Episode 7

2148 Words
CHAPTER 7 Flor Pagpasok namin sa bahay, para akong batang nahuli sa maling gawain. Pamilyar pa rin ang lahat—ang lumang aparador sa sulok, ang kurtinang may burdang bulaklak na si Mama mismo ang nagtahi, at ang amoy ng nilagang kape na laging bumabalot dito tuwing umaga. Pero sa halip na ginhawa, kaba ang naramdaman ko. Umupo si Mama sa kahoy na bangko, tangan ang tuwalya na kanina’y hawak niya. Ang mga triplets naman, abala sa kakatanong at kakasiksik sa tabi niya. “Lola, may toys ka dito?” tanong agad ni Violet, halos nakasampa na sa hita ni Mama. “Lola, may kwento ka ba?” singit ni Valeria, kumakaway-kaway pa ng kamay. “Ako po, gusto ko ng juice!” dagdag ni Kingston, na agad pinalakpakan ng dalawa. Napilitang ngumiti si Mama, pero ramdam kong pilit iyon. Hinaplos niya ang ulo ng mga bata saka muling bumaling sa akin. Ang mga mata niya—hindi galit, kundi puno ng tanong. Mga tanong na matagal ko nang iniiwasan. “Flor,” mahinahon pero matalim niyang simula. “Ano itong narinig ko? Totoo bang ikakasal ka?” Napakagat ako ng labi, hindi makasagot. Gusto kong sabihin na hindi pa, na wala pang kasiguraduhan. Pero nauna na si Norwen, at gaya ng nakasanayan niya, walang pasakalye. “Opo, ikakasal na kami,” diretsong sagot niya. Nakatayo pa rin siya, malapit sa pinto, parang handa siyang ipagtanggol ang sarili kahit anong oras. “Kasalan?” ulit ni Mama, halos mapatawa sa gulat. “Flor, bakit ngayon ko lang nalaman? Ni hindi mo man lang ako binalitaan na boyfriend ka pala. Ginulat mo naman ako.” “Mama…” mahina kong tawag, halos lumulubog ang boses ko. “Hindi ko pa alam kung paano ko sasabihin.” Napailing siya saka napahawak sa sentido. “Anak, anak… hindi ganito ang inaasahan ko. Hindi ba’t natuto na tayo sa nakaraan? Alam mo kung gaano kasakit ang mga naging desisyon noon.” Parang may humawak sa dibdib ko at pinisil nang mariin. Oo, alam ko. Si Elena ang tinutukoy niya, at hindi lang iyon kundi pati na rin ang nangyari sa kanila ni Papa. Kung si Elena, sa maling pagmamahal nauwi sa pagsilang ng triplets. Si Mama, na noon ay iniwan ni Papa para sa kabit niya. Heto ako, magpapakasal sa isang lalaking hindi ko lubos kilala. At hindi alam ni Mama na dahil kay Papa kaya magpapakasal ako kay Norwen. “Hindi ako si Elena, Ma,” mahina kong sagot, pilit na matatag. Sandaling natahimik si Mama, pero mabilis siyang bumaling kay Norwen. “At ikaw naman, hijo… ano ba talaga ang intensyon mo sa anak ko? Bakit parang minamadali mo siya?” Diretso ang titig ni Norwen, walang bakas ng pag-aalinlangan. “Dahil mahal ko si Flor. At wala akong nakikitang dahilan para patagalin pa. Kung may oras na dapat ayusin, ngayon iyon. Ayaw kong laging may pader sa pagitan namin.” Napasinghap ako. Mahal? Noon ko lang siya narinig magsabi nang gano’n, at hindi ko alam kung matutuwa ba ako o mas lalo lang kakabahan. Alam naming dalawa na hindi totoo ang sinabi niya kay Mama. Pero nagpapasalamat din ako dahil hindi niya ako ibinuko. Si Mama naman, tila hindi agad nakumbinsi. “Mahal?” ulit niya, mababa ang tono. “Alam mo ba ang ibig sabihin ng salitang ’yon? Ang pagmamahal, hindi lang salita. Sakripisyo iyon. At higit sa lahat, pag-unawa. Sigurado ka bang kaya mong harapin ang lahat ng iyon kasama ang anak ko?” Tahimik na tumango si Norwen. “Kaya ko.” “Lola, Lola!” biglang sigaw ni Valeria, sumingit sa gitna ng bigat ng usapan. “Pwede bang ako ang flower girl?” “Ako rin! Ring bearer at princess!” hirit nina Kingston at Violet, sabay nagtawanan. Napailing si Mama, hindi napigilan ang maikling tawa, pero agad ding bumalik ang seryosong mukha. “Mga bata, mamaya na kayo. May mahalagang pinag-uusapan ang matatanda.” Sumimangot ang triplets pero tumabi na lang sa sahig at naglaro ng bato-bato-pik. Bumaling ulit si Mama sa akin. “Flor… anak, gusto kong marinig mula mismo sa bibig mo. Sigurado ka ba dito? Sigurado ka ba kay Norwen?” Parang sumikip ang paligid. Naramdaman ko ang bigat ng tanong—hindi lang simpleng kasal ang tinutukoy niya, kundi ang buong