CHAPTER 6
Flor
Maaga akong nagising, mas maaga kaysa sa inaasahan ko. Marahil dahil hindi naging maayos ang tulog ko kagabi. Kahit nakapikit ang mga mata, ramdam ko ang bigat sa dibdib—parang may naiwan na tanong na paulit-ulit na umaalingawngaw sa isip ko: Mabigat ba ako? O ako lang ang kumakapit sa isang bagay na ayaw nang hawakan ni Norwen?
Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata at nakita kong mahimbing pa ring natutulog ang tatlong bata. Nakapulupot si Violet kay Valeria, habang si Kingston naman ay nakatihaya, bahagyang nakanganga. Napangiti ako kahit paano. Kahit gaano kabigat ang mundo, parang gumagaan kapag nakikita ko silang ganito.
Tumayo ako nang marahan at nagtungo sa kusina para kumuha ng tubig. Pero bago pa ako makapasok, huminto ako sa pinto.
Naroon si Norwen. Nakatalikod, nakasuot ng simpleng t-shirt, at may hawak na kawali. May amoy ng pritong itlog at bawang na kanin na umaalingasaw sa buong lugar.
Parang nanigas ako sa kinatatayuan ko. Hindi ko inasahan na makikita ko siyang gumagawa ng gano’n. Ang lalaking halos hindi ko makausap kagabi, ngayon ay nakatayo sa kusina, tila ba isang ordinaryong ama ng pamilya.
“Gising ka na pala,” maikli niyang sabi nang mapansin akong nakamasid. Hindi siya tumingin, abala pa rin sa paghalo sa kawali.
“Ah… oo,” sagot ko, pilit na normal ang tono. “Hindi mo naman kailangang—”
“Magugutom ang mga bata paggising nila,” putol niya agad, malamig pa rin ang boses. “Hindi ako sanay na may kasamang gutom sa bahay.”
Napakagat ako ng labi. Muli, hindi tugma ang kilos niya sa mga salita. At iyon ang lalong nakalilito.
Umupo ako sa gilid ng mesa, pinagmamasdan ang bawat galaw niya. Maingat. Tahimik. Wala ni isang talsik ng langis na tumama sa kanya. Parang matagal na niyang ginagawa iyon.
“Norwen…” maingat kong tawag habang pinagmamasdan siyang nag-aayos ng niluto. “Paano ka natutong magluto nang ganyan?”
Bahagya siyang tumigil, saka marahang ibinaba ang sandok. “Bakit mo naman natanong?”
Nagkibit-balikat ako, pilit na itinatago ang kakaibang kaba sa dibdib. “Hindi kasi halata. Parang sanay na sanay ka. Hindi ko inakalang marunong ka pala sa kusina.”
Sandali siyang natahimik, saka muling kumilos. Ngunit bago niya mailapag ang itlog sa plato, nilingon niya ako. Diretso sa mga mata ko. At sa unang pagkakataon, naramdaman kong para bang may kaunting ngiti na gustong sumilay pero pinipigilan niya.
“Kapag walang ibang gagawa para sa ’yo, matututo kang gumawa mag-isa,” mahina niyang sagot. “At minsan… kapag may taong gusto mong ipagluto, kusa kang nagiging mas maingat.”
Parang biglang uminit ang pisngi ko. Gusto kong magtanong kung sino ang tinutukoy niya, pero bago pa ako makapagsalita, biglang may narinig kaming boses.
“Mamaaaa! Gutom na ako!” sigaw ni Violet mula sa sala, kasunod ang ungol nina Kingston at Valeria na nagising na rin.
Agad na bumaling si Norwen sa plato ng pagkain, iniwas ang tingin. Ako naman, mabilis na tumayo at nagtungo sa mga bata, nagkunwaring walang kakaibang damdaming dumaan sa pagitan namin.
Paglapit ko, sinalubong ako ng tatlong pares ng matang sabay-sabay kumukurap, tila may sariling misyon.
“Mama, anong ulam?” tanong agad ni Violet, nangingislap ang mga mata.
“Egg,” sagot ko, simpleng-simple.
“Lang?” singit ni Valeria, kunot-noo. “Eh kahapon hotdog. Ngayon egg lang? Unfair!”
Biglang sumabat si Kingston, kunwari seryoso. “Gusto ko adobo! ’Yung may sabaw, tapos maraming kanin!”
“Hoy, adobo agad sa umaga?” natawa ako. “Hindi ba’t kahapon lang, gusto niyo naman pancake?”
“Oo! Pancake na may chocolate!” singit ulit ni Violet, sabay palakpak ng kamay.
“Wala tayong pancake ngayon,” sagot ko habang pinipigilan ang tawa.
“Aba,” bumaling si Valeria kay Kingston, bulong na malakas-lakas pa. “Sabi ko na eh, dapat nag-order tayo sa restaurant kagabi.”
“Hoy!” saway ko, pero natatawa na rin. “Anong restaurant-restaurant? Akala niyo ba unlimited ang bulsa ni Mama?”
Nang makita kong naglalapag na ng pinggan si Norwen sa mesa, mabilis na lumapit ang tatlo, parang may nakita silang superhero.
“Uncle Norwen!” sabay-sabay nilang tawag.
Napatingala si Norwen, bahagyang nagulat. “Ano na naman?”
“Anong ulam?” tanong ulit ni Violet, nakangisi. Kahapon Papa ang tawag niya kay Norwen, ngayon naman Uncle Norwen na.
“Secret,” sagot niya, kasabay ng mabilis na pag-aayos ng kutsara’t tinidor.
“Basta may hotdog?” pangungulit ni Valeria.
“Adobo?” singit ni Kingston.
“Pancake na may chocolate?” hirit naman ni Violet.
Napabuntong-hininga si Norwen, saka pasimpleng napangiti. “Egg. Walang reklamo.”
Sabay-sabay namang napa-“Whaaaat?!” ang tatlo, sabay nagpalitan ng tinginan at tawa.
At bago ko pa mapigilan, sabay-sabay silang umupo sa mesa, kumakanta ng, “Egg, egg, egg!” na parang may sariling jingle.
Hindi ko maiwasang mapailing, habang si Norwen naman ay pasimpleng natawa, pilit itinatago ang ngiti sa likod ng malamig niyang mukha.
Habang abala ang tatlo sa pagkain, biglang bumaling si Norwen sa akin. Tahimik ang boses niya pero may bigat.
“Flor,” maingat niyang simula, habang pinagmamasdan akong nagsasandok ng kanin para kay Valeria.
“Hmm?” tugon ko, hindi pa rin tumitingin sa kanya.
“Kailan mo ako ipakilala sa nanay mo? Ang tatay mo nakilala ko na sa hospital.”
Parang biglang may malamig na hangin na dumaan. Natigilan ako, halos malaglag ang kutsara sa kamay ko. “Anong ibig mong sabihin?” pilit kong tanong.
Diretso siyang tumitig sa akin, wala man lang pag-aalinlangan. “Alangan namang ikakasal tayo nang hindi ko man lang nakikilala ang ina ng magiging asawa ko.”
Naramdaman ko ang pamumuo ng kaba sa dibdib. Mabilis kong iniwas ang tingin, baka mahalata niya ang pag-igting ng mga mata ko. “Wala pa akong oras,” mahina kong sagot.
Bigla siyang napairap nang bahagya, saka dumiretso ang tingin sa akin, malamig pero matalim. “Wala kang oras? Kailan ka pa magkakaroon ng oras, Flor—kung malapit na tayong ikasal? Kung nakasuot ka na ng puting damit at wala nang atrasan?”
Parang nanikip ang dibdib ko sa bigat ng tinig niya. Hindi siya tumigil, idinagdag pa niya, mababa pero madiin:
“Hindi ako maghihintay hanggang sa araw na ’yon para lang makilala ang ina ng babae na pakakasalan ko. Mamaya—pupuntahan natin siya. Walang dahilan, walang palusot. Tapos na ang usapan, Flor.”
Nilingon ko siya, mariin, hindi ko napigilang sumagot. “Bakit ba pinipilit mo? Hindi ba sapat na nandito ako, saka hindi pa alam ni Mama na ikakasal ako.”
Napakunot ang noo niya. “Hindi alam. At kailan mo sasabihin sa kaniya? Dahil hindi lang ikaw ang pakakasalan ko—pati ang lahat ng taong mahalaga sa ’yo. At kung hindi ko makilala ang ina mo, para bang may pader na lagi mong inilalagay sa pagitan natin.”
Napakagat ako ng labi. Gusto kong sumigaw, gusto kong sabihin na hindi ganoon kasimple ang lahat. Pero sa tabi namin, naririnig ko ang halakhakan ng mga bata, ang masayang “Mama, look oh!” habang sinusubukan nilang gawin art ang ketchup sa kanin.
Pinilit kong ngumiti sa kanila, pero pagbalik ng tingin ko kay Norwen, naroon pa rin ang matalim at mabigat niyang titig.
“Mama, tingnan mo oh!” ipinakita ni Violet ang plato niyang puro guhit ng ketchup na parang spider web.
“Eew, spider daw pero mukha namang pusit,” sabat ni Valeria, sabay tawa.
“Hindi, octopus!” dagdag pa ni Kingston, sabay gayang-gaya ang tunog ng octopus na iniisip niya.
Nagtilian sila, nagpalitan ng ketchup, hanggang sa nagmukhang pintura ang mesa. Napailing ako, pero natawa na rin. Kahit papaano, gumaan ang paligid.
Pero si Norwen—hindi pa rin gumaan ang mukha. Nang matapos ang triplets sa kalokohan at bumalik sa pagkain, saka siya muling nagsalita, malamig pero matatag:
“Flor, pagkatapos nito, asikasuhin mo na ang mga bata. Dadalhin natin sila.”
Napatigil ako. “Saan naman?”
Tumuwid siya ng upo, hindi man lang nag-alinlangan. “Kung nasaan ang mama mo. Wala nang palusot, wala nang bukas. Ngayon.”
“Norwen…” halos pabulong kong protesta.
Umiling siya. “Flor, tapos na ang usapan. Hindi kita tatanungin ulit.”
Wala akong nagawa kundi ang mapalunok at tingnan ang tatlong paslit na abala sa pag-aagawan ng itlog. Para silang walang kamalay-malay sa bigat ng pinaplano ng mga matatanda.
At sa loob-loob ko, napabuntong-hininga ako. Kung ito na ang laban na hindi ko matatakasan, wala akong choice kundi ang sumunod. Dadalhin ko na lang ang mga bata—ang mga triplets na anak ni Elena—at haharapin ang reyalidad na matagal ko nang iniiwasan.
Pagkatapos naming kumain, mabilis kong inasikaso ang mga bata. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa—alam kong seryoso si Norwen sa sinabi niya, at kapag nagmatigas pa ako, baka doon pa lumala ang sitwasyon.
Isa-isa kong pinaliguan ang mga triplets. Si Violet, abala sa paglalaro ng bula sa buhok niya. “Mama, tingnan mo! May crown ako!” nakataas ang baba habang may foam na nakapatong sa ulo.
Si Valeria naman, panay ang reklamo. “Ang init! Mama, bilisan mo, baka maging prune na ako sa tubig!”
Habang si Kingston ay nakatulog pa halos sa balde, nakasandal lang at nag-aantok.
Napailing ako, pero kahit paano, nakatulong din ang kakulitan nila para mapawi ang bigat na nakadagan sa dibdib ko.
Pagkatapos ay binihisan ko sila ng malilinis na damit—magkakapareho ang kulay, pero kanya-kanyang estilo. Si Violet, masaya sa pink na dress na may maliit na laso. Si Valeria, nakasuot ng shorts at blouse, ayaw magpatalo na parang boyish ang dating. Si Kingston naman, naka-polo shirt na agad nilagyan ng ketchup stain dahil dumampot pa siya ng tinapay bago kami umalis.
“Ayan ha, huwag kayong dudumihan agad. Pupunta tayo sa isang mahalagang lugar,” seryoso kong paalala.
“Field trip?” sabay-sabay nilang tanong, nangingislap ang mga mata.
“Sort of,” sagot ko, pilit na ngumiti.
Pagkatapos kong asikasuhin ang mga bata, ako naman ang nagbihis. Naligo ako nang mabilis, pero hindi ko na napigilan ang kaba habang iniisip ang mangyayari. Pinili ko ang simpleng blouse at maong na pantalon, walang arte, pero presentable. Hindi ko alam kung paano ko haharapin ang mama ko, lalo na’t may kasama akong lalaking… halos pilit na ipinapasok ang sarili sa buhay ko.
Nang lumabas ako, naroon na si Norwen sa sala, nakaupo at pinagmamasdan ang triplets na naglalaro ng tagu-taguan sa likod ng kurtina. Sa kabila ng sungit at bigat ng mga sinabi niya kanina, hindi ko maiwasang mapansin ang banayad na ngiti sa labi niya habang pinapanood ang mga bata.
“Ready na?” tanong niya nang makita ako.
Tumango lang ako, kahit na sa loob-loob ko, gustong-gusto kong sabihing hindi pa.
Sumakay kami sa sasakyan niya. Ako ang nasa unahan, habang ang tatlo ay nakasiksik sa likod. Ang ingay nila, parang mga sisiw na sabay-sabay nagkukuwento.
“Uncle Norwen, saan tayo pupunta?” tanong ni Violet.
“May bundok ba doon?” singit ni Kingston.
“May unicorn?” sabat ni Valeria, na agad tinawanan ng dalawa.
“Walang unicorn,” malamig na sagot ni Norwen, pero may bahid ng biro sa tono niya.
“Awww,” sabay-sabay nilang reklamo, sabay nagyakapan na parang talagang na-disappoint.
Halos isang oras din ang biyahe. Habang binabaybay namin ang daan papunta sa Forest Village, hindi ko napigilang titigan ang bintana. Ang mga punong nakahilera sa gilid ng kalsada, ang mga alon ng hangin na humahaplos sa mga dahon—lahat iyon ay pamilyar. Matagal na panahon na ang lumipas mula nang huli kong makita ang lugar na iyon. At ngayon, heto ako, muling babalik dala ang tatlong bata at isang lalaking wala akong balak ipakilala sa ganitong paraan.
Tahimik si Norwen sa buong biyahe. Hindi siya nagsalita, pero ramdam ko ang bigat ng kanyang presensya. Hindi ko alam kung kaba ba o inis ang nararamdaman ko. Siguro pareho.
Pagdating namin sa Forest Village, bumungad sa amin ang makitid na daan papasok. Malalaking puno ang nakapalibot, at ang mga bahay ay gawa sa kahoy at bato, simple at payak. Huminto ang sasakyan sa tapat ng lumang bahay—ang bahay ng pagkabata ko.
Kinabahan ako agad. Parang gusto kong umatras, pero huli na.
“Wow! Ang ganda dito!” sigaw ni Violet, halos lumabas na agad sa bintana.
“Parang may fairies,” dagdag ni Valeria, nakatitig sa mga kumikislap na sinag ng araw na dumadaan sa mga dahon.
“Ako, gusto ko dito. Ang daming puno, pwede akong umakyat!” sabay ngiti ni Kingston.
“Walang aakyat!” mabilis kong saway, pero natatawa na rin ako.
Lumabas kami ng sasakyan. At bago pa ako makapaghanda, bumukas ang pinto ng bahay. Lumabas ang mama ko, dala-dala ang isang timba ng tubig. Halata ang gulat sa kanyang mukha nang makita ako.
“Flor?” halos pasigaw niyang tawag.
“Mama…” mahina kong tugon, halos hindi makatingin.
Agad niyang ibinaba ang timba at lumapit sa akin. Pero bago pa man siya makapagsalita, napansin niya ang tatlong batang nakatago sa likod ko, nakasilip, parang mga munting pusa.
“Sino ’tong mga ’to?” nagtataka niyang tanong.
Ngumisi agad si Violet. “Hello po, Lola!” sabay kumaway.
“Lola?!” halos mabitawan ni Mama ang hawak niyang tuwalya.
“Triplets kami!” dagdag ni Valeria, sabay akbay sa dalawa.
“Oo, tatlo kami pero isa lang birthday namin!” paliwanag pa ni Kingston, parang proud na proud.
Halos mahulog ang panga ni Mama. “Anak… anong ibig sabihin nito? Kaninong mga bata ’to?”
Hindi ko alam kung paano magsisimula. Ngunit bago ko pa mabuksan ang bibig ko, isang boses ang sumingit.
“Ako na ang magpapakilala,” malamig pero diretso na sabi ni Norwen. Lumapit siya, taas-noo, nakatitig kay Mama.
Ako naman, halos hindi makahinga.
“Ako po si Norwen,” aniya, at walang kagatol-gatol na idinagdag, “ako ang mapapangasawa ni Flor.”
Parang sumabog ang katahimikan sa paligid. Natigilan si Mama, napakapit sa dibdib niya.
“Ano?!” halos hindi siya makapaniwala. “Flor, totoo ba ’to?”
Nanlamig ako sa kinatatayuan ko. Hindi ko alam kung paano sasagutin, lalo na’t naroon ang tatlong bata na nakikinig.
Ngunit si Norwen, hindi man lang natinag.
Malamig pa rin ang boses niya, pero matatag.
“Totoo po. Ikakasal na kami ni Flor.”
Halos mahulog ang balikat ko sa bigat ng mga salitang iyon. Kita ko ang pagkagulat sa mukha ni Mama—hindi lang basta gulat, kundi halong tanong, halong takot, at halong pagdududa.
Ang tatlong bata naman, sabay-sabay pang nagpalakpakan.
“Yehey! Kasal! Kasal! Kasal!” kanta pa nila na parang cheerleaders, hindi alintana ang tensyon sa pagitan naming tatlo.
Ako naman, napapikit na lang. Wala na akong magawa kundi tanggapin ang eksenang ito—isang banggaan ng nakaraan, ng kasalukuyan, at ng kinabukasang hindi ko alam kung handa akong harapin.
“At itong tatlo?” tanong ni Mama, bakas ang pagtataka sa kanyang tinig.
“Mga anak ni Elena, Ma,” mahina kong sagot.
Lalong nanlaki ang mga mata ni Mama at napaatras siya nang bahagya.
“Nako… ito na pala ang mga anak ni Elena.” Saglit siyang napabuntong-hininga, saka muling tumingin sa akin. “Pumasok muna kayo. Ipaliwanag niyo sa akin itong kasal na sinasabi niyo.”
Inakay niya ang mga bata papasok ng bahay. Agad namang sumunod ang tatlo, masiglang nagkukuwentuhan na para bang hindi nila ramdam ang bigat ng sitwasyon.
Naiwan akong nakatayo sa tapat ng pinto, nakatingin kay Norwen. Tahimik siya, ngunit matatag ang mga mata, para bang ipinapakita na hindi na niya babawiin ang mga salitang binitiwan niya.
Wala akong nagawa kundi ang sabayan siyang pumasok sa loob ng bahay—handa, o baka hindi pa, na harapin ang susunod na eksena.