ARAW ng Lunes, ikalawang linggo namin para sa taong ito. Maaga kaming pumasok nina Yna. Naiwan pa sa dorm sina Leah dahil sa late na silang nagising. Sinabi na rin ni Max na hindi muna siya makakapasok dahil masama ang pakiramdam niya. Nagkausap na rin naman kami at humingi na siya ng paumanhin sa kung anong nagawa niya noong Biyernes nang gabi sa akin, na ipinagtataka ko’y wala siyang maalala.
“Gwen, noong Biyernes pa ‘yang pasa mo sa leeg, halata pa rin siya hanggang ngayon oh,” saad ni Yna habang nakatingin sa leeg ko. Nginitian ko na lamang siya habang naglalakad.
“Hayaan na lang natin ‘to, hindi naman na masakit,” saad ko, “nga pala, huwag na lang nating pag-usapan ang nangyari, lalo na sa classroom, maraming teinga ang naroon.” paalala ko pa sa kanila. Kaagad namang sumang-ayon ang mga kaibigan ko.
Dire-diretso lamang kaming naglakad papasok ng classroom. Habang naglalakad kami ay kita ko ang ilang mga matang nakatingin sa amin. Maya’t maya ay naroon ang mga bulungan sa tuwing titingnan sila ng mga ito.
“Grabe, ano kayang nangyari kay Gwen? Look at her neck.”
“Siguro nag-try siyang magbigti.”
“Hindi naman natin masisisi ‘yan, pressured siguro sa studies,” dinig kong bulungan ng mga babae na nakasalubong namin, “tingnan mo naman, ang tindi kaya ng competition sa classroom nila, alam mo naman, mga section A.” Hindi ko na lamang pinansin ang mga bulong-bulungan sa dinaraanan namin. Batid kong narinig din ‘yon ni na Yna kaya hindi na lamang din sila nagsalita.
Marami-rami na ang mga kaklase kong naroon. Halos kami na lang yata ang kulang sa classroom. Nakita ko na rin doon sina Philip na nananahimik sa kanilang mga upuan. Tumungo na ako sa upuan ko at nagsimulang basahin ang ilan sa mga notes ko.
“Gwen tingnan mo si Miah oh, kanina pa nakatingin dito sa gawi natin!” excited na saad ni May sa akin. Bahagyang kumunot ang noo ko atsaka tumingin sa gawi ni Miah, nakangiti nga ito habang na sa amin ang tingin niya. Bilang tugon ay nginitan ko na lamang ito atsaka iniiwas ang tingin sa kanya. Hindi rin nakaligtas sa paningin ko ang masasamang tingin na ipinupukol sa akin nina Marianne.
Ipinagwalang bahala ko na lamang ito atsaka muling bumalik sa binabasa ko. Dinig ko pa ang malalakas na tawanan nina Yna habang nag-uusap sila tungkol sa kanilang pinanood kahapon.
“Ano ba ‘yan! Ang iingay!” mayamaya’y dinig kong sigaw ni Joreen.
“Daig pa ang mga palakang naulanan sa kakadaldal ah!” pagpaparinig naman ni Cedrick.
“Gan’yan ba ang attitude ng mga nasa ranking? Sila lang yata ang pinakamaingay dito sa classroom eh!” Kita ko ang pagkuyom ng kamao ni Yna. Akma ko siyang pipigilan ngunit nakatayo na ito atsaka humarap sa kanila.
“Ano bang problema n’yo at tahol kayo nang tahol d’yan?” inis na tanong ni Yna sa kanila. Mataray namang naglakad palapit sa amin ang grupo nina Marianne. Ramdam ko ang pamumuo ng tensyon sa pagitan nila kaya naman tumayo na ako.
“Ano nga ulit ‘yong sinabi mo, loser?” nakataas ang kilay na saad pa ni Joyce sa kanya.
“Tigilan n’yo nang pareho,” saad ko habang nasa gitna nilang dalawa.
“Oh please shut the hell up, another loser.” Kulang na lang ay itulak ako ni Marianne sa ginawa niyang pagduro sa akin.
“Pare-parehas kayong lahat, well except for Philip, na hindi n’yo deserve ang rank n’yo!”
“At sino ang deserving?” inis na tanong ko dahilan para matigilan siya, at ang mga kasama niya, “Ikaw? Kayo? Oh, please Marianne, don’t make me laugh.” Kitang-kita ko ang pagbabago ng hitsura ni Marianne sa sinabi ko. Tila tinamaan sa narinig.
“Huwag ka nang mag-asam na mapasama sa ranking, well unless kung gagamitin mo ‘yang utak mo, kung meron ha,” inis ko pang tiningnan silang apat. Akmang tatalikod na nang ambang sasampalin na ako ni Marianne. Mabilis ko ‘yong napigilan.
“Let go off my hand, b*tch!” sigaw niya habang pilit na pinipiglas ang kamay niya para matanggal mula sa mahigpit na pagkakahawak ko.
“Don’t try me, Marianne, mahina ako sa paningin n’yo, at ng lahat ng tao rito,” saad ko at kalmadong inikot ang paningin sa buong klase, “pero ‘yon lang ang nagpatunay kung gaano ka kabobo, para malaglag sa ranking na inaasam mo.”
Tiningnan ko pa siya mula ulo hanggang paa, pabalik sa mukha niya, “Loser.” Pabato kong binitawan ang kamay niya atsaka bumalik sa kinauupuan ko. Saktong dumating na si Ma’am Luna. Wala na silang nagawa kung hindi ang manahimik na lamang at bumalik sa pwesto.
“Ang galing mo Gwen ah, hindi ko akalain na palaban ka rin!” tuwang-tuwa na saad ni Leah, na hindi ko namalayan ang pagdating.
“Mabuti na lang at pinalagan mo ‘yon, sawang-sawa na rin akong manahimik eh,” natatawang saad pa ni Princess. Nginitian ko na lamang sila at nagsimula nang makinig sa discussion.
Nang dumating ang break time ay dumiretso akong lumabas papuntang library. Hindi na ako nakapagpaalam pa kina Leah sapagkat maikli lamang ang oras at kailangan kong kumuha ng libro na gagamitin ko.
Naglalakad ako patungong library nang madaanan ko ang lumang classroom. Ang lumang classroom kung saan ako inatake ng lalaking nakamaskara, at ang lugar kung saan natagpuan ang namatay na utility personnel noong nakaraang linggo.
Bahagya akong napatigil sa paglalakad at napatingin sa kinaroronan no’n. Malinis, ngunit naroon pa rin ang creepy atmosphere na mararamdaman kahit na nasa malayo na ako nakatayo.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” Halos mapatalon ako sa gulat nang marinig ko ang tinig na ‘yon na nanggaling sa gilid ko. Kaagad kong nilingon kung sino ang nagsalita at doon ay nakita ko ang isang matandang guro.
“H-ho?” nauutal na tanong ko rito.
“Nababatid kong isa kang bata na punong-puno ng katanungan sa kanyang isipan,” saad niya na ipinagtaka ko, “at nababatid ko ring iyan ang maghahatid sa iyo sa kamatayan.”
Gulat na tiningnan ko ang matanda. Nakatingin ito sa direksyon kung saan nakatirik ang lumang classroom. Puno ng pagtataka ko siyang pinakatitigan at ganoon na lamang ang gulat ko nang makita ko itong ngumisi, bagamat wala sa akin ang tingin.
“Nakikita mo ba sila?” tanong nito. Kumunot ang noo ko habang nakatingin sa lumang classroom ngunit wala akong makita.
“Tulad mo ay punong-puno rin sila ng katanungan sa kanilang isipan. Na siyang nagdulot ng isang malagim na pangyayaring na ikinamatay nilang lahat.” Natulala ako sa sinabi ng matanda. Napako ang tingin ko sa lumang classroom na walang makita na kahit anino ng kung sino man.
“Kaya kung ayaw n’yong matulad sa kanila, ngayon pa lang ay hanapin mo na ang mga kasagutan sa pagkawala ng kaklase mo,” saad nito, “dahil nagsisimula na naman siya sa paghihiganti upang makamit ang hutisya sa kanyang pagkamatay. At wala siyang ititira, ni isa sa inyo.” Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa sinabi ng matandang guro. Muling tinambol ang puso ko sa sobrang bilis ng t***k nito. Tiningnan kong muli ang matanda para magtanong ngunit laking gulat ko nang wala na ito sa tabi ko.
Pinilit kong ipagwalang bahala ang mga katagang sinabi ng matanda. Habang naglalakad ay pinilit ko ring huwag isipin ang kung ano mang narinig ko mula sa kanya. Ngunit sadyang malikot ang aking isipan at tila nakadikit na naman ang bawat salitang narinig ko kanina at ayaw nang matanggal nito sa utak ko.
Nang makarating ako sa library ay agad kong hinanap ang lirong kailangan ko. Napadpad ako sa pinakadulong shelf kung saan kakaunti lamang ang mga estudyante na nakikita ko.
Kasalukyan kong hinahanap ang libro nang mahagip ng mata ko ang isang panyo. Kulay puti ‘yon na may nakaburdang itim na paro-parong malaki sa kaliwang bahagi. Katabi no’n ang isang libro na tila may kalumaan na.
Dala ng kuryosidad ay kinuha ko ang libro atsaka binasa ang pamagat. Doon ay nalaman kong isa pala itong yearbook. Binuklat ko ‘yon at nakita ko ang mga nagdaang batch mula 2000. Naroon ang class picture ng iba’t ibang sections ng bawat school year.
Pagkalipat ko sa pinakalatest na batch at doon ko napansin na wala ang classpicture ng Class-A, ang section nina Archie. Nagtataka kong inilipat ang pahina ngunit wala akong nakita na class picture nila.
Nang akma ko na uling ililipat ang pahina ng yearbook ay may mga kamay na humawak sa akin.
“Sino ang may sabi sa ‘yong hawakan mo ito?” galit na tanong ng matandang teacher sa akin, “Bawal ang mga estudyanteng tulad mo sa parteng ito ng library!” Kaagad niyang kinuha sa mga kamay ko ang yearbook at ang panyo. Humingi naman ako agad ng pasensya atsaka nilisan ang parteng ‘yon ng library.
“Oh, sa’n ka galing? Anong libro ‘yang hawak mo?” tanong sa akin ni Princess pagkapasok ko ng classroom. Ipinakita ko sa kanila ang librong hawak ko.
“Philippine history,” sagot ko sa kanila habang ipinapakita ang libro.
“Wow, ang competitive mo talaga Gwen,” tumatawang saad ni Leah. Nginitian ko na lang din sila atsaka umupo sa upuan ko. Nagtagal ay dumating na ang teacher namin sa History. Nagdiscuss siya ng kaunti atsaka hinati kami sa limang grupo.
“Okay class, we will have a group activity, and your assigned group will be your permanent group until this school year ends okay?” saad ng teacher namin. Sumagot naman kami rito bilang tugon.
“And, you have the top 10 students last year here as your leader so hindi na kayo pwedeng magreklamo,” dagdag pa niya at kita naman ang tuwa sa mukha ng mga kaklase ko. Pero maliban sa aking grupo. Kagrupo ko ngayon sina Bea, Marriane, Archie, Nicca at Miah. Kamalasan nga naman.
Tahimik lamang kami habang nakikinig sa instructions. Hindi ko alam kung paano kong ia-approach ang sino mang nasa harapan ko ngayon. Pansin ko ang mga matang nakatingin sa gawin namin. Batid kong lahat halos lahat sila ay tila ba nakaabang sa susunod kong gagawin.
“Are we clear on the instructions?” Nabalik ang atensyon ko sa biglang pagsasalita ni Ma’am Estrada. Sumagot naman ang mga kaklase ko atsaka nagsimula na sa gagawing activity. Tila ako naman ang nablangko sa kung ano ang gagawin. Wala akong ideya sa kung anong activity ang gagawin namin.
“Don’t tell me, hindi mo alam ang gagawin natin?” Napatingin ako sa gawi ni Marriane at ayon na naman ang mga kilay niyang nakataas.
“Hindi yata siya nakikinig kanina,” saad naman ni Bea. Tiningnan ko rin siya ngunit wala sa akin ang paningin niya.
“Oh, here’s what we are going to do Gwen.” Napatingin naman ako sa gawi ni Miah. Nakangiti ito sa akin habang ipinapakita ang notes niya. Parang nabuhayan naman ako at kaagad na kinuha ang notes. Nagsimula na ring gumawa ang mga kagrupo ko ng in-assign kong task sa kanila.
Mayamaya ay nakangiting ipinakita sa akin ni Nicca ang gawa niya. Bahagya pa akong nakaramdam ng hiya sa kanya habang inaabot ang notes.
Nang matapos ang activity ay in-announce ni Ma’am Estrada ang may pinakamataas na marka, at ‘yon ang grupo namin. Tuwang-tuwa naman ang mga kagrupo ko nang ianunsyong kami ang pinakamataas, lalong-lalo na si Marriane, na ipinagmalaking siya raw ang gumawa ng sa amin. Napailing na lamang ako sa nakita.
“Congratulations,” nakangiting saad ni Miah. Nginitian ko naman ito atsaka sinagot.
“Congratulatins din, Miah.” Matapos noon ay maagang nagdismiss si Ma’am Estrada. Maaraming natuwa sa ginawa ni ma’am kaya naman kaagad ding nag-alisan ang mga kaklase ko sa classroom para maglunch. Natira muli kami nina Princess upang ayusin ang mga nagkagulong upuan.
“Ang haba ng hair mo Gwen!” Nagulat naman ako sa biglang pagsigaw ni May na nasa mini-bookshelf. Kumunot naman ang noo ko habang inaayos ang mga silya.
“Kaya nga Gwen! Biruin mo, si first love at si ex mo ay kagrupo mo kanina? ang swerte mo!”
Kinunotan ko ng noo si May at tiningnan. “Ano naman ang swerte ro’n?” tanong ko rito at nagpatuloy na sa pag-aayos.
“Nako Gwen, hindi ka man lang ba nakaramdam ng kilig dahil katabi mo ang dalawang papa na ‘yon? Diyos ko day, kung ako ‘yon baka hindi na ako nakapagconcentrate sa activity!” kinikilig namang sigaw ni Yna.
“Alam n’yo, ang mabuti pa’y bilisan na lang nating maglinis dito dahil nagugutom na ako,” saad ko sa kanila, pilit na iniiba ang topic. Sumang-ayon naman sila sa akin at binilisan na ang paglilinis sa classroom para makapaglunch na.
Kasabay kong kumain sina Erika, Jennylyn, Leah at Princess. Nang matapos kaming maglinis sa classroom ay nauna nang bumaba sina Yna, May at Mia dahil may meeting sila sa mga clubs nila. Naging maayos ang lunchbreak namin at bahagyang nawala sa isip ko ang nangyari kaninang umaga.
Kinagabihan ay nakatambay kaming lahat sa living room ng dorm. Naroon ang isang ‘di kalakihang TV at ang isang mahabang sofa. Katabi ko sina Leah habang sina Mia naman ay nasa isang single sofa, gayun din si Maxine, na nagbabasa ng libro. Maingay sina May habang pinanonood ang isang horror movie samantalang sina Mia, Max, at Philip ay kapwa tahimik sa kabilang banda.
Nasa ganoon kaming sitwasyon nang bigla kaming makarinig ng mga ingay sa labas.
“Huh? Ano’ng meron?” takang tanong ni May.
“Teka, tama ba ang dinig ko? Tunog ng sirena ng pulis ‘yon ah?” Napatayo ako at pinakinggan ang tunog na nanggagaling sa labas. At tunog nga ‘yon ng sirena ng pulis.
“Hoy Gwen! Saan ka pupunta?” Dinig kong tanong ni Leah ngunit hindi ko na ‘yon pinansin pa. Lumabas ako at nakita ang maraming tao sa ‘di kalayuan sa dorm namin.
“Ano’ng nangyari doon?” Kita ko ang mga estudyanteng naglalabasan sa kani-kanilang mga dorm at tumatakbo ang mga ito patungo doon.
“Let’s go there,” dinig kong saad ni Philip. Mabilis kaming naglakad patungo sa mga taong nagkakagulo. Nakisiksik kami sa mga tao ngunit hindi pa man kami tuluyang nakakalapit ay kaagad akong napatakip ng ilong sa nakakasulasok na amoy.
“Gosh, that was so brutal,” dinig kong sabi ng estudyanteng nasa kanang gawi ko.
“Oo nga, looks like it was done by a demon,”
“Kawawa naman siya.” Hindi ko alam kung bakit bigla na lamang bumilis ang t***k ng puso ko sa mga narinig. Maraming tao sa paligid at nagsisiksikan sila sa harapan. Mula sa aking kinatatayuan ay nakita ko ang dilaw na tali na nagsasabing “caution” at ang ilang pulis na nakabantay rito.
At doon ay nakaramdam ako ng kaba. Ang ibig sabihin lamang nito ay may hindi magandang nangyari sa harapan ng boy’s dormitory.
“Excuse me, what happened here?” tanong ni Philip sa isang pulis. Hindi ko na narinig pa ang sagot nito dahil sa ingay kung kaya’t nagpumilit akong makisiksik sa mga tao hanggang sa makapunta ako sa harapan.
“Oh My God . . .” Halos masuka ako sa aking nakita. Hindi ko halos maialis ang kamay ko sa aking bibig habang tinitingnan ang bangkay ng isang lalaki na nakasilid sa isang maleta. Halos na-aagnas na ang mga braso nito at hindi rin makilala ang kanyang mukha dahil nakabalot sa garbage bag ang ulo nito.
Hindi ko na natagalan pa ang nakasusulasok na amoy at ang aking nakikita kung kaya’t nagmadali akong umalis sa unahan. Nang mamataan ko sina Philip at Max kasama sina Leah ay kaagad ko silang nilapitan. Pansin ko ang pagkatulala nilang lahat habang nakatingin pa rin sa lugar na pinagkakaguluhan ng maraming tao.
“Ano’ng nangyari?” nagtataka kong tanong sa kanila, pero wala ni isa ang sumagot.
“Uy, ano’ng nangyayari sa inyo?” muli kong tanong.
“Patay na siya,” nakatulalang saad ni Mia. Nangunot naman ang noo ko sa sinabi ni Mia.
“Ano?”
“Patay na si Edmon.”