CHAPTER 4
Flor
Parang naiwan sa tenga ko ang bawat salitang binitiwan ni Norwen. Kahit anong pilit kong alisin sa isip ko ang tono ng panlalait niya, paulit-ulit iyong bumabalik, parang sugat na hindi matigil ang pagdurugo.
Habang nakasakay ako sa taxi papunta sa ospital, nakatingin lang ako sa labas ng bintana. Ang bilis ng pagdaan ng mga tanawin, pero sa utak ko, mabigat pa rin ang lahat.
“Hindi ako magiging mabait na asawa mo, Flor.”
Muling sumagi iyon sa isip ko. Napapikit ako. Hindi ba’t alam ko namang mula’t sapul, wala talaga akong aasahang pagmamahal mula sa kanya? Pero iba pa rin pala ang sakit kapag mismong siya ang nagsasabi noon, tuwid sa mga mata ko, walang pag-aalinlangan.
Huminga ako nang malalim. “Hindi ako nandito para sa kanya,” mahinang bulong ko sa sarili, pinilit kong patatagin ang dibdib ko. “Ginagawa ko ‘to para kay Papa… at para makasama ko pa si Papa ng matagal at mabuo ulit kami.”
Pagdating ko sa ospital, agad kong sinuot ang ID at nagtungo sa radiology department kung saan ako naka-duty bilang resident. Sinalubong ako ng ilan kong kasamahan—mga technologist at co-residents—na agad na bumati. May ilan pang pabirong nagsabi na mukhang puyat na naman ako. Pinilit kong ngumiti pabalik, kahit ramdam ko pa rin ang bigat na dinadala ko sa loob.
“Flor, ikaw na muna sa Ward C,” sabi ni Nurse Carla, habang inaabot sa akin ang logbook. “Medyo toxic doon ngayon. Kailangan ng extra kamay.”
Tumango ako, mabilis kong kinuha ang logbook at nagtungo sa ward. Pagpasok ko, sinalubong agad ako ng mga pasyente—may kailangang palitan ng dextrose, may kailangang ayusin ang oxygen tank, at may batang umiiyak dahil takot sa injection.
Doon ako muling nahugot sa kasalukuyan. Sa bawat pasyenteng inaasikaso ko, kahit papaano, nawawala ang bigat na dala ko. Sa tuwing nakikita kong humuhupa ang sakit nila o nagiging maayos ang lagay nila dahil sa simpleng tulong ko, pakiramdam ko kahit paano ay may saysay ang pagod ko.
“Flor,” tawag ni Dr. Martinez, ang isa sa mga doctor sa ward. “Salamat ha, kung wala ka, baka magka-panic na dito.”
Ngumiti ako ng mahina. “Wala po iyon, Doc. Ginagawa ko lang po ang trabaho ko.”
Sandali siyang natigilan, saka ngumiti rin. “Minsan, hindi lang trabaho ‘yan. Alam mo ba, iba ang epekto mo sa mga pasyente. Hindi lang gamot ang kailangan nila, kundi malasakit. At meron ka noon, Flor. Huwag mong kakalimutan ‘yon.”
Parang tumama nang diretso sa puso ko ang sinabi niya. Para bang iyon ang paalala na kailangan kong marinig—na may halaga ako, na hindi ako basta-basta lang gaya ng tingin sa akin ni Norwen.
Mabilis lumipas ang oras. Halos hindi ko namalayan na tanghali na pala. Habang kumakain ako ng baon kong sandwich sa pantry, bigla kong narinig ang notification ng cellphone ko.
Nakita ko ang pangalan sa screen: Dra. Beltran.
Parang biglang nanikip ang dibdib ko. Dahan-dahan kong sinagot ang tawag.
“Hello po, Dra.?”
“Flor, hija,” malumanay ang boses niya pero may diin. “Huwag mong kalimutan ang dinner mamaya. Gusto naming kumain tayong lahat, kasama ang mga bata at si Norwen. Ihahatid ni Elena ang mga bata bago siya duty niya, pero kung gusto mo, sunduin ka na lang namin.”
Agad kong sinilip ang relo ko. Alas-siyete ng gabi ang labas ko. “Ah… hindi na po, Dra. Kaya ko na pong bumiyahe. Diretso na lang po ako sa bahay.”
“Sige. Basta magpaganda ka pa lalo, para mabihag mo ang anak namin. Excited na ako pag-usapan ang tungkol sa kasal ninyo.”
Ngumiti ako kahit hindi niya nakikita. “Opo, Dra. Magkita po tayo mamaya.”
Pagkababa ko ng tawag, doon ko lang naramdaman ang kaba. Dinner kasama sila. Kasama si Norwen. Kasama ang mga triplets ni Elena. Kung excited si doktora, ako naman parang uurong na lang. Ang sungit ng anak nila. Kung alam lang nila ang pinagsasabi ng anak nila sa akin.
Habang naglalakad ako pabalik sa ward, ramdam kong mabilis ang t***k ng puso ko. Hindi ko alam kung handa ba ako sa gabing iyon.
Alas-siyete pasado nang makauwi ako. Pagbukas ko ng gate, agad kong narinig ang ingay ng mga bata. Nasa garden sila tumatakbo at nagtatawanan habang pinagmamasdan ni Dra. Beltran.
“Flor!” masayang bati agad ni Dra. Beltran nang makita ako. “Tamang-tama, kakaupo lang namin.”
Nakangiti akong lumapit, agad akong sinalubong ng mga bata. Yumakap sila sa akin sabay-sabay, parang matagal na kaming hindi nagkita.
“Tita Flor! Ang tagal mo!” reklamo ni Violet, sabay pout.
“Doktor kasi si Tita, maraming inaasikaso sa ospital,” paliwanag ko, sabay haplos sa ulo nila. “Pero andito na ako.”
Narinig ko ang mahinang pag-ubo mula sa gilid. Doon ko nakita si Norwen—nakaupo sa dulo ng mesa na nasa labas, naka-cross arms, malamig ang ekspresyon. Hindi siya nagsalita, pero ramdam ko ang tingin niya sa akin.
“Magbihis ka na muna, hija,” tawag ni Dra. Beltran, nakangiti. “Aalis na rin tayo. Naghihintay na si Dr. Beltran doon sa restaurant.”
Tumango ako at pumasok sa loob ng bahay. Pagpasok ko, bahagya akong napatigil. Nanibago ako dahil sobrang linis ng kabuuan ng bahay—wala man lang alikabok na makikita sa mga muwebles, at maayos ang pagkakaayos ng mga gamit. Ang bango rin ng paligid, parang bagong linis lang kanina. Ibang-iba talaga… hindi ko akalaing ganito ka-organizado si Norwen sa loob ng bahay niya. Sa simpleng bagay na ito, nakilala ko siyang muli—tahimik, malinis, at disiplinado.
Agad akong nagtungo sa silid at nagbihis ng simpleng dress. Ayaw ko namang magmukhang sobra sa okasyon, lalo pa’t alam kong pormal ang pupuntahan naming restaurant. Nang matapos ako, huminga ako nang malalim at lumabas muli.
Nakangiti na nakatingin sa akin si doktora, at si Norwen na naghihintay malapit sa pintuan. Walang emosyon sa kanyang mukha, gaya ng nakasanayan ko, pero naramdaman kong tahimik siyang nagmamasid.
“Sige, tara na,” wika ni Dra. Beltran, na para bang excited makita si Dr. Beltran.
Hinawakan ko ang kamay ni Kingston, isa sa triplets ni Elena. Si Violet at Valeria naman nakahawak sa magkabilang kamay ni Dra. Beltran.
Humakbang kami patungo sa loob ng sasakyan. Si Norwen ang nag-drive ng sasakyan, habang si Dra. Beltran at ako ay magkatabi sa likod. Tahimik lang si Norwen, nakatutok sa daan, malamig pa rin ang ekspresyon na tila walang nababanaag na emosyon. Ako nama’y nakatanaw sa labas ng bintana, pilit nilulubog ang kaba sa dibdib ko.
Hindi ko alam kung kinakabahan ako sa pag-usapan tungkol sa kasal o dahil naroon si Norwen—ang lalaking nakatakda kong pakasalan, pero hindi ko pa rin lubos makilala hanggang ngayon.
Habang nasa biyahe kami, biglang bumasag sa katahimikan ang boses ni Violet. Makulit siyang nakasandal sa upuan, nakapaling pa ang ulo sa akin na para bang ini-interrogate ako.
“Tita Flor,” simula niya, nakangiti nang pilya, “si Tito Norwen ba… doon nakatira sa bahay mo?”
Natawa si Dra. Beltran sa unahan at bahagyang napa-iling, pero ako naman ay bahagyang napatigil. “Ha? Bakit mo naman naitanong iyan?” balik kong tanong, kunwari’y kalmado kahit medyo kumabog ang dibdib ko.
“Eh kasi po,” sagot ni Violet, kumindat pa, “doon siya galing sa loob ng bahay mo. Pwede ba namin siya maging Daddy?"
Ramdam kong umiinit ang pisngi ko. Hindi ko alam kung dahil sa hiya o dahil hindi ko talaga alam kung paano sumagot.
“Hindi ko alam Violet. Siya ang tanungin mo,” sagot ko nang mahinahon at tumingin kay Norwen na wala man lang reaksyon sa tanong ng bata. “Ang bahay na tinutuluyan natin, hindi akin iyon kundi sa kaniya. Nakikitira lang ako."
“Talaga po ba?” balik agad ni Violet, hindi pa rin makuntento. “Eh bakit parang ang dami-dami niyong alam tungkol sa kanya?”
Napatingin si Norwen sa bata, saka marahang nagtanong, “Violet, nasaan ba ang daddy ninyo?”
Nagkibit-balikat lang ang bata, para bang hindi ganoon kahalaga ang tanong. “Ewan ko po. Basta si Mommy lang kasama namin lagi.”
Bago pa muling makapagsalita si Violet, sumabat si Dra. Beltran, nakangiti ngunit may bahid ng kasiguruhan ang tono. “Alam mo, Violet, magiging kay Tita Flor mo na rin ang bahay na iyon. Lalo na’t malapit na ang kasal nila ni Tito Norwen niyo.”
Parang biglang nanikip ang dibdib ko sa sinabi niya, habang si Violet naman ay napakunot-noo, tila nagtataka sa narinig.
Lumipas ang ilang minuto, at sa wakas ay nakarating na kami sa restaurant. Tahimik kami sa biyahe—tila ba bawat isa ay abala sa kani-kaniyang iniisip. Nang pumarada na si Norwen, agad kong naramdaman ang malamig na simoy ng hangin mula sa loob ng lugar.
Sa may pintuan pa lang ay nasilayan ko na si Dr. Beltran, nakaupo sa isang reserved na mesa malapit sa malaking bintana. Nakangiti siya at marahang kumaway nang makita kami. Para bang kanina pa siya naghihintay.
Ramdam ko ang bahagyang pag-igting ng paligid—tila may mabigat na usapan na muling mangyayari.
Umupo ako sa bakanteng upuan sandali, pero ramdam ko na agad ang init ng eksenang ito—ang mga bata, excited na nagtatawanan habang nag-aabang ng pagkain sa mesa.
Sa mata ng iba, perpekto ang larawang iyon—isang masayang pamilya, sabay-sabay na lalabas para maghapunan.
Pero sa likod ng ngiting pinipilit kong ipakita, ramdam ko ang lamig ng titig ni Norwen. Para bang sinasabi niya, huwag kang umasa, Flor. Hindi ka kailanman magiging bahagi ng mundong ito.
At doon, muli kong naramdaman ang bigat.
Kung ganito palagi ang buhay na haharapin ko… handa ba talaga akong manatili rito, kahit kapalit nito ay ang pagkatao ko?
Tahimik lang akong nakaharap sa magulang ni Norwen. Nakangiti si Dra. Beltran, samantalang si Dr. Beltran ay nakataas ang kilay, para bang sinusuri si Norwen na parang isang pasyente. Si Norwen naman ay tila naiinis sa bawat paghinga niya, halos hindi makatingin sa akin.
Naghihintay pa lang kami na ihain ng waiter ang inorder nilang pagkain, pero ramdam ko na ang bigat ng usapan.
“Ayaw ko ng engrandeng kasal,” malamig na bungad ni Norwen, nakasandal at parang walang pakialam. “Kung ako ang masusunod, simple lang. Sa huwes na lang para mabilis matapos.”
Halos mabilaukan ako sa sarili kong laway. Hindi ba’t kami pa lang ang nasa gitna ng usapan, pero para bang gusto na niyang tapusin agad ang lahat?
“Norwen!” mariing sambit ni Dra. Beltran, hindi maitago ang pagkadismaya. “Anong klaseng sagot ’yan? Minsan lang kayong ikasal ni Flor, tapos huwes lang? Hindi ba’t dapat igalang mo rin siya at ang pamilya niya?”
Napakunot ang noo ni Dr. Beltran. “Hindi lang ito tungkol sa’yo, hijo. Kasal ’to. Hindi ito parang kontrata sa ospital na pipirmahan at tapos na.”
Napabuntong-hininga si Norwen at nilaro ang kutsara sa harapan niya. “Bakit kailangan pang palakihin? Hindi ba sapat na ikasal kami? Ano pa ba ang habol ninyo?”
“Tradisyon, Norwen,” madiin na sagot ni Dra. Beltran. “At respeto. Hindi lang sa amin, kundi sa magiging asawa mo.”
Napatingin sila sa akin, tila hinihintay ang sagot ko. Nanlamig ang mga palad ko pero pinilit kong ngumiti. “Para sa akin po, ayos lang naman kung saan. Hindi ko po pinapangarap ang engrandeng kasal. Ang mahalaga po ay—”
“Flor.” Matigas na putol ni Norwen, nakatingin sa akin nang diretso. “’Wag ka nang magpanggap. Alam natin pareho, hindi mo rin naman gusto ’to.”
Nalaglag ang puso ko sa narinig. Napatingin ako kay Dra. Beltran, na mabilis namang nagsalita para putulin ang tensyon.
“Hindi mo pwedeng idamay si Flor sa galit mo, Norwen,” singhal ng doktora. “Kung ayaw mo, sabihin mo nang diretsahan sa amin—huwag sa harap niya.”
Tumikhim si Dr. Beltran, halatang naiinis na rin. “Kung hindi mo kayang panindigan ang kasal, mas mabuti pang ngayon pa lang magdesisyon ka. Hindi ’yong para kang batang nagtatampo.”
Napayuko ako, pinaglalaruan ang baso ng tubig sa harapan ko. Gusto ko sanang magsalita, pero pakiramdam ko kahit ano’ng sabihin ko ay baka maging mitsa lang ng mas malaking gulo.
Narinig ko ang pag-igting ng boses ni Norwen. “Hindi ako batang nagtatampo. Ang punto ko lang—kung hindi ko gusto ng engrandeng kasal, bakit ninyo ako pipilitin? Saka kayo ang may gusto nito, hindi ba? Pumili ng babae para sa akin pati ba naman sa kasal kayo pa rin ang masusunod Mom, Dad!”
Hindi na napigilan ni Norwen ang inis. Para na siyang sasabog sa harap ng mga magulang niya sa harap namin. Mabuti na lang naka-focus ang tingin ng mga bata sa iPad nila. Kaya hindi naramdaman ang tensyon sa paligid.
“Dahil hindi lang ikaw ang ikakasal!” malakas na sagot ni Dra. Beltran. “May babae rito na pumapayag na ibigay ang sarili niya sa’yo kahit halatang ayaw mo. Huwag mong insultuhin si Flor sa harap namin.”
Nagtagpo ang mga mata namin ni Norwen. Walang emosyon. Wala ni katiting na lambing o kahit respeto. Parang pasanin lang talaga ako sa buhay niya.
At sa loob-loob ko, unti-unti kong naramdaman ang tanong na kanina pa umaaligid sa isip ko: Kung ganito palagi ang trato niya, handa ba talaga akong manatili rito, kahit kapalit nito ay ang pagkatao ko?