CHAPTER 5
Flor
Paglabas namin ng restaurant, ramdam ko pa rin ang bigat ng hangin sa paligid. Halos wala akong narinig na salita mula kay Norwen habang naglalakad kami papunta sa sasakyan. Parang gusto kong lunukin na lang lahat ng kinain ko kanina at magkunwaring walang nangyari, pero hindi ganoon kadali. Lalo na’t hanggang ngayon, bumabalik sa tenga ko ang malamig niyang tinig habang binabalewala ang kasal namin—ang buhay na nakataya rito.
Si Dra. Beltran, gaya ng inaasahan, ngumiti pa rin bago kami tuluyang sumakay. Para bang walang nangyari, gaya ng isang inang pilit tinatabunan ng saya ang tensyon sa pamilya. “Paano, iha. Mauna na kayo dahil may pupuntahan pa kami,” aniya habang hinahaplos ang braso ko. “Salamat sa pagsama.”
Tumango ako at pilit na ngumiti. Pero nang maisara ko na ang pinto ng sasakyan, parang biglang sumabog ang katahimikan.
Ang tatlong bata, mukhang pagod na sa kakulitan kanina, agad na nakatulog sa likod. Si Dra. Beltran, naiwan sa restaurant kasama si Dr. Beltran, kaya kaming dalawa lang ang bumalik sa bahay—ako at si Norwen.
Siya ang nagmaneho. Tahimik. Walang kahit anong musika, walang usapan, puro ilaw lang ng mga poste at ugong ng makina ang pumupuno sa sasakyan.
Sinubukan kong tumingin sa kanya. Nakakunot ang noo, nakatutok sa daan, parang wala ako sa tabi niya. At doon, parang hindi ko na kayang kimkimin ang lahat.
“Norwen…” mahinahon kong tawag, halos pabulong lang.
Walang sagot.
“Bakit mo pinapakita sa kanila na wala kang pake? Ako ba talaga ang problema o ikaw?”
Bahagya siyang kumunot lalo ang noo, pero hindi tumingin. Tila nag-aalangan kung sasagot ba siya. Ilang segundo pa ang lumipas bago siya nagsalita, malamig pa rin ang tinig niya.
“Flor, huwag mo akong pilitin.”
Humigpit ang hawak niya sa manibela. “Hindi lahat ng tao, kayang magmahal ng iba.”
Para akong binuhusan ng malamig na tubig. “Iba?” bulong ko sa sarili, halos hindi ko mapigilan. May ibig bang sabihin iyon? May iba siyang mahal?
Gusto kong itanong. Gusto kong himayin ang bawat salitang lumabas sa bibig niya. Pero nanatili akong tahimik. Ayaw kong lalo siyang lumayo.
Kaya hanggang makarating kami sa bahay, wala na akong nasabi pa.
Pagdating namin, mabilis niyang inihinto ang sasakyan sa garahe. Bumaba siya at walang sabi-sabing binuksan ang pinto sa likod. Napatigil ako. Hindi ko inasahan ang simpleng galaw na iyon. Parang instinct lang, pero sapat para mapatigil ang paghinga ko.
“Huwag mo nang buhatin—” pero kinuha na niya agad si Kingston, maingat na binuhat mula sa upuan.
“Magaan lang siya,” dagdag ko, pero hindi siya sumagot. Dire-diretso lang siyang naglakad papasok ng bahay, karga ang bata na parang siya ang matagal nang sanay gawin iyon.
Ako naman, walang nagawa kundi buhatin si Valeria. At sa totoo lang, parang may kakaibang bigat ang bawat hakbang ko—hindi dahil mabigat si Valeria, kundi dahil ramdam kong kahit sa simpleng pag-akay ng mga bata, parang muling pinapaalala sa akin kung sino ang tunay na may-ari ng mundong kinalalagyan ko ngayon. Siya. Si Norwen.
Habang karga-karga ko si Valeria, naglakad naman si Violet, mabuti at gising na ito.
Pagpasok namin, maingat na inihiga ni Norwen si Kingston sa sofa. Saglit siyang tumigil, nakatalikod sa akin. Para bang may sasabihin, pero agad ding tumalikod at naglakad palayo.
“Salamat,” mahina kong sabi.
Bahagya siyang lumingon, tumango lang nang marahan, walang emosyon, bago tuluyang naglakad patungo sa kusina.
Nanatili akong nakatayo roon, sinusundan siya ng tingin. Hindi ko alam kung matatawa ba ako o maiiyak. Ang lamig niya pero minsan, may mga maliliit na kilos na parang hindi tumutugma sa mga salita niya.
Huminga ako nang malalim bago naglakad patungo sa kuwarto, buhat-buhat si Valeria. Maingat ko siyang inihiga sa kama, dahan-dahan, para hindi magising. Hinagod ko pa ang buhok niya at tinitigan ang payapang mukha ng bata. Sa kanila lang ako nakakahanap ng katahimikan—sa mga inosente nilang ngiti at paghinga. Sila ang mga anak ng kaibigan kong si Elena. Hindi ko nga alam kung sino ang ama nila dahil hindi naman sinasabi sa akin ang kaibigan ko. Tuwing weekend dito sila sa akin. Sa laboratory din ng mga Beltran nagta-trabaho ang ina nila.
Pagbalik ko sa sala, kinuha ko ang nakatuping kutson at inilatag iyon sa gitna. Doon kasi nakasanayan ng mga bata na sabay-sabay kaming natutulog. Ang lambing ng pakiramdam na magkahilera kami, magkakatabi. Sa tuwing dito sila natutulog dito talaga kami sa sala.
Mula sa kusina, rinig ko ang boses ni Violet—makulit, parang walang kapaguran.
“Daddy, pwedeng ice cream? Kahit konti lang?”
Napailing ako habang nakaluhod sa sahig, pinapantay ang kutson. Narinig ko rin ang sagot ni Norwen, mababa at matatag ang tono.
“Hindi mo ako Daddy okay?" Malamig na tugon ni Norwen sa bata. "Saka gabi na. Hindi na pwede ang ice cream.”
“Hmmph! Pero bakit po, Norwen? Kahit maliit lang? Hindi naman ako lalaki agad kung konti lang ang kakainin ko.”
Napakagat ako ng labi sa tawag na iyon ni Violet kay Norwen.
“Wala kang galang na bata ka. Tito ang itawag mo sa akin. Saka hindi iyon ang dahilan kung bakit hindi pwede kumain ng ice cream," malamig na sagot ni Norwen. “Kapag kumain ka ng matamis sa gabi, mabubulok ang ngipin mo.”
“Mabubulok?” Halos mapahalakhak si Violet sa tanong niya. “Eh, Daddy Tito, bakit may ngipin ka pa? Di ba, dati bata ka rin? Kumakain ka rin ng ice cream?”
Saglit na natahimik ang kusina. Halos mapangiti ako. Si Violet talaga, walang sinasanto, kahit si Norwen.
“Hindi ako makulit gaya mo noon,” matipid na tugon ni Norwen.
“Eh, bakit ako bawal, tapos ikaw hindi? Hindi ba unfair yun, Daddy Tito?”
Narinig ko ang mahinang buntong-hininga ni Norwen, halatang pinipigilan ang inis. Pero sa tenga ko, parang pinipigilan din niya ang mapatawa.
“Hindi lahat ng gusto, nakukuha, Violet. Matulog ka na.”
“Pero Daddy…”
“Hindi nga ako ang Daddy mo, Violet!” matigas na ang boses niya ngayon.
Napailing ako at bahagyang natawa nang palihim. Ang batang iyon, hindi talaga mauubusan ng tanong.
"Eh 'di, Papa na lang ang itawag ko sa'yo!" makulit na tugon ni Violet kay Norwen.
"Bahala ka nga!" rinig kong sagot ni Norwen sa bata.
Paglingon ko, nakita kong si Kingston ay nakahiga pa rin sa sofa. Maingat ko siyang binuhat—ramdam ko ang bigat ng katawan ng bata na tulog na tulog, nakayakap pa sa maliit na kumot. Inilapag ko siya sa kutson na inilatag ko sa sala. Saglit akong napatitig, inayos ang unan sa ilalim ng ulo niya.
