay parte nang binabayaran sa akin ng kumpanya kung kaya hindi ko pwedeng ipagmalaki iyon.
“Yes, Boss! Si Margherita po ang isa sa mga empleyado ng kumpanya ang masasabing maganda ang kalidad pagdating sa trabaho.” Pagmamalaki sa’kin ni Atasha.
Awang ang mga labing humarap ako kay Atasha na kumikindat-kindat pa. Hindi ko tuloy alam kung ano ang mararamdaman sa mga sandaling ‘to dahil sa unang pagkakataon, ngayon ko lamang narinig mula sa kaniya ang ganoong mga salita.
Sanay na kasi ako na siya ang laging bukambibig ng mga boss na magaling, lalo na pagdating sa trabaho. Sa loob ng kumpanyang ito, si Atasha ang bida at puring-puri!
Magkagayunman ay ‘di ako nagtanim ng sama ng loob sa kaniya. Ni hindi ako nagalit dahil katulad nang sinabi ko, hindi nagpakita ng pangit na ugali sa’kin si Atasha.
Medyo nakakapagtataka lang talaga na kuntodo build-up niya sa’kin at aaminin kong kinikilig ako sa kaniyang mga sinabi.
“Good! Kung gayon ‘di na pala ako mahihirapan pang maghanap ng sekretarya.” Nabaling ang tingin ko kay Fynn dahil sa ibinulalas nito.
“Sakto! Iyan ang tinapos na kurso ni Margherita at talagang hinding-hindi ka magsisisi kapag siya ang kinuha mo bilang sekretarya. Hindi ba, Margherita?”
Marahas na umikot ang ulo ko patuon kay Atasha at sa naguguluhan kong isipan ay tumimo ang ‘sekretarya’ na salita.
Ano ba ang ibig nilang sabihin? Na ako ang taong tinutukoy na gagawing sekretarya ni Fynn?
Salubong ang mga kilay na humihingi ako ng paliwanag kay Atasha upang pilit arukin ang nais nilang tukuyin.
Alanganing ngiti lamang ang itinugon niya sa’kin na para bang may alam na talaga siya sa sinasabing iyon ni Fynn.
“Margherita, si Pamela!” pagbulong sa ‘kin ni Lina na noon ko lang naalalang kasama pa nga pala namin.
Napadilat ang mga mata ko nang maalala ang pinsang may hindi magandang pinaplano sa kaniyang buhay.
“Ahmm... Excuse me. I need to go!” paalam ko.
Yumukod ako sa harapan ni Fynn para magbigay galang sa kaniya. Isa siya sa mga naturingang boss kaya nararapat lamang na magpaalam ako sa kaniya.
Ang pangit naman kung bigla na lang akong aalis gayong kakikilala ko pa lamang sa kaniya bilang isa sa mga boss.
“Ihahatid na kita.” Nakangiting boluntaryo ni Fynn.
“Hindi na!” pagtanggi ko sa kaniyang sinabi.
“No. I insist! Ihahatid na kita. Palagay ko ay importante iyang lakad mo.” Pagpupumilit ni Fynn.
Matigas na iniling-iling ko ang ulo ko upang pigilan ang lalaki sa kaniyang nais.
“Hindi! Huwag ka nang mag-abala pa, Fynn este Sir Fynn pala!” Kandabuhol tuloy ang dila ko sa pagpapaliwanag.
“Magpahatid ka na Margherita at baka wala kang abutang Pamela kapag sumakay ka pa ng jeep,” sabad naman ni Lina.
Naitampal ko ang kanang palad sa noo sapagkat naisip kong may punto si Lina sa kaniyang sinabi.
Kung magko-commute nga naman ako ay tiyak na aabutin ako ng dalawang oras bago makarating sa bahay.
“Let's go?” nakangiting tanong sa’kin ni Fynn.
Napabuntonghininga na lamang ako dahil sa kawalan ng kakayahang tanggihan ang alok nito.
Napapitlag ako nang hawakan ni Fynn ang siko ko upang alalayang maglakad.
Pagdating namin sa sasakyan niya ay napasinghap ako dahil sa bangong bumungad sa pang-amoy ko.
Ibang klase talaga ang mayaman!
Binuhay ni Fynn ang makina ng kaniyang sasakyan saka umalis na kami sa may lugar na iyon.
Habang nasa biyahe ay hindi ko maiwasang isipin ang pinsan. Labis na pag-aalala sa kaniyang kalagayan ang gumugulo sa aking isipan.
Hindi matanggap ni Pamela na niloko lamang siya ng damuhong niyang nobyo. Ipinagpalit sa ibang babae dahil sa mas magaling daw iyon sa ibabaw ng kama.
Pinayuhan ko siyang kalimutan na lamang si Alex pero ayaw niya iyong gawin dahil umaasa siyang mauuwi pa rin silang dalawa sa kasalan.
Bagay na kinaiinisan ko na sa totoo lang!
Nagmumukha ng kaawa-awa ang pinsan ko sa paningin ng maraming tao dahil sa ilan beses niyang pagpapakamatay.
Iyan na nga ang dahilan kung bakit ako sumugod sa may simbahan ng hindi man lamang inaalam ang dapat malaman na impormasyon.
Napahiya tuloy ako!
Mabuti na lang talaga at naroon din si Fynn na siyang nagsalba sa ‘kin mula sa galit ng kaniyang kamag-anak.
Kahit papaano ay nabawasan ang stress level ko ng mga sandaling iyon!
“Palagi kang bukambibig ni Fiona, napag-isipan mo na ba ang alok ko sa iyo?” tanong ni Fynn ang umuntag sa nililipad kong diwa.
“Alok?” kunot noong balik tanong ko naman sa kaniya.
Sa lalim nang iniisip ko ay hindi ko na namalayan pa ang ibig sabihin ng kaniyang winika.
Lalong nadagdagan ang pagkakunot sa noo ko nang tumawa siya na para bang may nakakatawa sa tanong ko sa kaniya.
“Masyadong okupado ang isipan mo ng kung anumang iniisip mo,” aniya.
“Pasensiya na. Masyado lang akong nag-aalala para sa kalagayan ng pinsan ko,” matapat kong tugon.
Nahagip ng paningin ko ang pagdaan ng kakaibang damdamin sa kaniyang mga mata na hindi ko mapangalanan.
Ako ang unang nagbawi ng tingin sa pagitan naming dalawa saka itinagilid ang aking ulo.
“Huwag mong masyadong isipin ang problema. Dadaan at dadaan lamang iyan sa buhay natin, ngunit lilipas din. Pagsubok lang iyan!”
Lihim akong napahanga dahil sa sinseridad ng kaniyang mga salita. Nakatutuwang isipin na ang lalaking tulad niya ay mayroong sense of humor pagdating sa maproblemang tao.
Narating namin ang lugar kung saan ako nakatira. Nagpasalamat ako sa paghatid niya at hindi ko na siya pinababa pa ng kaniyang sasakyan.
“Gustuhin ko man ayain ka sa loob ng bahay ay ‘di ko magagawa. Pasensiya na talaga!” hinging paumanhin ko na may halong pagpapakumbaba.
Nakadama ako ng hiya dahil sa ilan beses niya na yata akong isinasalba mula sa nakahihiyang sitwasyon pero wala man lang akong naibayad.
“Huwag mo akong alalahanin. Sana ay maayos mo ang problema,” nakangiti niyang sambit.
Tumango ako bilang pagtugon saka binuksan ang pintuan ng kaniyang sasakyan. Pababa na sana ako nang ulitin ni Fynn ang kaniyang sinabi habang nasa daanan kami kanina.
“Huwag mo sanang masyadong isipin ang mga problema. Dadaan at dadaan lamang iyan sa buhay natin. Pagsubok lang iyan!” Kumindat pa siya matapos iyong bigkasin.
“Salamat!” sinsero kong tugon.
Napangiti na lamang ako sa sarili saka naiiling na bumaba ng sasakyan ni Fynn.
Dire-diretso akong naglakad papasok sa may eskinita at nakasalubong ko si Virgie, ang dakilang chismosa ng bayan!
“Hoy, Margherita! Nakita ko ang pagbaba mo ng kotse, sino iyon?” maarteng tanong niya sa ‘kin.
Hindi ko pinansin si Virgie dahil wala akong panahong makipagchikahan. Si Pamela ang inaalala ko dahilan kaya nga ako nagmamadaling umuwi.
“Suplada!” rinig ko pang bulalas ni Virgie ng ‘di ko siya hinintuan at pansinin.
Nagkibit-balikat lamang ako sa sinabi niyang iyon pero hindi ko napigilang ‘di magpanting ang aking tainga nang marinig ang sumunod niyang winika.
“Anak naman ng kabit!”
Marahas akong humarap kay Virgie saka dahan-dahang humakbang papalapit sa kaniya.
“Ikaw man ang legal na asawa... ako pa rin ang kabit!” matigas kong wika na ikinasinghap niya.
Maging ako sa sarili ay napaisip din sa mga katagang binigkas. Parang...
“Sinasabi ko na nga ba’t ikaw ang kabit ng asawa ko!” hiyaw ni Virgie na ikinagulantang ko.
Saka ko lamang napagtanto sa sarili na iba nga ang dating ng mga salitang iyon sa sinumang may-asawang sasabihan.
Akmang sasambunutan na sana ako ni Virgie nang magsalita ako para gawing pananggalang sa kaniya.
“Hoy, Virgie! Hindi lahat ng may kabit ay gwapo. Ang PANGIT ng asawa mo at sila talaga ang madalas na may kabit!” Pinakariinan ko ang salitang pangit upang malaman niyang hindi ko gusto ang asawa niya.
Mabuti sana kung kasing-yummy ni Fynn ang asawa niya, e ang kaso kamukha ni dugong!
Ang pangit na nga, ubod pa ng bantot!