Chapter 6
Raven’s POV
Mula sa terasa ng lumang mansion ng Monteverde, tanaw ko ang buong dalampasigan ng Costa Fuego. Dito, sa mataas na bahagi ng bangin, tila lahat ng bagay ay kayang abutin ng mga mata ko ang mala-asul na dagat, ang malalambot na buhangin, pati na ang mga mangingisdang maagang naglalayag tuwing umaga.
Ngunit nitong mga nakaraang araw, may isang tanawing hindi ko mapigilang pagtuunan ng pansin.
Isang babae.
Bawat umaga, bago pa sumikat nang lubos ang araw, nakikita ko siyang naglalakad mag-isa sa tabing-dagat. Bitbit niya ang isang sketchbook, at minsan, makikita kong nakaupo lang siya roon, nakaharap sa dagat, parang may hinahanap sa mga alon.
Hindi ko siya kilala. Ngayon ko lang siya nakita rito sa Costa Fuego. Sa tagal ko nang nakatira sa lugar na ito isang taon mahigit na rin kilala ko na halos lahat ng mukha sa maliit na bayang ito. Pero siya… iba.
Tahimik. May lungkot sa bawat galaw.
Minsan, habang tinititigan ko siya mula rito sa taas, parang ramdam ko ang bigat ng dala niya. Yung tipong hindi mo kailangang marinig ang kwento niya para malaman na may sugat siyang tinatago.
Hindi ko alam kung bakit, pero sa tuwing nakikita ko siya, tila kumikirot ang konsensya ko.
Baka dahil may kahawig siya… ng babaeng minsan kong gustong tulungan noon pero huli na.
Sa bawat araw na lumilipas, naging bahagi na ng umaga ko ang pagtanaw sa kanya. Kapag bumubukas ako ng kurtina sa silid ko sa ikalawang palapag ng mansion, una kong hinahanap ay ang babaeng iyon.
Minsan nakaupo, minsan nagpipinta, minsan ay nakahiga lang sa buhangin.
Tila hindi niya alintana kung sino ang makakita. Para bang ang dagat lang ang kausap niya.
Sa mga oras na iyon, napapaisip ako kung ano kaya ang dahilan ng pagpunta niya rito.
Ang Costa Fuego ay hindi basta napupuntahan ng mga taong naghahanap lang ng bakasyon. Tahimik, liblib, at kadalasan, tanging mga taong gustong tumakas sa nakaraan ang napapadpad dito.
“Sino ka?” bulong ko minsan sa sarili, habang tinititigan siya mula sa bintana. “At ano ang tinatakasan mo?”
Hindi ko alam kung bakit ko kailangang alamin. Pero sa bawat araw na lumilipas, lalo akong nabibighani sa katahimikan niya. Parang bawat galaw niya ay may kwentong hindi niya kayang sabihin.
Pagkalipas ng ilang araw, unti-unting nagbago ang panahon. Mula sa kalmadong dagat, nagsimulang lumakas ang hangin. Ang mga alon ay biglang naging marahas, at ang mga ulap ay unti-unting nagdilim.
Habang nakatayo ako sa terasa ng mansion, kita ko kung paano unti-unting nilalamon ng dilim ang kalangitan. Ang mga mangingisda ay nagsimula nang mag-uwian, sinisiguro na ligtas ang kanilang mga bangka.
Pero kahit na nagbabanta ang bagyo, napatingin pa rin ako sa dalampasigan.
At nandoon siya.
Ang babaeng ilang araw ko nang sinusundan ng tingin. Nakita ko siyang nagmamadaling tumakbo papunta sa maliit na kubo malapit sa gilid ng dagat. Ang kubong iyon, matanda na, at sa lakas ng hangin, halos mabuwal na ang dingding nito.
“Doon siya nakatira?” bulong ko, habang sinusundan siya ng tingin.
Naramdaman kong bumilis ang t***k ng puso ko. Sa tindi ng ulan at lakas ng hangin, delikado ang kinalalagyan niya. Ang tubig ay mabilis na umaabot sa buhangin at sa lakas ng hampas ng alon, baka abutin ang kubo sa loob ng ilang minuto.
Hindi ko na naisip ang alinlangan. Hindi ko siya kilala, pero hindi ko maatim na manood lang mula sa itaas habang may taong maaaring mapahamak.
Kinuha ko agad ang itim kong jacket at flashlight, at dali-daling bumaba mula sa mansion. Sa bawat hakbang ko, ramdam ko ang pagyanig ng lupa sa lakas ng ulan at hangin. Ang mga sanga ng puno ay naglalaglagan, at ang bawat patak ng ulan ay parang maliliit na bato sa balat.
Habang binabaybay ko ang madulas na daan papunta sa dalampasigan, patuloy kong naririnig ang dagundong ng mga alon.
“Sana ligtas pa siya,” bulong ko habang sumisikap na manatiling nakatayo sa lakas ng hangin.
Nang malapit na ako sa kubo, nakita kong nakasara ang pinto ngunit kumakalog ito dahil sa bugso ng hangin. May ilaw sa loob, mahina ngunit malinaw.
Kumatok ako nang malakas.
“Miss! May tao ba diyan?” sigaw ko.
Walang sumagot.
Muli kong tinawag, ngayon ay mas malakas na.
“Bukas ang pinto! Delikado rito, kailangan mong lumabas!”
Narinig kong kumalabog ang loob. Parang may gumalaw, at ilang sandali pa ay bumukas ang pinto.
At doon ko siya nakita lbasang-basa, nanginginig, at halatang gulat sa presensya ko.
Ang mga mata niya, kahit natatabunan ng ulan at takot, ay may kakaibang lalim. Parang may mundong nagkukubli sa likod ng bawat titig.
“Sino ka?” mahinahon ngunit nanginginig niyang tanong
“Hindi ‘yan importante ngayon. Delikado rito. Kailangan nating umalis bago abutin ng tubig ang kubo mo.”
Tumingin siya sa labas, sa lumalakas pang mga alon, saka bumalik ang tingin sa akin.
“Wala akong ibang mapupuntahan.”
“Mayroon. Doon sa itaas ng bangin, may lumang mansion ligtas doon. Sumama ka sa akin.”
Halata ang alinlangan sa mga mata niya. Pero nang muling umalon at tumama ang tubig sa paanan ng kubo, napilitan siyang sumunod.
Hinawakan ko ang kamay niya, malamig at nanginginig. Habang naglalakad kami papalayo sa kubo, halos mahila ko siya dahil sa lakas ng hangin. Ang buhangin ay sumasampal sa mukha namin, at ang mga alon ay halos abutin kami sa bawat hakbang.
“Bilis!” sigaw ko, habang tinutulungan siyang makaalis sa maputik na daan.
Ang bawat segundo ay parang laban sa oras. Sa malayo, naririnig ko ang pagkasira ng kubo ang mga kahoy na pumutok, ang bubong na tinangay ng hangin.
Pagdating namin sa paanan ng daan papunta sa mansion, halos mawalan siya ng balanse. Agad ko siyang sinalo, at doon ko naamoy ang halimuyak ng ulan sa kanyang balat, at ang bahagyang amoy ng pintura parang artista sa gitna ng unos.
“Kaya mo pa ba?” tanong ko.
Tumango siya, kahit nanginginig. “Oo… salamat.”
Hindi ko na tinanong ang pangalan niya. Ang mahalaga ay ligtas siya.
Nang makapasok kami sa loob ng mansion, agad kong sinara ang mga bintana. Ang ulan ay bumubuhos pa rin nang walang tigil, ngunit kahit paano ay ligtas kami sa loob.
“Pwede kang magpalit ng damit diyan sa may silid sa kanan,” sabi ko habang inaabot ang isang tuwalya.
“May mga lumang damit doon, baka kasya sa ‘yo.”
Tahimik siyang tumango. Nakita ko kung paano siya naglakad patungo sa silid maingat, parang natatakot na humakbang.
Pagbalik niya, suot na niya ang lumang pullover na minsan ay pagmamay-ari ng yumaong ina ko. Medyo maluwag ito sa kanya, pero sa kakaibang paraan, bumagay sa kanya.
“Salamat,” mahina niyang sabi, halos pabulong.
Umupo siya sa harap ng lumang fireplace habang naglalagablab ang apoy. Tinitigan ko siya sa dilim ang babae sa dalampasigan na ilang araw ko nang tinitingnan mula sa malayo, ngayon ay nasa harap ko na.
Ngunit sa halip na saya, may kakaibang kaba akong naramdaman.
Parang matagal ko na siyang kilala. Parang may koneksyon kami na hindi ko maipaliwanag.
At sa ilalim ng tunog ng ulan at hampas ng hangin, tila bumulong ang konsensya ko:
“Raven Monteverde, baka hindi aksidente ang pagkakakita mo sa kanya.”
Habang nakaupo siya sa tapat ng apoy, napansin kong nakatingin lang siya sa mga naglalagablab na kahoy. Parang may iniisip na malalim.
“Maraming salamat,” bulong niya sa wakas. “Kung hindi ka dumating, baka tinangay na ako ng alon.”
Ngumiti lang ako nang mahina. “Wala iyon. Hindi ko kayang manahimik habang may taong nasa panganib.”
Tumingin siya sa akin, diretso sa mga mata ko. Sa isang saglit, parang tumigil ang lahat.
Ang apoy, ang ulan, pati ang dagundong ng hangin nawala.
May kung anong bigat sa kanyang tingin.
Parang nakikita niya ang mga lihim na ayaw ko sanang maalala.
Parang alam niya… kung sino ako noon, bago ako tumakas mula sa Maynila.
Kaya tumayo ako at umiwas ng tingin.
“Pwede kang magpahinga rito ngayong gabi,” sabi ko. “Bukas, kapag tumila na ang ulan, tutulungan kitang makabalik sa kubo mo o kung gusto mo, humanap tayo ng mas ligtas na matitirhan.”
Tahimik siyang tumango.
Pagkatapos ay dumiretso ako sa balkonahe ng mansion. Sa labas, patuloy pa rin ang buhos ng ulan. Mula rito, tanaw ko ang dagat ngayon ay tila nagngangalit.
At sa gitna ng unos, bumulong ako sa sarili:
“Hindi ko alam kung sino ka, babae sa dalampasigan… pero bakit pakiramdam ko, babaguhin mo ang buhay ko.”
“Matagal ka na bang nakatira dito?” Tanong niya sa akin.
“Oo mag isang taon na din ako dito.” Sagot ko sa kanya.
“Alam mo noong una ko itong nakita itong mansion mo napaka lungkot. Sabi ko pag nakikita ko ramdam ko lungkot ng bahay napapatanong ako may nakatira ba dyan? Paulit-ulit kong tanong pag natatanaw ko itong bahay mo.” Wika niya sa akin.
“Ganun ba.” Sagot ko sa kanya.
Napalingon siya sa akin at ngumiti.
“Ako pala si Luna. Ikaw anong pangalan mo?” Tanong niya sa akin.
“Raven.” Sagot ko sa kanya.
“Raven salamat sa pagtulong mo sa akin. Pinatuloy mo ako dito.” Sabi niya sa akin.
“Wala yun Luna kahit sino naman kayang tulungan pag nakita nasa piligro ang buhay ng isang tao.” Sagot ko sa kanya.
“Salamat sa pagtulong mo sa akin.” Pangiting sabi niya sa akin.
“Magpahinga ka na alam kong pagod ka na din. Halika ihahatid kita sa kabilang kwarto para makapagpahinga ka na Luna.” Wika ko sa kanya.
“Salamat Raven.” Aniya niya sa akin saka sumunod papunta kami sa kabilang kwarto.