Part 1
Prologue
Kahit ilang beses nang pinuno ng hangin ni Annalor ang kanyang dibdib, hindi man lang iyon nagluwag. Naroroon pa rin ang kaba. At habang papalapit sa kanyang destinasyon, may palagay siyang unti-unting nauuwi ang kaba sa dagundong.
"Dave," mahinang usal ni Annalor. Pumikit siya at umusal ng maikling panalangin. Wala siyang ibang hinahangad maliban sa gumaling ang kanyang asawa. At umaasa siyang isang malaking bagay ang presensiya niya.
Parang tinatambol ang kanyang dibdib. Mula sa dagat, tanaw ang puting istruktura ng Villa Almonte. Imposibleng hindi iyon makita dahil berdeng mga puno ang nasa paligid na parang kumikinang pa sa sinag ng araw.
Umugong ang paghanga ng mga kasakay ni Annalor sa ferryboat. Exclusive iyon sa mga turistang dumarayo sa Paraiso Almonte. Nilingon niya ang mga ito.
Lahat ay halatang maykaya at excited na makarating sa island resort. Inihanda na ng ilan ang mga dalang camera. Mayroon pang isa na hi-tech ang dala; hindi maikakailang professional dahil alam kung paano i-adjust ang zoom lens. Siguradong ang Villa Almonte ang subject na kukunan.
May ilang sandaling pansamantalang nakalimutan ni Annalor ang emosyong hatid ng pagdating niya sa resort. Humalili roon ang inggit sa siguradong kilos ng babaeng photographer. That was a hobby na minsan niyang pinangarap. At nanatiling hanggang sa pangarap na lang.
Muli niyang itinuon ang tingin sa pupuntahan. Matayog na matayog ang pagkakatayo ng villa. 'Sintayog ng pamilya ni Dave, sa loob-loob niya. At kahit ang paniniwala niya ay manhid na siya sa sakit na nararamdaman, nakadama pa rin siya ng kirot.
Nang huminto ang ferryboat, parang huminto na rin ang t***k ng puso ni Annalor. Hindi agad niya naigalaw ang mga paa. Biglang parang gusto niyang huwag nang bumaba at sumama na lang uli pabalik sa pantalang pinanggalingan.
"Miss Annalor." Boses iyon ng isang empleyado ng resort na naka-summer shorts at T-shirt na may logo ng Paraiso Almonte. "Ako po si Jeboy. Nasaan po ang bagahe ninyo?"
Ang tauhan ng ferryboat ang nag-abot ng bagahe niya kay Jeboy. Ang alam ni Annalor, pare-pareho lang ang mga ito na suwelduhan ng mga Almonte. Tipid siyang napangiti. Isa rin siyang Almonte pero ni isa man sa mga ito ay wala sigurong nakakaalam ng totoo.
"Nasaan si Mr. Jaime?" magalang niyang tanong. Gumising sa kanyang kamalayan ang malamig at hanggang binting tubig-dagat na binabaan niya. At kung hindi sa maagap na pag-alalay ni Jeboy, mababasa siya ng mga guest na naghaharutan sa tubig at parang gusto nang maligo agad.
"Nasa opisina po. Hinihintay nga kayo. Dito ho ang daan." Iginiya siya ni Jeboy sa isang gilid.
May panghihinayang na sinulyapan ni Annalor ang entrance ng Villa Almonte. Magarbo ang ayos ng entrance. Inisip na lang niyang magkakaroon din siya ng pagkakataon para makita iyon nang husto. Mas importanteng magkausap sila ni Mr. Dionisio Jaime.
Si Mr. Dionisio Jaime ang assistant manager ng Paraiso Almonte. Mula nang magkasakit si Dave, si Mr. Jaime ang naging pansamantalang officer-in-charge. Hindi nakikialam ang pamilya ni Dave sa pamamalakad ng resort. Ni hindi nga pumupunta sa Palawan kung wala rin lang importanteng dahilan.
Sa Quezon province nakabase ang pamilya ni Dave. Isang malawak na hacienda ang pag-aari ng mga ito, at iyon ang pinagtutuunan ng atensiyon at hindi ang resort na mukhang si Dave lang ang may gusto.
"Iwan mo na kami," utos ni Mr. Jaime kay Jeboy. May-edad na ang lalaki. Nasa pinto ito ng private office at halatang nag-aabang sa kanila.
"Paano po itong bagahe ni Miss Annalor?"
"Dalhin mo sa kuwarto na para sa kanya." Hinintay ni Mr. Jaime na makaalis si Jeboy bago siya binalingan. "Welcome to this island resort, Mrs. Almonte." Nawala ang istriktong ekspresyon ng lalaki, at ang pumalit ay ang parang pagyukod sa kanya bilang recognition sa tunay niyang katayuan.
"Thank you. Sino pa ang nakakaalam ng totoo?"
