Chapter 4

1584 Words
Binuhat ko si ate sa likod. Magaan lang naman siya. Payat na si ate dati pa pero mas pumayat siya ngayon dahil halos ayaw nang kumain. Lagi na lang siyang nakahiga. Ayaw din naman naming pilitin dahil naaalala lang niya ang mga pangdadahas sa kaniya sa Manila sa tuwing pinipilit siya namin sa ayaw niya. Isang kilometro na ang nilakad namin. Pawisan na ako sa init at pagod. Kahit halos buto't balat na si ate pero may kabigatan pa rin pala siya. Mabato't mabundok ang bahagi ng tinitirhan namin at ilang kilometro pa ang layo ng aming barangay health center mula sa bahay namin. Mabuti na lang at madaming puno sa gilid ng daan kaya may nasisilungan kami sa tuwing nagpapahinga. Si inay naman ang taga-payong sa amin. Pagod na pagod na ako sa totoo lang pero tinitiis ko alang-alang kay ate. Kailangan niyang matingnan agad. "Ok ka lang ba, ate?" hinihingal kong tanong sa kaniya na ngayon ay nakasubsob na ang mukha sa aking leeg. "A-Ace... Ace..." Napabuntong-hininga na lang ako. Bakit ba lagi niyang binabanggit ang salitang iyon? Pagdating namin sa sentro ay naghintay pa kami dahil nataon na schedule ng bakuna sa mga sanggol. Masyadong abala ang mga barangay health workers, midwife at ang kasamang nurse dahil sa parami na paraming mga may sanggol na dumating upang magpabakuna. "Ma'am, emergency lang po." Hindi ko na natiis, nilapitan ko na ang isang BH. "Namumutla na kasi ang kapatid ko, baka pwede hong unahin muna ito. Papatingnan ko lang sana sa nurse." Sinipat ng BH si ate Solemn. "Hala, anong nangyari diyan?" "Hindi nga ho namin alam. Bigla na lang hong nagsuka. Ilang araw na ho iyang walang ganang kumain, eh." "Dapat ay pinatingnan niyo agad bago pa lumala! Ayan tayo, eh. Kung kailan tatamaan ng kidlat ay saka lang kikilos." Hindi ko na pinansin ang panenermon nito. Kitang-kita rin naman na nag-aalala ito para kay ate. Tiningnan muna nito si ate, kinunan ng temperature, blood pressure, ng height at timbang. Pagkatapos ay saka nito ipinasa ang kapatid ko sa nurse. Ito na rin mismo ang nakiusap sa nurse na unahin muna kami. "Bakit ho siya tulala, inay?" tanong ng lalaking nurse kay nanay. Nakaupo silang dalawa ni inay at ate sa harap ng table ng nurse. Samantalang ako ay nakatayo lang sa likod nila. Ramdam ko pa rin ang panginginig ni inay habang sinasagot ang bawat tanong ng nurse. "H-hindi po namin alam, eh. Isang araw ay umuwi na lang ho siya na ganiyan." "Naku, baka may nangyaring masama diyan. Dapat ay pina-check up agad ninyo," ang midwife ang sumagot. "Kapos din ho kami sa pera, ma'am, sir, kaya hindi namin mapatingnan sa doctor ang anak ko. Kaka-graduate lang ho ng bunso ko at ang dami hong gastusin at bayarin." Marami pang tanong ang ibang naroon at hindi naman masagot ni inay nang diretso. Ayaw nitong sabihin ang totoo dahil gusto lang din nitong protektahan ang dangal ni ate. Ayoko rin namang pagpyestahan ng iba ang sinapit ni ate sa Manila pero kailangan din kasing malaman ng nurse ang totoo, para malaman ang dapat gawin. Tahimik na ang nurse habang iniiksamin ang kapatid ko. Nagsusulat ito sa notepad nito pagkatapos nitong suriin si ate. "Ahm, inay, ilang araw na ba ho siyang ganito?" tanong ng nurse. "Na alin ho?" "Nagsusuka?" "Kanina lang ho. Pero isang linggo na ho siyang walang ganang kumain at laging nakahiga lang. Ayaw niyang bumangon lalo na kapag umaga." May ilan pang katanungan ang nurse kay inay bago nito dinala si ate sa isang silid. Sumunod din naman agad ako kahit na sinabing bawal. Hindi ako lumabas, pinanood ko kung ano'ng gawin ng nurse sa kapatid ko. Pinahiga lang naman si ate at tinikwas ang damit saka may kung ano'ng ipinahid sa tiyan niya. May apparatus itong ginamit na may maingay na tunog. Nang hindi makontento sa results ay nag-utos na ito sa isang BH. May ipinabili ito. Nagulat ako nang malamang pregnancy test iyon. Kabado kong pinagmamasdan si ate na tulala lang sa kinauupuan. Parang ayokong tanggapin sakaling mag-positive. Nalintikan na talaga! "Positive. Buntis ho siya, inay. Kailangan ho nating magsagawa ng iba pang examination para makasigurado at malaman kung ilang weeks na ho ang ipinagbubuntis niya. Maliit pa ho kasi ang tiyan at wala rin sa inyo ang nakakapagsabi kung kailan ang huling regla ng anak niyo." Nakikinig ako pero hindi ko maproseso nang maayos. Nahirapan ako dahil ayaw tanggapin ng isip at tainga ko. Hindi ko na tinapos ang pakikinig at nagmadaling lumabas. Inis kong sinipa ang bato sa aking daanan sabay mura nang malakas. Pinagtinginan na ako ng ibang tao na nasa malapit. Wala naman akong pakialam. Basta galit ako. At ilalabas ko ito! Mga hayop ang gumawa ng bagay na iyon sa ate ko. Pagbabayarin ko talaga sila atpapanagutin ang nakabuntis sa kaniya! Dalawang linggo na naman ang lumipas. Medyo bumuti-buti na ang pakiramdam ni ate dahil may vitamins na siya, gatas at mga prutas na tini-take. Tinulungan kami ng nurse na tumingin sa kaniya. Si nurse Jude. Halos ito na ang bumibili ng lahat ng kakailanganin ni ate, tulad ng groceries, toiletries at iba pa. Naawa daw ito sa kalagayan ni ate. No'ng araw kasi na iyon, habang naglalakad kami pauwi habang buhat-buhat ko si ate sa likod ay naabutan kami ng nurse. Sakay ito sa personal nitong sasakyan at inalok kami na ihatid. Nangulit ito kung ano ba talaga ang totoong nangyari kay ate, concerned lang daw ito kaya ayun, nadala na rin si inay at naikwento rito ang totoo. Ayoko sanang isipin pero kasi, binata ito. Baka pag-interesan lang si ate. Maganda kasi talaga si ate kahit payat na. Lalo lang yata siyang gumanda ngayong nakakapag-take na siya ng vitamins at bumalik ang gana sa pagkain. "Salamat sa lahat, Sir Jude. Hulog ka ng langit!" Minsan nakakairita nang pakinggan ang paulit-ulit na pagpapasalamat ni inay sa nurse. Grateful din naman ako kay nurse Jude sa pagtulong sa amin pero ayoko na talagang magtiwala... Ayoko nang ipagkatiwala si ate sa iba dahil doon sa nangyari sa kaniya. Parang na-trauma na rin ako. Nagkalat na kasi ang masasama. Hindi ko na alam kung sino sa kanila ang totoong mabuti at sino ang nagbabalat-kayo. "Nay, kunin ko lang ho ang card ko sa school," biglang paalam ko kay nanay. Hinintay ko muna na umalis si nurse Jude. Dumalaw na naman kasi sa bahay namin. Mukhang napapadalas na nga, eh. Papasok na ako ng gate ng aming campus nang bigla akong harangin ng isang mahabang paa na naka-sneakers. Tinadyakan ko ito bigla. Malakas kaya medyo gumeywang ang may-ari ng paa. "King ina ka, Analyn!" Si Carlos pala. "Tss. Haharang-harang, eh." Nilampasan ko siya pero bigla akong hinarang ng dalawa niyang tropa. Tsk. Gulo na naman ito. "Akala mo siguro, mapapalampas ko yung ginawa mo sa akin noong nakaraang buwan, bago ang graduation natin," bulong niya sa tainga ko. Hindi ako gumalaw at sinipat ang paligid. Walang gaanong tao. Kung papatulan ko ito, baka hindi iri-release ng guro ang card ko. "Kapal din ng mukha mong ipagkalat na hinalikan kita. Pwee! Kadiri, bro!" Nagtawanan ang mga ito. Si Carlos naman ay naglakad na papunta sa harapan ko. Bahagya pang umatras ang dalawang gunggong para bigyan siya ng space. "Dedemanda niyo ako? Alam mo bang kaibigan ko ang anak ng mayor ng ating lungsod? Sa katunayan nga niyan, binigyan niya ako ng scholarship para makapag-aral sa Manila! Hah! Mamimiss kita, amoy-poke-ang-hininga!" "Amoy panis na tamud naman sa'yo," mabilis kong sagot. Nagtawanan ang isang grupo ng estudyante na napadaan sa amin. Pinagtatawanan ng mga ito si Carlos dahil sa sinabi ko. Lalo tuloy itong nag-iinit at minura ako nang maraming beses. Kalmado lang din ako. Bukod sa kulang ako sa energy ngayon ay umiwas na rin ako sa gulo. Ayokong bigyan ng another pasanin si inay. "Kung matapang ka talaga, ba't di tayo magsuntukan?" panghahamon pa nito. Akala mo naman may maibubuga eh, panay atake lang naman ang alam. Ni hindi nga marunong umilag. "Sig. Magkita tayo sa likod ng room natin. Doon sa pinaglibingan ko sa iyo. Sparring tayo. Matira-matibay. Kapag ikaw nanalo, papaalipin ako sa iyo. Pero kapag natalo kita, ibibigay mo sa akin ang sholarship mo." Bumunghalit ito ng tawa. "Game na sana ako, eh. Kaso ang kapal din ng apog mo. Tingin mo isusurender ko sa'yo ang scholarship ko?" Sumeryoso ako. Yung mukhang hindi pa kailanman niya nakitang nagseryuso ng ganito kaya unti-unti siyang napatigil at napaatras. "Alam mong may pinagdadaanan ako dahil sa ate ko, Carlos. Kung hindi ka papayag, sinasabi ko sa iyo, hindi ka na makakapuntang Manila." Gumalaw ang Adam's apple niya. Nagkatinginan sila ng katabi niya saka siya muling tumingin sa akin. "Deal." Gumuhit ang kakaibang ngiti sa aking mga labi. Ito na iyon. Ang matagal ko nang hinihiling na pagkakataong makapuntang Manila. Hinding-hindi ko ito sasayangin. Kahit pa mabugbog ako. Pagkarating pa lang namin ni Carlos sa likod ng aming room ay inatake ko na agad siya nang nakatalikod. "Simulan na nat—" "Ha-yaaaah!" BLAAG! Paglingon niya sa akin ay sumalubong agad ang malakas na sipa ko sa kaniyang mukha, dahilan para agad siyang bumulagta sa lupa. Hindi ko na binigyan ng pagkakataon dahil alam kong ipaglalaban niya ang sholarship niya. Minsa'y kailangan mo ring mandaya. Lalo na sa sitwasyong alam mong madedehado ka. "A-Aning... T-tuso ka talaga!" hirap niyang sambit bago tuluyang nawalan ng malay. Ngumisi ako sa tagumpay ko. Huh... Makakapag-aral na ako sa Manila! "TABSH, Ace, kung sinu-sino man kayo, humanda kayo sa akin."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD