6

3086 Words
MATTIE had several large glass jars of promises. Isa para sa mga magulang niya, isa para sa mga magulang ko, isa para kay Andres, isa para sa akin, at isa para sa ibang taong nakikilala niya. May ipinasadyang shelf sa ulunan ng kanyang kama upang mapaglagyan ng mga jar. Noong una ay maliliit na cookie jar lang ang mga iyon, ngunit dahil mabilis na napuno ang isa, nagpabili si Mattie ng mas malalaki. The jars of promises started with me, actually. Pagkatapos kong sabihin kay Mattie ang mga ipinangako ko kay God basta ibalik lang siya sa amin, nagkaroon na siya ng ideya. She started collecting promises. “Kapag hindi n’yo na ako kasama, gusto kong tuparin n’yo lahat ng mga pangakong ibinigay n’yo sa akin. Bago ako umalis, gusto kong makasiguro na magiging maayos kayo.” Tila nag-isip sandali si Mattie. She amended her statement after a while. “Sisiguruhin ko na magiging maayos at masaya kayo bago ako umalis,” aniya sa mas mariing tinig. Kumbinsido si Mattie na magagawa niya iyon sa pamamagitan ng pagkolekta ng mga pangako. Kapag sumang-ayon na ang taong kanyang hinihingan, isusulat niya ang pangako sa isang papel, ibibilot, at ilalagay sa glass jar. Noong huling kita ko sa mga garapon, kay Andres ang may pinakamaraming laman na papel. Ano ang unang ibinigay kong pangako sa kanya? “Jem, kapag nawala ba uli ako, hahanapin mo ako?” tanong ni Mattie isang araw ng Linggo na magkasama kami. Nasa simbahan kami at hinihintay na matapos sa pagrorosaryo ang mga mommy namin. Hawak-hawak ko ang kamay niya. Ayokong bitiwan kasi baka mangulit siya at baka mawala na naman. Kasama ni Andres ang daddy ni Mattie sa labas ng simbahan. “Oo naman.” “Promise?” “Promise.” Mas hinigpitan ko ang hawak sa kamay niya. Sa palagay ko ay nangako rin ako na hindi ko na hahayaan na mawala siya uli. GUSTO ninyong malaman ang mga ginawa ko pagkatapos kong mabasa ang love letter ni Brenda para kay Andres? Siguro ay inasahan ninyo na iniwasan ko na si Brenda, hindi na ginawa ang mga assignment niya. Hindi naman kasi ako tanga at martir, hindi ba? Hindi rin ako forever na uto-uto. I have pride. Alam ko naman nang hindi talaga ako gusto ng babae, alam ko na ginagamit lang niya ako. Bakit ko lolokohin ang sarili ko at magkukunwaring walang alam? Please remember that I was just thirteen then. Thirteen, okay? I didn’t know better. Oo, hindi ko kaagad iniwasan si Brenda at patuloy ako sa paggawa ng assignments niya. Pathetic? Don’t worry, I learned my lessons as I grew up. I just didn’t know what to do that time, you know. She was my first crush. Si Brenda ang unang babaeng nagpatibok nang ganoon sa puso ko. Hindi basta-basta mawawala ang pakiramdam. Hindi ko rin naman kasi alam kung paano kokomprantahin si Brenda. Hindi ko alam ang mga sasabihin ko. Paano ako nakawala kay Brenda? Si Andres. Tandang-tanda ko ang pangyayari dahil doon talaga nagsimulang magbago ang relasyon naming dalawa. Ang tanda ko ay may project kami noon sa Science. Nakangiting nilapitan ako ni Brenda pagkatapos ng klase. Ang ganda talaga niya, lalo na kapag nakangiti. Sa palagay ko ay natulala ako nang kaunti habang nakatingin sa kanya na palapit. Parang slow motion sa mga corny na pelikula. Siniko ako ni Andres. Pagtingin ko sa kanya, kunot na kunot ang noo na umiling siya. “Hi, Jamie,” nakangiting bati ni Brenda nang ganap nang makalapit. Napatingin siya kay Andres at hindi nakaligtas sa pansin ko ang mas pagluwang at mas pagtamis ng kanyang ngiti. Mas nagliwanag ang mukha ni