"Wala na maliban sa akin. Iyon ang pinag-usapan natin nina Mr. Hidalgo, hindi ba?"
Napatango si Annalor, nakahinga nang maluwag. Nang maupo sa mahabang sofa, saka niya naramdaman ang pagod. Alam niyang dahil iyon sa tensiyon at mahabang biyahe.
Iginala niya ang tingin sa malaki at modernong opisina. Kompleto sa lahat ng uri ng mga gamit na magpapagaan sa trabaho. Naisip niyang hindi na magiging mahirap na i-monitor ang Annalor's kapag ganoon.
"Kay Dave ang opisinang ito," pagbibigay-impormasyon ni Mr. Jaime. "Naririto ang lahat ng gamit kaya ako na ang lumipat. Of course, malaya kang kumilos dito. Medyo ingat lang tayo dahil baka mapuna ng mga empleyado."
"Mr. Jaime—"
"'Tata Doni' ang tawag nila sa akin dito kahit si Dave. Ganoon na rin ang itawag mo sa akin."
"Kung gano'n, 'Annalor' na lang din ang itawag ninyo sa akin, Tata Doni. Madalas ba rito si Dave?"
Malungkot itong umiling. "Tatlo lang ang lugar na pinupuntahan ni Dave mula nang mangyari ang aksidente. 'Yong cottage sa pinakadulo, ang restaurant, at ang dagat. Pero madalang siyang maligo. Ayaw niyang binabantayan kapag lumalangoy pero nag-aalala naman kaming pabayaan siyang mag-isa."
"Ano ang alam ng mga empleyado?"
"Manager ka ng restaurant. Timing ang pagli-leave ng totoong manager. Ako na ang bahalang magpaliwanag kung bakit kailangang sa Cavite pa kumuha ng kapalit. Hindi nila kukuwestiyunin ang desisyon ko."
"Paano ho si Dave?"
"Tiwala siya sa akin."
Nagtatanong ang tingin ni Annalor na napako sa mukha ng kausap.
Mukhang naasiwa si Mr. Jaime. "Annalor, maayos ang bookkeeping ng resort. May auditor na regular na pumupunta para mag-check."
"Hindi ko kayo gustong ma-offend, Tata Doni."
Parang na-relieve naman ang hitsura nito. "Ihahatid na muna kita sa magiging kuwarto mo, Annalor. Bukas ka pa magsisimula ng trabaho."
Nasa corridor ding iyon ang kuwarto ni Annalor. Maayos at kompleto sa basic necessities pero halatang kapos sa karangyaan. Walang problema sa kanya. Isang malaking ginhawa na ang pagkakaroon ng sariling banyo.
"Pasensiya ka na. Entitled ang miyembro ng pamilya sa isang suite sa villa pero hindi ko puwedeng ibigay 'yon sa 'yo. Magtataka sila."
"Naiintindihan ko ho."
"Tutulungan kita sa restaurant para hindi ka masyadong mahirapan. Hindi naman summer ngayon. Kapag weekend lang maraming guests." Sinulyapan ni Jaime ang suot na relo. "Hindi libre ang pagkain sa mga empleyado kaya may single burner na kalan diyan. Stay-in ang ibang empleyado. Share sila sa pagluluto. Kung gusto mo, puwede ka ring maki-share sa kanila. May schedule bawat araw kung sino ang magluluto. Pero mamayang gabi, sa restaurant tayo maghahapunan. Ako na ang bahala roon."
"Salamat. Magpapahinga ho muna ako."
"Mabuti pa nga. Ipapatawag na lang kita bandang alas-siyete y medya."
PINILI ni Annalor ang isang simpleng summer terno. Blouse and shorts na may floral print. Ang blouse ay hanggang baywang lang niya ang haba at litaw ang kalahati ng kanyang likod. It was haltered at ang buhol sa bandang batok ang pumipigil para huwag lumitaw ang kanyang dibdib.
Sinulyapan niya ang sarili sa salaming nasa dingding. Kung tutuusin, hindi pa rin siya nagbago ng hitsura. Ni wala siyang lipstick sa mga labi. Baby powder pa rin ang in-apply sa mukha para hindi iyon nangingintab.
Tinungo ni Annalor ang pinto. Nang naroroon na, muli niyang iginala ang tingin sa magiging kuwarto sa susunod na mga araw. Komportable naman ang kuwartong ibinigay sa kanya kahit ceiling fan lang ang naroroon imbes na aircon. Mas gusto nga niya iyon dahil malayang nakakapasok sa bintana ang preskong hangin.
Maaga pa para sa hapunan. Pero hindi na siya tatagal na nakakulong doon. Umaabot sa kanyang pandinig ang tunog ng mga along sumasalpok sa bato. At sumasabay pa roon ang mga halakhakan. Bagaman hindi niya balak maligo, naeengganyo naman siyang maglakad-lakad sa dalampasigan.
May mga naliligo sa dagat. Grupo-grupo at ang iba ay abala sa Jet Skiing. Kinalimutan na ni Annalor ang planong paglalakad sa dalampasigan. Hindi malayong mabasa siya ng tubig kapag nagawi sa mga ito.
Pumasyal siya sa paligid ng isla. Bukod sa malaking villa na may apat na palapag, may mga naghilera pang cottages. Noong una niyang makaharap si Tata Doni—noong nagkaharap-harap sila nina Vince dahil na rin sa kanyang pakiusap—nagkaroon siya ng ideya tungkol sa Paraiso Almonte.
Kahanay niyon ang mga first-class resort sa Boracay at iba pang isla sa Pilipinas. Hindi kasinsikat ng mga nasa Boracay pero hindi nangangahulugang hindi iyon kumikita. Ang promotion ng Paraiso Almonte ay naka-focus sa de-klase ring tourist agencies at five-star hotels.
Iginala ni Annalor ang tingin sa buong paligid. Naisip niyang tama ang strategy ni Dave. Ni hindi kailangang mag-advertise sa diyaryo para lang puntahan iyon. Dahil ang target market ng Paraiso Almonte ay ang mga nasa upper class. Ang sirkulo na ring iyon ang gumagawa ng publicity para sa island resort.
Napakamamahal ng accommodation ng Paraiso Almonte. Ang magbabakasyon doon ay mag-iisip munang mabuti kung limitado rin lang ang budget.
Inalok siya noon ni Dave na magbakasyon sa isla nang libre. At magsama pa raw siya ng ilang kaibigan!
Ironic. Mapaklang napangiti si Annalor. Hindi niya nakuhang sunggaban ang opportunity na iyon. Ang pagpunta niya noon sa isla ang unang pagkakataong makatapak siya sa isla. Malayo sa pagbabakasyon ang kanyang pakay. Nagpunta siya roon para sa isang mahalagang misyon.
Isang misyong napakahalaga sa buhay nila ni Dave.
Nag-aagaw na ang takipsilim nang mapuna ni Annalor na malayo na ang kanyang nalalakad. Nilingon niya ang pinanggalingan. Hindi pa rin umaalis ang mga naliligo sa dagat at patuloy pa rin sa pagsasaya.
Sinuyod niya ng tingin ang natitirang bahagi na hindi pa nararating. Napakahaba pa ng baybayin pero mula sa kinatatayuan, parang napakasarap landasin ang natatanaw niyang iyon.
Tiningnan ni Annalor ang oras. Maaga pa para sa hapunang sinabi ni Tata Doni. Lumapit siya sa isang malaking usli ng bato at naupo roon. Magpapahinga muna siya nang ilang minuto. Noon niya naramdaman ang p*******t ng kanyang mga binti.
Parang nagbibigay ng calmness sa pakiramdam niya ang payapang karagatan. Presko ang marahang haplos ng hangin. Hindi iyon masyadong malamig para ginawin siya.
Gayunman, iniyakap ni Annalor ang mga braso sa sarili. Nilalamig siya hindi dahil sa mabining hangin kundi dahil sa sarisaring emosyong nasa dibdib.
Puno ng agam-agam ang kanyang puso pero determinado siyang manatili sa Paraiso Almonte para kay Dave. At para na rin sa kanya.
"You are invading my privacy. Hindi na allowed ang guests sa lugar na ito." Parang dagundong ang boses na nagmula sa kanyang likuran.
Napalunok si Annalor. Kahit hindi lingunin, hindi niya maipagkakamali sa iba ang boses na iyon.
Pero kumilos pa rin siya para humarap. Buwan ang inabot mula nang huli niyang makita ang asawa. At hindi nito itinago sa boses ang iritasyon dahil sa presensiya niya.
Bigla ang pag-iinit ng sulok ng kanyang mga mata. Ang lalaking nasa harap niya ay malayo sa Dave na kilala niya noon. Nabawasan ang kisig nito kahit na hindi pa rin nagbabago ang style ng pananamit.
Hapis ang mukha ni Dave. Parang walang pakialam maging magaspang man iyon sa bigote at balbas na halatang ilang araw nang hindi inahit.
Ikinurap ni Annalor ang mga mata. Gaano man kalaki ang pagbabago sa hitsura ng asawa, hindi pa rin nagbabago ang pag-ibig niya rito. At ganoon na lang ang pagpipigil niyang abutin at yakapin ito nang mahigpit.
"Dave..." Halos bulong ang umalpas sa kanyang lalamunan.
Pero parang dinala lang iyon ng hangin sa pandinig ni Dave. Tumalim ang titig nito at nagtagis ang mga bagang.
"Sino ka?" mariing tanong nito.