Pag-angat ko ng mukha, naroon si Norwen, nakatayo sa may kusina, tahimik na nakamasid. Hindi siya nagsasalita, pero ramdam ko ang bigat ng tingin niya habang pinagmamasdan ang bawat galaw ko. Para bang may gusto siyang itanong, pero kinikimkim.
Naglakad ulit ako pabalik sa kuwarto para kunin si Valeria. Binuhat ko siya at itinabi kay Kingston. Tila kampante ang mga bata kapag magkasama, parang may kasiguraduhan silang ligtas. Inayos ko pa ang kumot, hinagod ang kanilang buhok, bago ako lumayo.
Paglingon ko, naroon pa rin si Norwen. Nakapamulsa, tahimik, pinapanood lang ang bawat ginagawa ko.
“Violet,” tawag ko, medyo malumanay pero may diin.
“Po, Mama?” sagot niya mula sa kusina, kasama pa rin si Norwen.
“Magpunas ka muna ng katawan bago matulog. Saka magbihis, ha? Para presko ka.”
Umirap pa siya bago naglakad papunta sa akin. “Mama naman eh… pagod na ako. Pwede bukas na lang?”
Umiling ako, hinaplos ang balikat niya. “Hindi, anak. Gusto mo bang pawis ka habang natutulog? O gusto mong magkasakit?”
Napabuntong-hininga siya, napatingin kay Norwen na nakamasid pa rin. “Papa, kailangan ba talaga magpunas? Hindi ba pwede diretso na lang matulog?”
Bahagyang kumunot ang noo ni Norwen, pero nanatiling tahimik.
“Ayan o, si Papa hindi sumasagot. Ibig sabihin pwede na.”
“Violet.” Mas matatag ang tono ko. “Magpunas ka. Hindi porke’t tahimik siya, ibig sabihin oo na agad.”
“Pero Mama, bakit ako lang? Si Kingston at si Valeria, hindi nagpunas ah!”
“Dahil tulog na sila,” paliwanag ko. “Hindi na natin sila gigisingin. At pupunasan ko sila ng towel at bibihisan. Pero ikaw, gising pa, kaya susundin mo ako.”
Napailing siya, nakapout pa ang labi. “Eh bakit kailangan pang magpunas, Mama? Hindi ba’t bukas maliligo rin naman ako?”
Napatingin ako kay Norwen, umaasang sasalo siya ng paliwanag. Tahimik lang siya, pero hindi inaalis ang tingin kay Violet—at sa akin.
Lumuhod ako sa harap ng bata, hinawakan ang kanyang pisngi. “Violet, minsan kailangan nating gawin ang mga bagay na hindi natin gusto kasi 'yon ang makabubuti sa atin. Naiintindihan mo?”
Sandali siyang natigilan, nakatingin sa akin, tapos biglang ngumiti. “Parang si Papa?”
Nagulat ako. “Ha? Anong ibig mong sabihin?”
“Si Papa,” sagot niya, tumuro kay Norwen. “Lagi siyang mukhang hindi niya gusto 'yong ginagawa niya, pero ginagawa pa rin niya. Kasi sabi niya, may mga laban na hindi puwedeng piliin.”
Parang may malamig na dumaloy sa dibdib ko. Napatingin ako kay Norwen, pero agad niyang iniwas ang tingin.
Si Violet, walang kamalay-malay, nakangiti lang. “O, Mama, tama ba ako?”
Hindi ako nakasagot agad. Napahigpit lang ang hawak ko sa kanya. At sa likod ng katahimikan, ramdam ko ang bigat ng mga salitang binitiwan ng isang batang wala pa sa hustong gulang.
Tahimik kong hinaplos ang buhok ni Violet bago siya tinulak nang marahan papunta sa banyo. “Sige na, magpunas ka na, ha? Tapos balik ka dito.”
Napangiwi siya, parang ayaw pa rin sumunod. Pero nang mapansin niyang nakatingin si Norwen mula sa kusina, mabilis siyang kumaripas, baka sakaling pagalitan.
Naiwan ang katahimikan sa sala. Ang tanging maririnig ay ang mahinang ugong ng aircon at ang huni ng kuliglig sa labas. Inayos ko ulit ang kumot kina Kingston at Valeria, sinigurong walang bahagi ng katawan nila ang malamigan. Ang mga mukha nila’y payapa, parang walang mabigat na mundo na kailangang pasanin.
