KAPAG kasama mong lumaki ang isang tao, minsan ay hindi mo masabi kung maganda o guwapo sila. I saw Mattie when she was just a newborn. I’ve seen her at her best and worst—without really knowing it had been her best and worst. Sinasabi ng lahat na ang ganda ni Mattie ay parang sa anghel—maamo at magiliw. Para daw siyang kerubin noong bata. Ang sabi ng mga manliligaw niya, kapag ngumiti siya ay biglang nagliliwanag ang paligid.
Paano ko nalaman ang tungkol sa mga manliligaw? Binabasa namin ni Andres ang love letters na natatanggap ni Mattie. Siyempre. Sampung taong gulang pa lang si Mattie ay marami nang nagpapadala ng sulat sa kanya. Marami na ang nagkaka-crush. Lalo iyong dumami pagtuntong niya sa high school.
Nagagalit si Andres dahil bawal ligawan si Mattie. Kung maaari lang ay pagbubuhulin niya ang lahat ng mga nagpapadala ng sulat sa kanyang kapatid. Ako naman ay natatawa sa lahat ng nababasa kong pamumuri sa kagandahan ni Mattie. Minsan ay inaasar ko pa si Mattie. In my mind, Mattie would always be Mattie. I always made fun of her. I always teased her.
May panahon sa buhay ko na ni hindi ko man lang inakala na magiging katulad ako ng mga boys na nagpapadala kay Mattie ng sulat. Hindi ko inakala na maliligalig niya nang husto ang puso ko.
What changed me? She attended her prom.
We’ve practically seen each other grew up. Sumama si Mattie noong nagpatuli ako. Gusto pa nga niyang hagkan ang sugat para daw gumaling kaagad. I ran away from her. Pinagtawanan niya ako sa kakaibang lakad ko habang nakasuot ng pinasadyang maluwang na shorts dahil ayaw kong magpalda. Nasaksihan ko kung paano mag-freak out si Mattie noong unang beses siyang datnan. Akala kasi niya ay mamamatay na siya dahil nagbi-bleed siya. Naroon kami ni Andres habang ipinapaliwang sa kanya ni Ninang Martinna ang nangyayari. Nakaabang kami ni Andres sa hagdan nang tumalon si Mattie nang tatlong baitang para tatlong araw lang siya magkakaroon. Ipinaliwanag ng daddy niya na hindi iyon totoo at walang scientific basis, ngunit mas naniwala si Mattie sa kaklase niyang nagkuwento niyon.
Nag-aaral na ako sa kolehiyo noong um-attend si Mattie ng kanyang unang prom. Mas malawak na ang mundo ko. I’ve been with girls. I had three girlfriends before I turned eighteen. Hindi naman gaanong serious. Fun-fun lang.
Mattie had been so excited for her prom. Kauumpisa pa lang ng ikatlong taon niya sa high school ay naghahanap na siya ng magandang isusuot na gown at sapatos. Iniisip na niya kung sino ang kanyang magiging partner. Sa eskuwelahang pinapasukan niya, maaaring mamili ng ka-date ang mga babae tuwing prom. Maaari ding magsama ng outsider.
“I’m gonna dance all night,” she dreamily told us one Sunday afternoon. Nasa sala kaming tatlo ng bahay namin. Exams week sa linggong iyon kaya hindi na lang kami lumabas. Sundays were still sacred for both families. Kahit na ano ang mangyari ay kailangang magkakasama kami sa araw ng Linggo.
Hindi namin siya gaanong pinansin ni Andres. Pareho kaming abala sa PlayStation. Nagkaroon na ako ng ibang mga kaibigan sa unibersidad ngunit si Andres pa rin ang itinuturing kong matalik na kaibigan.
“It’s going to be a perfect night for me,” pagpapatuloy ni Mattie.
“Huwag kang masyadong magplano at baka maudlot,” sabi ko habang hindi tumitingin sa kanya.
“Paano mauudlot ang prom?” ganti niya habang nauupo sa tabi ko. Sinubukan niyang makialam sa controller ko pero maagap ko iyong nailayo sa kanya.
“Baka magkabagyo o magkalindol.”
“`Wag mo ngang ipagdasal,” naiinis na sabi niya sa akin.
“Or worse, baka magkabulutong ka, Mattie. Lahat ng paghahanda mo, mawawalan ng saysay,” nakangisi ko pang tudyo.
Sinakal niya ako. “Huwag kang ganyan! Hindi maaari! I’m gonna experience my first kiss on that night!”
Natigilan ako. Naibagsak ni Andres ang controller niya at naniningkit ang mga matang tumingin sa kapatid. Naiinis na itinuloy ni Mattie ang pagsakal sa akin. “Kasalanan mo ito, eh! I’m not supposed to tell.”
“First kiss, Mattie?” ani Andres sa mapanganib na tinig. Didn’t I tell you already that Andres could be so menacing?
Inalis ko ang mga kamay ni Mattie sa leeg ko dahil nasasaktan na ako at para maharap ko siya nang maayos. Nang tumimo na sa akin ang kanyang sinabi, gusto ko na ring gayahin si Andres sa pagiging menacing. I feel protective of her. I could not imagine her kissing a boy. Pipilipitin ko ang leeg ng sinumang lalaking mangangahas na hagkan si Mattie. Wala namang kakaiba sa nararamdaman ko. Normal iyon. Hindi man ako tinatawag ni Mattie ng “kuya,” parang ganoon na rin naman ako. Iyon ang naging paniniwala ko noon.
Hindi natakot si Mattie sa kuya niya at humalukipkip na naupo sa pagitan namin ni Andres.
“Akala ko ba hindi ka pa nakakapili ng makaka-date sa prom?” tanong ko sa malumanay na tinig. Alam namin ni Andres na maraming kaklase ni Mattie at ilang fourth year ang niyaya siyang maging date. Nabasa pa nga namin ang ilang sulat at natikman ang ilang chocolates na ibinigay ng mga iyon. Nagkatinginan kami ni Andres. Walang salitang namagitan pero nagkaintindihan na kami. Kapag nalaman namin kung sino ang makaka-date ni Mattie na gusto siyang hagkan, gagawan namin ng paraan para hindi siya maka-attend ng prom. Babali lang naman kami ng buto para hindi makalakad ang lalaki. O maaari naming lagyan ng kung ano ang pagkain niya para hindi na makalabas ng banyo.
“Hindi pa nga. Iniisip kong maigi. I want my prom to be perfect.”
“Pero nakakasiguro ka na mararanasan mo ang first kiss mo sa gabing iyon?” paniniguro ko.
Tumango si Mattie. “Napanaginipan ko.”
Sabay kaming napaungol ni Andres. Hayun na naman siya sa mga panaginip. Ngunit hindi namin maikakaila na pareho kaming nakahinga nang maluwag. Akala kasi namin ay may boyfriend na si Mattie.
“Malinaw na malinaw!” giit ni Mattie. “I swear, mangyayari `yon. Hindi ko pa alam kung kanino pero sa prom ko mararanasan ang aking first kiss.” Mukhang nangangarap na siya nang gising base sa kinang ng kanyang mga mata. Her smile was too sweet, too wide and too beautiful.
“Masyado ka lang nawiwili sa pagbabasa ng mga pocketbook,” sabi ko. “Kaya kung ano-anong kalandian ang napapanaginipan mo.”
Kinurot nang pino ni Mattie ang tagiliran ko. “That’ll happen, Jem. Just you wait and see.”
“Hah!” bulalas ni Andres. “Gusto mong makipagpustahan? Hindi `yon mangyayari dahil ako ang makaka-date mo sa gabing `yon.”
“Ano?!” bulalas ni Mattie. “Ayoko sa `yo!”
“Well, too bad,” nang-iinis na tugon ni Andres.
“I hate you!”
“I don’t care. You’re just fifteen. You can’t have your first kiss yet.”
Hindi ko napigilang matawa. Hindi ako pinansin ng magkapatid. Lubos na akong nakampante. Halos nakakasiguro na ako na hindi magkakaroon ng katuparan ang pantasya ni Mattie dahil sa pagmamatyag ng kuya niya. Baka nga walang lalaki ang makalapit kay Mattie. Wala siyang ibang makakasayaw kundi ang kanyang kapatid. Lalo akong natawa. Sweet joy filled my heart.
I ENDED up being Mattie’s date for her prom. Nagkabulutong si Andres. Tuwang-tuwa na sana si Mattie pero hindi nagpatalo ang kuya niya. Iginiit ni Andres na ako ang pumalit sa kanyang puwesto. Sa totoo lang ay hindi ako gaanong excited para sa prom. Noong prom ko ay na-excite ako pero pakiramdam ko ay masyado na akong matanda noon para makigulo sa prom nina Mattie. Paniguradong ako lang ang eighteen years old escort sa party. Paniguradong mababagot lang ako. Pero madalang na madalang humingi ng pabor si Andres at alam kong kinakabahan siya sa mga maaaring mangyari kaya pumayag na rin ako.
Nag-usap kami ni Andres sa telepono habang naghahanda na si Mattie para sa prom. Ang suit na isinuot ko noong high school graduation ang isusuot ko. Hindi ko naman kailangang pumorma dahil puro mga bata ang makakasalamuha ko.
“Alam mo namang baliw si Mattie. Kapag sinabi niyang mararanasan niya ang first kiss niya sa gabing ito, pipilitin niyang mangyari `yon. Gagawa at gagawa siya ng paraan. I want you to be there to watch her like a hawk. She’s not going to have her first kiss tonight.”
“Why don’t we just let her?” nagbibiro ko pang sabi.
“Jamie!”
“What? Tama ka naman. Baliw si Mattie. Kapag may ginusto siya, gagawin niya ang lahat para makuha `yon. Gagawin niya ang lahat ng posibleng paraan. Kahit na siguro paano ako magbantay, mahahagkan pa rin niya. It’s not a big deal, right? It’s just a kiss.”
“Komportable ka bang isipin na may hahalik sa kanya? Kinse lang siya, Jamie!”
Hindi ako komportable ngunit kailangan lang siguro naming tanggapin na dalaga na si Mattie at sa malao’t madali ay mararanasan niya ang mga gaanong bagay. “We were fourteen when we experienced our first kiss,” paalala ko sa kanya. Iisang babae ang nagparanas sa amin ni Andres ng aming first kiss.
“That’s different. Basta bantayan mo siya. Hindi natin maaaring hayaan na manalo si Mattie. Ilayo mo siya sa mga lalaki. Don’t let anyone get too close. Inaasahan kita, Jamie.”
Napapabuntong-hininga na nangako na lang ako na gagawin ang lahat ng aking makakaya. Inihanda ko ang sarili sa isang nakakabagot na gabi. Hindi na ako gaanong nagpapogi dahil alam ko naman na hindi ako makikipagsayaw sa mga kaklase ni Mattie.
Habang hinihintay ko si Mattie sa sala, kinausap ako ni Ninong. Ang dami niyang bilin. Paulit-ulit niyang sinabi na bantayan ko nang maigi si Mattie.
“Ninong, don’t worry too much. Ako na po ang bahala. Sisiguruhin ko na walang hindi magandang mangyayari sa kanya.”
Napapabuntong-hininga na napasandal si Ninong sa sofa. “Hindi ko lang maiwasang mag-alala at matakot. Normal marahil ito sa lahat ng ama. I just can’t believe she’s a young lady already, you know. Parang kailan lang, ang liit-liit lang niya. May hawak na dede saan man magpunta. Ngayon, a-attend na siya ng prom.”
“Bukas, magkaka-boyfriend na siya,” panunudyo ko.
Napaungol si Ninong. “Oh, God.”
Natawa ako nang malakas.
“She’s gonna be my baby forever.”
Hindi na ako nakatugon dahil pababa na si Mattie ng hagdan. Nabaling sa kanya ang lahat ng atensiyon ko. Naikurap-kurap ko ang aking mga mata, hindi gaanong makapaniwala sa nakikita. Si Mattie nga ba ang nakikita kong pababa? Para akong nakakakita ng diyosa na pababa sa lupa.
Tumigil sa pagkurap ang aking mga mata at napatitig na lang sa babaeng alam kong tamad magsuklay, sa babaeng pinagtawanan ko nang mabungi. I can’t believe I was mesmerized by her beauty.
Nakasuot si Mattie ng baby pink na gown. Manipis lang ang strap ng damit at ang balikat na yata niya ang pinakamagandang balikat na nakita ko sa isang babae. Puno ng beads at sequins ang bodice ng gown ngunit hindi natabunan ng kinang ng mga iyon ang kinang ng kanyang ngiti. Yes, I saw what her suitors were talking about that night. Mattie could really light up a room with her smile, with her mere presence. Her makeup was light. Just enough to enhance her beauty. Mas kinulot ni Ninang ang buhok niya at hinayaang nakalugay. Yes, she was a goddess on earth.
Noon ko nakita nang malinaw ang nakikita ng ibang lalaki. Noon ko naintindihan kung bakit ang daming nagpapadala kay Mattie ng love letters. Noon unang niligalig ni Mattie ang nananahimik kong puso. Noon din nag-umpisang magbago ang lahat sa pagitan namin.