Chapter 1
Flor
Sa tagal ng panahon na hindi ko nakita ang aking ama dahil iniwan niya kami ng aking ina at sumama siya sa kabit niya, subalit kahit minsan ay hindi ako nagtanim ng sama ng loob sa kaniya. Iyon din kasi ang palaging pinaaalala sa akin ni Mama. Mula sa Forest Village na kinagisnan kong lugar ay napadpad ako dito sa Sta. Cruz, sa lugar nila Doctor Elezabith Beltran. Sila ang matalik na kaibigan ng aking ama. Ang ama ko ay si Florentino Gomez. Mayaman ang aking ama at naaalala ko pa noon na pinapadalhan kami ni Papa ng pera. Subalit noong third year high school na ako ay hindi na ito nagpapadala dahil kontrolado na ng kabit niya ang pera. Si Mama ang nagtaguyod sa akin sa pag-aaral hanggang sa naging college ako, kinuha ako ni Dr. Elezabith at pinaaral niya ako hanggang sa nakapagtapos ako ng dalawang kurso.
Nag-aral ako ng pagka-doktor at nag-aral din ako bilang radiologist subalit lumipat ako sa biology. Sa tulong ni Doctor Beltran ay nakapagtapos ako at nagtrabaho sa laboratoryo nila dito sa Sta. Cruz. Nakapagtapos ako nang hindi umasa sa tulong ng Papa. Mabait sa akin ang mag-asawang doktor. May anak sila na isang lalaki at sa ibang bansa ito nag-aaral noon at nagtatrabaho na rin ngayon.
Sa tagal ko kina Doktor Beltran, hindi ko pa nakita ang anak nila sa personal. Sa larawan ko lang ito nakita subalit high school pa lang ito sa larawan. Kasalukuyan narito ako sa hospital kung saan naka-confine si Papa. Dinalaw ko siya nang malaman ko na dito siya sa Hospital sa Las Palmas nakaratay.
"Salamat, anak, dahil dinalaw mo ako. Gusto kong humingi sana ng patawad sa inyo ng Mama mo," mahinang sabi ni Papa. Nalugi ang kompanya niya at iniwan din siya ng kabit niya.
"Walang anuman, Pa. Wala akong galit sa inyo. Kahit ano pa ang mangyari, kayo pa rin ang ama ko," sabi ko kay Papa. Hawak-hawak niya ang aking kamay.
"Nagsisisi ako kung bakit ko kayo iniwan ng Mama mo at sumama ako sa kabit ko. Patawarin mo ako, anak. Kung iba ang nagpakasasa sa pera na pinaghirapan ko. Sobrang nagsisisi ako dahil iniwan ko kayo ng Mama mo," paulit-ulit na paghingi ni papa ng sorry sa mga nagawa niya.
Ano ba ang ginagawa ng kabit sa buhay ng isang taong pamilyado na? Perahan lang naman sila, sirain ang pamilya, at kapag wala nang pakinabang, maghahanap ulit ito ng pamilyang sisirain.
"Matagal na kitang pinatawad, Pa," sabi ko sa aking ama.
"Anak, may hihilingin sana ako sa’yo. Subalit hindi kita pipilitin kung aayawan mo ang hihingiin ko." Kumunot ang noo ko. Pero handa na rin naman ako kung ano man ang hihilingin mo
"Ano ba ang hihilingin mo sa akin, Pa? Sabihin mo sa akin dahil kahit ano ang hihingiin mo, ibibigay ko sa’yo," sabi ko sa aking ama. May maganda na akong trabaho at isa na rin akong doktor at may malaking sahod.
"Anak, may malaki akong utang sa kaibigan kong si Dr. Diego Beltran. Ang napagkasunduan namin noon ay ipakasal sa anak niya si Veronica, ang anak ng kabit kong si Victoria. Ang kaso ayaw ni Veronica. Ang ina niya rin naman ang nakinabang noon sa perang hiniram ko kay Dr. Diego. Ang gusto ko sana, anak, ikaw na lang ang magpakasal sa anak nila. Magiging maganda rin naman ang buhay mo sa kanila dahil naroon ka na nga sa poder nila. Napag-usapan na rin namin ni Dr. Diego ang tungkol sa bagay na ito."
Hindi ako makapagsalita o makasagot sa sinabing iyon sa akin ni Papa. Nabigla ako sa sinabi niya. "Pero, Pa, hindi ko kilala ang anak nila Dr. Beltran. Saka hindi pa po ako handa mag-asawa."
"Pwes, magiging handa ka na, iha. Ikaw na lang ang ipapakasal namin sa anak ko. Narito na siya sa Las Palmas at hindi ko alam kung dumating na siya sa bahay. Kailangan makapag-asawa na ang anak ko para hindi na siya bumalik sa ibang bansa at mag-focus na siya sa paghawak ng negosyo ng pamilya." Napalingon ako sa aking likuran sa biglang pagsalita ni Dr. Diego Beltran, ang asawa ni Dr. Elizabeth Beltran.
Tumakbang ito papalapit sa amin ni Papa.
"Pero, Dok, hindi ko pa nakikita ang anak ninyo sa personal." Mabigat ang tono ng boses ko habang sinasabi ko iyon.
"Ipapakilala ka namin sa kaniya, iha. Gusto ko rin naman talaga na ikaw ang mapangasawa ng nag-iisang anak namin dahil maliban sa matalik kong kaibigan ang Papa mo, kilala ka rin namin."
Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko sa kanila. Subalit kapag tumitingin ako sa mga mata ni Papa, parang nakikiusap ang mga tingin nito sa akin. "Pag-iisipan ko po muna, Dok," tanging naging tugon ko sa gusto nila mangyari.
"Sige, iha. Pag-isipan mo nang mabuti. Subalit ngayon pa lang sinasabi ko sa’yo na malaki ang mababago ng buhay ninyo kapag pinakasalan mo ang anak ko. At ako na rin ang bahala sa pagpapagamot sa Papa mo. Wala kang dapat na alalahanin, kahit ang bills niya rito sa hospital." Napasinghap ako sa sinabing iyon ni Dr. Beltran.
"Sige na, anak. Pumayag ka na dahil ikaw din ang makikinabang kapag pinakasalan mo ang anak ni Dr. Diego," pakiusap pa sa akin ni Daddy.
Bumuntong-hininga ako nang malalim. "Para sa’yo, Pa, pumapayag na po ako. Basta magpagaling ka lang at bumawi ka sa amin ni Mama sa mga panahong nawala ka sa amin." Iyon ang tanging lumabas sa mga labi ko. Parang hindi ko kayang tanggihan ang pakiusap ng aking ama.
Nakita ko ang tuwa sa mga mata ni Papa nang marinig niya ang naging tugon ko.
"Salamat talaga, anak. Oo, sisikapin kong gumaling para makabawi ako sa inyo ng Mama mo. Ayaw ko pang mawala sa mundong ito na hindi pa nakahingi ng patawad sa ina mo," sabi ni Papa sa akin.
Natuwa rin si Dr. Beltran nang pumayag ako na magpakasal sa anak niya. Gusto kong maging masaya si Papa. Sabik kasi ako na makasama namin siya ni Mama. Gustong-gusto ko na mabuo ang pamilya namin na sinira ng isang kabit.
Pagkatapos kong bisitahin si Papa, umuwi ako sa Forest Village. May mga dala akong groceries para kay Mama. Pagkakita ko kay Mama ay niyakap ko siya. "Kumusta ka na, Ma? Na-miss na kita," malawak na ngiti kong sabi kay Mama. Bihira lang din kasi akong umuwi rito. Paano kasi niyaya ko siya sa Sta. Cruz, ayaw naman kasi niya dahil hindi niya maiwan ang bahay namin rito.