kinabukasan ko. Hindi ko alam kung paano sasagot. Totoo bang sigurado ako? O natatangay lang ako sa takbo ng mga pangyayari? Nanatili akong tahimik. Hinintay ko ang susunod na salita ni Mama, pero wala nang dumugtong. Ramdam kong naghihintay siya ng tugon, pero hindi ko rin alam kung ano ang dapat kong sabihin. Sa dulo, tumango na lang ako—kahit hindi ako sigurado, kahit ang totoo’y parang naglalaban ang isip at puso ko. Para lang matapos ang usapan. Para lang hindi na siya magtanong pa. Pagkatapos ng ilang saglit, marahan akong tumayo. “Lalabas muna ako, Ma,” mahina kong paalam. Ngumiti siya, kahit halatang marami pa siyang gustong itanong. Lumabas ako ng bahay na parang hinahabol ng sariling iniisip. Kailangan kong makalanghap ng hangin, kahit malamig at basa ang paligid. Huminga ako nang malalim, pinapakalma ang dibdib kong parang tinutusok ng kung anong bigat. Paglabas ko, agad kong natanaw ang bahay nina Elena—ang kaibigan kong ina ng triplets, na ngayo’y tahimik ang tahanan dahil wala na si Ate Meranda, ang kapatid niyang namatay. Saglit akong natigilan, binalot ng lungkot at alaala. Nakatitig ako roon, hindi ko namalayan na may mga yabag na papalapit mula sa aking likuran. Nang lingunin ko, nandoon na si Norwen, nakapamulsa at nakatayo nang walang kibo, pero ramdam ko agad ang presensiya niya. “Hindi mo dapat sinabi kay Mama na… mahal mo ako,” agad kong sambit, halos pabulong ngunit puno ng pagtutol. Ayaw ko sanang banggitin, pero kusa na itong lumabas sa bibig ko. Bahagyang kumunot ang noo niya, tapos mabilis ang naging sagot. “At ano bang gusto mong mangyari, Flor? Manahimik lang ako?” Naramdaman ko ang init sa pisngi ko, hindi ko alam kung sa inis o dahil sa paraan ng pagtitig niya sa akin. “Hindi naman kasi kailangan malaman ni Mama ‘yon. Lalo na kung… hindi naman sigurado—” “Hindi sigurado?” putol niya agad, lumapit ng isang hakbang, dahilan para mapaatras ako ng bahagya. “Bakit? Hindi ba’t alam mong totoo lahat ng sinabi ko? O natatakot ka lang na harapin na walang ideya ang ina mo sa kasalang ito?” Pinili kong ibaling ang tingin sa gilid, pilit na hinahablot ang lakas ng loob. “Marahil hindi alam ni Mama kung bakit nga ba talaga tayo magpapakasal. Dahil hindi iyon tungkol sa atin… kundi dahil gusto ng Papa ko at ng mga magulang mo.” Napalalim ang buntong-hininga ni Norwen, halatang nadaplisan siya ng sinabi ko. Pero hindi rin siya umatras. “At ano ngayon? Kahit anong plano ng mga magulang natin, Flor, kung ayaw mo, wala silang magagawa. Pero gusto mo rin ang kasal na ito, hindi ba?” Bahagya kong kinagat ang labi ko saka ako nakiusap, halos nagmamakaawa. “Pakiusap, Norwen… huwag mo nang banggitin kay Mama ang tungkol doon. Hindi siya papayag kung malalaman niya, lalo na ang tungkol kay Papa. Hindi niya kakayanin. At huwag mong sabihin na gusto ko ang kasal na ito dahil naipit lang din ako. At hindi ko rin matanggihan ang gusto ng mga magulang mo.” Ngumisi siya, may halong pang-aasar at kirot. “Lagi ka na lang bang magtatago sa likod ng takot mo, Flor? Lagi ka na lang may dahilan?” Napalingon ako, nakataas ang kilay, pinipigilan ang mabilis na pagtibok ng puso. “At ano naman ang alam mo sa mga kinatatakutan ko? Wala kang karapatang diktahan ako.” Ngumiti siya, mapanghamon at may pangungutya, na may halong inis na ayaw niyang ipakita nang buo. “Hindi ko kailangan ng karapatan. Dahil kahit anong gawin mo, ramdam kong naririyan din sa’yo, Flor. Pilit mo man itago, hindi mo kayang itanggi. Eh, paano nga ba kung mahalin natin ang isa’t isa?” Mabilis kong iniwas ang tingin, ramdam ko ang init ng mukha ko. “Kung iniisip mong mahuhulog ako sa mga salita mo, nagkakamali ka.” Bahagya siyang yumuko, halos madikit ang labi niya sa tainga ko, at mahina pero matalim ang boses niya. “Hindi lang salita, Flor. Dahil sa bawat pagkakataong tumatakbo ka, mas lalo kitang hahabulin.” Napapikit ako, hindi alam kung maiinis o matutunaw sa sinabi niya. At hindi ko rin alam kung ano ang gusto niyang ipahiwatig. “Norwen…” tanging nasambit ko, ngunit agad ko ring nilakasan ang loob ko. “Hindi mo alam ang sinasabi mo.” Pero bago pa ako makalayo, bigla niyang hinawakan ang braso ko. Hindi mahigpit, pero sapat para pigilan ako. Nanlaki ang mga mata ko, at halos magdikit ang mukha namin sa sobrang lapit. “Bakit ba lagi kang ganyan?” bulong niya, ramdam ko ang init ng hininga niya. “Para kang inosente, pero para ka ring isang makamandag na ahas.” Namula ako sa sinabi niya—alam kong may ibig sabihin iyon. Pinilit kong alisin ang kamay niya, pero parang lalo lang niyang hinigpitan, hindi para saktan kundi para iparamdam kung ano ako sa tingin niya. “Norwen, pakawalan mo ‘ko,” mariin kong sabi, bagaman mahina ang loob kong itulak siya. “Kung pakakawalan kita, aaminin mo bang wala kang nararamdaman para sa’kin?” diretsong tanong niya. Natigilan ako. Wala akong masabi. Ramdam ko ang bigat ng mga mata niyang nakatitig sa akin, at para akong natutunaw sa ilalim ng tingin niyang iyon. “Ayun na nga,” bulong niya, may halong tagumpay at sakit. “Hindi mo kayang sabihin.” “Hindi ko sinasabing… meron,” mariin kong balik. “At hindi mo rin pwedeng ipilit.” “Hindi ko ipipilit,” sagot niya, unti-unting lumuwag ang pagkakahawak niya pero hindi pa rin niya binibitawan. “Pero hindi rin ako titigil.” Nag-init ang pisngi ko, hindi ko alam kung sa inis o dahil sa kaba. “Kung iniisip mong makukuha mo ang gusto mo sa ganitong paraan, nagkakamali ka.” Bahagya siyang ngumiti, mapanghamon pero may lambing. “At kung iniisip mong makakatakas ka sa’kin, ikaw ang nagkakamali, Flor.” Hindi ko na kinaya ang titig niya. Mabilis kong hinila ang braso ko at tuluyang lumayo. Pero kahit nakatalikod na ako, ramdam ko pa rin ang ngiti niyang nakasunod sa akin. At kahit anong inis ang pilit kong itanim sa dibdib ko, hindi ko rin maitatangging may kakaibang init na iniwan ang hawak niya sa balat ko. Naglakad ako nang mabilis papasok sa loob ng bahay, pilit kong tinatakasan ang kung anong kakaibang kiliting kumapit sa balat ko mula sa haplos ni Norwen. Ngunit kahit anong pwersa ng pag-iwas ang gawin ko, parang sinusundan ako ng presensiya niya—ngiti niya, tingin niya, at ‘yong init ng palad niyang tila nananatili pa sa braso ko. “Halika na, hijo,” masiglang bati ng Mama ko nang makita kaming dalawa. “Pumasok na kayo’t makapaghanda ako ng tanghalian.” Sumunod kami sa kanya papasok sa loob ng bahay. Amoy ko pa ang pinakuluang luya at dahon ng laurel mula sa kusina—mga amoy na lagi kong inuugnay sa mga panahong payapa ang tahanan. Pero ngayong kasama ko si Norwen, tila ibang kabog ang laman ng dibdib ko. “Flor,” tawag ni Mama, sabay lingon sa akin. “Magluto ka na ng tanghalian para sa atin… at para sa mapapangasawa mo.” Parang bigla akong nawalan ng hangin. Mapapangasawa. Ang salitang iyon ay tila matalim na tumusok sa tenga ko. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o matataranta. “Masarap po ba magluto si Flor, Mama?” mapanuksong tanong ni Norwen, sabay kindat pa habang nakatingin sa akin. Napatingin sa kanya si Mama, at may bahid ng biro ang ngiting ibinigay nito. “Malalaman natin mamaya kung gaano kasarap kapag siya na mismo ang nagluto.” Ramdam ko ang biglang pagsirit ng init sa aking mga pisngi. “Ma…” bulong kong parang bata, sabay iling, pero hindi ko na tinuloy ang sasabihin dahil lalo lang tumindi ang panunukso sa mga mata ni Norwen. “Naku, baka magpakabusog ako mamaya,” dagdag pa niya, halos may halong malambing na panunuya ang tono. “Tumigil ka nga riyan,” mahina kong saad, sabay talikod para itago ang pamumula ng mukha ko. Ngunit kahit nakatalikod ako, hindi ko maitago ang ngiti kong pilit sumisingit sa mga labi ko. Habang naglalakad ako papunta sa kusina, hindi mawala sa isip ko ang sinabi ni Mama—mapapangasawa mo. At kahit ayaw kong aminin, sa kaibuturan ng puso ko, tila hindi naman ganoon kasama ang ideya. Dahil malapit na nga talaga kaming ikasal ni Norwen. At hindi ko alam kung anong kapalaran ang naghihintay sa akin sa piling niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD