"Empress, may nagpapabigay sa 'yo nito," saad ni Keyleigh bago inilapag sa desk ko ang kahon na hawak niya. Pabiro siyang umismid kaya naman hindi ko naiwasang mapangunot ang noo. "Ang dami ng manliligaw mo, ah? Kailan ba mauubos yan, Empress?"
"Kapag pumangit na siguro ako," sagot ko sa kanya na ikinangiwi niya.
Mukha rin namang hindi interesado si Keyleigh na malaman nag laman dahil nang inilapag niya ito sa desk ko, nandesisyon na rin siyang iwanan ako sa upuan ko.
Bahagya kong nilingon ang corridor sa pagbabaka sakaling naroroon pa ang lalaking nagbigay nito sa akin. Wala naman akong ibang nakita doon kung hindi ang mga kaklase ko, kaya naman wala tuloy akong nagawa kung hindi ang mapanguso na lang.
"Kanino na naman ba ito nanggaling?" bulong ko sa sarili bago muling nag-angat ng tingin.
Agad akong natigilan nang makita ko si Travis na nakatitig sa direksyon ko. Natagpuan ko ang mata niyang nakatitig sa kahong nasa mesa ko, kaya naman wala akong ibang nagawa kung hindi ang lihim siyang akusahan.
Anong ibig sabihin nito, Travis? Hindi ka ba makalapit sa akin dahil sa sobrang taas ng pride mo, at maging ang pagbibigay ng simpleng regalo sa akin nang personal ay hindi mo magawa?
Nakanguso kong tinanggal ang cover ng kahon at halos bumagsak ang mga balikat ko sa dismaya nang makita ko ang laman nito.
"Tarantadong Lucas 'to," singhal ko bago namumula ang mukha kong ibinalik sa loob ang librong inilagay niya sa kahon. "Humanda ka sa akin kapag nakita kita, Lucas," dagdag ko pa sa sarili.
Muli akong nag-angat ng tingin sa direksyon ni Travis at nang sandaling magkrus ang mata naming dalawa, wala siyang ibang ginawa kung hindi ang umismid na mas lalong ikinapula ng mukha ko.
Bakit mo nga ba iniisip na si Travis ang magpapadala ng regalo sa 'yo, Empress? Hindi pa ba nagsi-sink in sa maliit mong utak na hindi ka niya gusto? Na galit siya sa 'yo? Na wala siyang pakialam sa 'yo?
Kung wala siyang pakialam sa akin, then bakit siya nakatitig sa kahong ibinigay sa akin ni Keyleigh kanina? Kuryoso lang ba talaga siya, o...
"Ouch!" Singhal agad ni Lucas nang inihampas ko sa balikat niya ang chemistry book na ipinadala niya pa kay Keyleigh kanina. "Bakit na naman ba?"
"Magbibigay ka lang ng book, kailangang nakakahon pa?" singhal ko na tinawanan niya. "Hindi mo ba alam kung anong ginawa mo? Ang buong akala ko kay Travis galing yung kahong iyon! Muntik na akong magmukhang tanga, Lucas!"
"Bakit si Travis agad ang naisip mo, Empress? Tingin mo ba mag-eefort iyon na magpadala ng regalo sa 'yo, at... tingin mo ba papakopyahin ka rin noon ng assignment? Dapat nga magpasalamat ka pa sa akin dahil pinapakopya kita ng assignment sa chemistry," natatawa niyang sambit na ikinasimangot ko.
"Hindi mo naman kailangang ilagay pa sa kahon yung libro, Lucas!" muli kong saad na tinawanan niya na naman.
Wala na yatang katapusan ang argumento naming ito.
"Why? I want to make you feel special, Empress, kaya ginawa ko iyon," natatawa niyang sagot na inilingan ko na lang. "I'm sorry kung iba ang dating sa 'yo no'n. Wag kang mag-alala. Sa susunod, sa iba naman."
"Asshole," singhal ko sa kanya na ikinatawa niya. "Wag mo na nga akong lalapitan! Doon ka kay Jenny mo!"