Maya-maya’y bumalik si Violet, dala-dala ang maliit na tuwalya. Basa pa ang buhok at amoy sabon. Napangiti ako kahit irap ang ibinigay niya sa akin. “O, Mama, ha, sumunod na ako. Pwede na ba akong matulog ngayon?”
Tumango ako at itinuro ang kutson. “Sige, tabi ka na sa kanila.”
Humiga siya sa kanan ni Valeria, at gaya ng nakasanayan, agad niyang iniyakap ang braso sa kapatid. Sa loob lamang ng ilang minuto, narinig ko na ang maliliit niyang hilik, senyales na tuluyan na siyang dinalaw ng antok.
Ako nama’y naupo sa gilid ng kutson, pinagmamasdan silang tatlo. May kung anong bigat na unti-unting gumaan sa dibdib ko sa tuwing nakikita kong buo silang magkakatabi. Kahit hindi sila sa akin nagmula, para sa akin sila ang tahanan.
Pag-angat ko ng ulo, naroon pa rin si Norwen. Tahimik. Hindi kumikibo. Nakapamulsa, nakatayo lang sa malayo, pero ang mga mata niya, tila nakabaon sa bawat kilos ko.
Hindi ko alam kung gaano katagal ang lumipas, pero ramdam ko ang bigat ng tingin niyang iyon. Tila may sinasabi, pero wala akong marinig.
Tumayo ako, dahan-dahang lumapit sa kanya. Hindi ko rin alam kung bakit—siguro dahil gusto kong basagin ang katahimikan. O baka gusto ko lang siyang lapitan.
“Matutulog na rin ako,” mahina kong sabi, halos pabulong, para hindi magising ang mga bata.
Hindi siya sumagot agad. Pinanood lang niya ako, saka marahang tumango.
“Flor…” Sa unang pagkakataon ngayong gabi, narinig ko ang boses niya na tila may bahid ng pagod, hindi lang sa katawan kundi pati sa kaluluwa. “saan ba ang mga magulang ng mga 'yan?"
Napatigil ako. “Ano?”
“Bakit ikaw ang nagbabantay sa kanila??” Binaling niya ang tingin sa mga bata, saka muling tumingin sa akin. “Paano mo nakakayana? Ang pag-aalaga sa kanila. Ang pakikisama sa akin. Ang lahat ng… laban na ayaw mo namang pasukin.”
Parang biglang natuyo ang lalamunan ko. Gusto kong sumagot, pero walang salitang lumabas. Kaya ngumiti na lang ako, pilit, at umiling nang bahagya.
“Hindi sila pabigat,” bulong ko. “Kahit kailan, hindi sila magiging pabigat. Kaibigan ko ang Mommy nila. Nasa sinapupunan pa lang sila ng ina nila nandito na ako para sa kanila. Saka hindi naman sila mahirap alagaan."
Sandaling natigilan si Norwen. Kita ko sa mga mata niya ang pag-aalangan—parang may gustong sabihin pero pinipigil. At bago pa ako makapagtanong, dahan-dahan siyang tumalikod.
“Matulog ka na,” mahina niyang sabi habang naglakad patungo sa kanyang silid.
Nanatili akong nakatayo, nakatitig sa papalayong anino niya. Sa sandaling iyon, para akong naiwan sa gitna—hati ang damdamin, mabigat ang tanong na hindi niya tinapos, at ang katahimikan na lalo lang nagpapalalim sa pagitan naming dalawa. Uminom muna ako ng tubig.
Pagbalik ko sa sala, nahiga ako sa tabi ng mga bata. Pinikit ko ang mga mata, pero hindi agad dinalaw ng antok. Sa bawat pintig ng puso ko, ramdam ko ang tanong na iniwan niya.
Mabigat ba?
O baka siya ang tunay na bigat na pilit kong kinikimkim?
At bago tuluyang maputol ang ulirat ko, naramdaman ko ang mga matang nakamasid mula sa pinto ng kanyang silid—mabilis, sandali lang, pero sapat para muling gumulo ang puso kong pilit kong pinapakalma.