"Ano'ng plano mo?" tanong ni nanay pagkauwi namin sa bahay. Ginabi na kami sa pag-attend ng graduation ceremony.
Nagbihis muna ako. Paglabas ko ng silid ay naroon na sa kusina si nanay at inihanda sa mesa ang binili namin kanina sa bayan. Isang regular size na lechong manok at saka isang braso de mercedez cake. Ito pala 'yung pinag-iipunan ni inay kung kaya buong buwan akong kumakain ng tuyo. Gusto niya raw akong ipaghanda sa graduation ko. Pero kapalit naman no'n, nagmumukha na akong daing.
"May naisip ka na bang kurso na kukunin mo sa kolehiyo, anak? Saan ka mag-aaral? Sa manila ba o dito sa lugar natin sa Bicol?"
Pumalatak ako. "Wala talaga akong balak na magkolehiyo, nay. Sa hirap ng sitwasyon natin, dadagdag pa ba ako sa puproblimahin niyo? Tutulong na lang ho ako sa paghahanap-buhay. Baka kayo na lang ho ang papaaralin ko—"
Pinukol niya ako ng pangsandok. Nasapol ako sa noo. "Kahit kailan talaga, Analyn! Kailan ba kita makakausap nang matino, ha?!"
Kinamot ko ang noo kong nagkabukol at pasalampak na naupo sa papag sa sala. Kinukutkot ko ang ingrown sa kuko ko sa paa habang hinihintay na matapos ang panenermon ni inay. Mayamaya'y narinig ko ang malakas na buntong-hininga niya.
"Analyn, gusto ko lang namang magaya ka sa ate Solemn mo. Nakapag-aral na siya sa kolehiyo, anak. At doon pa sa magandang unibersidad sa Manila! Ayaw mo bang sumunod doon?"
"Maiiwan ho kayong mag-isa, nay," tamad kong sagot.
"Malakas pa naman ako, anak. Tsaka, doon ka rin naman patutungo. Kapag nagkapamilya ka, iiwan mo rin ako para sumama sa magiging asawa mo."
"Tss. Wala pa ho sa plano ko iyan, nay. Kaka-twenty ko lang, eh, pag-aasawa na agad ang topic. Wala nga akong boyfriend!"
"Kaya nga, mag-aral ka muna hangga't kaya pa ng buto ko!"
"Hindi naman ho kaya ng bulsa niyo." Ngayon ay ang daliri ko naman sa kamay ang kinakalikot ko. Kailan ba kami kakain, gutom na ako!
Muling bumuntong-hininga si inay. "Aning naman—"
Sabay kaming napalingon sa nakasara naming pinto nang makarinig ng mahihinang kaluskos sa labas. May kung sino ang bumukas ng aming gate na kahoy dahil sa paglangitngit no'n.
Nagkatinginan kami ni Nanay pagkatapos ay sabay na napatayo upang silipin ang tao sa labas.
"Serta."
Gulat kami pareho nang marinig ang boses ni Tatay. Dali-daling binuksan ni nanay ang pinto.
"Jusko!" naiiyak na sambit ni inay nang makitang kasama ni itay si ate Solemn.
Kumabog din ang dibdib ko sa tuwa. Nandito si ate Solemn! Umuwi siya sa araw ng graduation ko!
"Ang anak ko, nagbalik na!" Mangiyak-ngiyak na napayakap si inay sa kapatid ko.
Ilang taon din namin itong hindi nasilayan. Simula no'ng naghiwalay sina nanay at Tatay at isinama ni itay si ate sa Manila ay hindi na ito nakabalik dito, ngayon lang ulit.
Lumapit na rin ako sa kanila at nagmano kay Tatay na daig pa ang natalo sa pustahan dahil sa byernes santong mukha nito.
"Ano pong problima, Tay?" puna ko.
Sinulyapan lang ako nito saka ito bumuntong-hininga at hinubad ang sapatos.
"Tara na sa loob, Serta at isara mo na iyang pinto," wika nito na hindi man lang ako pinansin.
Sa aming dalawa ni ate Solemn, sa akin talaga mainit ang dugo ni itay. Hindi na rin ako nagtaka pa. Lagi kasi akong nasasangkot sa gulo. Ako yung nagmana talaga sa kaniya. Hindi ko na nga mabilang kung ilang beses na siyang nakikipag-areglo sa barangay at sa school dahil sa akin.
Simula kasi no'ng tinuruan ako ng jodo ng kulurom ko na tiyuhin, na rati kunong black belter, palagi na lang akong pinag-iinitan ng boys sa eskwelahan namin. Nayayabangan ang mga ito sa akin sa tuwing nakikita nila akong nag-eensayo sa harap ng bakuran ni tiyo Cardo na pinsan ni inay. Eh, hindi ko naman sila inaano. Gusto nga raw nilang ma-testing kung gaano kagaling ang maestro ko kaya pinagdidiskitahan ako.
"Tulungan mo ang inay mo, Aning!" pukaw ni itay sa akin. "Huwag kang tutunganga diyan. Amats ka na naman."
"Hindi nga ako naninigarilyo, eh, bato pa kaya?" Sinimangutan ko ito at tinulungan si inay sa pag-alalay kay ate na halos ayaw nang humakbang.
Bukod sa hirap maglakad si ate, tulala rin ito at para bang hindi kami nakikita't naririnig. Naiwan yata sa byahe ang ispiritu nito.
"Anak, ok ka lang ba?" tanong ni inay kay ate Solemn.
Hindi tumugon ang kapatid ko. Nanatili lang ang paningin nito sa malayo na para bang nandoon ang kausap. Inaantok na yata 'to.
"Ano'ng nangyari kay ate?" tanong ko kay Tatay.
Sa halip na sagutin ako ay kay inay ito tumingin.
"Macario, ano'ng nangyari?" seryoso nang tanong ni inay.
Huminga ng malalim si itay, halatang bumubunot ng lakas para makapagsalita. "P-pwede bang dito na muna si Solemn habang pinaiimbistigahan pa namin ang nangyari sa kaniya?"
"Ha?! B-bakit?" Nagsimula nang namutla si nanay.
Ako naman ay nahigit ang sariling hininga sabay baling kay ate na tulala pa rin. Kinakabahan ako. Sana mali ang naiisip ko!
"Macario!" singhal ni inay. "Ano'ng nangyari?"
Hindi naman mapakali ang ama ko. Tumingin ito kay ate, pagkatapos ay
sa akin, pagkatapos ay kay inay. Sinabunutan nito ang sariling buhok saka ito humagulhol.
"Macario, ano ba ang nangyari?! Ano'ng nangyari sa anak natin, magsalita ka!" Pinaghahampas na ni nanay ng kaniyang kamay si itay. "Sabihin mo ang totoo, ano'ng nangyari?!"
"H-hindi ko alam. Bigla na lang siyang umuwi nang ganiyan. S-sabi ng kaklase niya na huli niyang nakasama sa party na dinaluhan nila, sumali raw sa frat si Solemn. Pagkatapos... G-ganiyan na siya umuwi. Ang sabi, na-gang rape daw." Halos hindi na nito matingnan si ate.
Si inay naman ay nagsimula na ring humagulhol. "Oh, Diyos ko, ang anak ko... Ang anak ko..." Lumuhod siya sa harap ni ate at niyakap niya ito.
Pigil-pigil ko naman ang sarili sa sobrang galit na nararamdaman pagkatapos ng lahat ng aking narinig. Naikuyom ko ang aking mga palad, nanginginig ako, hinihingal at para nang sasabog sa galit. Mga hayop sila!
Tiningnan ko si ate at halos durugin ang puso ko sa itsura niya. Ano ang ginawa ng mga taong iyon sa kaniya para magkakaganiyan siya? Halos wala na siya sa sarili. Nakadilat na lang ang kaniyang mga mata, naroon ang takot ngunit walang luha at walang salitang namutawi sa mapuputla niyang mga labi.
"Ate..." Kinuha ko ang kaniyang kamay at marahan na pinisil. "Sinong may gawa sa iyo nito? Sabihin mo sa akin, ate, please?" bulong ko sa kaniya habang pinipigilan ko ang mga luha na dumami. "Ate, sige na. Sabihin mo sinu-sino ang mga bumaboy sa iyo? Sino, ate? Sabihin mo na at ipaghihiganti kita!"