"A-Ace..." Iyon lang ang tanging lumalabas sa bibig ni ate.
Kahit paiba-iba ang tanong namin, puro pa rin Ace ang sinasambit niya. Hindi ko alam kung tao ba o baraha ang tinutukoy niyang Ace pero malakas ang pakiramdam ko na may kinalaman ito sa frat na sinalihan niya.
"Ano ang pangalan ng fraternity na sinalihan ni ate?" Kinaumagahan, kagigising pa lang ni itay at hindi pa nga nakakapagkape ay binungad ko na agad siya ng tanong.
Natigilan siya at napatitig sa akin. "Bakit?"
"Sagutin niyo itay.
"Psh. Ipaghihiganti mo ang ate mo? Eh, ano ba ang laban mo sa grupong iyon? Mga pulis nga hirap makakalap ng ebidensya, eh. "
"Sagutin niyo na lang ho ang tanong ko, Tay," pilit ang sarili ko na manatiling mahinahon.
Init na init na agad ang batok ko dahil wala akong maayos na tulog kagabi. Palagi kong naiisip ang nangyari kay ate at hindi ako napapakali.
"TABSH. Alpha beta sigma Haven. Samahan sila ng maiimpluwensyang mga tao hindi lang sa Pilipinas pati na sa iba-ibang sulok ng mundo. Politicians, judges, business tycoons at pinuno ng cartels. Kaya kung ano man iyang iniisip mo, Analyn, wag mo nang ituloy. Magmumukha ka lang langgam sa kanila kapag sumugod ka. Alam ko ang karakas mo kaya uunahan na kita, mapapahamak ka lang."
"Ayaw mo bang magkaroon ng hustisya ang nangyari kay ate, Tay?" tugon ko sa mahaba niyang litanya.
Natigilan siya, napalunok at biglang hindi na makatingin sa akin.
"Tay, sinira nila ang buhay ng kapatid ko! Kung sa mga simpleng pangbubuyo nga ay hindi ko napapalampas, yung ginawa pa kaya nila kay ate Solemn?! Pagbabayarin ko sila!"
"Tama na, Analyn! Tangke de giera ang kakaharapin mo, libong bala ang sasaluhin mo samantalang ikaw, susuong ka sa isang laban na kutsilyo lang ang kayang hawakan?!
"Kahit kustilyo, Tay nakamamatay pa rin."
Napahilamos siya ng mukha na para bang kunsuming-kunsumi sa akin. Tiningnan niya ako nang seryuso, naiirita, natatakot na nag-aalala. Hindi ko malaman kung ano ba talaga.
Mayamaya'y bumuntong-hininga siya. "Aning, hayaan mo na ang mga pulis na gawin ang trabaho nila."
"Tangina. Parang hindi ka ama, ah!"
Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ko. Maging ako ay nagulat din sa lumabas sa bibig ko. Dala na marahil ito ng frustration dahil sa sinapit ng kapatid ko. Tumayo siya mula sa pinwestuhang silya at nilapitan ako sabay dakot ng neckline ng suot kong oversized t-shirt.
"Tarantado kang bata ka! Tingin mo ba hindi ako nag-aalala para kay Solemn?! Marami akong pangarap para sa kaniya pero ngayon, bumagsak lahat ng iyon dahil sa sinapit niya! Kung may magagawa lang ako! Kaso, wala! Makapangyarihan sila, mapera! Samantalang tayo..."
"Mayaman din naman pamilya niyo, ah? Ba't di ka dun humingi ng tulong, tay? Dahil ba hindi mo rin naman sila maaasahan?"
"Tama na!" singhal niya. "Tumigil ka na bago pa kita matampal!"
"Ano'ng nangyari rito?" gulat ni nanay mula sa pinto ng bahay. Kakabalik lang nito galing bumili ng ulam kina aling Azon. Isang tinulang manok na may malunggay. Buong hita iyon na nagkakahalaga ng treynte pesos. Dalawang hiwa naman ng pork chop na nagkakahalaga ng 50 bawat isa. Mura lang ang presyuhan dito sa lugar namin dahil halos lahat ng sangkap ni aling Azon sa pagluluto ay nasa bakuran lang nito.
"Ano'ng nangyari?"
"Wala ho," sagot ko sabay sulyap kay itay na nakatungo na sa mesa at tinititigan ang tasa niya na wala pang laman.
"Si Solemn, gising na ba?"
Nagkibit-balikat ako. "Titingnan ko ho, nay—"
"Ako na. Ihanda mo na lang ang mga ito at kakain na tayo."
Tinanggap ko ang isang plastic bag na iniabot ni inay sa akin saka ko siya pinanood na tumungo sa kanilang silid kung saan katabi niya kagabi sa pagtulog si ate. Si itay naman ay sa sala natulog kagabi.
Hinawi ni inay ang kurtina na nagsisilbing pinto no'n. Pagkapasok niya ay saka ako nagtungo sa kusina at inihanda ang mesa.
"Kain na!" sigaw ko mayamaya.
Unang lumapit si itay na kaagad umupo sa pwesto niya rati. Tiningnan ko siya. Nang maramdaman ang bigat ng mga titig ko ay napatingin na rin siya sa akin.
"Bakit?"
"Si Ace ba ay ang pinuno ng fraternity na sinalihan ni ate?"
"Hindi ko alam!" iritable niyang sagot.
"Di bale, ako na lang ang aalam."
"Tigas talaga ng bungo mo!" Halos magputukan na ang litid niya sa pagsigaw sa akin. "Gusto mo bang magaya sa ate mo?"
"Malabong mangyari iyon, Tay. So sino si Ace?"
"Hindi ko nga alam! Hindi ka ba nakakaintindi?!"
"Ge." Tinanguan ko siya. "Malalaman ko rin."
Bahagya akong nagulat nang hampasin ni itay ang mesa. Napatigil sa paglapit sina nanay at nag-panic si ate Solemn. Bigla na lang itong umuko sa sahig habang nakatakip sa ulo at nagsisigaw.
"Huwaaag!"
Ang takot na nakikita ko ngayon kay ate ay nagpalala lang sa kagustuhan ko na hanapin ang mga umabuso sa kaniya. Ano ba talaga ang ginawa ng mga hayop na iyon para magkakaganiyan ang ate ko?
"Solemn, anak!" Nag-aalala itong niyakap ni inay kahit na paulit-ulit siyang itinutulak ni ate.
"Ayoko! Huwag po, parang awa niyo, na, huwaaag! Ayoko. Masakit po... Masakit!"
Nagkatinginan kami ni inay, walang nagsalita at tahimik lang na naluluha't naaawa habang pinagmamasdan namin si ate. Hindi ganito ang ate ko, eh. Masayahin siya, napakabait, mahinhin at palangiti. Ngayon... lintik talaga! Ang sakit sa dibdib na makita siyang nagkakaganito. Kung sinu-sino man ang may gawa nito sa kapatid ko, humanda sila! Pagbabayarin ko sila mga hayop! Alam kong hindi namin kayang tapatan ang pera't kapangyarihan nila, mahirap lang kami at walang koneksyon, pero kung sakali mang hindi kami papanigan ng hustisya, bahala na... Wala na akong pakialam pa sa buhay ko. Makikipagtablahan ako!
Dumaan ang isang linggo na ganoon pa rin si ate. Walang pag-usad ang kondisyon niya. Nakabalik na sa Manila si itay at nag-iwan lang ng pambili ng gamot para raw sa maintenance ni ate. Sabi nito, napatingnan na raw nila sa doctor si ate pero bakit gano'n? Lalo yatang lumala!
"Aning! Dali! Si ate mo!"
Hindi pa nga ako tapos magbanyo ay nagtatakbo na agad ako sa loob ng kwarto ni inay. Nataranta ako sa biglang pagsigaw niya.
"Nay, bakit?"
"Nagsuka si Solemn. Tingnan mo, oh namumutla siya. Ayaw niya ring bumangon, ayaw kumain! Hindi ko na alam ang gagawin, anak." Bakas sa boses ni inay ang takot. Nanginginig iyon pati ang mga kamay niyang umaalalay kay ate.
"Nay, kalma. Baka dalawa na kayong isusugod ko mamaya sa hospital! Kalma lang po. Ok? Tawag lang ako ng sasakyan. Papatingnan natin si ate sa doctor. Dadalhin natin siya sa hospital."
Maluha-luha ang mga mata ni inay na lumingon sa akin, mabibigat na parang pasan ang buong mundo. Awang-awa ako sa nanay ko pero wala akong magawa. Alam kong gipit kami sa pera at iyon ang pinuproblima niya.
"Saan tayo kukuha ng pambayad?"
"Sa sentro na lang ho muna tayo kung inaalala niyo ang pampa-ospital, nay. Papatingnan lang natin si ate."
"Pamasahe?"
"Nay, naman! Malapit lang naman iyon pwede lang nating lakarin!"
"Nahihilo si Solemn, Analyn! Hindi niya kayang maglakad ng ilang kilometro!"
"Walang problima! Bubuhatin ko siya."
Natigilan si inay. Sandali niya akong tinitigan kapagkuwan ay yumuko siya at humagulhol na parang isang ina na bigong protektahan ang kaniyang mga anak.
"Bakit nangyayari sa atin ito, anak? Ano'ng nagawa ko noon para parusahan nang ganito? Kung isa man itong parusa, sana ako lang, huwag na sana ang mga anak ko. Huwag kayo..."
Para nang basag na baso itong puso ko, paulit-ulit nang nadudurog habang pinapanood siya pero hindi ko ipinapahalata. Ayokong dagdagan ang panghihina niya. Dapat manatili akong matatag sa harap nila dahil iyon ang kailangan nila sa mga oras na ito—lakas at suporta at Ako Ang nagbibigay no'n sa kanila.
"Nay..."
Hinintay kong tumingala siya ulit sa akin at nang ginawa na nga niya ay nginitian ko siya. Kahit pilit pero pinagmukha kong matatag ang ngiti na iyon. Buong buhay ko, ngayon lang ako magiging seryoso nang ganito, hindi sa mukha kundi sa salita ko.
"Laban." Bahagyang gumaralgal ang boses ko, tumikhim ako para linisin ang kung ano'ng bumara sa lalamunan ko. "Mukha lang naman tayong mahihina pero ang totoo, matitibay tayo, inay. Lalaban tayo. Walang magpapatalo dahil lahat ng pagsubok ay may hangganan, walang nagtatagal. Sa mga sitwasyong mahihirap, ang taong matatag ang siyang totoong nagtatagal, hindi ang pagsubok. Kaya magpakatatag ho kayo, ha?"