Paulit-ulit ko siyang tinulak sa corridor na mas lalo niyang ikinatawa. Nakuha namin ang atensyon ng mga eatudyanteng nakatambay sa corridor nang dahil sa tawa niya. Wala tuloy akong nagawa kung hindi ang namumulang tinakpan ang bibig niya na mas lalo niyang ikinatawa.
"Kung alam ko lang na pepestehin mo ang buhay ko nang ganito, sana hindi na kita kinaibigan!" reklamo ko na mas lalo niyang ikinatawa.
Natigil lamang kami sa harutan nang bumangga ako sa estudyanteng nasa likuran ko. Agad ko itong nilingon at humingi ng paumanhin. Natigil lamang ako sa pagyuko nang magkrus ang mata naming dalawa ni Travis.
"T-Travis..."
"You're blocking my way," aniya dahilan upang namumula akong umatras sa kinatatayuan ko upang bigyan siya ng daan. "Wag nga kayong maglandian sa daan. Nakakaabala kayo sa mga dumaraan," singhal niya pa bago siya naglakad palayo.
Wala akong nagawa kung hindi ang ngumuso sa narinig mula sa kanya. Ramdam ko ang pagbigat ng balikat ko nang maramdaman kong ipinatong ni Lucas ang kamay niya sa balikat ko.
"Ano kayang problema ng lalaking iyon sa 'yo, Empress?" tanong niya na maging ako ay hindi ko alam kung paanong sasagutin.
Ano nga bang problema ni Travis at bakit palagi niya na lang akong ginaganito? Wala naman akong natatandaang sinira ko ang araw niya. Ni hindi rin naman kami nauwi sa argumento. Ang kaisa-isang bagya lang na ginagawa ko sa kanya ay yung paulit-ulit ko siyang pinapadalhan ng letters sa locker niya at ang paulit-ulit kong pag-aaya sa kanya na mag-coffee date.
Kung ayaw niya naman, pwede niya naman akong tanggihan, hindi ba? Hindi niya naman ako kailangang pakisamahan ng ganito, lalo na sa harap mismo ni Lucas.
"Travis, sabay tayong mag-lunch!"
Mula sa corridor, rinig na rinig namin ang lakas ng boses ni Nathalie nang muli niya na namang inaya si Travis.
Wala akong ibang nagawa kung hindi ang sumimangot habang pinagmamasdan mula sa labas ang dalawang nasa loob. Kunot noong inaayos ni Travis lahat ng librong nasa desk niya habang si Nathalie naman ay malawak na nakangiti sa kanya. Himala? Bakit parang wala siya sa mood ngayon? Parang dati lang ay abot langit ang ngiti niya sa tuwing inaaya siya ni Nathalie, ah?
"Empress, hindi ka pa ba kakain?" tanong ni Lucas nang madaanan niya ako sa labas.
Agad na lumingon si Travis sa direksyon ko kaya naman wala akong ibang nagawa kung hindi ang sumimangot at lumingon sa kaibigan ko. Kasama niya si Jenny ngayon. Mukhang wala silang balak na mag-lunch sa cafeteria tulad ng sinabi niya kanina.
"Hindi ako kakain," sagot ko na lang dahilan upang bahagya pa silang magkatinginan ni Jenny. "Wala akong gana ngayon."
"May... ipapabili ka ba kung ganoon?" tanong naman ni Jenny na inilingan ko na lang. "Mauna na pala kami."
"Hindi na rin ako kakain," saad ni Lucas.
Kunot noo akong lumingon sa kanya habang si Jenny naman ay kaagad na nagtaas ng kilay sa narinig mula sa kanya.
"Anong hindi ka kakain?" tanong ni Jenny bago siya muling hinawakan sa braso. "Kakain ka. Hindi porket hindi kakain si Empress, hindi ka na rin kakain. Wag kang gaya-gaya."
"Kumain ka. Wag ka ngang mag-asal bata dyan," singhal ko sa kanya bago tinulak ang dalawa palayo sa akin.
Wala akong ibang ginawa kung hindi ang tumitig sa malawak na field sa baba. Tulad ng nakagawian, marami na namang estudyante ang naroon. Ang ilan sa kanila ay naglalaro ng soccer habang ang iba naman ay naglalaro ng volleyball.
Ramdam ko ang paglapit ng kung sino sa gilid ko. Kunot noo akong nag-angat ng tingin at hindi na ako nagulat pa nang makita ko si Travis na nakatayo may ilang dipa lang ang layo mula sa akin.
"Wag kang tumingin nang ganyan sa akin," saad niya habang nananatili pa rin ang mga mata sa malawak na field.
"Anong ginagawa mo rito?"
Hindi man lang niya hinayaan ang sarili niyang sumagot sa tanong ko kaya naman wala akong ibang nagawa kung hindi ang umirap sa kawalan bago sinunod ang gusto niyang gawin ko.
Tingin mo ba gusto ko pang tumitig sa 'yo ngayon? Kung wala kang gusto sa akin at kung wala akong pag-asa sa 'yo then hindi ko na pipilitin pa ang sarili ko sa 'yo, 'no. Sino ka ba sa akala mo...
"Bakit hindi ka mag-lunch?" tanong niya.
Muli akong lumingon sa kanya at agad na nagtaas ng kilay anng dahil sa labis na kuryoso. Ano naman sa kanya?
"Wala akong kasama," sagot ko na lang bago sumandal sa barandilya. "Wala sa cafeteria si Lucas. Ang sabi nila sa akin kakain daw sila sa labas. Tinatamad din naman akong umuwi dahil medyo may kalayuan ang bahay namin dito, so... yeah. Hindi ako kakain," dagdag ko pa.
Marahan siyang lumingon sa akin at nang sandaling magkrus ang mata naming dalawa, ako na mismo ang bumitaw sa titigan namin. Ramdam ko ang paghuhurumentado ng puso ko nang dahil sa nangyari. Alam kong nasa akin pa rin ang mga mata niya kaya wala akong nagawa kung hidni ang ituon na lang ang atensyon ko sa malawak na field sa baba.
"Kapag ba sinamahan kita... kakain ka?"
Nang dahil sa narinig, nanlalaki ang mga mata kong lumingon sa kanya. This time, siya na ngayon ang kusang nag-iwas ng tingin sa akin.
"Wag kang mag-isip ng kung ano-ano, Empress. Mali ka ng inaakala mo."
Nang dahil sa sinabi niya, bahagya ko pang naramdaman ang pag-iinit ng mukha ko bago ako nagdesisyong tumango sa sinabi niya.
"Sure," sagot ko. "Hindi rin naman ako kumain ng breakfast kanina, so yeah... nagugutom na ako," dagdag ko pa.
Nang sandali ring iyon ay magkasabay naming tinahak ang daan patungo sa cafeteria. Dahil nga sa malawak naman ang cafeteria, hindi na rin naman kami nahirapang um-order at maghanap ng upuan.
Umupo siya sa upuang kasalungat ng inuupuan ko kaya naman malaya ko siyang napagmamasdan habang taimtim siyang kumakain sa harap ko. Naramdaman ko ang pag-ukit ng labi ko sa isang ngiti dahil sa hindi maipaliwanag na pakiramdam. May kung anong kumikiliti sa tiyan ko kaya naman hindi ko naiwasang makaramdam ng tuwa lalo na nang mapagtanto kong magkasabay kaming kumain ngayon.
Magkasabay kaming kumakain ng lunch ni Travis ngayon!
"Ang sabi ko kumain ka. Wag mo akong titigan," aniya dahilan upang nahihiya akong nagbaba ng tingin sa tray ko.
Bahagya pa akong nakaramdam ng dismaya nang makita kong wala na akong nakitang pickled r****h sa tray na nasa harapan ko.
"This university sucks. Ni hindi man lang magawang dagdagan yung portion ng mga pagkaing sine-serve nila," bulong ko.
Marahang nag-angat ng tingin sa akin si Travis bago siya muling nagbaba ng tingin sa lalagyan ko ng pagkain. Mas lalo naman akong nakaramdam ng hiya nang makita ko siyang inilipat ang mga pickled r****h na nasa tray niya sa tray na nasa harapan ko.
"Hindi mo naman kailangang..."
"Paborito mo yan, di ba?" mahina niyang tanong na hindi ko na sinagot. "Pagkatapos mo dyan, bumalik na tayo sa room. Marami pa akong gagawin."
Ramdam ko ang pamumula ng mukha ko sa sinabi niya. Tulad nga ng gusto niyang mangyari, pagkatapos naming kumain ng lunch ay dumiretsyo na ulit kami pabalik sa classroom. Lahat halos ng mga kaklase namin ay nagulat nang makita nila kaming magkasama ni Travis. Wala naman akong nagawa kung hindi ang taas-noong tumitig sa kanila kasabay ng isang mayabang na ngiti na inismiran na lang nila.
Gulat kayo, 'no? Wala naman akong ginagawang katatawanan pero sumasama pa rin sa akin si Travis. Kahit na ilang beses ko na siyang napapahiya, close pa rin kaming dalawa!
"Thank you nga pala sa lunch," pasasalamat ko sa kanya na tinanguan niya na lang bago siya dumiretsyo sa sarili nitong upuan.
Hindi na rin ako nagtaka nang bigla na lamang lumapit sa akin si Nathalie na ikinangiwi ko na lang.
"Anong mayroon sa inyong dalawa ni Travis?" kunot-noo niyang tanong habang nakahalukipkip sa harapan ko. "May namamagitan ba sa inyong dalawa?"
"My God, Nathalie. Lubayan mo nga ako," singhal ko sa kanya bago siya marahang tinulak at nagtungo na sa loob.
Bahagya pang nangunot ang noo ko nang agad kong nakita ang isang lunch box na nakapatong sa ibabaw ng mesa ko. May nakita rin akong yogurt drink sa tabi nito kaya naman hindi ko naiwasang makaramdam ng pagtataka.
"Kanino galing 'to?" bulong ko sa sarili.
"Si Lucas ang naglagay niyan dyan," sagot ni Yuehe habang nakapangalumbaba sa sarili niyang desk. "Hinahanap ka nga niya kanina. Ang akala niya kasi hindi ka nag-lunch."
"Empress!"
Agad akong lumingon sa pintuan at hindi na ako nagulat nang magkrus ang mata naming dalawa ni Lucas. Nakangiti siyang lumapit sa akin bago siya bumaling ng tingin sa lunchbox na iniwan niya sa ibabaw ng mesa ko kanina.
"Kanina pa kita hinahanap. Nag-lunch ka na ba?"
"Siya pa tinanong mo, eh, magkasabay silang nag-lunch ni Travis," sagot ni Yuehe sa kanya dahilan upang lumingon pa sa kanya si Lucas. "Ako dapat ang tanungin mo, Lucas. Hindi tuloy ako nakapag-lunch nang dahil sa pakiusap mo!" dagdag pa ni Yuehe.
Mabilis kong inabot sa kanya ang lunch na ibinigay ni Lucas para sa akin. Hindi niya na rin ito tinanggihan dahil ako na ang kusang naglapag ng lunchbox na iyon sa mesa niya.
"Nag...lunch kayo ni Travis?" tanong ni Lucas dahilan upang kunot noo akong lumingon sa kanya. "Bakit hindi mo sinabi sa akin?"
"Bakit ko pa kailangang sabihin sa 'yo?" reklamo ko sa kanya na ikinangiti niya na lang. "Hindi ko rin alam kung anong nakain niya at bigla niya na lang akong inaya."
"Ang akala ko ba ayaw niya sa 'yo?"
Sa halip na sumagot sa kanya ay nagkibit balikat na lang ako. Marahan akong lumingon sa direksyon ni Travis at muli ko na namang naramdaman ang iritasyon nang makita ko na naman si Nathalie na patuloy sa panggugulo kay Travis.
"May sayad ba 'tong babaeng ito?" bulong ko.
Agad na lumingon si Lucas sa direksyon kung saan ako nakatingin. Nang mapagtanto niyang si Nathalie ang tinutukoy ko, hindi niya na napigilan ang sarili niyang matawa lalo na nang makita niya ang pagkakakunot ng noo ko sa iritasyon.
"Hindi dahil ganyan siya kung makitungo sa ibang tao, ibig ng sabihin no'n ay may sayad siya. Nagpapakatotoo lang siya sa sarili niya, Empress," saad ni Lucas na ikinangiwi ko. "Malay mo iyon ang gusto ni Travis, hindi ba?"
Gusto ni Travis? Bakit nga ba hindi ko naisip ang bagay na iyon? Paano kung totoo nga ang sinasabi ni Lucas?
"Kahit ngayon lang, Empress. Pwede bang layuan mo ako?" singhal ni Travis.
Unti-unti kong naibaba ang box na naglalaman ng mga cupcake nang marinig ang sinabi niya. Lahat halos ng mga estudyanteng naroon sa garden ay nagulat nang marinig ang biglaang pagtaas ng boses ni Travis.
"Another rejection na naman," rinig kong saad ng isang estudyanteng dumaan sa gilid ko bago sila nagtawanan ng mga kaibigan niya.
Wala akong nagawa kung hindi ang ngumuso. Nagtagal naman ang tingin sa akin ni Travis bago niya ako tinalikuran ng araw ring iyon.
Ang buong akala ko may pag-asa na ako sa kanya ngunit mukhang nagkamali pa ako sa inakala ko. Ang buong akala ko magbabago na ang pakikitungo niya sa akin pagkatapos naming kumain ng araw na iyon. Akala ko lang pala ang lahat ng iyon.
Buwan na ang nakalipas simula nung huli kaming mag-usap ni Travis. Sa tuwing magkakasalubong naman kaming dalawa ay siya na ang kusang lumalayo at iiwas, lalo na kung magkakatinginan pa kaming dalawa.
Alam kong mahirap ang bagay na iyon lalo na at magkaklase kaming dalawa sa halos lahat ng subject. Madalas ko rin siyang makagrupo sa tuwing may group activities at project, kaya naman gustuhin man niyang makawala, wala rin siyang magagawa.
Ewan ko ba kung anong problema niya. Alam kong siya lang ang may problema sa 'ming dalawa dahil matino naman ako. Madalas ko nga siyang ngitian pero sa halip na ngitian niya ako pabalik ay isang simangot ang isinasagot niya.
Hindi ko rin masasabing may problema ba talaga siya sa buhay niya o ang mismong mundo ang may problema sa kanya.
Ayaw niya akong nakikitang nakikipag-usap kay Lucas kahit na hindi kami nagpapansinan. Sa tuwing titingin naman siya sa 'kin ay masama, kaya naman wala akong ginagawa kundi taasan siya ng kilay at pabayaan na lang sa gusto niyang gawin sa buhay.
Sabihin niya kung may problema siya sa 'kin o kay Lucas para naman alam namin, para naman matutunan naming dumistansya sa kanya kung iyon ang gusto niya. Ayoko rin namang mag-conclude ng kung ano-anong bagay dahil baka mamaya niyan ay magmukha na naman akong assumera sa harap ng iba, lalong-lalo na sa paningin ni Travis at ni Nathalie. Hindi porket sanay na ako sa pambabalewala niya ay magagawa niya nang lubusin ang panggagago sa 'kin. Hindi rin naman ako papayag sa ganon, 'no.
"Hoy Empress! Anong karapatan mong sabihin kay Travis na layuan ko siya?" mangiyak-ngiyak na sugod sa 'kin ni Nathalie nang makasalubong ko siya sa pathway.
Dahil nga sa tapos na ang klase sa araw na iyon ay wala nang masyadong estudyante ang napapadpad dito. Naging busy naman si Lucas kay Jenny kaya naman hindi ko na siya magawang kausapin pa. Nagseselos ako? Haha. Never.
Ano namang pakialam ko sa relasyon nilang dalawa?
"Bakit? Nagsawa na ba sa amoy mo?" pang-aasar ko dahilan upang sumugod siya ng dalawang hakbang sa 'kin na animong hindi na makapagtimpi sa sinabi ko.
Sa halip naman na umatras ay taas-noo ko siyang binalingan ng tingin.
"Anong karapatan mo sa kanya, huh?" Konti na lang ay tutulo na ang luha nito. Hindi ko tuloy maiwasang magpigil ng ngiti at tawa sa isip ko. "Pinapalayo na niya ako sa kanya. Pagkatapos ng halos tatlong buwan at dalawang linggo kong paghahabol sa kanya, nakikiusap siyang layuan ko na siya," aniya bago tinakpan ang mukha at do'n humagulgol.
Ano namang pakialam ko?
Nasa labas na si Lucho dahil kanina ko pa siya tinawagan kaya naman natitiyak kong makakatanggap na naman ako ng sermon sa kanya lalo na ngayon.
"Anong pakialam ko?" tanong ko bago umismid at tuluyan na nga siyang nilagpasan.
"Kung talagang mabuti kang tao, lalayuan mo si Travis para sa akin, Empress," aniya.
Nang dahil sa sinabi niya ay agad akong bumaling ng tingin sa kanya. Para siyang tanga. Patuloy lang siya sa pag-iyak habang nakatitig sa akin.
"Pwede ba? Tigilan mo nga ako sa mga drama mo. Hindi nababagay sayo 'yang ganyang postura. Maghanap ka ng iba kung ayaw nya sa 'yo. Babae ka, Nathalie. Hindi mo dapat pinagsisiksikan 'yang sarili mo sa mga taong wala namang gusto sa 'yo," singhal ko na ikinahina ng pag-atungal niya.
Tila ba nawalan siya ng lakas sa sinabi ko.
"At 'wag mo na ring i-link sa 'kin si Travis dahil ni minsan, hindi ko siya ginusto," dagdag ko kasabay nang pag-irap sa gawi niya.
"Is that so?" baritonong ani ng isang pamilyar na boses mula sa likuran ko.
Hindi pa man ako nakakalingon sa nagmamay-ari no'n ay nanlaki na agad ang mga mata ko. "Hindi mo ako ginusto, Empress?" tanong niyang muli dahilan upang dahan-dahan akong bumaling sa kanya.
Gaya ng nakagawian ay nakahalukipkip ito at mariing nakatitig sa 'kin. Kung tumitig akala mo tumitig sa isang walang kwentang bagay. Nakakairita!
"Why would I, eh, masama kang tao," sagot ko bago sila iniwanan.
Ramdam ko ang dagliang pag-init ng mukha ko. Alam kong hindi ito nanggaling sa init ng araw kaya naman nasisigurado ko na muli na naman niya akong kamumuhian nang dahil sa sinabi ko. Pakiramdam ko tuloy ay balisang-balisa ang buo kong pagkatao pagkatapos ng komprontasyong iyon kahit na ilang buwan na rin kaming walang kibo sa isa't isa.
Masama siyang tao, Faye? Really? Dream guy mo nga ang tangang iyon, 'di ba? Sinong niloloko mo, Faye?
"Bakit ngayon ka lang?" reklamo ni Kuya Lucho na mas lalong nagpabalisa sa akin. "Namumutla ka Faye. May masakit ba sa 'yo?"
Iling na lamang ang naging sagot ko. Tila ba nawalan ako ng lakas dahil sa komprontasyong iyon.
Oh my God! Narinig niya! Narinig ni Travis, Faye! Narinig niya!
Ano ng gagawin mo ngayon, Faye?