"Mabuti at naalala mo pang umuwi rito. Wala ka pa ring kasama? Kailan ka ba uuwi rito na may ipakilala sa akin na nobyo mo? Maganda ka naman, Flor, bakit walang nanliligaw sa’yo?"
Natatawa na lang ako sa tanong na iyon ni Mama. "Hali ka na nga rito sa bahay, Ma. Tulungan mo ako sa mga pinamili ko sa’yo," nakangiti kong aya sa kaniya.
Nasa labas kasi kami dahil kabababa ko lang sa tricycle. Pumasok na kami ni Mama sa loob. Naupo naman ako sa upuan na yari sa kawayan. "Nakaka-miss maupo rito sa kawayan, Ma," nakangiti kong sabi kay Mama.
"Ang dami naman nitong pinamili mo sa akin. Pero kailan ka ba talaga magdadala rito ng nobyo?" tanong ulit ni Mama sa akin.
"Hayaan n’yo, Ma. Kapag umuwi ako rito sa susunod, hindi na nobyo ang dadalhin ko kundi asawa mismo," natatawa kong sabi sa kaniya.
"Sige nga at gawan n’yo kaagad ako ng apo," sagot naman nito sa akin habang natatawa.
"Siya nga pala, Ma. Pumunta ako kay Papa, sa ospital," sabi ko kay Mama.
"Mabuti, buhay pa ang Papa mo. Pupunta na lang ako sa kaniya kapag patay na siya at magbibigay na lang ako ng limos sa kaniya," sabi pa nito sa akin.
"Ma, ano ka ba? Huwag ka magsalita ng ganyan dahil hindi maganda pakinggan. Nadapa na nga si Papa, gusto mo pang hindi siya makabangon," nakasimangot kong sabi kay Mama.
"Eh ‘di pabangunin mo ang babaero mong ama. Kinakampihan mo palagi siya na ang tagal niya nga tayong pinabayaan at kinalimutan," sabi pa ni Mama na may sama pa rin ng loob kay Papa.
Hinila ko ang kamay ni Mama at kinanlong ko siya at niyakap. "Ma, huwag ka na magalit kay Papa. Hindi ba masama ang nagtatanim ng sama ng loob? Patawarin mo na si Papa. Humihingi na nga siya sa atin ng patawad. Ipakita natin sa kaniya na kahit walang-wala na siya, nandito pa rin tayo na tunay niyang pamilya," paglalambing ko kay Mama.
Sumimangot siya at umirap pa ng kaniyang mga mata. "Naiinis lang kasi ako sa Papa mo dahil ipinagpalit niya tayo sa malandi niyang kabit. Tapos kung kailan na walang-wala na siya at wala nang mahuthot ang babae sa kaniya, basta na lang siya iniwan kung kailan kailangan na siya ng ama mo," wika pa ni Mama sa akin.
"Ma, wala na rin tayong magagawa dahil iniwan na siya ng kabit niya. Gusto ko pa naman sana mabuo ang pamilya natin. Ang saya ko, Ma, dahil nakita ko si Papa. Huwag ka nang magtanim ng sama ng loob sa kaniya," sabi ko kay Mama.
"O siya, sige. Gusto mo ba ng kape o timplahan na lang kita ng juice?" tanong pa sa akin ni Mama.
"Kape na lang, Ma," tugon ko sa kaniya. Kumalas ako sa yakap kay Mama at tumayo naman siya para magtimpla ng kape. Ang sarap ng pakiramdam ko dahil nakauwi ulit ako sa bahay. Simula kasi nang magtrabaho ako sa laboratoryo, bihira na ako makauwi rito kay Mama. Naawa rin kasi ako sa mga pasyente ko na iwanan sila at kung gabi naman ay nagdu-duty pa ako sa laboratoryo.
Kinabukasan naman, umuwi na rin ako ng Sta. Cruz. Ang haba ng biyahe ko, kaya pagdating ko, pagod na pagod ako. Bukas pa ako magdu-duty sa ospital. Hapon ako umalis sa bahay dahil gusto kong sulitin ang pagsasama namin ni Mama.
Alas nuwebe ng gabi ako nakarating sa bahay na tinitirhan ko. Katabi lang ito ng bahay nila Mrs. Suarez. Bahay ito ng anak nila, kaya ako ang nakatira habang wala pa ang anak nila.
Binuksan ko ang gate at isinara ko rin ito. May sarili din naman akong susi. Pagtapat ko sa pintuan, sinususian ko rin ito. Pagbukas ko ng pintuan, madilim sa loob kaya binuksan ko ang ilaw. Pumasok ako sa loob at isinara ang pintuan.
Nagtungo ako sa aking silid, subalit laking gulat ko nang makita ko na may lalaking nakahiga sa ibabaw ng kama ko. Sa sobrang takot, napasigaw ako at itinapon ko ang backpack ko sa tiyan ng lalaki.
"Waah! Magnanakaw!"
Nagulat ito at napabalikwas ng bangon. Mabuti na lang nakita ko ang walis tambo sa gilid ng pintuan. Kinuha ko ito at pinaghahampas sa lalaki.
"Walang hiya ka! Ang kapal ng mukha mong magnanakaw ka! Dito ka pa talaga sa silid ko natulog at binuksan mo pa ang aircon. Hindi ka rito makakalabas ng buhay, na hayop kang magnanakaw ka!" sabi ko sa magnanakaw.
Ginawa niya namang pansangga ang kaniyang kamay sa bawat paghampas ko sa kaniya ng walis tambo.
"Masakit na, ha!" malakas na boses nitong sabi sa akin at sapilitang kinuha sa akin ang walis tambo.
"Ikaw ang trespassing dito, alam mo ba ‘yon? Hindi mo ba ako kilala? Ako ang may-ari ng bahay na ito, at ikaw nakikitira lang dito. Ang kapal naman ng mukha mo na ginawang silid itong silid ko," sabi pa nito sa akin.
Ngayon ko lang natitigan ang kaniyang mukha. Napakagat-labi ako nang ma-realize ko na anak pala ito ni Dr. D at Dr. Elizabeth. Ang gwapo nito na namumula pa ang kaniyang mga labi at pisngi. Ang tangos rin ng ilong nito at makapal ang mga kilay.
"I-Ikaw ang anak ni Doctor Elizabeth at Dr. Diego?" kinakabahan kong tanong sa kaniya.
"Ako nga. Sinabi sa akin ni Mommy ang tungkol sa’yo na ikaw ang nakatira rito. At hindi ko naman inaasahan na darating ka ng gabi na parang akyat-bahay at ikaw pa ang may ganang magsabi sa akin na magnanakaw. Doon ka sa sala matulog dahil ginawa kong tambakan ng gamit ko ang kabilang silid. Hindi ka puwede roon matulog at baka mawala ang mga gamit ko roon," masungit pa nitong sabi sa akin.
Masungit at mayabang din pala ang anak nina Dr. Beltran. Ang pangit ng ugali, kasing pangit ng mukha niya noong high school siya sa larawan niya na nakasabit sa pader ng bahay ng mga magulang niya.
"Pasensya na po, Kuya, kung napagkamalan kitang magnanakaw. Hindi ko kasi alam na anak ka nila Dr. Beltran. Mukha ka kasing matanda!" panlalait ko sa kaniya sabay talikod.
Pang-asar ko lang naman iyon dahil napahiya ang pride ko. Pero hindi siya mukhang matanda. Ang gwapo nga niya. Pinaghalo ang mukha ni Dr. D at Dr. Elizabeth.
"Huwag mo akong tawaging Kuya dahil mas matanda ka pa tingnan sa akin!" pahabol pa nitong sabi sa akin at binato ako ng unan. "Ayan ang unan mo!" sabi pa nito sa akin.
Bumaling ako sa kaniya at sinamaan siya ng tingin. Kinuha ko sa sahig ang binato niyang unan at inirapan ko siya. Padabog akong naupo sa sala. Ang malas ko naman dahil dumating ang impaktong iyon.