Brenda, mas kuminang ang mga mata. It hurt, of course. Hindi ko maintindihan kung ano ang nakita ni Brenda sa yagit na katabi ko. “H-hi,” ganting-bati ko. Alam ko na kung bakit lumapit si Brenda. Mukhang dalawang science project ang kailangan kong gawin. Naghihimagsik ang aking kalooban sa totoo lang pero ano naman kasi ang gagawin ko? I didn’t know how to say “no” to Brenda. She was too beautiful to turn down. Real pathetic, right? “Uhm, parang ang hirap ng ipinapagawang project ni Sir Alfonso, ano? Do you wanna—” “No,” ani Andres sa mariing tinig. Halos sabay kaming napatingin ni Brenda kay Andres. Pormal at malamig ang mga mata ni Andres na nakatingin kay Brenda. Bahagya namang umawang ang mga labi ni Brenda. Tila bahagya pa ngang namula ang kanyang mukha. Kapagkuwan ay ibinaling ni Brenda sa ibang direksiyon ang mga mata na tila hindi niya matagalan ang mga tingin ni Andres. “Mula sa araw na `to, hindi na gagawin ni Jamie ang mga assignment at project mo, Brenda. Hindi ka na niya tutulungan sa anumang gawain sa eskuwela. Hindi ka na niya pakokopyahin sa anumang quiz at exam. You’ll do everything on your own. Nagkakaintindihan ba tayo?” ani Andres sa mas mariing tinig. I swear, his voice was so stern and kind of menacing. Kahit na ako ay napatango. Tumakbo si Brenda palayo, pulang-pula ang mukha sa pagkapahiya, habang ako ay napatingin naman kay Andres. Gusto kong magalit sa kanya sa ginawa niya, ngunit hindi ko makapa ang galit sa dibdib ko. Ang naroon sa halip ay gratitude at relief. “Thanks,” halos wala sa loob kong bulong. “Walang anuman. What are friends are for?” kaswal niyang tugon habang isinisilid ang mga libro sa bagpack. “Nagpapasundo si Mattie. Ilibre daw natin siya ng ice cream.” Tumango na lang ako. MULA nang araw na iyon, mas napalapit na kami ni Andres sa isa’t isa. Halos hindi namin namamalayan, nagkakausap na kami palagi. Naging komportable na ako sa kanya. Habang mas nakikilala ko ang pagkatao ni Andres, mas napapahanga niya ako. Tuwang-tuwa naman si Mattie. “Alam kong matatauhan ka rin,” sabi pa ni Mattie sa akin. Hindi ko na lang siya pinansin. Nakita ko kung paano minahal ni Andres sina Ninong William at Ninang Martinna. Dahil naiinis ako sa kanya noon, hindi ko kaagad nakita kung gaano niya napapasaya ang mag-asawa. O nakita ko pero mas pinairal ko ang selos. Kumbinsido kasi ako noon na ako lang ang kailangan nina Ninong at Ninang. Hindi na kailangan ni Mattie ng kuya dahil naroon naman ako. Ngunit unti-unti, natanggap ko na rin nang buong-buo na parte na ng buhay ko si Andres. Hindi na siya mawawala kahit na gaano ko pa siya kainisan. Unti-unti, naging magkaibigang matalik na talaga kaming dalawa. We had so few things in common but I think that was what made the friendship unique and beautiful. We still clashed sometimes but we also complemented each other. “Paano na nga kayo nagkatagpo ni Mattie?” kaswal kong tanong kay Andres isang hapon. Maglalaro sana kami ng video games pero ayaw ipaubaya ni Mattie ang TV kaya naglaro na lang kami ni Andres ng basketball sa labas. “Hindi pa ba naikukuwento sa `yo?” Naupo siya sa semento at pinahid ang pawis sa noo. Nagkibit ako ng mga balikat bago itinuloy ang pagdidribol ng bola. “Naikuwento pero hindi ko siguro gaanong pinakinggan. Hindi kita gusto. Hindi ko na maalala.” Kasalukuyan yata kaming fourth year high school nang mangyari ang pag-uusap na ito. “Hindi rin kita gusto,” natatawang pag-amin din niya. “Bakit?” “Hindi lang naman ikaw talaga, Jem. Hindi ko gusto ang lahat ng batang katulad mo.” “Mga batang katulad ko?” “Mga katulad mong ipinanganak na napakasuwerte. Ipinanganak ka sa mayamang pamilya. Hindi ka nahirapan buong buhay mo. Nakakapag-aral, nakakapaglaro, at nakakakain ka nang walang alalahanin. Hindi nagutom kailanman.” Alam ko na sa puntong ito ang naging buhay ni Andres bago siya inampon nina Ninong William at Ninang Martinna. Namatay sa panganganak sa kanya ang nanay niya. Lasenggo ang kanyang tatay. Minamaltrato si Andres ng tatay niya, lalo na tuwing nakainom. Ang tanging nag-alaga sa kanya ay ang lola niya. Naglalako raw ang matanda ng sampaguita upang may makain sila araw-araw. Kahit na mahirap, pinilit daw ng lola ni Andres na mapag-aral siya. Tumutulong si Andres sa paglalako. Nang mamatay ang kanyang lola, naging impiyerno ang buhay niya kasama ang kanyang ama. Tumigil siya sa pag-aaral at kinailangang kumayod. Madalas na kinukuha lang ng tatay niya ang kakarampot niyang kita. Inamin sa akin ni Andres na umabot na siya sa puntong nagnanakaw na siya para lang may maipasok sa sikmura. Namatay ang tatay ni Andres dahil sa away ng mga lasing. Dahil wala nang maipambayad sa renta ng maliit na barong-barong, nagpalaboy-laboy na lang sa lansangan si Andres. Pinasadahan ni Andres ng tingin ang kabuuan ko. “Spoiled brat na tisoy na ang sarap-sarap ng buhay. Natural, hindi kita magugustuhan kaagad.” “You like me now? What changed your mind?” “Nagbago siguro ang pananaw ko sa buhay mula nang manirahan ako sa bahay nina Mattie. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ipinakita nila sa akin kung gaano ako kasuwerte. Tinanggap nila ako nang buong-buo. Ibinigay nila sa akin ang mga bagay na noon ay pinapangarap ko lang. Minahal nila ako. Na-realize ko lang na napakasuwerte ko para mainggit pa sa iba. Iyon lang naman ang dahilan ng disgustong nararamdaman ko sa `yo, inggit. Kasi ipinanganak kang masuwerte samantalang ako...” Nagkibit siya ng mga balikat. “Ang sabi ni Mattie, wala nang dahilan para maging bitter ako. Tama naman siya. Wala nang dahilan para mainggit ako sa `yo dahil labis-labis na ang mga biyayang ibinigay sa akin. Ikaw, bakit hindi mo ako gusto mula sa simula?” Sandali akong nag-isip bago sinagot ang kanyang tanong. “Bukod sa yagit ka?” Natatawang tumango si Andres. “Nagselos ako sa `yo.” Nagsabi ako ng totoo ngunit may bahid pa rin ng kaunting kasinungalingan. Ang totoo ay may mga pagkakataon na nagseselos pa rin ako kay Andres. “Noong una, hindi kita gusto dahil sa hitsura mo. Nang mga sumunod na araw, hindi ko nagustuhan ang pakikitungo ng lahat sa `yo. It was like you’re a hero, an angel. They instantly love you. Nagseselos ako kasi nasa `yo na ang lahat ng atensiyon ni Mattie. Kung tumingin siya sa `yo, parang sa `yo umiikot ang mga planeta. It was like you became the center of her universe.” Hindi ko alam kung saan nanggaling ang lahat ng iyon. Alam ko na nagseselos ako kay Andres pero noon ko lang lubusang nabatid kung gaano ako nagseselos sa kanya. Akala ko ay okay lang sa akin na mas malapit sa kanya si Mattie. Sinasabi ko sa sarili na mas maigi nang ibang tao ang kulitin ni Mattie. Madalas naman na nakakainis siya. Pero hindi pala okay. Nakakagulat pero at the same time, nakakagaan ng loob. “That’s not true. Mahal na mahal ka ni Mattie. Hindi ko mahihigitan ang anumang mayroon sa inyo.” Mattie and I had a very special relationship. Kahit na madalas akong naiinis sa kanya at madalas kong nakakalimutan, mahal ko si Mattie. Mananatili siyang espesyal sa puso ko habang-buhay. “Mas mahal ka niya,” hindi ko napigilang sabihin. Hindi ko rin yata napigilan ang pag-alpas ng bitterness sa tinig ko. “Hindi na kami gaanong nagkikita at nagkakausap. Ang sabi niya sa `kin, you’re the most perfect kuya in the entire cosmos.” Pati yata ang ngiti ko ay bitter. Andres was that, perfect. You’d think that being a former street child, he would be a troublemaker. Nope, he was perfectly well behaved at home, in school, in everywhere. Kahit minsan ay hindi niya binigyan ng sakit ng ulo sina Ninong William at Ninang Martinna. Noong una, naisip ko na nagiging maingat lang si Andres dahil ayaw niyang pagsisihan nina Ninong ang pagkupkop sa kanya, pero hindi rin nagtagal ay nakita kong totoo siyang mabait. Minsan parang cold and aloof siya, lalo na sa mga taong bago lang niya kakilala pero napakabait niyang talaga. Napangiti nang makahulugan si Andres. “So, gusto mong malaman kung paano kami nagkatagpo ni Mattie?” Tumango ako. Ang totoo ay bahagya ko nang nakalimutan ang talagang tanong ko. Hindi ko kasi talaga maalala ang kuwento kung paano nagkasalubong ang mga landas nila ni Mattie. “Sa palagay ko ay ikalawang araw na niyang nawawala noon. Natagpuan ko siyang natutulog sa puwesto ko isang gabi. Sa harap `yon ng isang bangko. Pinaalis ko siya pero ayaw niya. Palagi na lang daw siyang pinapaalis ng ibang bata. Wala raw gustong makipagkaibigan sa kanya. Hindi niya mahanap ang daan pauwi. Nagugutom na raw siya. Kinuha raw kasi ng mga salbaheng bata ang pagkaing ibinigay sa kanya ng isang matanda. Pagkatapos ay bigla na lang siyang pumalahaw ng iyak. Hindi ko alam ang gagawin ko sa totoo lang. Nakakaawa si Mattie kapag umiiyak. Parang gusto mo ring umiyak. Parang ora mismo ay gusto mong gawin ang lahat, ibigay ang lahat para lang tumahan siya.” Tumango ako. Ganoon din ang epekto sa akin ng mga luha ni Mattie. “Ibinigay ko sa kanya ang pagkain ko kahit na gutom na gutom na ako no’n. May nagbigay lang sa akin ng tirang burger at kaunting coke. Awang-awa ako sa kanya habang nilalantakan niya ang pagkain. Hindi ako naawa sa sarili ko kahit na nagrereklamo at naghihimagsik ang tiyan ko. Nginitian niya ako nang matamis pagkatapos kumain at nagpapasalamat na niyakap ako. Alam mo `yong naramdaman ko no’n? Grabe, hindi ko gaanong maipaliwanag. Pakiramdam ko, para akong niyakap ng isang anghel. Alam mo `yong pakiramdam na parang gumaan ang lahat? Napayapa ang nag-aalburoto kong tiyan. Parang bigla, ang ganda ng mundo.” Nakatingin lang ako kay Andres. Ang totoo ay hindi ko gaanong naiintindihan ang sinasabi niya. “Noon lang din ako nakatulog nang mahimbing sa lansangan. Hulog ng langit si Mattie, Jem.” Nagsalubong ang mga kilay ko. Alam kong mahal na mahal ni Andres si Mattie ngunit sobra naman yata ang hulog ng langit. At hindi anghel si Mattie. The girl was a hellion. “Kinabukasan, ipinangako ko sa kanya na tutulungan ko siyang makauwi. Base kasi sa hitsura ni Mattie, hindi naman siya talaga batang lansangan. Ayokong matulad siya sa akin kaya tutulungan ko siya. Ang sabi niya, tutulungan din niya ako kapag nakauwi na siya sa mommy at daddy niya. Pinaniwalaan ko `yon. Umasa ako na bibigyan nila ako ng pera na malaki ang maitutulong sa kalagayan ko. Nang mga sumunod na araw na nakasama ko si Mattie, naging masaya ako. Noon lang uli ako naging masaya mula nang pumanaw ang lola ko. May mga pagkakataon na ayoko nang ibalik si Mattie sa mga magulang niya. Gusto ko, nasa tabi ko na lang siya palagi para palaging masaya. Pero alam ko rin na hindi ako pupuwedeng maging makasarili. Hindi siya nararapat sa lansangan. “Sa wakas nahanap namin ang subdivision na `to. Ang saya-saya ni Mattie. Kilala siya ng guwardiya kaya kaagad kaming pinapasok. Habang palapit kami sa bahay na `to, sinabi niya sa akin na she’s keeping me. Hindi ko alam ang ibig niyang sabihin noon. Ang sabi niya, mamamatay siya someday.” “She always says that! Nakakainis na. Hindi na talaga siya naka-get over sa panaginip niyang `yon. Hindi ko alam kung kailan niya matatanggap na hindi `yon mangyayari.” Hindi ko talaga maintindihan kung bakit ganoon na lang kakumbinsido si Mattie na mamamatay siya. Wala na yatang naniniwala sa amin tuwing sinasabi iyon ni Mattie. Ni hindi nga siya nagkakasakit. Maliban sa pagkawala niya noon, wala nang nangyaring hindi maganda sa kanya. Tumango si Andres. “Ang sabi niya, alam na raw niya kung bakit hinayaan ni Papa Jesus na mawala siya. Para daw mahanap niya ako. Kapag namatay daw kasi siya, mawawalan na ng anak ang mommy at daddy niya. Malulungkot sila nang husto. Gusto ni Papa Jesus na magkaroon pa rin ng anak ang mommy at daddy niya. Ako raw `yon. Gusto rin daw ni Papa Jesus na maranasan niya ang pagkakaroon ng kapatid, ng kuya. Hulog daw ako ng langit.” Natawa muna si Andres bago nagpatuloy. “Hindi lang ang mga magulang niya ang inaalala ni Mattie. Kailangan mo rin daw ng kaibigan kasi siguradong malulungkot ka kapag nawala siya. Kailangan mo raw ng best friend. Ako uli `yon.” “Was she really serious?” Paano naiisip ng isang bata—isang katulad ni Mattie—ang mga ganoong bagay? Tumango si Andres. “Iyan din ang naitanong ko noon. Seryoso ba siya sa gusto niya, sa mga sinasabi niya? Akala ko pa nga ay may malubha siyang sakit kaya ganoon na lang siya magsalita. Walang basehan ang sinasabi niyang mamamatay siya. Minsan ay naiinis na ako sa kanya sa pag-iisip nang ganoon.” “Baliw lang talaga `yon minsan. Naaalala ko na, naibagsak ko siya minsan noong inaalagaan ko siya noong baby pa lang. Iyon siguro ang dahilan,” pagbibiro ko. Napangiti si Andres. “Baliw nga siya minsan. Hindi ko maintindihan hanggang ngayon ang takbo ang isip niya. Palagi siyang may sorpresa at pasabog.” “It’s one thing we love about her.” Nakangiting tumango si Andres. “Oo nga. Hindi siya magiging Mattie kung wala ang kabaliwan niya. Pero alam mo, kahit na paano, may magandang epekto sa atin ang pag-iisip niya na any moment ay maaari na siyang mawala. Gumagawa kasi siya ng paraan na maging espesyal ang bawat sandali na magkakasama kami. Mas naipapakita niya ang pagmamahal niya sa mga taong importante sa kanya dahil palagi niyang iniisip na baka hindi na siya magkaroon ng pagkakataon, baka hindi na siya magising isang umaga. Minsan, hinahayaan ko ang sarili ko na mag-isip na limited ang oras naming magkasama. Ayokong mawala siya pero ramdam mo `yong pagkukumahog na maipakita sa kanya kung gaano mo siya kamahal, kung gaano siya kahalaga sa buhay mo.” Kunot ang noong tumingin ako kay Andres. I think I was looking at him like he was a crazy person. Ang totoo ay hindi ko gaanong naintindihan ang mga sinabi niya. Siguro ay dahil noong mga panahong iyon, hindi talaga ako naniniwala na mawawala si Mattie. Buo sa isip ko na hindi niya kami iiwan. Kumbinsido ako na baliw lang si Mattie sa pag-iisip nang ganoon. Again, I wished I should have paid more attention. Sana nakinig ako kay Andres. Sana ay ginaya ko siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD