MAY 18, 1986. Sunday. 12:01 AM. Ipinanganak si Matilda “Mattie” Asuncion sa ospital. Ayon sa kuwento ni Mommy, nagkatensiyon sa loob ng delivery room dahil kahit na anong tapik ang gawin sa kanya, hindi siya umiiyak. Mas umiyak daw si Ninang Martinna. Akala raw nila, hindi humihinga si Mattie. Kahit na si Ninong William ay naluluha na rin. Tatlong beses na kasing nabuntis si Ninang Martinna at tatlong beses na ring nakunan. Nang malaman nila ang tungkol kay Mattie, iningatan ni Ninang Martinna nang husto ang sarili. Linggo-linggo siyang kumokonsulta sa doktor. Panay-panay rin ang kanyang pagsisimba. Kasa-kasama niya ang mommy ko sa pagbisita sa mga simbahan upang makiusap na sana ay mabuhay na sa pagkakataong iyon ang dinadala niya. Minsan ay isinasama nila ako. Hindi ko na gaanong maalala dahil magti-three years old lang ako noon.
Tila suwerte na sa pagkakataon na iyon si Ninang Martinna dahil umabot ng full term ang kanyang ipinagbubuntis. Hindi nagkaroon ng aberya. Walang abnormalities na na-detect. Hindi umabot ng eight weeks ang tatlong ipinagbuntis ni Ninang Martinna bago si Mattie. Habang palapit daw ang expected date of delivery ni Ninang, hindi siya mapakali. Kinakabahan at natatakot na baka may hindi magandang mangyari sa kanyang dinadala. Hindi naman masisi ng lahat si Ninang Martinna. Tatlong sanggol ang nawala sa kanya. Hindi iyon basta-basta. You can only imagine the heartbreak she had been through and endured.
Ninong William and Ninang Martinna really wanted a child. Dahil naaawa sina Mommy at Daddy kina Ninong William at Ninang Martinna, madalas nila akong ipahiram sa kanila. Kaya hindi lang nila ako inaanak, para na talaga nila akong anak.
Let me give a brief history about my parents and Mattie’s parents. Augusto, my father, and William, Mattie’s father, were the best of friends. Pareho silang ulila at lumaki sa isang ampunan. Walang umampon sa kanila kaya pagsapit ng legal na edad ay umalis na ng ampunan upang magsarili. Nakapag-aral sina Daddy sa tulong ng scholarship. Habang nag-aaral ay nagtatrabaho sila. Parehong masipag at matiyaga ang dalawa kaya natapos sa pag-aaral. Nagtapos ng Mechanical Engineering si Daddy. Si Ninong William naman ay ipinagpatuloy sa Medisina ang kurso. Scholar si Ninong at talagang matalino. Kahit na labis na nahirapan sa mga gastusin, pinagpursigihan niya ang pag-aaral ng Medisina. Nakakuha ng magandang trabaho si Daddy na nagpadala rin sa kanya sa Boston. Iminungkahi ni Daddy na kumuha si Ninong William ng scholarship sa isa sa mga unibersidad sa Boston upang hindi sila maghiwalay. Hindi nagtagal ay nakasunod na si Ninong William kay Daddy sa Amerika. Doon na nakatapos ng Medisina si Ninong.
Sa Amerika rin naging purse designer si Daddy. Napagkatuwaan lang niyang gumawa ng isang lightweight metal purse para sa kanyang nobya. Ginamit ni Daddy ang pagiging Mechanical Engineer sa pagbuo niyon. It was sleek, elegant, and very functional. Nagustuhan ng mga kaibigan ng girlfriend niya ang purse at nagpagawa rin sa kanya. Dumami nang dumami ang mga nagpagawa. Hanggang sa magpagawa na rin ang isang sikat na fashion designer sa Amerika. Hindi nagtagal, that designer commisioned him to do two hundred pieces of a particular purse design. Kinabitan lang ng designer ng initials ni Daddy ang metal purse at naisama na sa collection. Higit na mas mahal na iyon. Mula noon ay mas lumago na ang negosyo ni Daddy.
Si Ninong William ay isang mahusay na cardiothoracic surgeon. Maganda ang career niya sa Amerika. Ngunit mas ginusto pa rin niyang umuwi ng Pilipinas. Nais niyang pagsilbihan ang mga Pilipino. Sumama si Daddy dahil hindi naman kailangang nasa Amerika siya upang maipagpatuloy ang negosyo.
Nagkakilala sina Ninong William at Ninang Martinna sa ospital. May dinadalaw yata noon si Ninang sa ospital na pinagtatrabahuhan ni Ninong. It was love at first sight. Sa unang date nila, isinama ni Ninang ang kanyang best friend na si Angela, ang mommy ko. Strict ang parents ni Ninang Martinna kaya kailangan ay may chaperone. Isinama ni Ninong William si Daddy para may ka-date si Mommy. Hindi na nilubayan ni Daddy si Mommy mula noon. They fell in love.
Then the two pairs got married. Napagpasyahan nilang maging magkapitbahay. Ipinanganak ako at tatlong taon makalipas ay ipinanganak si Matilda.
May 16 dinala sa ospital si Ninang Martinna at nag-umpisang mag-labor. Ang sabi ni Mommy, kapag nanganganak ang isang babae, parang nakabaon na sa hukay ang isa niyang paa. Kaya raw kapag nanganak ang asawa ko, kailangang nasa tabi niya ako. Bitiwan ko raw ang lahat ng ginagawa ko para puntahan siya at hawakan ang kanyang kamay habang isinisilang niya sa mundo ang aming anak. I was three years old then. Inulit-ulit na lang ni Mommy habang lumalaki ako kaya naaalala ko.
Nang hindi marinig ni Ninang Martinna ang uha ni Mattie, inutusan niya ang nurse na ilapit sa kanya ang kanyang baby. Tumalima naman ang nurse. Titig na titig daw sila kay Mattie na walang kagalaw-galaw, hindi humihinga. Bubulalas na sana ng iyak si Ninang nang bigla na lang tumaas-baba ang dibdib ng sanggol. The baby squirmed and then her tiny lips formed a beautiful baby smile.
Bumulalas pa rin ng iyak si Ninang Martinna—iyak ng labis na kaligayahan.
Ang sabi ni Ninong William, everyone in the delivery room was in awe. Ilang sandaling natahimik ang buong silid. Lahat ay nakatitig sa sanggol na nakangiti. Iyon daw ang unang pagkakataon na nakaengkuwentro sila ng smiling baby. Plus, Mattie was the loveliest baby.
Everyone in that room experienced a miracle.
I can’t really remember but my dad told me I couldn’t keep my eyes off her the first time I saw her. Binisita namin siya sa ospital noon. Hindi nga dapat ako puwedeng pumasok sa ospital, nagkataon lang na doktor doon si Ninong William at close sila ng hospital director. Nakadikit daw ang mukha ko sa salamin ng nursery, halos mapipi na ang ilong ko. Ayaw ko raw umalis. Umatungal pa raw ako ng iyak nang isara na ang kurtina dahil tapos na ang oras ng viewing.
Ilang linggo raw na pagmulat ng mga mata ko sa umaga, kaagad akong mangangapitbahay kina Ninang Martinna at Ninong William. Susundan na lang ako ni Mommy dala-dala ang dede ko. Sasabayan ko sa pagdede si Mattie. Noong unang ikuwento sa akin ang tungkol doon, ayaw kong maniwala, pero may ebidensiya. Kinunan kami ng sandamakmak na pictures ng mga mommy namin. May kuha ako na titig na titig sa crib habang mahimbing na natutulog si Mattie. Mayroon ding magkasama kaming nakahiga sa kama. May kuha pang nakasalpak ang tsupon ng dede sa bibig ko pero nakatuon ang mga mata ko kay Mattie na dumedede naman sa dibdib ng mommy niya. Those pictures were our parents’ treasures.
Ikinuwento pa sa akin nina Mommy at Daddy kung gaano ko sila kinulit noon na hingin na lang si Mattie kina Ninong William at Ninang Martinna na tila isang kuting o tuta lang ang aking hinihingi. Natatawa nilang ipinaliwanag sa akin na hindi pupuwede at hindi hinihingi ang sanggol na para lang pet. Tinanong ko raw noon kung paano ako magkakaroon ng baby katulad ni Mattie na mananatili sa bahay namin at makakasama ko palagi. Natatawang sinabi sa akin ni Ninong William na kailangan kong humiling ng kapatid kay Santa. Humiling ako. Nanguna sa Christmas wishlist ko ang “baby” at nagpabili ako ng malaking-malaking sock para magkasya ang gift.
Hindi naman natupad ang wish ko. Ang sama-sama raw ng loob ko noon. Nagpakabait daw kasi ako nang husto. Noon lang ako nag-behave nang todo. Nang lumaki na ako—noong nalaman kong sina Mommy at Daddy lang pala ang Santa Claus na naglalagay ng mga regalo sa ilalim ng Christmas tree, ipinaalam sa akin ng mga magulang ko na sinubukan nilang ibigay ang gusto ko. Hindi na nga lang nabuntis si Mommy. Wala namang diperensiya, talagang hindi lang daw makabuo. Kaya si Mattie na lang talaga ang baby namin. Madalas na lang akong nangangapitbahay para makasama si Mattie.
My ninang thought I was Mattie’s favorite person in the world. Kapag daw kasi nasa malapit lang ako, mas sumisigla siya. Palaging nakangiti si Mattie, palaging nakatawa.
Lumaki kami ni Mattie na malapit sa isa’t isa. Hindi na iyon nakapagtataka dahil nga matalik na magkaibigan ang mga magulang namin. Hindi raw kami halos mapaghiwalay noon ni Mattie. Minsan daw, ako pa ang nagpapadede at nagpapakain sa kanya. Kaming dalawa ang magkalaro kahit na baby pa siya at big boy na ako. I was there when she took her first steps—a video proved that. Nakita ko rin sa video kung gaano ako ka-proud sa kanya. Her first word had been “Jem,” my nickname since I was a kid.
Matilda was Ninang Martinna and Ninong William’s miracle. She was my miracle. In fact, she was everyone’s miracle.