CHAPTER 2

1004 Words
Matapos maghilamos ni Michael ay lumabas na siya ng CR. Dahil nabasa ang mukha niya ay mas lalong nakaramdam siya ng kaginhawan. “Good afternoon, Sir...” Natigil sa paghakbang si Michael nang marinig ang boses na iyon sa loob ng opisina niya. Maging ang kamay niyang may hawak na tuwalya ay natigil din sa ginagawa. “Who are you?” Malumanay lang ang pagkakatanong niya. Naka-delivery uniform ito kaya malamang na delivery boy. Ang ipinagtataka niya ay kung bakit ito mismo ang nagdala ng pagkain sa loob ng opisina niya at hindi ang secretary niya. “Sa Z-Food po ako nagtatrabaho, Sir. Ako po ang nagdala ng pagkain na in-order ninyo.” Ngumiti ang lalaki kaya nakita niya ang may kahabaan na pangil nito. Naglakad siya palapit sa desk kung saan nakalagay ang plastic ng pagkain na may nakasulat pang logo ng restaurant. “Wala ba sa labas si Ruby?” tanong niya na ang tinutukoy ay ang secretary. Umiling ang lalaki. “Wala, Sir. Pero pinapasok na ako ni Sir Jam.” Tumango si Michael, pagkatapos ay napatingin sa lalaki. Tinitigan niya ito na para bang balewala sa kanya kung mahuli man ng delivery boy ang ginagawa niya. There’s something about the guy at hindi niya kaya iyong ipaliwanag. Matangkad ang lalaki. Mas matangkad ito sa kanya. Payat ito—payat pero hindi masagwang tingnan. May kahabaan ang buhok nito na hanggang batok. Tuwid na tuwid at kulay itim. Maputi rin ang lalaki na aakalain mong mayaman o hindi kaya ay hindi nasisinagan ng araw. His eyes are dark— Nagsalubong ang kilay ni Michael dahil mali siya. Hindi kulay itim ang kulay ng mata ng lalaki kundi dark violet. Is it possible? Umiling siya. Ano ba ang iniisip niya? Bakit niya ba pinagkakaabalahan na pag-aralan ang katangian ng delivery boy. Magsasalita pa sana si Michael nang pabalabag na bumukas ang pinto at iniluwa nito si Jam, ang business partner niya at ang best friend. “Mike, you have to see this. Faster!” Halata ang pagkataranta sa mukha ng kaibigan kaya agad siyang sumunod nang lumabas ito. Nakalimutan niya bigla ang kausap na lalaki. Naabutan niya ang kaibigan sa labas ng elevator kung saan silang mga boss lang ang puwedeng gumamit. “What is happening, Jam?” “Malalaman mo mamaya sa labas.” Nagsalubong ang kilay niya dahil sa nakuhang sagot. Pero imbes na magtanong ay pinili niya na lang ang manahimik. Kilala niya ang kaibigan. Kapag ayaw nitong sabihin ang isang bagay ay hindi niya ito mapipilit. Nang makalabas sila sa elevator ay patakbo ulit na tinungo ng kaibigan ang exit door kaya sumunod siya rito. May napansin man sa front office ay minabuti niya na lang na hindi ito pagtuunan ng pansin. Ang mahalaga ay masundan niya ang kaibigan dahil mukhang mahalaga ang ipapakita nito sa kanya. Nang makalabas siya ng building ay tumambad sa kanya ang kumpulan ng tao sa may kalsada. Nagkaroon tuloy ng traffic dahil sa bilang ng nakikiusyuso. Para malaman kung ano dahilan ng komosyon ay lumapit siya sa mga tao. “Excuse me...” saad niya para makadaan lang sa hindi mahulugang-krayom na mga miron. At ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang makita kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga tao! “Ruby!” bulalas niya sabay hawak sa braso ng isang empleyado niya. “What happened here?!” “Biglaan, Sir Michael, eh,” maikling sagot nito na napakamot pa sa ulo. “Anong biglaan ang sinasabi mo?” Napatingin pa sa kanya ang lalaki na para bang tinatantiya kung sasabihin ba sa kanya ang nalalaman. “Damn it! Tell me!” “A-ah, yes, Sir.” Nataranta ito dahil sa pagsigaw niya. “N-nagsisisigaw po na lumabas si Ma’am Ruby, Sir, eh. Parang wala po sa sarili kaya takot na takot. Tinatanong nga po ni Sir Jam kung ano ang nangyari, ang kaso ay parang wala siyang naririnig. Hinawakan pa ni Sir Jam ang kamay ni Ma’am, pero nagpumiglas talaga, Sir, at dire-diretso na lumabas. Bigla namang may dumaan na truck kaya nasagasaan si Ma’am. Nakapagtataka nga, Sir, eh...” “And why is that?” “Wala pong driver ang truck na nakasagasa kay Ma’am, eh.” Itinuro nito ang sasakyan na nakahambala pa sa daan. “Pare...” Mula sa likuran ang boses na iyon, at kahit hindi niya lingunin, alam niya kung sino ang nagmamay-ari ng boses na iyon. Bago siya humarap sa kaibigan ay tinanguan niya na muna ang kausap. “Ano ba ang nangyari sa inyo ni Ruby bago ang aksidente, pare? Pinagalitan mo ba ang secretary mo?” Napakunot ang noo niya dahil sa tanong nito. “What? No! Paano ko naman pagagalitan ang taong hindi ko man lang nakita bago ang aksidente?” patanong na sagot niya rito. Pero mas nagtaka dahil mas kunot na kunot pa ang noo nito kaysa sa kanya. “What? Hindi kayo nagkita ni Ruby? Eh, siya nga itong inutusan ko na magdala ng in-order mong pagkain sa opisina mo.” “Ano ba’ng sinasa—” Natigilan siya. “Teka nga, akala ko ba ay ang delivery boy mismo ang inutusan mo para ipasok ang mga pagkain sa opisina ko?” “What? Bakit ko naman gagawin iyon, eh, alam ko naman na strict ka pagdating sa mga empleyado na papasok sa office mo. At anong delivery boy ang sinasabi mo? Babae ang naghatid ng order m—” “Follow me, Jam...” saad niya dahilan para matigilan ang kaibigan. Kung kanina ay si Michael ang sumusunod sa kaibigan, ngayon ay iba na. May kailangan siyang makita. May kailangan siyang klaruhin. May kailangan siyang kumpirmahin. Kahit naginginig ang tuhod niya sa hindi maipaliwanag na takot na nararamdaman, ay binilisan niya pa rin ang pagtakbo. Balewala sa kanya ngayon ang mga empleyadong nagkakagulo rin. Ang importante ay may tauhan sila sa labas para asikasuhin ang halos hindi na makilalang labi ng dating sekretarya. Nasa isa sa kwarto ng building ang sagot sa mga katanungan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD